12.31.2014

paghingi ng pasensiya at pagpapasalamat para sa taong 2014

tiyaka ko maiisip na hindi ko malilimutan ang pagkakataong ito. tatlong oras bago matapos ang taong 2014. mga apat na oras bago ako magsimulang maligo at mag-ayos para kitain ang matatalik kong mga kaibigan para sabay-sabay na panuorin ang pagsikat ng unang araw ng taon—tamaan ng init at liwanag ng araw ang aming mga mukha, raramhin ang paulit-ulit na katagang hindi naman talaga maikahon sa mga salita—heto na ang bagong simula. mabuhay ang bagong taon. sa’yo, at sa’yo rin.

buong puso kong binabasa muli sa aking kapatid ang sabi ng papa, “through humility, soul searching, and prayerful contemplation we have gained a new understanding of certain dogmas.” nakanguso na parang nakangiti habang nakikinig siya sa salita ng santo papa.

gusto kong mag-iwan ng mensahe sa bawat isa, pero  hindi ko sana nais makisingit sa kanya-kanyang pagdiriwang. patapos na ang taon, ayaw ko na ring makipag-agawan ng atensiyon. nais ko lang maiparating ang ilang mensahe na ‘di ko maisipan ng tamang pagkakataon sabihin. para riyan, pasensiya. tiyaka ko muling napagisipan na sa isang relasyon, mutual naman ito sa madalas na pagkakataon, alam natin ang ating nararamdaman. alam natin kung sino ang mahalaga, at kung sino ang nagpapahalaga sa’tin. kaya kung alam mong ikaw ang tinutukoy ko, paniwalaan mo dahil ikaw iyon.

rinig na rinig ko ang mga sigawan sa mga comment sa ilalim ng artikulo sa isang website. best pope ever! go pope francis! the best talaga si pope!  habang hinahabol ko ang lumilipad na lamok sa harap ng laptop. at nang mahagip ko siya, agad siyang bumagsak sa keyboard, sa pagitan ng letrang g at h. hindi gumagalaw. tila wala nang buhay. dinampot ko siya’t inilaglag sa basurahan, imbes na pitikin na lang palipad sa kung saan. we have gained a new understanding of certain dogmas – at hayaan siyang muli. nang baka sakaling mapatawad niya rin ako dahil pinilit kong tapusin ang kanyang buhay, o ang kanyang abilidad para makalipad muli, dahil naging sagabal siya sa pababasa ko ng artikulo sa laptop.

iyon talaga ang nais kong sabihin taun-taon, pasensiya na sa mga nagawan ko ng masama. marami kayo, sila, alam ko, dahil hindi ako perpekto, hindi rin ako ang pinakamaayos sa lahat ng nabuhay na tao, hindi ko rin alibi ang pagiging ganito’t madalas makapanakit pero pagkatapos ng araw, o siguro’y umaabot ng taon, hindi namang maaalis na mahal ko kayo, kita. alam niyo ‘yan, at totoo iyon.

minsan din namang naging matalik tayong magkaibigan. tabi sa hapunan, magka-cheers sa alakan, nagkakaiyakan at kung anu-ano pa nga. hindi ko alam kung paano o bakit hindi na tayo nakakapag-usap, hindi ko man nasasabi ‘to, hindi ko naman kasi alam kung paano, pero miss na kita, kayo. kung magbiruan tayo rati, para tayong magkapatid na ultimo allergy at diri ng bawat isa, kabisado natin. iniisip ko nga madalas kung ano’ng nangyari, hindi ako naging siurado kahit kailan. pero malamang, kasalanan ko, kaya pasenisya na muli. sana maulit muli iyong mga iyon. nakakatuwa kasi kapag naaalala ko, ayaw ko namang manatili na lang alaala iyon. mamatay nang hindi naipapaalalang muli, o madagdagan, mas mabuti.

diyos nga nagpapatawad. simbahan nga umaamin ng pagkakamali. tayo pa kaya?

“the church no longer believes in a literal hell where people suffer.” binasa ko ang kasunod na litanya ng papa. “this doctrine is incompatible with the infinite love of god. god is not a judge but a friend and a lover of humanity. god seeks not to condemn but only to embrace.”

matagal na naman nating alam ito. matagal na nating alam ang ibigsabihin ng tunay at wagas na pagmamahal. matagal na itong napagtanto ng mga nakaraang tao, naisulat, nailimbag, naibigkas, naipamahagi, at paulit-ulit nang naituro pero ngayon lang naamin. na sa dinamirami ng nailagay na salita sa bibig ng diyos ng mga tao rito sa lupa, walang katotohanan itong lahat dahil purong pagmamahal lamang ang nais ng itaas. dahil ang puro at tunay na pagmamahal, marapat naman lamang na hindi nahahadlangan kundi mapuno at patuloy na agos ng pagmamahal at pagmamahal lamang.

kahit papaano’y nakakikita ng liwanag na sumisilip sa pinto ng kinabukasan.

iniisip kong magmadali, tapusin ang nais kong sabihin,  dahil ilang oras na lang at bagong taon na. sa gitna ng pagmumuni-muni, mga guro ko ang mga unang pumasok sa isip ko. mula sa mga unang naging adviser ko sa kinder, sa mga nagbigay buhay ng grade school at high school life ko—mga paborito kong mga guro at tutor sa eskuwelahan at sa higit sa lahat sa buhay, paano ko ba kayo pasasalamatan. ang laki ng naitulong mo sa’kin. kung hindi sa’yo, kung hindi sa paghihigpit at pananakit, hindi ako ang ako ngayon. sa lahat ng payo’t paalala, kahit kailan ay hindi ako nakalimot. hindi man verbatim, pero kapag ako sumikat at may sasabihing quote, mababasa mo na lang na sa’yo galing iyon. sa lahat ng pangangamusta, hindi talaga ako nakakalimot. siguro’y nagkataon lang na nasa matinding labanan ako, kumbaga, nasa giyera ako, isang malaking giyerang matagal mong pinaghandaan para sa’kin. gusto ko ring mangamusta, gusto ko ring marinig ang mga kuwento mo, kung paano na ang mga estudyante mo ngayon, at kung nasaan na ang mga kaklase ko rati, pero natatakot akong kamustahin mo ko pabalik at malungkot ka pa dahil hindi ako naging masyadong matuwid tulad ng nais mo kong maging. pero promise, ma’am, teacher, sir, see you soon.


nasaan na ba ang mga kaklase ko, ma’am? sir, nami-miss ko na sila. hindi ko man alam kung ano ang maaaring maging topic kapag muling magkita-kita kami, o baka hindi na rin nila ko maalala dahil mahigit sampong taong na rin kasi, gusto ko silang makita. makausap. tulad ng mga naging kaklase ko nitong college at mga katrabaho ko.  gusto ko rin silang makasama sa inuman, o makapag-kape kung masyadong kawala at alak at masyadong late ang alas onseng inuman.

kung dati nga’y halos hindi tayo maipaghiwalay tuwing recess, kailanga’y nasa isang hapag kapag tanghalian, kapag nagpilian ng mga ka-gropo ay hindi tayo nabubuwag, paano pa ngayon. hindi magiging mahirap na magkasama tayong muli. subukan kaya nating maglarong muli ng basketball, sumama sa liga at makipag-angasan sa ibang team. uminom tayo ng gin-polemo sa court habang naglalaro ng horse. o hindi kaya’y tumambay sa bahay niyo at patakas na manigarilyo pagkatapos magluro ng spaghetti.

naaalala mo pa ba iyong panahong sinabi natin sa isa’t isang walang iwanan? best friends forever? lumipat man ng school? magkaroon man tayo ng seryosong girlfriend? mag-uusap pa rin tayo pagka-graduate, malipat man ng section, o school.

nasaan ka?

kasabay ng college ang relihiyon. ang dami kasing nating tanong, lalo na ko. ang dami kong tanong na hindi masagot ng relihiyon bilang hindi ako tumatanggap ng sagot na laging paturo sa diyos—na diyos ang nakakaalam niya, isa-diyos na lang natin, at pagkatiwalaan natin siya. imbes na tumabay at dumami ang mga katangungan. ganoon naman yata sa lahat ng bagay lalo na’t may misteryo. sa bawat sagot ng mga eksperto’t nakapag-aral, lalong dumarami ang mga katanungan, lalong dumarami ang mga natitigil sa pagtiwala, o pagsamba.

heto na lang nang umpisahan niya ang talata ng “all religions are true, because they are true in the hearts of all those who believe in them.” mapapahanga ka talaga. because it takes great balls to say those words, to admit na maraming relihiyon at kalokohang mapag-isa ito, maamin na hindi kailangan pag-isahin dahil iisa lang naman tayo, at iisa lang naman ang ating kinakausap, ang itaas, ang higit na mataas sa atin.

ito ang laging pinagdedebatehan sa kolehiyo. hindi sa eskuwelahan kundi sa loob ng nahanap kong barkada sa loob ng unibersidad. gago, pero may tono. relihiyon ang palaging usapan, maliban sa puso at tawag nito, dahil ito ang palaging may issue, may tanong, may butas. samu’t sari ang sagot, madalas at magkakasalungat pa pero hindi naman kahit minsan nagiging malaking bagay dahil matatapos ito nang walang nananalo. para bang nagpatalinuhan lang para sa pagpapadaloy ng dugo sa buong katawan. mapasigaw ka lang, mapatili, mapaturo sa la mesa dahil palagay mo ay tama ang iyong paniniwala.

hindi ko pa nababasa ang buong artikulo, pero nararamdaman kong uusigin nanaman ang bagong papa. bibigyan ng pagkakataong maka-atras sa malaking mensaheng ipinamalita sa buong mundo. something about the “catholicism being a modern and reasonable religion as it had undergone evolutionary changes.” heto na ang crab mentality. o, siguro, isang malaking cover up para sa santo papa kapag bigla siyang nagising at mapagtanto na mali lahat ang kanyang sinabi. sino ba naman ang hindi kayang magpatawad ng santo papa sa bagong taon?

pero kasabay ng paghingi ko ng pasensiya ang malaking pasasalamat sa bawat isa sa inyo. nilalahat ko kayo dahil hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo nang harapan. mas gugustuhin kong maupo na lang tayo at magkuwentuhan ng masasayang alaala at bagong kaganapan kesa umungkat ng masasalimuot na nakaraan at mag-iyakan. alam mo naman kung sino ka. alam naman natin ang pinagsamahan natin.

salamat kasi iniintindi mo ko. hindi iyon madali, alam ko. salamat kasi hindi mo ko iniwan. salamat kasi binuksan mo ang pinto ng pagkakataon para kilalanin ako, para makilala kita, magkasama tayo, magkaaway tayo, magkabati, sabay mangarap sa alapaap kahit na alam natin sa sarili nating malabo namang mangyaring lahat tayo’y maging mayaman at magregaluhan ng mga kotse’t bahay at lupa. salamat kasi naririto lang tayo lagi, lumalangoy sa malalim at malawag na mundo ng pagkakaibigan at pagsasama. salamat sa lahat, hindi man tayo gaanong nakapagsama ngayong taon, nakapag-usap nang masinsinan, at makahingi ng tawad nang personal sa lahat ng ating nagawang mali—sinadya man o hindi.

salamat kasi kasama pa natin ang isa’t isa sa ating buhay.

kung may nami-miss ako nang sobra, ikaw iyon. kayo. iyong minsang nagyakapan tayo at nais kong lumuha, pero pagkakawala ng yakap ay magpapakawala ako ng isang napakawalang kuwentang biro.


salamat, at miss na kita. pasensiya ka na. next year uli. 

ps huwag sana tayong maging dati.