5.19.2015

project car


kailangan ko ng bago. kung ganito lang rin ang mundong ito, kailangan kong lumipat ng bagong mundo. kung ito ang pulitika na papalibot sa pagkahilig ko sa mga sasakyan, baka itigil ko na lang din ‘to.  sayang kasi. sayang ang oras, sayang ang pagod, sayang ang mga puhunang hindi naman ipagkakaloob sa’yo pagdating ng huli.

hindi mahalaga ang pagsisikat. hindi mahalaga kung alam ng lahat na gustung-gusto mo ang bawat bagay. walang pakialam ang ibang tao sa mga nais mo sa buhay. sa mundong ito kasi, karera palagi ang tingin ng mga tao sa lahat ng bagay—ang mauna, ang pinakamabilis, ang mauuna, ang higit na magiging mabilis. kaya nakasisira ng loob.

lalo na kapag ikaw ang hindi napili.

ang sarap tapakan ng selinyador. ang sarap paiyakin ng makina. lalo na siguro kung nalaman ko nung una pa lang na hindi ito trip-trip na karera lang. sabay-sabay tayo kung maghanap ng mga piyesa para sa beetle natin. sabi mo, sabay-sabay tayong aangat. sabi mo pa nga, kapag nakaipon na tayo, sabay-sabay tayong bumili ng susunod na project car natin. kumabaga, level up.

isang linggo habang naglilinis ako ng sasakyan, tumawag ka. sabi mo, hindi mo mapigilan yung saya mo. napapatalon ka sa kilig, dagdag mo pa nga. nakahanap ka na ng project car. nakahanap ka na ng bagong aayusan. tatlong hatchback na civic ang binebenta sa kanto niyo. sakto raw satin nila jordan. at bago pa mangyari ang lahat, nanaginip tayong muli. magkakasunod tayong aakyat ng baguio, magbabalikan sa sagada, titigil sa pangasinan para sa bangus. at kapag wala namang trabaho ay magkakape sa isang starbucks habang pinapanood ang tatlong magkakatabing mga honda civic na hatchback.

tiningnan natin agad yung mga sasakyan. pinakilala mo ko sa may-ari ng mga ito. itinuro mo sa’kin ang bawat isa. may kanya-kanyang ganda, pero sa isip ko, namili na ko. iyong itim na madilim din ang tint. stock engine, stock lahat maliban sa mga gulong. halos wala na ngang aayusin, pero naiguhit ko na sa isip ko kung ano ang magiging itsura niya. nagtatatalon ako sa isip ko sa saya, pero pinilit kong pigilan para hindi maudlot. 

tulad ng mga outing at lakad na hindi natutuloy kapag maaga pina-plano. tulad ng panghihinayang kapag masyadong maagang binilang ang mga sisiw. kaya palagi akong “do your best and expect the worst.” masakit mabigo. at mahirap bumalik kapag nadidiskaril.

nagagandahan kasi kami sa hatchback. hindi malaki, hindi maluwag, pero pogi. maliit lang, pero ma-porma. bibihira lang kasi ang meron nito rito, na stock pa lahat. palaging laspag na, gamit na gamit na sa karera. kagandahan pa nito, maraming pyesa. hindi mahirap makahanap basta’t nakabili ka na ng maganda’t sariwang body.

lumipas ang ilang araw at nagtext ka. nabenta na yung isa.

tapos tinext mo ko kinabukasan, nakiusap ka kung pwede kitang samahan para kunin yung bago mong sasakyan.


tapos nung tinest drive natin yung sasakyan, tinatanong mo ko kung pwede ko rin bang kunin ang bagong project car ni jordan. wala kasi siya sa maynila, pero gusto na niyang makuha.