10.31.2014

para sa lahat...

para sa lahat ng mga taong nahuhumaling sa maliwanag na araw,
sa mga taong napapapikit na sa silaw,
pero hindi humihinto.


sa patuloy mong pag-abot sa liwanag,
tatawagin ka nilang baliw,
hunghang bilang pagkabulag daw ang kahihinatnan
kapag hindi natigilan.


sarili lang ang iniisip at hindi praktikal magisip.
iyan ka raw, iyan tayo
‘pagkat hindi nila nararamdaman
ang saya at pagkalaya mo
sa tuwing mararamdaman mo ang init ng araw
sa paulit-ulit mong pagtalon at pagsigaw.


nanginginig ang iyong mga kalamnan
dahil ramdam mo ang kanyang init,
ang kanyang liwanag,
ang kanyang pagkalaki na hindi mo maipaliwanag—
hindi naman kasi makita,
marinig, o masalat.


ramdam mo lang. alam mo lang.


“ano naman kung mabulag, basta’t ginagawa ko ang gusto ko.”
iyan ka, iyan tayo.
ikakatuwiran natin sa pinaka-pilosopong tao,
hindi tayo mananalo.


hindi tayo praktikal. hindi tayo lohikal na tayo.

alam natin iyon, at iyan tayo.

10.28.2014

pagkayod dito [maynila], pang-alak at sigarilyo kay tatay

bagong polo, ‘di na pinalabhan. ilang beses na kasi ako nasiraan ng bagong damit dahil pinalabhan ko muna, hindi ko tuloy nasuot kahit isang beses. kaya kapag may bagong bili akong damit, agad ko itong sinusuot. sakto’t wala pang gusot, amoy bago kahit pa alikabok lang naman, at matigas pa ang kuwelyo.

luma ang pantalon, pero hindi naman nila malalaman basta’t malinaw pa ang mga tupi at wala pang mga himulmol. sapatos na halos kabibili lang, napatungan ng kiwi at, presto! handa na ko muling magtrabaho.

noong nagsisimula ako, masaya na ko sa kinse mil buwan-buwan. makabibili na ko ng bagong mga damit pamasok at makakakain na ng masarap. bagong iphone! ngayong mahigit bente mil na ang kinikita’t minsa’y higit na malaki pa, depende sa benta, hindi man lang ako makaipon.

ang hirap maghabol sa maynila. gusto kong sabihin kay tatay na hindi biro kumayod dito sa maynila para buwan-buwan makapagpadala. mahigit isang daan ang pamasahe ko araw-araw, pangkain araw-araw, kuryente, tubig, ilang mga gastusin sa load, internet, at paisa-isang damit, halos walang natitira sa’kin kapag nagpadala pa ko ng limang libo sa kanya. sa kanila.

gusto ko sanang sabihin na gusto ko munang kumalma sa pagkayod. gusto kong magbakasyon, pumunta sa ibang lugar, sa ibang bansa, pero hindi para magtrabaho kundi para makapaglibang. ganito raw at makikilala mo ng husto ang sarili. hindi ko alam kung ganoon din ba iyong pakiramdam kapag nasa starbucks at mag-isang nagkakape habang palingat-lingat sa mga tao.

oo, bumibili ako ng kape sa starbucks. naninigarilyo rin ako. gusto ko rin sabihin kay tatay na pinaghirapan ko ito at pribilehiyo ko ito kung gusto kong manigarilyo at magkape, o kahit mag-alak. pero hindi ko yata kaya.

kahit naman kasi palamura siya’t hindi niya napapansin ang mga nagawa ko sa buhay, malaki ang respeto ko sa kanya. kahit pa iniwan niya kami ng nanay noon ay tatay ko pa rin siya. pinaghirapan niya ang pinang-aral ko makatapos lang at utang na loob ko sa kanya itong lahat. kung hindi ito ang tatay ko, malamang ay wala ako, wala itong bagong polo, itong pantalon, itong bagong kiwi na sapatos, malamang ay hindi ako nakapagtapos, o baka ay hindi marunong magbasa, o baka hindi man lang maisulat ‘to.

kaya nagbabawas na ko ng sigarilyo. matitigil ko rin ito. ang perang pang-starbucks, iipunin ko na lang nang makakain kami ng masarap ‘pag naparito siya sa maynila. at ang ipapadala ko ngayong buwan, pitong libo’t tatlong daan para may pambili siya ng empi at makapanigarilyo.

streets of hong kong

















10.01.2014

bakit sila?

alas singko ng umaga, nagising ako sa mabibilis at malalakas na katok ni mama sa aking kuwarto. mabilis akong napatayo at napatakbo para buksan ang pinto. binasag daw ang bintana ng sasakyan ni atsi. nanakawan daw. dali-dali akong nagsuot ng t-shirt at lumabas.

puno ng bubog ang sahig ng sasakyan ni atsi. ang bintana sa likod ng driver’s seat, halos wala nang natira. nagkalat ang mga papeles. nagkalat ang mga laman ng bag na paborito ni atsi. pati ang mga atm at id sa loob ng wallet, kung saan-saan nakarating. ang salamin, nasa lapag ng sasakyan, basag-basag, tint na lang ang humahawak para hindi lalong kumalat.

napakaraming tanong na umiikot sa’ming isip. sino ang gagawa ng ganito? bakit sasakyan ni atsi at hindi ang sa akin na nakaparada lang sa tabi nito? may hinahanap ba sila o pera lang ang habol? at ang pinakanakakatakot, ganoon kakapal ang kanilang mukha na maghalungkat. kung ganoon, may oras sila para maghalungkat.

mabilis naming niligpit ang mga gamit tiyaka ipinasok sa loob ng bahay. sino ang kayang gumawa ng ganito? paulit-ulit na tanong namin sa isa’t isa gayong wala naman kaming halos kilala na kapitbahay, at hindi rin naman kami gaanong nakikipagusap sa mga kapitbahay.

baka sila?

hindi naman siguro. ano naman ang hinahanap nila, o baka nananakot lang. baka, wala lang silang magawa bilang marami silang oras para manggulo ng buhay ng iba. pero, bakit?

tumawag  si atsi kay mayor para ipaalam ang nangyari. mabilis naman nagpadala ng pulis si mayor. inimbestigahan ang sasakyan at ang posibleng motibo. tiyaka namin napag-alamang kakaunting pera sa wallet, pabango, at ilang mga alahas na peke lamang ang nakuha. mabuti na lang at walang gaanong pera sa wallet ni atsi. hindi na ba uso ang pagkuha ng buong wallet ngayon?

kinabukasan, pumunta rito sa bahay ang kepe ng pulisya. nagtanung-tanong muli sila ng ilang detalye. naki-usap din na i-report sa estasyon para magkaroon ng record. para mabantayan, para kapag nahuli ay maaaring magsampa ng kaso kapag nagkapareha ng fingerprints.

posible pa rin naman sila, pero bakit? hindi naman siguro nila iniisip na magtatago kami ng mahahalagang papeles sa loob ng sasakyan, ano?

hindi naman siguro sila. isip ko. baka naman sa pagkakataong ito, wala silang kinalaman dito.

pero, bakit sila?


kasi, kaya nila.