4.07.2015

art of three theory

mabilis akong bumangon nang marinig ko ang malalakas na pagpalakpak ng mga kawali. alas sais pa lang pero halos patapos na sa pagluluto ng paninda si nanay. nangangamoy adobo ang buong bahay, lasang lasa ang lagkit ng taba’t linamnam ng matagal na pinakuluang laman ng baboy sa toyo’t suka. pero imbes na bumaba para gawing agahan ang paninda ng nanay sa karinderya tulad ng nakagawian, dumiretso siya sa kanyang la mesa na nakaharap lang sa bintana na natatanaw ang kalye.

parami nang parami ang mga tsinelas na nagdaraan, pinasasayad ang dulo ng tsinelas na gumagawa ng ingay. naghahalong tunog ng tsinelas at pagwawalis ni aling tenyang ng bakuran. sa tunog pa lang, hindi na kailangan pang tingnan kung gaano na karami ang tao. hindi na rin kailangan pang silipin kung anong oras na. ganito sa kalye namin araw-araw. maaga ang pasok ng mga estudyante sa st. joseph elementary school. maaga rin nagbubukas ang mga tindahan para sumabay sa mga nagsisipaso—mga tindahan ng school supplies, karinderiang tulad ng kay nanay, at mga borloloy tulad ng mga bracelet at kuwintas. tandang tanda ko pa noong elementarya pa ko. sampung taon na rin ang nakaraan nang grumaduate ako roon. simple pa ang buhay noon. uwian akong naglalakad, sa karinderia kumakain, palaging may malamig o coke, at kapag tinamad ay magtatago na lang sa’king kuwarto sa taas. maaga ako umuuwi noon hindi para mag-aral o matulog kundi para makapagbihis ng pambahay at makalabas uli para makapaglaro. hindi na sana ko lumaki.

binulsan niya ang laptop na nakapatong sa la mesa at binuksan ang facebook at twitter. tiningnan sandali ang mga kaganapan sa buhay ng mga kakilala na nakapaskil para sa lahat bago niya binura ang mga account. binuksan niya ang word at nag-umpisang magsulat, “my life is no longer an open book.”

hindi kasi sila nakakatulong. pakiramdam ko, hindi ako makaalagwa. hindi makakabig para makapagtuluy-tuloy. parang palaging nakakahon. kung makaabante man ng kaunti, hindi rin naman matuluy-tuloy. atras-abante, tapos babalik lang naman sa umpisa samantalang para bang napakadali ng buhay para sa ibang mga tao. kung saan-saan nakararating, panay masasarap ang kinakain, panay bili ng mga bago’t magagarang gamit, at panay post pa online. para bang pinamumukha pa na luma na ang aking cellphone. na hindi ako maka-relate kapag nagkakaproblema sila sa bagong labas na ios ng apple. na nasa europe sila, sa america, sa lugar na may snow, sa batanes, sa zambales, sa batangas, sa nuvali. na namundok sila, sumisid kasabay ng mga balyena, at kung anu-ano pa habang heto ko’t nag-aabang muli ng tatawag para ma-interview.

halos two years din akong nagpalipat-lipat ng trabaho. noong una, sabi ko, testing the waters lang muna. aalamin ko muna kung saan ako suwak, tiyaka ko magse-settle. bilang business administration ang natapos ko, madali akong nakapasok sa bangko. madali lang ang trabaho, hindi masyadong nakakangarag. mahaba lang nang bahagya ang trabaho sa normal na office hours. pero kapag sarado na naman ang bangko, halos nagtsi-tsikahan na lang kami. pero mabilis akong tinamad dahil walang pagbabago sa araw-araw. anim na buwan din akong nakatiis sa pagbibilang ng pera na hindi sa’kin. noong una’y ayaw pa kong pakawalan kaya nagdahilan akong mag-aasawa na’t kailangan kumita nang mas malaki. tiyaka nila ko tinigilan sa pangungulit. pero nalaman din nila sa facebook na wala akong girlfriend nang asarin ako ni dan, best friend ko, kay cheska, best friend naman ni jenny, ex ko.

lumipat ako sa isang pabrika ng damit bilang marketing assistant. sabi ko kasi sa interview ay meron akong pleasing personality at fluent in english. pinilit ko talagang maging mabait sa harap ng manager. panay ang ngiti ko. panay ang gamit ko ng “actually” at “of course, sir. i’m very versatile.” end shot, para akong assistant ng lahat mula sa pinakamataas na manager hanggang sa sekretarya. ako rin ang taga-tawag sa mga retailers ng mga damit para mag-alok ng mga bagong design at kulay ng t-shirt at blouse. halos limang oras lang ako sa bahay, anim hanggang pito kung susuwertehin sa masasakyang bus o makatatakas kapag pinalabas ako para mag-field work. kung minsan, sa pabrika na rin ako natutulog kapag tinatamad nang umuwi. pabor naman daw ito sa may-ari dahil para na rin daw akong nagbabantay tulad ng mga guwardiya. gusto ko sabihin minsan, “wala namang mananakaw dito! isang box ng damit ang kailangang nakawin para kumita ng 3,500. mahuhuli’t mahuhuli ang magnanakaw dito!” hindi ko alam kung bakit, pero tumagal ako ng mahigit isang taon. siguro’y dahil na rin sa anak ng may-ari ng pabrika na si anne.

“inspirasyon” kung tawagin ko siya. iyon ay sa isip ko lang, siyempre. ingglisera si anne. palibhasa’y mula sa mamahaling unibersidad sa taft. tuwing hapon ang kanyang klase kaya naman halos araw-araw ko siyang nakikita sa pabrika, tatambay sandali habang naghihintay ihatid ni mang canor, family driver nila. maaliwalas palagi ang itsura ni anne. maiksi palagi ang suot na short at madalas ay walang manggas. matangkad si anne, mas matangkad pa sa’kin. mahahaba at makinis ang kanyang mga binti, maihahalintulad sa mga model na mapapanood sa tv. mas maganda pa nga kung minsan, nakadadagdag kasi ng ganda kapag magaling mag-ingles. tignan mo si marian. kaya naman kahit mas maganda si marian ay mas sikat si anne curtis. parang si anne si anne,  parang anne curtis si anne. simple pero may dating, simple manamit pero may kaunting landi. maganda, hindi makapal sa make-up. at, palangiti. tuwing mahuhuli niya kong nakatitig sa kanya, ngingiti siya. doon ko mabubulong sa sarili ko ang salitang “inspirasyon.” sa wakas. oo, palagi iyon, walang palya.

napa-resign ako nang sabihan akong tamad ng may-ari ng pabrika. nakita niya kasi akong natutulog sa’king la mesa pagkabalik galing field work. oras daw ng trabaho ay natutulog ako. nakahahawa raw ang katamaran. napakaraming trabaho raw na dapat tapusin at natutulog lang daw ako. at ipinapakita ko pa raw sa ibang mga trabahante. makapal ang mukha. kaya hindi makakuha ng ibang trabaho. sa pangit ng kolehiyo nagtapos.

nagpintig ang tainga ko. hinampas ko nang malakas ang la mesa. nahati sa dalawa ang salamin nito. nasugat ang braso ko dahil sa talim ng salamin, pero imbes na indahin ay tiningnan ko nang matagal ang tatay ni anne. tiyaka ko sinabing, “mag-reresign na po ako.”

abot-abot ang sermon ni nanay sa’kin nang malaman niyang wala nanaman akong trabaho. masyado raw mataas ang ihi ko. ako naman daw ang may kasalanan. kung nagpaliwanag daw ako nang mahusay, may trabaho pa sana ako. baka naitaas pa raw sana ang suweldo ko kapag nalaman ng boss ko na napakarami ng aking ginagawa.

nagpatay ako ng facebook at twitter dahil gusto ko munang magpahinga—magpahinga ng katawan, literal, at magpahinga sa mga tsismis na kusang inihahain ng facebook at ipinamumuha sa’kin. ayaw ko rin malaman ng mga tao na nag-resign nanaman ako. ayaw ko rin malaman ng dati kong mga ka-trabaho na nanggaling ako sa pabrika. ayaw ko rin malaman ng mga kasamahan ko sa trabaho sa pabrika na wala akong ginagawa ngayon kundi magmukmok sa bahay at magtinda sa karinderya.
sa susunod kong trabaho, pangatlong trabaho ko na sa dalawang taon. hindi na ko maaaring magkamali sa pagpili. kailangan ko nang umasenso. maka-alagwa. kailangan ko nang umalis at magtuluy-tuloy. dire-diretso na.

naniniwala kasi ako sa art of three theory. ayon sa teoryang ito, literal na bawat bagay ay may tatlong aspeto palagi. kung minsan ay steps, characteristics, parts, examples, levels, forms, at kung anu-ano. ito ang isa sa pinaka-basic na teorya na mai-aapply sa tunay na buhay.

tatlo talaga, sa lahat ng aspeto. primary colors, crust-mantle-core, one-two-three, three blind mice, three stooges, beginning-middle-end, three musketeers, gomburza, stoplight-red-green-yellow, hanggang sa mag-college ako’t ma-realize kong hati rin sa elementary, high school, at college ang pag-aaral, hanggang sa makatapos at magtrabaho at ma-realize kong tatlong pagkain ang kailangan kong tustusan para mamuhay nang normal araw-araw, at pati sa suwerte at kamalasan ay tatlo rin ang magkakasama na magkakasunod kapag nangyari.

kaya kinakabahan ako sa susunod kong trabaho dahil magiging pangatlo ko na ito. sa mga susunod na mangyayari dahil dalawang taon na kong tapos ng kolehiyo’t panibagong simula nanaman ito pero wala pa kong nagagawa. tatlong taon na kaming hiwalay ni jenny pero heto pa rin ako’t nasa third stage ng grief ko. dapat moving on na rin. dapat anytime soon na. kaya kinakabahan ako.

dahil hindi matapos-tapos. hindi ako maka-alagwa. hindi ako makapiglas at makatakbo nang matulin na matulin. hindi ako makakawala nang makarating na sa susunod na chapter ng buhay ko. para bang nakakahon lang, puro hintay, puro abang, dahil kailangan tatlo para makumpleto, para mabuo, para matapos. para pwede na makalimutan, para pwede nang magsimula muli sa umpisa, bagong umpisa, bagong number one out of three, bagong letrang a ng abc, bagong first, bagong beginning ng beginning-middle-end.


at heto nanaman ako't hindi ko matatapos 'tong bago kong akda. panay kuwit, panay tuldok, panay duktong naman ng bagong pangungusap hanggang sa tamarin nang tapusin. maya't maya kong sinisilip ang cellphone na nasa tabi lang ng laptop kung saan nagsusulat. hindi man lang umiilaw, hindi man lang tumutunog. wala man lang nakaaalalang kaarawan ko rin pala ngayon maliban sa...

"'nak, bumaba ka na't lalamig ang agahan. magbantay ka muna rito sandali at bibili lang ako ng spaghetti't manok!"