12.01.2014

hindi na siya sa’kin.

maluwag ang kalsada at kakaunti ang tao sa mrt. mga isa’t kalahating oras pa bago magsimulang bumaba ang araw. masarap dapat bumyahe nito pauwi, pero hindi ko magawang makita ang ganda ng linggong ‘to.

ang linggo ay araw ng pamilya. araw para magsimba. isang araw na maluwag para magbigay respeto at kalinga sa ating mga mahal sa buhay. hanggang sa ito na rin ang araw na pinakahihintay ng mga alagang aso’t pusa. halos magkakaugali na tuloy ang mga tao’t hayop, weekend na lang ang hinihintay. ang goal sa buhay. ang oras para makapagpahinga. isang batang mag-asawa ang nakasabay ko habang hatak ang maliit na pug na naglalakad sa maliit na parke dito sa makati.

hindi ako pamilyar sa lugar na ito. bihira ko kasing dayuhin dahil masyadong masikip. katunayan, pumayag lang naman akong makipagkita rito dahil linggo. sa laguna pa siya manggagaling, kaya naman pumayag na ko.

umupo ako sa isang bangko nang makakita ng bakante. hindi pa pagod, pero naisip kong mag-ubos muna ng oras tulad ng ibang mga nandito na nagkukuwentuhan habang naghihintay matapos maglaro ang mga bata, mga nagkakape sa coffeeshop nang nakatsinelas at shorts, at mga naglilibot ng kani-kanilang mga alaga.

ako lang yata ang walang kasama rito.

maaga ako nagising para rito. kahit hindi ko alam ang pakiramdam, o dapat maramdaman. sa isang banda, alam ko namang ito ang kahihinatnan nito. alam ng isip ko. siguro, umaasa lang din talaga ko na may ibang mabago. para bang tadhana. para bang isang maliit na posibilidad na baka hindi matuloy, o mabago nang kaunti. pero hindi yata napaghandaang mabuti ng puso ko.

ito yung sinasabi nilang sepax. may hashtag pa nga. separation anxiety. totoo pala iyon. mula sa malaki hanggang sa pinakamaliit na bagay. meron. ramdam, e.

sabi sa’kin ng mama ko rati, “palaging may magbabago.” pinatotoo ni teacher grace, grade one adviser ko, nang sabihin niyang “change will always happen.” eleventh honor ako noong first quarter, natapos ang taon na halos hindi umabot ng 75 ang final grade ko. isa’t kalahating letra ang ibinawas g conduct ko. nawalan ako ng gana sa pag-aaral.

pinatotoo sa chemistry, sa philosophy 101, sa trabaho. sa buhay. na “the only constant in life is change.”

buong buhay ko, ipinamukha ko sa mundo. nang makita ng mga tao. hindi ako takot sa pagbabago. hindi ako takot umalis. magpalipat-lipat na parang bubuyog. dahil sabi ko, naniniwala ako sa change. pero sa bawat lipat, natutulala ako.

parang ganito. walang magawa. mawawala na lang sa kawalan dahil nawala ang isang parte ng buhay ko. ginusto ko man o hindi. pinili ko kasi.

pipiliting hindi umiyak dahil hindi naman talaga nakapapawi ng sakit ang pagpapatulo ng luha. magmumukha ka lang mahina. lagi kong nasa isip iyon. senyales ng kahinaan ang luha kaya naman kung patutuluin ko ito, hindi maaaring dito sa parke. hindi sa harap ng mga taong ito na nagdiriwang ng maaliwalas na araw na ito.

sa isang banda, nakapipikon din kasing makakita ng mga masasaya kapag malungkot ka. tulad din siguro ng pagkapikon ng mga masasaya kapag may isang wala sa mood, malungkot o may hinanakit.

tumayo ako at naglakad papuntang sakayan. imbes na umakyat ng mrt at sumakay ng tren, naghintay ako ng bus. maluwag man, masyadong mabilis ang tren. hindi ko gustong makauwi agad, hindi ako maaaring makita na ganito. huminto ang bus pa-malanday. tila nasa isang pelikula at tadhana itong bus na huminto sa aking harapan, mabagal akong pumasok.

anim katao lamang ang nakaupo.

umupo ako sa pangatlong linya, nakataas ang aking mga paa dahil sa reserbang gulong. isa’t kalahating oras akong nakadungaw sa labas.

hindi na siya sa’kin.