9.22.2014

ang palayaw ko ay makoy

isang taon matapos ako ipinanganak, namatay ka na. nang magkaisip ako, panay kuwento nila na isa ka raw taong ubod ng galing at talino. magaling at madiskarte ka raw. naisip ko noon, baka kaya ka nawala sa mundong ito dahil ipinanganak ako. baka, isa akong bagong ikaw. baka maaaring maging idolo kita. baka, baka lang naman, kaya parehong sa letrang m nag-uumpisa ang pangalan natin.

noong lumalaki na ko, dumarami na ang mga naririnig kong mga galit sa’yo, mga taong inabutan ka talaga. nasira ka lang daw talaga dahil sa asawa mo. siya raw ang dahilan ng pagkabagsak mo. sabi naman ng iba, masama ka lang daw talaga. at gamit ang katalinuhan, inabuso mo ang mga taong nasa paligid mo.

hindi ako naniwala. hindi man kita nakilala, hindi man kita inabutan talaga, mas pinili kong paniwalaang isa kang magaling at mabait na to. nanatili kang idolo sa isip ko. hindi ko man ipinagkalat sa aking mga kaklase noon, lagi kitang binibida. ikaw ang magaling, ikaw ang strikto dahil ito ang nararapat para maging isang magaling na lider. ikaw ang matalino, ikaw ang gumamit ng talino para maiangat ang estado ng buhay ng marami.

marami akong nabasa tungkol sa’yo. nabasa kita sa mga libro. nabasa kita sa mga dyaryo. isinaad sa libro ang iyong mga ginawa. nakasulat dito ang maliliit at malalaking bagay na ginawa mo para sa sarili mo, sa iyong pamilya, at sa bansa. lalo mo kong pinabilib. sa lahat ng nabasa kong talambuhay, sa’yo ang halos makabisa ko.

sabi ni titser ko noon, magbasa pa ko nang ibang libro dahil subjective daw ang history. tumango ako, pero hindi ko ginawa. aanhin ko ang ibang bersiyon ng kuwento kung hindi naman ito totoo. alam ko ang totoo, at ang katotohanan ay hawak ko, sa librong ito, na isa kang magaling na tao, na ama, na lider.

nagtapos ako ng kolehiyong preface lang ang nabasa sa history class. kung hindi common sense, sa pangongopya ako pumasa. ang paniniwala ko kasi’y ang kolehiyo ang nagtuturo ng diskarte sa buhay, wala ka naman talagang dapat matutunan kundi ang diskarte kung paano pumasa.

sinubukan ko minsang magbasa ng isang history ng pilipinas. nakakabit ang historyang ito sa isang libro, kumbaga introduction ng isang libro. dito ikinuwento nang buong detalye ang ilang mga storya noong martial law. minsang may napanood akong video tungkol sa’yo. nakasaad doon ang paniniwala ng mga taong hindi nabuhay noong panahon mo at “katotohanan” sa likod ng mga “kasinungalingang iyon.” minsang may napanood akong pelikula na nakabase sa kuwento ng isang miyembro ng npa. ikinukwento niya nang buong detalye ang buhay nila mag-asawa sa kamay ng mga militar mo.

hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan ko. hindi na malaman kung alin ang totoo sa panahon ngayon. maging ang mga kuwento, nakasulat man o hindi, subjective. at habang tumatagal, palabo nang palabo.