11.12.2016

mabuting ama si papa

tuwing mapag-uusapan si papa, palagi akong ngingiti. taas noo akong magsasabi, "wala ka sa tatay ko! yung tatay ko..." sasabihin ko kung gaano kabuti si papa. sobra-sobra ang binigay niya sa'min, higit pa siguro sa kaya niya. matalino siya at masipag, wala na yata akong kilalang mas hihigit pa sa kanyang pagiging maabilidad at maalam sa lahat ng bagay. siguro dahil lumaki siya sa hirap. kinailangan niyang umasa sa sariling sikap dahil walang ibang maaasahan. maaga kasi siya naulila at kinailangang tumayong tatay sa kanilang magkakapatid.

kuwento ni mama, gabi na kung umuwi si papa madalas. kung minsan ay amoy alak at babae pa. noong una'y palagi silang nag-aaway ni mama. kung minsan kasi'y nakikitaan ni mama ng tissue na may telephone number at pangalan ng babae sa wallet si papa. kung minsan ay amoy ng cologne o pulbo ng babae. hanggang sa napagod na si mama. siguro, nadala na rin sa paulit-ulit na paliwanag nila tito na ganyan talaga ang mga lalaki. ang mahalaga raw ay umuuwi at natutulog sa kanya. hindi ko makalimutan kung paano ipaliwanag nila tito kay mama sa tuwing napaparito sila sa bahay kapag may maliit na salu-salo.

kaya naman kami na lang ang inatupag ni mama. maliban sa'min, lumabas siya at nakipaghalubilo sa iba. gamit ang mga perang inaabot sa kanya ni papa paminsan, ginamit niya ito para makilala sa bayan. kaliwa't kanan ang kaway sa tuwing isasama niya ko sa palengke. samu't sari ang tawag sa kanya, parang mas marami pa sa uri ng isdang nakahilera sa duguang tiles. nagsisigawan ang mga ale, "madam, madam! kamusta suki! boss, may panindang bagong sapatos ang anak ko galing saudi, baka gusto mo!" panay papuri rin ang natatanggap ko, kamukha raw ako ni papa. magkahalo raw na papa at mama ang mukha ko kaya maganda ang lahi. singtalino ko raw si papa. magiging magaling daw ako 'pag laki.

bata pa noon si mimi, ang nakababata kong kapatid na babae. hindi ko man gaano naiintindihan kung paano ang negosyo noon, alam ko ang nangyayari. mabilis na lumalaki ang negosyo ni papa, at kasabay noon ang kasikatan ni mama. ng aming pamilya. kung dati'y palaging isda ang ulam namin, nakatitikim na kami ng baboy at baka nang mas madalas.

minsan, sinama ako ni papa sa kanyang trabaho. kasama sina tito noni at tito jess, nakahinto kami sa isang kalye. si papa ang may hawak ng manibela. si tito jess sa kanan niya habang katabi ko si tito noni. madalim, pero nakikita ko ang nginig ng kamay ng tito noni. ramdam ko rin yata ang kabog ng kanyang dibdib na tila humahalo pa sa dibdib nila tito jess at papa. kalmado ang kay papa, mabilis ang kay tito jess, at malakas ang kay tito noni. pero walang nagsasalita. sabi ni papa, "'nak, diyan ka lang, ah."

galit na galit si mama noon. nagsisisigaw siya habang tahimik na naka-upo si papa sa sala. pinagbabato ni mama ang mga plato't pinggan. halos maubos ang mga pinggan, pero hindi gumalaw si papa buong gabi. simula nang magwala si mama sa kusina hanggang sa tuluyang mapikon at pumasok ng kuwarto para ituloy ang pag-iyak, hindi gumalaw si papa. nakaupo lang siya sa sala, pero hindi rin natigil ang kanyang mata sa pagtulo.

"putangina mo, e! mahina ka masyado para sa negosyong 'to, e!" rinig na rinig naming magkapatid. tatlo lang sila nila tito jess at tito noni sa kabilang kuwarto, sa isip ko. sino kaya ang tinutukoy ni papa? hindi ko na maintindihan ang kasunod, pero agad silang tumahimik nang dumating si mama. kaya siguro may bell sa gate, doon ko lang din naisip.

ganoon katuso si papa. kung minsan, akala mo'y maliit na desisyon lang, pero malaki ang implikasyon. tuwing linggo, minsan ay hindi namin siya makausap, o makasabay man lang sa pagkain dahil may pila ng mga taong gustong magpasalamat. nagdadala sila ng mga prutas, mga regalo na kung minsan sinlaki ng appliance kasabay ng sobre na inaabot kay papa. kadalasan ay mga humihingi ng tulong--mga kamaganak nilang napatay, nagahasa, nakulong. marami sila, umaabot ng mahigit sa sampo sa isang araw, madalas ay linggo dahil alam nilang nasa bahay si papa.

sunud-sunod at malalakas na doorbell ang gumising kay papa. kinuha niya ang kanyang .45 at bumaba para silipin. "sir, si sir noni! nabaril!" sigaw ni kuya boy, katiwala ng pamilya.

hindi ko na muling nakita si tito jess sa bahay simula noon. tila kasabay ng pagkamatay ni tito noni at presensiya ni tito jess. o, pagkakaibigan. tinanong ko si papa minsan nang naabutan ko siya isang linggo, "pa, si tito jess?" tumingin siya sa'kin nang matagal. kitang kita ko sa kanyang mata na alam niya ang ibig kong sabihin. nakita ko na naalala niya sila, maging si tito noni. parang nakababatang kapatid na niya ito na lalaki.

"'nak, sasabihin ko 'to sa'yo kasi ayaw kong marinig mo ito sa iba. masama si papa," tumulo ang luha niya, "pero hindi ako ganoon kasama na kaya kong ipapatay ang tito mo." nanlamig ang batok ko. "hindi ako, kahit kailan. hindi ko magagawa iyon." sinundan niya bago pa ko makapagsalita. hindi ko pa lubos maintindihan noon, pero napaiyak ako noon. bihira kong makita si papa na umiiyak, pero higit na masakit ito. kitang kita ko sa kanyang mga mata, sa higpit ng kanyang pagkakahawak sa tungkod. sa kung paano siya tumingin sa langit na para bang naroon ang mga kaibigan.

palaging sinasabi sa'kin ni papa na huwag ko siyang tularan. palagi niyang sinasabi na hindi siya mabuti, kahit pa panay papuri ang naririnig namin sa mga kapitbahay, kahit pa alam namin sa puso namin na wala nang mas hihigit pang ama kaysa sa kanya. hindi sila perpekto nila mama, hindi sila tulad ng iba, at hindi kami tulad ng ibang pamilya, pero alam namin na pinilit ni papa na maging pinakamabuting ama sa kanyang makakaya. kung may nagawa man siyang mali, alam niya yon--pinagsisihan man niya o hindi, legal man o hindi. pero wala kaming pakialam doon. "basta. he is the bed dad." palagi ngang sabi ni mimi.

"kamukhang kamukha mo ang papa mo!" habang inaayos ni mama ang buhok ko. "but you are better!" tiyaka niya ko bibitawan para umakyat ng entablado. tatayo ako sa harap ng buong eskuwelahan at tatanggapin ang pinakamataas na award na maaaring matanggap ng isang kindergarden. grade six. high school. college.

hahanapin ko si mama sa grupo ng mga magulang na nakaupo sa nakapilang mga hollow blocks. nakangiti sila ni papa, walang tigil sa pagpalakpak. iyon siguro ang nami-miss ko talaga. si papa na nariyan palagi. si mama na palaging nais akong umaakyat ng entablado at walang sawang pumapalakpak. at, ako na naroon.

sinisi kay papa ang pagkamatay ni tito noni. inimbestigahan siya. inimbestigahan ang kanilang pagkakaibigan. kwinestiyon ang bilis ng pag-angat ng buhay namin. sabi ni papa, "leave my family out of this." naging madalang lalo ang pag-uwi ni papa. isa sa isang linggo, isa sa isang buwan, hanggang sa hindi ko na binibilang kung ilang buwan na kami hindi nabibisita ni papa. hindi na rin gaano lumalabas si mama. hindi na rin kasi tulad ng dati ang pakikitungo kay mama sa palengke. kung dati'y binibigyan pa kami ng libreng bangus at baboy, ngayo'y minsa'y hindi na rin siya pinagbebentahan. kinailangan nang magtrabaho ni mama. kinailangan ko nang huminto sa pag-aaral, maging si mimi.

sa lahat, palagay ko ay si mimi ang pinakakawawa sa lahat. high school pa lang siya noon. "magnanakaw tatay mo! mamamatay tao kayo! puta ka!" at kung anu-anong masasamang salita ang kanyang natanggap. minsan, umiiyak siyang uuwi at didiretso kay mama, "what have i done to deserve this?" pero walang maisagot si mama. yayakapin lang niya ito hanggang sa makatulog. parang hihigupin lang niya ang lahat ng sama ng loob ni mimi. at pagdating ng gabi, sa mga panahong akala niya'y tulog na ang lahat, maririnig ko ang mga hikbi ni mama mula sa kuwarto niya sa taas.

ayaw na pumasok ni mimi sa klase. ihahatid siya, pero bababa na siya sa gate pa lang. pagtitinginan siya ng mga estudyanteng papasok habang nagmamaneobra ang sasakyan na may pinturang nakasulat "pamilya magnanakaw!" at "mamamatay tao."

linggo at bakason, malamig ang umaga at kumpleto sa bahay. "tito noni, tito jess." magmamano ako. alas dies ng umaga at amoy alak na sila nila papa. umiinom sila sa veranda habang kagigising ko pa lang. palabiro si tito noni. sa tuwing lalapit ako at magmamano, bubuhatin niya ko't kikilitiin hanggang sa hindi na makahinga. susubukan kong tumakas, pero hihilahin niya ko. parang kunwaring patatakasin, pero hawak naman pala ang aking t-shirt mula sa likod. "nanliligaw ka na ba?" pabiro niyang tanong. "hinog na ba 'to?" at magtatawanan sila ni tito jess habang hinihipo ang aking birdie. hindi pa ko marunong magmura noon, pero kung oo, "putangina nitong titong 'to talaga kapag naka-inom."

makikita ko sa mukha ni papa ang pagkagulat sa tuwing gagawin ito ni tito. tatawagin niya ang atensiyon ni tito at magtatanong ng kung ano. palagi. ganoon si papa kay tito noni.

ipinadala kami ni mama sa ibang bansa para makapagsimulang muli ng buhay. gamit ang mga ipinundar ni papa at mga utang ni mama sa mga iilang amiga na natira, nakapagtapos kami sa ibang bansa. halos hindi na natubos ang bahay namin noon. doon nasubok ang tibay ni mama. doon nasubok ang pagmamahal ni mama sa'min.

sabi ni mimi, "nagnanakaw si papa, oo. nakapatay si papa, oo siguro. hindi siya mabuti, siguro. pero hindi ko kailanman sasabihin na wala siyang kwentang tao. hindi ko sasabihing wala siyang kwentang ama kasi hindi. he is the best dad there is!" at kahit hindi ako sangayon sa lahat ng ito, "oo nga. actually, he is the best dad there is at hindi ko ipagkakaila iyon. at dahil doon, hindi ko sasabihing hindi siya mabuti."


"'di lang ipagkaila, huwag natin ipagkait sa kanya yun. he tried to be the best he could be. he tried to be the best dad he knew how." sagot ni mimi. "kuya, sabi mo nga, hindi ba? wala nang mas hihigit pang ama kaysa sa kanya. hindi sila perpekto nila mama, hindi sila tulad ng iba, at hindi tayo tulad ng ibang pamilya. ganoon talaga, ganoon naman talaga ang buhay."

11.09.2016

nakabibinging ingay

pipikit ako at hihinga nang malalim dahil sa samu't saring mga boses na nagsisigawan. nagbabangayan sila, nagsisigawan mula sa iba't ibang sulok ng aking utak at puso. para kong uminom ng limang espresso na sunog na kape ang gamit. may nagtatambol nang malakas. may nagwawala't pinagbababato ang mga gamit. may mga patuloy lang sa pagtadyak sa mga pader ng aking dibdib.

imbes na katahimikan, kailangan kong dumilat at ituon ang wisyo sa ibang bagay. manatiling naghahanap at tumitingin, upang hindi makarinig at makaramdam.

sa mga gabing mag-isa, kailangan ko ng alkohol. kailangan kong malasing at magpanggap na isa itong ritwal para mapunta sa katahimikan. sa panaginip, hindi gaanong maingay.

ilalagay ako sa isang malawak na lugar. may mga bagay na nakukuha ko roon. karamihan, hindi ko hinihiling. kung minsan, 'di ko hiniling kailanman sa buhay ko. tila kalawakan naman kung pumalaot ang mga boses, salita, at ideya sa aking ibabaw. may patalbog-talbog, may hindi gumagalaw. kapag nag-umpisa na silang tumalbog, gumagawa sila ng malakas na ingay.

mahapdi kung paminsan. napapaluha ako sa aking pagtulog.



7.23.2016

huwag ka sanang madamay

huwag sana ikaw


huwag ka sanang madamay
huwag ka sanang masangkot
huwag ka sanang mapagbintangan
huwag ka sanang pagtulungan
              at panigurado, mapupunta ka sa limot.
malilimutang may karapatang tao ka
malilimutang hindi lahat ng parusa ay kamatayan
malilimutang pinagdaanan na natin 'to
              at wala namang halos pinagbago.


noon, maraming pinapatay dahil sumasalungat
lahat, nagagalit sa namumuno
siya raw ang nagpapapatay
siya ang dahilan kaya maraming pinapatay
utos man niya o hindi.


ngayon, maraming pinapatay dahil sumasalungat
wala pa gaanong nagagalit dahil maraming naniniwala sa namumuno
siya raw ang nagpapapatay
siya ang dahilan kaya maraming pinapatay
utos man niya o hindi.



mabilis mababawasan ng mga tulak at kristal sa bayan
tayo ay kasalukuyang nasa proseso para sa progreso
bilang hiningi naman natin ito.
nagkukumahog ang mga utak at tulak ng bayan.
sino ba ang mga pumapatay?
sino ang nagpapapatay?
bilang hiningi naman natin ito,
huwag na raw tayo magreklamo.


ito ay proseso para sa pagbabago, para sa progreso
malakas at maganda ang pasok ng bagong namumuno
lipunin ang mga tulak, linisin ang kalye
may mga mamamatay,
kasama iyon sa pagbabago.
kasama ito sa proseso.


may kailangan magsakripisyo.



huwag sana ikaw.
o magulang mo,
o kapatid mo,
o anak mo,
o lolo mo,
o apo mo,
o kaibigan mo,
o kapwa mong pilipino,
na tao.



lilipas ang lahat at matatapos din ang anim na taon
maaaring umikli ang oras ng paghihintay,
maaaring humaba tulad ng nababasa sa mga kasaysayan.
tiyaka na lang natin pakinggan
ang mga iyak at hinaing ng mga kamaganak ng mga utak, tulak, at gumagamit na pinaslang.


tiyaka na lang natin pakinggan
ang mga iyak at galit ng mga kamaganak ng mga nadamay na walang kamalay-malay.


tiyaka na lang natin basahin sa mga libro kapag kasaysayan na.


kasama naman ito sa proseso.
may mga mamamatay.
maraming mamamatay.


huwag ka sanang madamay.
o magulang mo,
o kapatid mo,
o anak mo,
o lolo mo,
o apo mo,
o kaibigan mo,
o kapwa mong pilipino,
na tao.



hindi mabilang ang mga butas para pasukan at labasan ng kalayaan.


si abbie na ginugulpi ng asawa na tulak
sa tuwing hindi siya papayag na gamitin ang bahay
para gumamit ang mga gumagamit.
              mag-asawa, natagpuang patay at nakabalot ng packaging tape.
              nakasabit sa leeg ng mag-asawa, "pusher kami, huwag tularan."


si brian na messenger ng papeles sa isang opisina sa makati
nang malaman niyang naka-ipit sa mga folder ang mga kristal
nagsabi siyang hindi na muling uulit sa boss.
              messenger ng droga, pinagbabaril sa makati.
              ayon sa kapatid, hindi naman naging gahaman ang kuya simula't sapul.


si charles na sumama sa frat para matanggap ng mga kabarkada
nang pasukin ng pulis ang bahay ng barkada,
nagtatakbo siya sa takot.
              isang grupo ng mga pusher at user sa malabon, bistado!
              apat na mga college students, patay nang maglaban.


si daryl na pulis maynila na hindi tumanggap ng lagay sa tulak
nang mabalitaan niya ang utos mula sa itaas
nagtago na siya upang makaiwas.
              pulis maynila, natagpuang patay ng lolo sa harap ng kanilang bahay.
              puno ng pasa at saksak ang katawan,
              pinakain ng panyo ang bibig at nakatali ang mga kamay.


si emma na nagtapos nitong nakaraang taon
mag-aapply sana ng trabaho sa makati para maagang makatulong sa magulang.
              babaeng nakasakay sa dyip sa makati na kamukha ng isang malaking drug-lord sa pasig,
              pinagbabaril. nadamay ang pitong taong gulang na kapatid
              na dapat ay ihahatid lang sa eskuwelahan.


si francis na nagbebenta ng sigarilyo't kendi sa divisoria
upang mapag-aral pa rin ang mga anak mag-isa.
              pulis, tinutukan ng baril at tinawag na pusher ang isang takatak boy sa divisoria,
              binaril nang magtatakbo. natagpuan ang isang plastic ng shabu sa kanyang bulsa.


si gab. isang malaking tulak sa cebu
nalaman ng pulis ang liblib na pinagtataguan ng isa sa pinakamalaking laboratoryo sa bisaya.
              dead on arrival ang may-ari ng laboratoryo sa cebu sa raid na isinagawa.
              labing lima ang patay kasama si gab, ang kanyang dalawang anak,
              at anim ang sugatan kasama na ang isang pulis na tinamaan sa binti sa engkwentro.
             
             

tiyaka na lang natin pakinggan
ang mga naglulupasay na mga magulang at kaanak.
tiyaka na lang natin bigyang katarungan
kapag narating na natin ang progreso.



tiwala lang.


ganoon talaga,
may mamamatay.


ito ang progresong gusto natin.

ito ang uri ng pagbabagong nais natin.






6.04.2016

zorro: introduction

"bye-bye, senorita! take care!" nabigla ang matandang babaeng naglalakad sa eskinita. muntik na niyang ihampas ang hawak na payong kung hindi niya agad nakita ang nakatakip na mukha na pinanggalingan ng boses. mabilis nabago ang kunot sa noo ng matanda, napangiti nang bahagya at nagpasalamat. tumalikod at tumuloy siya sa paglalakad. sinundan naman ng mga matang nakasilip sa dalawang butas ng panyong itim ang matanda hanggang sa kainin siya ng dilim.

naghintay siya sandali. nagmasidmasid. nakiramdam. nang wala nang nakikitang tao't naririnig na kaluskos at yabag, pumunta siya sa likod ng engineering building. tinahak niya ang mga lugar na hindi naaabot ng mga ilaw ng campus. panay tingin sa likod, sa kaliwa't kanan.


tinanggal niya ang itim na sumbrero't inilapag sa mesa. tahimik ang paligid. binuksan niya ang ilaw ng silid at humarap sa salamin na nakadikit sa pader. hinubad niya ang piring na nakatali palibot sa kanyang ulo. nang tingnan niya sa mata ang sariling imahe, namuo ang luha sa dulo nito.

naglakad siya patungo sa isang malaking mesa na puno ng iba't ibang gamit, mga kableng may iba't ibang kapal at kulay, mga libro, papel na puno ng mga sulat at drawing, at computer. umupo siya sa harap nito at nagsimulang magsulat.

              june 2, 2016 - 34 years, 1 month, 2 weeks, 1 day....

katabi ng keyboard ang isang makapal na notebook na halos dilaw na ang mga papel sa kalumaan. sulat-kamay sa labas, "manual and notes: how to use time-machine tt32 v2."