11.29.2015

talk pieces

gigising, maliligo, papasok sa trabaho. at ang unang titingnan natin, facebook. twitter. instagram. snapchat. viber. pinterest. blog. dahil kaya na natin. hindi tulad noong panahon na kailangan pa nating sumulat at mag-abang ng sagot na telegrama, tumawag sa telepono, o mag-text para malaman ang nangyayari sa ating mga kapitbahay. ngayon, nakahain na ang lahat. kumbaga, bukas na para sa lahat ang isang parte ng bahay ng bawat isa. nasa atin na lang iyon kung hanggang saan natin sila papapasukin.

totoong trabaho ang paglilinis ng bahay. maliban sa ngalay at pagod sa pagwawalis, paglalaba, at pagpanik-panaog, pinakamahirap sa’kin ang pamimili kung ano ang dapat maiwan at maitapon, mailabas at maitago, hindi lang para sa’kin kundi para sa kung sino mang bibita sa bahay.

iyong mga panahong hindi makapili kung aling larawan ba ang dapat kong isabit sa sala. kung anong picture frame ba ang dapat na naka-display sa sala at alin ang nasa kuwarto. o, lahat na lang ba dapat ay itago ko na lang sa kuwarto. kung aling tv ang dapat na nasa sala, anong klaseng magazine—kung fhm ba o bibili na lang ng mga lumang time magazine para mukhang edukado, anu-anong mga libro ang naka-display at alin ang mga nakatago sa ilalim ng kama, aling sertipiko ang dapat isabit at alin ang dapat ibukod dahil sertipiko para sa participation lamang. kumbaga sa furniture, kung red na table ito na gawa ng isang sikat na designer, conversation piece ito.

mga conversation pieces, o talk pieces ito na kailangan nating masigurado na ito lamang ang mga mapag-uusapan.

at alam natin ito. hindi ito lingid sa kaalaman ng bawat pilipino na ganito ang kultura ng pilipino pero patuloy pa rin tayo sa pabisita sa kanila at patuloy pa rin sa pagtatanong kung kailan kinunan ang larawang iyon na nakasabit sa sala, kung sino ang nasa picture frame at nasaan sila noon, kung magkano ang malaking tv na nasa sala at kung may ps4 ba, kung gaano karami ang koleksiyong time magazine at alin sa mga naka-display na mga libro ang may autograph ng manunulat, kung sino sa pamilya ang dahilan ng bawat sertipiko at nang mapag-usapan kung nasaan sila ngayon at ano ang kanilang ginagawa.

paulit-ulit. tulad ng patuloy nating pagpapalit ng furniture at pagpapakita ng mga kung anu-ano sa mga tao na sa katunayan, gusto lang nating mapag-usapan.

i-hide, o i-untag ang ayaw.

ganito na tayo, e.