10.31.2014

para sa lahat...

para sa lahat ng mga taong nahuhumaling sa maliwanag na araw,
sa mga taong napapapikit na sa silaw,
pero hindi humihinto.


sa patuloy mong pag-abot sa liwanag,
tatawagin ka nilang baliw,
hunghang bilang pagkabulag daw ang kahihinatnan
kapag hindi natigilan.


sarili lang ang iniisip at hindi praktikal magisip.
iyan ka raw, iyan tayo
‘pagkat hindi nila nararamdaman
ang saya at pagkalaya mo
sa tuwing mararamdaman mo ang init ng araw
sa paulit-ulit mong pagtalon at pagsigaw.


nanginginig ang iyong mga kalamnan
dahil ramdam mo ang kanyang init,
ang kanyang liwanag,
ang kanyang pagkalaki na hindi mo maipaliwanag—
hindi naman kasi makita,
marinig, o masalat.


ramdam mo lang. alam mo lang.


“ano naman kung mabulag, basta’t ginagawa ko ang gusto ko.”
iyan ka, iyan tayo.
ikakatuwiran natin sa pinaka-pilosopong tao,
hindi tayo mananalo.


hindi tayo praktikal. hindi tayo lohikal na tayo.

alam natin iyon, at iyan tayo.