4.01.2015

ang bilog na mundo ni baby

hindi man lang ako nakatikim ng gatas na totoo. panay pulbo, panay alaska. kung hindi alaska ay am. pero dahil madalas ay walang pera, kape ang madalas na gatas naming magkakapatid. noong dalawang taon pa lang ako, nagugulat ang lahat kapag nalalaman nila ang edad ko. mukha raw akong isang taon pa lang na nakapaglalakad. maliit, uhugin, at patpatin.

lumaki akong malinaw sa’kin na luma ang aking kuna. sa tuwing may bumibisita, palaging iyon ang bungad mo sa tuwing makikita nila ko. nakatayo ako sa aking kuna at sasabihin mong lahat ng aking mga ate’t kuya ay lumaki sa kunang iyon. kinse kaming magkakapatid, pero patuloy ka pa rin sa pag-ampon.

sa isang linggo, mga tatlong o apat na beses kung magpa-anak ka. kapag hindi gusto ng nanay ang anak, o gustong ipamigay, ikaw ang umaako. palagi mong sinasabi na grasya ang mga batang ito. kami. pero tuwing tanghali ay naghahati-hati kaming kinse sa limang balot ng mami. halos walang lasa ang sabaw, pero sige kami sa pagbanlaw ng kanin. palagi mong sinasabi na hindi kami magugutom basta lumaki kami sa kanin. ngayon ko lang aaminin, hindi na kami lumulunok mabusog lang at hindi maumay agad.

kung minsan kinse, kung minsan trese. kung minsan umaabot kami ng bente. nakadepende palagi sa uwi nila kuya rodney at kuya james, ang panganay mo sa una mong asawa na kahit alam mong adik sa shabu ay panay pa rin ang abot mo ng pera sa tuwing humihingi siya. dumarami kami hanggang benta kapag iniiwan ng mga bagong panganak na nanay ang mga sanggol. kapag ganoon, nauubusan ako ng gatas. ang pambili mo ng mami, napupunta sa alaska ng mga bago mong alaga.

noong grumaduate ako ng elementary, mag-isa akong naglakad papuntang school. basta’t may magpapatawas o magpapahilot na nakapila sa labas ng pinto ng bahay, hindi ka aalis. umabot ka sa pag-akyat ko ng entablado. pero nang hanapin kita sa lupon ng mga nanay, nakita kitang tulog at nakaupo sa likod. hindi mo nakita ang pag-abot sa’kin ng ‘best behaved” award. kinamayan ako ng principal. sabi niya, keep up the good work. pero doon mismo, tinamad na kong maging mabait.

palagi kang abala sa gawaing bahay. magsasaing ka ng dalawang kilo para sa agahan namin. maglilinis ka ng bahay pagkatapos mamalengke. sa tuwing may dumarating na magpapatawas o magpapahilot, tiyaka ka lang matitigil sa pagta-trabaho. palagi mong sinasabi na paglalaba na lang ang pahinga mo. panay sigaw mo rin kasi sa’min kahit na may matabig lang kami. ‘nay, kinse kasi kami sa loob ng bahay. hindi rin naman malaki ang bahay natin.

nang mag-first year high school ako, sinagot ko agad si rodney. siya ang team captain ng varsity sa school at crush ng bayan. third year siya noon. tuwing pupuntahan niya ko at magkahawak kamay kaming naglalakad, pinagtitinginan kami. doon ko lang naramdaman na maganda ako. pero nang magsumbong si ms. del rosario, pinagpapalo mo agad ako. tinawag mo kong malandi. nagmana ko sa nanay kong puta, sabi mo. napuno ng pasa at latay ang braso’t binti ko kaya hindi ako nakapasok ng isang linggo.

galit na galit ka. galit din ako, pero hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang galit mo. kaya nang subukan akong halikan ni rodney, hinayaan ko lang siya. sa tuwing kinikiliti ako ng mga barkada niya, gumaganti ako. minsang naiwan kami ni byron (best friend ni rodney) sa loob ng classroom, ipinahawak niya sa’kin ang ari niya. hindi ko inalis ang kamay ko. ginawa ko iyon kay rodney dahil mahal na mahal ko siya. sabi niya, isubo ko raw. kalahating taon pa lang ng first year, apat na sa kaibigan ni rodney ang naka-sex ko. nang kumalat ang tsismis at nalaman ni rodney, pinagsasampal niya ko sa harap ng buong school. kaya niyaya ko si byron na makipag-sex sa’kin. araw-araw, niyayaya ko siya hanggang sa nagtitinginan na lang kami at alam na namin.

nang mabalitaan mo iyon, second year na ko. buntis na ko tiyaka mo nalaman. ang sabi mo, manang mana ako sa nanay ko. pero ni minsan ay hindi mo sinabi kung sino o nasaan ang nanay ko. nagtaka na lang ako isang araw  nang tanungin ako ni mica, best friend ko bago ko sagutin si rodney, kung bakit hindi kami magkakamukha lahat. tiyaka ako napaisip nang sa kakaiyak ko sa kakakantiyaw ng mga kapitbahay natin na pokpok ka raw. malandi ka raw. haliparot ka raw. puta ka raw. napa-away ako noon, puno ng kalmot ang mukha’t leeg ko. pero habang ginagamot mo ang mga sugat ko, ang sabi mo lang ay hayaan lang sila. wala lang silang magawa, sabi mo.

noong una’y si byron ang umako ng lahat. pero nang lumaki-laki si baby, naging kamukha ni rodney. pero hindi na rin pumapasok noon si rodney. sabi mo naman, hayaan na’t magugulo pa ang buhay ni baby. ikaw na lang ang mag-aalaga sa kanya.

nang lumubha ang iyong likod at tuluyang hindi na makatayo, tiyaka lang natin nalaman na stage 4 na ang cancer mo. naiinis ako sa’yo kasi sabi mo babantayan mo si baby, pero hindi ko alam kung anong ginagawa mo noon at halos sabay kayong nawala. sinisisi kita!

sinisisi kita kasi masyado kang nagmamagaling. masyado mong binibida ang sarili mo kahit na wala ka nang maipigang lakas. hindi ka na halos natutulog. hindi ka na halos naniningil ng bayad sa mga tinatawas at hinihilot mo. kung maka-ampon ka ng bata, parang may extra kang kinikita pambili ng pandagdag sa mami pang-araw-araw. mahilig kang magtiwala, panay ka tuloy maloko. hindi mo naman talaga ko dapat aampunin, hindi ba? ipinangako lang sa’yo ng nanay ko na babalikan ako at ang pambayad sa paanak pero hindi na siya bumalik.

hindi mo naman ako mahal. hindi mo kami mahal! gusto mo lang ng grasya talaga. at kami ang indolhensiya mo para makapasok agad sa langit. palagi mong hinihingi na iahon ka sa hirap. na tumulong sa gawaing bahay at magtrabaho na ‘pag maaari. ginagawa mo kaming tanga. ‘nay, alam namin lahat.