7.09.2015

tumatanda na tayo

“magsasawa ka rin.”

“o kung hindi man ay uunahan ka ng katawan mo.” palaging paalala ng mga nakatatanda.  na walang nagtatagal sa ganitong pamumuhay, na oras lang ang hinihintay, na magsasawa rin ako. tulad nila, tulad nilang nanawa na.

wala pang liquor ban noon, barkada kaming pupunta sa 711 para mamili ng alak. tag-iisang bote ng gran matador, emperador, generoso, at lambanog. tig-dadalawang bote ng red horse bawat isa, iyong mucho. mani, kropek, chicharon, at kung anu-anong sitsirya. minsan nabasa namin sa isang magazine kung ano ang pulutan ng rockstar, ginaya namin. nagluto kami ng maraming pansit canton, pinaghalong original at mansi, tiyaka namin hinaluan ng corned beef. kapag hindi na kasya ang pera, century tuna at skyflakes naman. ganoon lang, buo na ang gabi. aabutan na lang kami ng gising ng aking nanay.

“gusto niyo ng sopas?” maririnig na lang namin ang boses ng aking nanay. halos hindi namin maidilat ang mga mata sa liwanag ng umaga. mamasa-masa ang paligid, maingay nanaman ang mga tricycle. tiyaka kami matutulog, alas otso ng umaga.

may isang magigising sa gutom, o sa uhaw. tiyaka kami isa-isang gigising para kumain ng tanghalian. alas dos, alas tres na ng hapon. nagkakape, nagsasabaw, nagkukuwentuhan sa hapag habang nilalabanan ang hangover.

may isang magsasabi, “hindi na ko iinom.” pero muli itong mauulit. ulit.

alak ang huhubad sa’yo sa katotohanan, magbibigay sa’yo ng lakas ng loob para ikuwento ang pinakatinatago mong sikreto, mga problema at hinanakit mo sa lahat ng bagay. alak rin ang magpapadama sa’yo ng tunay na kaligayahan. lalo na sa mga panandaliang mga tagumpay, alak ang mag-aangat sa’yo para lalo mong maramdaman. alak.

masasabi ko sigurong sa alak kami nag-umpisa. sa patikim-tikim hanggang sa sasamahan ka na lang niya sa gitna ng lungkot at ligaya. ang once a week, magiging thrice a week, magiging araw-araw, hindi dahil kailangan mo kundi dahil gusto mo, ang mapag-usapan ang kinikimkim sa buong maghapon, ang mailabas ang mga saloobing hindi mo inakalang may makaiintindi, ang magkaroon ng kausap para higit na maintindihan kung bakit ganito umiikot ang mundong ating ginagalawan. kaya sabay-sabay kayong lumalalim, nagkakakilanlan, nagkakaintindihan, nagkakamabutihan.

pero magsasawa ka rin. magsasawang gumising at magagahol dahil hindi ka nagising sa tunog ng alarm. magsasawang magtrabaho nang masakit ang ulo, at hindi matapos ang trabaho dahil higit na mahalaga sa’yo ang matanggal ang amats bukod sa ano pa man. ang dating umaabot ng siyam na bote ng red horse, kalahati na lang ngayon. ang dating paumagahan, alas dos na lang ngayon. at baka lalo pang dumalang. dahil ba tumatanda na talaga tayo? totoo ba? darating pala ‘to. totoo palang nangyayari ito.

mabuti na lang at nasulit natin bago pa man.