11.05.2014

stages ng buhay at kung anu-ano pang kuru-kuro

ngayon ko lang na-realize nang totoo na binubuo nga ang buhay ng mga stages. na kailangan ma-master ang isang stage bago makarating sa susunod. na tulad ng isang laro na kailangan mong makakuha ng ilang bilang na stars para makapasok sa susunod na round. na tulad lang ng kung paano tayo pinakalaki na kailangang magkaroon din ng sapat na bilang ng stars sa kamay para mapabilang sa mga magagaling na estudyante. kumbaga kasiguraduhan na papalya ka sa level two kung hindi mo matatapos ang level one nang maayos at may sapat na kaalaman.

pamilyaridad, kumbaga. pinalaki ako ni mama gamit ang ganitong sistema. ipinasok niya ko ng kindergarten para makapag-umpisa sa eskuwelahan, pero hindi makakapasok kung hindi mauubos ang nilutong agahan. ganoon ang sistema. pangarap noon ang grade one. ang makapagsuot ng puting polo at blue na short. dahil palaging cute lang ang tingin sa mga maliliit na taong checkered ang uniporme. kapag nakaputing polo na, pogi na.

halos hindi ako nakatulog sa excitement—excited sa pagsuot ng puting uniform, magamit ang bagong gel na pinabili pa kay mama, mas malaki at gwapong bag, at makintab na black shoes. unang una ko talagang hinanap ang mga kaklase nang pumasok sa school. parang mga batang nasa commercial ng tide sa kintab at tigas ng mga polo’t kuwelyo namin.

nang matapos ang flag ceremony at papasukin kami sa aming mga klase, doon ko nakita ang panimula ng panibagong responsibilidad. panibagong mundo, panibagong hakdang anim na taong kailangan bunuit para maging isang lider, para tingalain, idolohin, tularan at pag-aralan. kindergarten lang ang nasa ground floor. ang mga grade one hanggang grade six ay nasa second floor na pataas. anim na taon, araw-araw, kailangang pumanik panaog sa mga hagdang ito para makapagtapos.

bawat baitang, bawat taon, nag-iiba ang mundo. nag-iiba ang silid, nag-iiba ang mga subjects at teacher. dito ka tuturuan na sa buhay ay may aalis at mananatili, minsan ka lang magiging paborito ng isang teacher, ang mga kaibigang nangibambansa na kasama ang pamilya, huminto sa pag-aaral, nag-repeat, nalipat sa section at hindi na nakausap kahit kailan, lumipat ng school, at mga iilang na-accelerate na lang sa ibang level.

magtataka ka dahil kahit na napupuno na ng mga pimple ang kanilang mga mukha, bata ka pa rin sa paningin nila. hahawak-hawakan nila ang buhok mo na may gel. pipisil-pisilin ka nila na para bang hindi rin sila mataba. mayayabang talaga ang mga grade six. malakas mang-power trip at hindi na nakikisalamuha. para bang mga grade one to four ang mga kakampi at five at six lang ang nagkakaintindihan sa kanilang mga sariling mundo. meron silang sariling away na parang away ng mga magkasunod na magkakapatid. para bang may inggitan na hindi masabi dahil isang taon lamang ang lamang ng isa.

grade six ako nang una kong mapa-away. dahil niri-rispeto dapat ang mga grade 6, kahit pa grade 5 ka na. walang puwedeng sumagot sa mga grade six. pero hindi rin puwedeng madalas mapa-away dahil baka hindi grumaduate, laging paalala ng mga teacher.

mga grade six lang ang puwedeng makipag-usap sa mga grade six. para bang lahat ng mas mababa sa grade six ay mas mababang mga nilalang. kahit pa nasa ibang eskuwelahan, mas mababang uri ng nilalang kahit sa inter-school basketball pa nagkakilala. maliban na lang kung babae.

uso ang magka-girlfriend. pataasan ng ihi lalo na’t kapag cheerleader o kaya’y taga-ibang school. labanan na rin ng pakinisan ng mukha bilang uso ang mga pimples at basag na boses ng mga nagbibinata. braces. naka-make-up at nail polish na mga babae. mga boobs na nagsisilitaw. isa ito sa pinakamasayang stage ng buhay. elementary stage, level six.

lahat iyan at stages. at dahil alam mo na, kabado ka nang papasok ng high school. hindi tulad ng dati na excited na grade one, at lalong hindi tulad ng grade six na taas noo. walang boses ang first year college. nahihiya sa bagong uniporme, kumbaga bagong salta sa mas masalimuot na mundo. apat na taon, pero maraming bali-balita na maraming bumagsak sa sophomores, juniors daw ang pinakamasaya, at bulung-bulungan na mga seniors na dating seniors.  ang mga ilang bati na, “uy, high school ka na.” pero mas maraming mga tips na umiwas sa teacher na ito, sumisip sa teacher na ito, favoritism ito, at madaling mag-cheating doon.

heto nanaman ang hagdan ng buhay. nasa baba ka nanaman uli, pero nasa taas. pero nasa baba. ganoon ang pakiramdam. ganoon ang laging nasa isip, dahil ganoon talaga. at tulad ng elementary days, hati rin ang high school. magkakasama ang freshman at sophomores, juniors at seniors naman. parang may mas maliit na sa stage sa loob ng malaking stage. higit na mas komplikado sa komplikadong high school world.

kalahati halos ng klase, napalitan ng mga bagong mukha. parang may re-shuffling ng mga estudyante mula sa iba’t ibang eskuwelahan, ang iba, ngayon lang narinig ang pangalan ng eskuwelahan. may ilang naiwan sa grade six, at may ilang nag-migrate nanaman. dito muling nalalagas ang mga estudyante, parang pundasyon daw kasi ang high school. mahirap lumipat ng school kapag grade six na, ganoon din kapag nasa loob ka ng apat na levels ng high school. alanganin dahil sa algebra, trigonometry, at chemistry. pundasyon daw iyon, pero college ko na nalaman na hindi naman talaga kailangan sa buhay iyon.

masalimuot ang high school, iyong pakiramdam na hindi mo masabi kung masaya o nakakagago. pinaghalu-halong stress at kabulastugan, peer pressure, babae, bisyo, at pag-aaral. para na rin kasi itong intro ng college. iyon ang sabi ng mga college na frat members na umaaligid aligid sa mga nakakababatang kapatid nilang micro frat.

sila iyong mga college pero alam mong hindi nag-aaral dahil laging nasa isang tambayan. kasama nila ang mga bad boys ng fourth year, iilang third year na nais maging isa sa mga bad boys sa susunod na taon. lahat iyon habang ang mga nagbibinatang first year ay hirap na hirap na makisabay sa mga nag-aangas sa kanila na mga second year. parang maliit na pulitika na nakakatawa palang tingnan kapag college ka na.

dito raw nag-uumpisa ang tunay na buhay. balik first year feels. maliit ka sa loob ng unibersidad mo, pero malaki ka kapag napapadaan ka sa high school mo. kaya madalas mong kinikita ang mga high school friends mo na nasa ibang buildings. madalas pa ang reunion sa mga first weeks. madalas ding mapapatambay a high school dahil dito, sikat pa. pinag-uusapan pa, may nakaka-usap pa, kumabaga, celebrity pa.

pero sa malaking unibersidad na ‘to, isa kang nobody. wala. kahit ang iyong katabi, hindi ka kilala. kilala ka lang sa pangalan pero hanggang doon pa lang iyon.

sa pagkakataong hindi lang panibagong hagdan ang inilagay sa iyong harapan, mas malawak na rin ito. maraming kasabay sa pag-akyat ng hagdan, hindi kailangang isang pila. may mambabalya dahil mas mahalaga raw ang oras nila, may mga matataon ka na kaharap na parang sa mall naglalakad. lahat ay may sariling mundo. dito, iilan lang ang mga kakampi.

higit na komplikadong mundo ang inilapag sa iyong harapan. at kahit gaano ka pa hinanda ng mga high school teachers ar advisers mo, hindi ka pa rin handa. culture shock, usong uso kapag first year. bagong mundo, bagong salta para sa mga professors na nais magpakilala, bagong oportunidad para makuha ang respeto. 

iba’t iba ang mga katabi sa bawat klase. magkakaibang subjects sa bawat tao. iba’t ibang mga kasama sa bawat organizations sa sasalihan. higit na maliliit na levels sa loob ng levels na nasa loob ng isang stage, basta, ganoon. dito rarami ang kakilala’t kaibigan mo, pero more on kakilala. ang mga magiging kaibigan mo rito, iilan lang, pero sila ang magtatagal. mas marami ang mga nawala. hindi mo na halos makakausap ang mga high school friends. dito ka matututong mag-let go, tanggapin na sa buhay natin ay hindi ito maiiwasan. marami ang mananatili, pero halos lahat ay aalis. gustuhin man nila o hindi.

maaaring ikaw ang umalis. o mapunta sa ibang stage. maaaring ikaw ang mag-migrate at magkaroon ng ibang stage ng buhay, huminto sa pag-aaral at magtrabaho, hindi natin masabi.

kahit paano pa pagbali-baliktarin, ang pagtapos sa kolehiyo ay isa sa pinakamasaya, ngunit pinakamahirap sa stage. ito ay parang test, tinuturuan ka, pero more like a test—test kung paano mag-susurvive. dahil hindi naman talaga magagamit lahat ng tinuturo sa kolehiyo. siguro, kalahati ng ituturo sa college ay mauuwisa limot. kapag naipasa ang exam, hindi na ito maaalalang muli. pero experience at diskarte sa buhay ang ituturo ng kolehiyo sa’yo.  bawat professor ay nagbibigay ng test, para bang sinusubukan ka ng anim o walong mga propesor kung tatagal ka. ikaw na ang bahala kung paano mo didiskartehan—maraming mag-aaral, may ilang mangongopya, may nakakukuha ng leakage, may mga sipsip sa mga propesor, at may ilang susubuking ma-exempt.

tuwid na daan, mandaraya, o gagawa ng shortcut. ganito ang buhay. hindi maaalis ang pulitika, samu’t sari ang tao at kung paano mabuhay. ito ang nagbibigay pundasyon sa atin, kumabaga intro sa masalimuot na buhay—buhay sa labas ng mga institusyon, sa ilalim ng gobyerno ng basa, mas magulo, mas malawak, pero alam mong may higit na malawak.

kaya hindi ka gagaling sa mundong ito. hindi ka magiging successful dahil hindi ito magiging sapat sa’yo, palagi. because there’s so many worlds to conquer. stages after stages na isa isang hahakbangan para dahan-dahang umangat. sa totong buhay, may aangat, may makasasabay ka. meron ding mas mababagal, may mas mababagal pa sa mga mababagal, pero hindi natin maaaring kalimutang may mas matutulin, at higit na matutulin sa kanila. pero hindi ito karera dahil ang isang natutunan ko noong grade one ako, kapag maliit pa ang mga biyas at marurupok pa ito, huwag munang magtangkang humakbang ng dalawang baitang.


11.01.2014

panggagaya ng mga pilipino at kung anu-ano pa tulad ng halloween

hindi ko na maalala kung kailan nagsimula ang halloween dito sa pilipinas. sa alala ko, noong bata ako, wala namang nagsusuot ng costume tuwing bisperas ng nobyembre a uno. mga bata lang ang naka-costume ng mga snow white at spiderman na binili pa sa kabubukas lang na toy kingdom.

inggit na inggit ako noon noong nagbukas ang toy kingdom. samu’t saring mga laruang sa pangarap ko lang naging akin. ang mamahal kasi, mga helicopter na na-co-control sa pamamagitan ng remote, mga kotseng mas malaki pa sa kahon ng sapatos, hanggang sa pinakamaliliit na mga laruan tulad ng mga powerpenz at tamagochi.

mabuti na lang ang naging mabilis ang paglaki ko. nasanay na sa kalye naglalaro at nasusugatan linggu-linggo sa kalalaro ng takbuhan at tayaan. mabilis ding nagpalaki sa’kin ang mga murang laruan tulad ng mga teks, sipa, at pog. tuwang tuwa na ko kapag nahihiram ko ang slaminator ng matalik kong kaibigan na si kevin.

sabay kaming mang-aasar ng mga nerd at honor students, mga sipsip sa mga titser at mahilig magsuot ng mga uso at bago. palibhasa’y spoiled ng mga magulang. iyon ang mga hilig kong buwisitin. nakaiirita kasing sabay-sabay kaming lumalaki, pero napakadali ng buhay para sa kanila.

araw-araw na may perang baon. nakakapag-softdrinks at waffle tuwing merienda. mapuputi ang mga polo at palaging maayos ang bag at may assignment ang mga notebooks. nakakairita, nakakaperwisyo sa diskarte naming hindi kumokopya ng mga notes, hindi nagbubukas ng bag pag-uwi, walang baon kahit barya, at pawisan tuwing recess.

sisirain ko ang araw nila hanggang sa maubos ang kanilang mga pasensiya. iiyak at magsusumbong sa titser, o kung hindi naman ay sa principal. kilala na kami ng principal sa dalas naming natatawag sa opisina niya. halos hindi na rin kami napagagalitan dahil maging siya ay nagsasawa na rin sa paulit-ulit niyang pagsermon. hindi na rin kami kinakabahan sa tuwing ipatatawag niya kami.

minsan, umabot pa sa puntong nakipagsagutan pa ko sa titser namin, adviser pa nga yata namin siya noon, si mr. dela cruz. kahit pa gagagu-gago kami ni kevin, alam naming paborito kami ni mr. dela cruz. filipino ang subject niya, at palagi niya kaming tinatawag. hindi lang niya kami masermonan dahil kahit pa maingay kami ay nakasasagot kami sa klase niya. filipino ba naman, madaling madali lalo pa’t laking kalye kami ni kevin. mga batang kalye ang mga kalaro namin at anime ang libangan namin. walang hilig sa mga inggles sa box office na pelikula at cartoons na mabibilis ang inggles. sa tagalized anime kami, malalalim na tagalog.

nagsumbong sa kanyang ang president ng klase. naatasan kasi siyang magsulat ng mga maiingay. palibhasa’y galit sa’kin si margot, ang babaeng presidente ng klase na ubod ng spoiled bilang housewife ang nanay, hindi pa ko nagsisimulang mag-ingay ay isinulat na ang aking pangalan. sabay tingin sa’kin ng mapupungay na mga mata habang nakapamewang, nakatayo sa tabi ng malaking blackboard. nakataas pa ang kanyang mga kilay tila ba nanghahamon.

si margot, ang mortal kong kaaway sa tuwing umaalis ng silid ang titser. nakagawian kasing presidente ang magsusulat ng maingay sa tuwing wala ang titser.

ang katwiran ko noon, sayang lang at ipinilit ko pang maging sergeant at arms kung hindi sa’kin ipagkakatiwala ang pagsusulat ng maingay. trabaho ko iyon! kaya pilit kong mag-ingay sa tuwing si margot ang namamahala ng klase nang mapansin ng mga titser na may hindi rin nagagawa ang mga first honor at best in conduct na president namin. ang pakalmahin ang nag-iisa at walang iba, si mark.

nang tingnan niya ko ng ganoon noon, doon ako napikon. siguro, kung may sasabihin ako sa kanya noon sa lengguwahe ngayon, tatayo ako sa upuan at sisigaw ng “you crossed the line, bitch!” magtatawanan at buong klase at tititigan ko siya habang dahan-dahang uupo sa la mesa. panigurado, manliliit siya, manggagalaiti sa inis. magsusumbong at mag-iiiyak sa nanay niya.

pero hindi ko pa alam ang salitang ‘bitch’ noon at hassle ang english kaya ang sinigaw noon ay “gusto mo talaga ng ganyanan?”

tumayo ako sa klase at nagtatakbo. nagtutupi ako ng mga maliliit na papel at pinagpipitik sa mga kaklase, pinagsusumpit ko rin sila gamit ang panda ballpen ng aking katabi. nagsigantihan ang mga kaklase kong tinamaan. nagkagulo ang buong klase. lahat nakatayo, tumatakbo, nakatayo sa mesa, nakatago sa ilalim ng mesa, at nagkalat ang mga maliliit na papel na mula sa pilas-pilas na mga notebooks namin sa sahig.

hindi magkaugaga si margot. halos pangalan ng buong klase ang naisulat niya sa blackboard, ang pangalan ko, may katabing 100x. (hindi man lang niya binilang, napakatamad.) wala siyang magawa kundi sumigaw ng “quiet! class, quiet!”

nang makabalik si mr. dela cruz, nanlaki ang kanyang mga mata. “sino nagsimula nito?” nanahimik ang buong klase. pumunta sa harap si margot at tinuro ako. lintek na babaita ito, isip ko. tumayo ako, “ikaw kayang nauna! gagong ‘to!”

nang marinig ni margot ang mura ko. umiyak siya.

pinababa ako sa principal’s office. walang nakaalam ng side ko dahil walang nagtanong. nasuspinde ako ng tatlong araw. naging c ang conduct ko at ibinagsak ko ang taong iyon. hindi raw dapat nakikipagtalo sa titser, lalo na’t kung nasa harap ito ng maraming tao. respeto raw ang tawag doon.

kahit pa gaano pagbali-baliktarin, alam kong ako ang tama noon. hindi ako ang nag-umpisa, pinatunayan ko lang na hindi niya ko kaya kapag nag-umpisa ako.

hindi ako kinampihan ni kevin, pero hindi ko siya sinisi. malaking bagay na na tumulong siya sa panggugulo ng klase. isa siyang tunay na kaibigan.

nagkahiwalay kami nang mag-repeat ako ng grade 4. kinailangan kong lumipat ng eskuwelahan. masyado na raw akong hindi makontrol sabi ng nanay ko. si kevin, naging basketball player at naging crush ng bayan. si margot, hindi ko na inalam ang kinahinatnat niya. nagpalipat-lipat ako ng eskuwelahan hanggang sa umabot ng kolehiyo.

tulad ng mga aking pag-aaral, palipat-lipat din ako ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo. nag-callcenter, nag-pyramiding, nag-ahente hanggang sa nakapagtayo ng maliit na kiosk sa u-belt habang nag-tatrabaho sa marketing ng isang mall.

hindi ako pumasok ngayon bilang a uno ng nobyembre. ang palusot ko sa boss, kailangan bisitahin ang nanay sa sementeryo. at kahit double pay, hindi talaga puwedeng pumasok, sabi ko. inaalala ko ang mga kaklase ko noon, hinahanap ko sa facebook habang umiinom ng kape sa may labasan ng bahay. tahimik ang paligid, kakaunti ang tao dahil karamihan ay nasa sementeryo na, nakikipagtsikahan sa mga kamaganak na magkakamustahan. pero pagnagsi-uwian naman ay magtsitsismisan tungkol sa mga pinsan. kung magsiraan, parang hindi magkakamag-anak.

si kevin, importer na ng mga kung anu-ano ayon sa facebook profile niya. si margot, naka-private ang profile, pero mukhang may asawa na. minana siguro ang business ng pamilya na bigasan at maaga nag-asawa. ganyan naman silang mga mayayaman. hindi mahalaga ang kapasidad at kaalaman. kaya panay commerce at management ang kurso.

kung ano ang uso na kinukuha ng mga mapipinsan, iyon ang ipakukuha na kurso sa mga anak. gaya-gaya, kaya hindi magawang mapanatili ang kultura sa bansang ito. kaya hindi magkaroon ng maayos na prinsipyo na panghahawakan ng mga mamamayan. kaya hindi umuunlad dahil kung hindi nag-gagayahan ay naghihilahan, kung minsan ay sabay pa.