1.05.2015

gawaing epiphany


hindi naman kailangang umakyat ng bundok, o tumawid ng dagat. matigas lang talaga kadalasan ang ulo ng mga tao. hindi magawa-gawang matauhan kahit paulit-ulit nang naiisahan. kailangan talaga ng malakas-lakas na sipa para magising, matauhan, makaramdam muli nang totoo.


parang isang kaugalian na napansin ko sa lahat. kapag hindi mapasunod ang isang bagay, hindi magalaw, mapihit, maituwid, makuha, maabot ay aalugin natin. paulit-ulit, paminsan-minsan, tila pinasasayaw sa sariling lugar, pinanginginig, humihingi ng espasyo para baka sakaling lumuwag at maigalaw, mapasunod sa nais. makontrol. pero kakailanganin ng malakas lakas na sipa, palo, tadyak, sampal, pukpok, kung minsa’y binabasa pa ng tubig o langis, dahil madalas ay hindi sapat ang panakanakang pagtapiktapik lang.


epiphany! iyan lagi ang tawag ko sa tuwing magigising na lang sa biglang pagkatulala tapos ay basta na lang sisipagin. gagawa ng bago, gagawa ng panibago. mag-aayos ng gamit, buhay, at kung anu-ano pang nagugulong nagulo na’t magugulong muli. na sa katotohanan naman ay lahat.


iyong pagyakap ng isang elemento sa atin. ano pa man siya, hindi naman mahalaga.


sisigaw ka hanggang maubos ang hangin sa baga. mapapangiti dahil maaliwalas ang kalangitan. mapapansin mo ang paglinga-linga ng mga ibon, ang pagkamasunurin ng mga damo, ang mapanuksong hangin ng disyembre.  maglalakad kang muli nang napakahaba hindi para maghatid ng papeles, magpayaman ng iba, magtrabaho para sa iba, magpakain ng iba, mag-alala para sa iba, humabol sa sakayan ng dyip, van, kolorum, bus, mrt, o dahil puno ang lahat ng taxi na dumaraan kundi dahil gusto mong makarating sa tuktok ng bundok.


maglalakad ka para sa sarili mo. dahil gusto mo. dahil naglakad ka para roon. at iyon lamang. hindi para sa ibang tao, hindi para sa kanilang kaligayahan at ikabubuti, at lalong hindi para sa kanilang ikasasarap ng buhay. para sa’yo.



ilagay mo ang sarili mo roon, at hahanapin niya ang daan. paakyat, papunta kung saan. alam na niya iyon. ilagay mo ang sarili mo sa paanan ng bundok at hayaan mong ang bundok ang gumawa ng paraan para ika’y matauhan. bibigyan ka niya ng malalamig na hangin, pero hindi siya hihinto sa paglaki at pagtaas. patuloy siyang tataas hanggan’t hindi mo sinasabing nasasakyan mo siya. patuloy siyang tataas dahil paningin lamang ang iyong basehan ng kanyang taas. damhin mo. damhin mo siya. gigisingin ka niya, hayaan mo siya.


magpagising ka. tatanggalan ka niya ng mga mahahalaga sa’yo, dahan-dahan. at huli na ‘pag iyong nalaman. masisiraan ka ng sapatos, mapapamura ka talaga. murahin mo ang bundok! murahin mo ang ginagawa niya sa’yo! murahin mo ang buhay! murahin mo na rin ang sarili mo dahil hindi ka nakapaghanda nang maayos. dahil pinipili mo pero hindi ka handa. pero gawan mo ng paraan dahil mahaba pa ang lakaran paakyat. kalokohan ang bumalik, huwag susuko. pinili mo naman iyan. maging handa ka, handa sa ano man. sa ano mang ibato sa’yo.


magpapagising tayo. para naman mabawas-bawasan, kung hindi man malinis. malaman natin kung ano ang mahalaga at kung ano-anu ang mga nasasayang na pagkakataon natin dahil paulit-ulit nating pinipili ang paulit-ulit, ang nakasanayan, ang nakaugalian. hindi ko sinasabing mali. walang sinumang maaaring makapagsabing mali ang isang bagay. sabi nga ng mga palaging umaakyat ng bundok, “charge it to experience.”


tatanggalan ka niya ng signal. mauubos ang baterya ng cellphone mo dahil tulad mo, patuloy siyang maghahanap ng signal. patuloy siyang maghahanap ng signal hangga’t hindi mo pinapatay.


mapapakapit ka sa tagiliran ng bundok sa pagod. mapapayuko. mapapaupo. mapapaluhod sa pagod. hinahabol ang hininga kinakapa ang lalagyan ng tubig nang makainom. ang pag-inom ay nakatatanggal ng pagod, ng sakit, ng hirap. para bang binabawasan niya itong lahat at dahan-dahang binibigyan ng lakas para tumayong muli at gawin ang hindi magawa-gawa.


iinom ka sa batis, mapapasigaw ka sa bawat matatarik na hakbang, hihingalin ka talaga. mapapahiga ka sa damuhan at baka makatulog pa pagkarating sa tuktok. mapapamura ka. wala namang kaso roon. maamoy mo ang mala-drogang katas ng mga damo’t halaman. kikilitiin ka ng kalat-kalat na tubig sa kanilang mga dahon. sasayawan ka ng malamig na hangin habang pababa ang araw. bumabagal ang oras sa pagpalit-palit ng anyo’t kulay ng araw. kinakain siya ng ulap, pauli-ulit.


magdidilim. lalo pang lalamig. mapupuno nang mapupuno ng mga bituin ang buong kalangitan. buwan lamang ang nagbibigay liwanag sa lahat. aninag. anino.


magigising ka na lang na mas mataas ka pa sa ulap. halos nahahawakan mo na sila kahit totoong nahahawakan mo na sila. mabagal na sisilip muli ang araw, nililiwanagan ang mga bundok at ulap, mga damo’t halaman. tila bagong pag-asa sa araw na iyon. tila sumisigaw ng pagbabago—maliliit at malalaking pagbabagong hindi na nakahanay sa kaugalian. tila sinasabing siya ang mahalaga, ito ang mahalaga, ito ang hindi mo nakikita araw-araw, ito ang pinalalampas mo, ito ang nakikita mo, pero hindi mo nakikita.


maluluha ka. gugustuhin mong lumuha, kahit kaunti. ano ba naman ang kaunting luha. matutukoy mo na ang mahalaga sa hindi, sa gusto mong manatili at gustong mawala. maaaring ang mga collection mo ng cd at dvd, ang paggawa mo ng kung ano habang bukas ang tv, ang paggamit ng microwave sa lahat ng pagkakataon, ang pag-te-text ng mga kuwento imbes na oras at lugar kung saan magkikita ang tine-text, ang pag-iinom, ang kain ng makakasalanang pagkain, ang pag-order ng paulit-ulit na pagkain sa paulit-ulit na restawran, ang pagbabasa, ang panonood ng porn, ang pagkakape tuwing gabi, ang officemate mo, pagpupuyat mo, o ang paghahanap ng tsismis at kapupulutan sa facebook. internet. anong website ka pupunta? ano’ng hinahanap mo?


lahat ng ito. mahalaga ba sila’t gusto mong itago pa o gusto mong gawin na lang ang matagal mo nang nais gawin?