10.28.2014

pagkayod dito [maynila], pang-alak at sigarilyo kay tatay

bagong polo, ‘di na pinalabhan. ilang beses na kasi ako nasiraan ng bagong damit dahil pinalabhan ko muna, hindi ko tuloy nasuot kahit isang beses. kaya kapag may bagong bili akong damit, agad ko itong sinusuot. sakto’t wala pang gusot, amoy bago kahit pa alikabok lang naman, at matigas pa ang kuwelyo.

luma ang pantalon, pero hindi naman nila malalaman basta’t malinaw pa ang mga tupi at wala pang mga himulmol. sapatos na halos kabibili lang, napatungan ng kiwi at, presto! handa na ko muling magtrabaho.

noong nagsisimula ako, masaya na ko sa kinse mil buwan-buwan. makabibili na ko ng bagong mga damit pamasok at makakakain na ng masarap. bagong iphone! ngayong mahigit bente mil na ang kinikita’t minsa’y higit na malaki pa, depende sa benta, hindi man lang ako makaipon.

ang hirap maghabol sa maynila. gusto kong sabihin kay tatay na hindi biro kumayod dito sa maynila para buwan-buwan makapagpadala. mahigit isang daan ang pamasahe ko araw-araw, pangkain araw-araw, kuryente, tubig, ilang mga gastusin sa load, internet, at paisa-isang damit, halos walang natitira sa’kin kapag nagpadala pa ko ng limang libo sa kanya. sa kanila.

gusto ko sanang sabihin na gusto ko munang kumalma sa pagkayod. gusto kong magbakasyon, pumunta sa ibang lugar, sa ibang bansa, pero hindi para magtrabaho kundi para makapaglibang. ganito raw at makikilala mo ng husto ang sarili. hindi ko alam kung ganoon din ba iyong pakiramdam kapag nasa starbucks at mag-isang nagkakape habang palingat-lingat sa mga tao.

oo, bumibili ako ng kape sa starbucks. naninigarilyo rin ako. gusto ko rin sabihin kay tatay na pinaghirapan ko ito at pribilehiyo ko ito kung gusto kong manigarilyo at magkape, o kahit mag-alak. pero hindi ko yata kaya.

kahit naman kasi palamura siya’t hindi niya napapansin ang mga nagawa ko sa buhay, malaki ang respeto ko sa kanya. kahit pa iniwan niya kami ng nanay noon ay tatay ko pa rin siya. pinaghirapan niya ang pinang-aral ko makatapos lang at utang na loob ko sa kanya itong lahat. kung hindi ito ang tatay ko, malamang ay wala ako, wala itong bagong polo, itong pantalon, itong bagong kiwi na sapatos, malamang ay hindi ako nakapagtapos, o baka ay hindi marunong magbasa, o baka hindi man lang maisulat ‘to.

kaya nagbabawas na ko ng sigarilyo. matitigil ko rin ito. ang perang pang-starbucks, iipunin ko na lang nang makakain kami ng masarap ‘pag naparito siya sa maynila. at ang ipapadala ko ngayong buwan, pitong libo’t tatlong daan para may pambili siya ng empi at makapanigarilyo.