8.28.2014

sleepwalker, sleeptalker

isang malakas na busina kasabay ng malakas na hangin mula sa malaking sasakyang rumaragasa. nagising ako. ako lang ang nakatayo sa gitna ng kalye habang mabilis na naglalakad ang mga tao papunta sa iba’t ibang direksiyon. parang mga langgam na nakapila tiyaka magsasanga-sanga papunta sa iba’t ibang eskinita ng lungsod ng makati. ang pagkakaiba lang, wala pang ekspertong nakakapagpatunay kung may batas na namimilit sa mga langgam para sumunod sa pila at manatili sa pila. ang napatunayan lang nila, hindi salita kundi ang kanilang mga antler ang gamit nila para makapag-usap. tahimik siguro sa maliit na mundo ng mga langgam. pakiramdam lang, alam na nila ang ibig ng isa’t isa.

naglalakad nanaman ako habang tulog. pero ito na yata ang pinakamalayong nalakbay ko simula nang malaman kong nag-sleepwalk ako. nakatira ako sa cubao, ang dating masayang cubao—bilihan ng mga imported na mga delata’t appliance at mga shopping center ng mga taipan at kung saan nakatayo ang sikat na araneta. kumbaga, ang gma sa erap-gma-aquino history. si erap ang quiapo, iyong tipong kapag narinig mo ang pangalan, alam mo, kilala mo, pero hindi mo na halos maalala kung anu-ano ang nagawa niya o parte niya sa nakaraan. ang naaalala mo lang ay kung paano ka nabastos ng lugar, o ng presidente. si gma ang cubao, hindi mabilis ang termino pero hanggang ngayon ay nakikita mo ang kanyang mga nagawa. maiisip mo ang mga low-cost housing at militar at ang kanilang mga kampo. at tulad ng cubao, bumagsak din dahil sa pulitika pero hindi mabitabitawan ng mga tao dahil sa pagiging tuso. at si aquino, ang makati. hindi ko alam kung bakit. para lang siguro may maihambing, pero hindi naman sila magkapareho ng makati. dahil lang siguro sila ang nariyan. pero sa totoo lang, mayayaman pa rin naman ang kumikita sa makati. at ang mga nagpapakapagod na mga manggagawa na bumabyahe papuntang timog, nananatiling pagod at hikahos.

 kitang kita ko ang mga taong ito habang uuga-uga ang mrt pabalik ng norte. alas siete ng umaga pero gusot na ang mga polo’t blouse nila. ang kanilang bag ang sumasalok ng nagpapawis na mga kilikili. parang kable naman ng kuryente sa quiapo ang mga kamay na nakahawak sa kung saan-saan, sala-salabit, sanga-sanga. balang araw, bibigay ‘tong mrt na ‘to. maghihiwalay ang tren, mahahati sa dalawa, o tatlo. papalo sa barrier, o kung hindi man ay makikidlatan at puputok ang mga kable ng kuryente. sana’y walang masaktan.

nangyari na ba iyon? may nangyari na bang ganoon?

hirap akong makaalala ng mga tunay na nagaganap. lalo na’t nakapambahay ako’t nakaupo sa tren. iniisip ko nga minsan, para akong karakter sa isang european na pelikula. iyong tipong palagi lamang nasa tren. tulala. habang mabilis na naglalakas sa harap ko ang mga taong may sariling mga buhay. ganoon siguro ang hitsura ko kapag nakakatulog ako.

nakakatuwa, na hindi, kung iisipin na may oras ang dami ng tao sa mrt. sa umaga, masikip ang papuntang timog habang maluwag naman ang pa-norte. baliktad naman ito kapag rush hour na sa hapon, mga alas singko hanggang alas otso, o alas nuebe pa nga. kaya hindi kailangan ng eksperto talaga pag-aralan kung nasaan ang pera. o, ang paniniwala ng tao na kinalalagyan ng pera.

nakalulungkot lang na hindi ito nabibigyang pansin ng mga nakaupo. ng mga inilukluk ng taong bayan. nakalulungkot lang na hindi nila ito alam. o narinig, pero hindi natuunan ng pansin dahil sa dami ng pumapasok na buwis na dapat pagtuunan ng pansin.

“araneta center cubao station.” putul-putol na sabi ng boses ng lalaki. kung hindi ako ipinanganak dito’t hindi ako nakaiintindi nang mabilis. hindi ako makababa sa tamang babaan.

isang malakas na pito kasabay ng malakas na hangin mula sa mahabang tren. nagising ako.

nasaang estasyon ba ko? burado na ang karamihan sa letra ng mga salita na nakapinta sa pader ng estasyon. pero alam ko ito, araneta ‘to. mabuti na lang at hindi ako nakalayo masyado sa bahay. at tulad ng mga nakaraan mga araw na ganito, bawas nanaman ang suweldo’t mapaparinggan nanaman ng boss.

hindi ko na naiintindihan kung bakit kailangan pa kong paringgan at sabunin ni boss. ang sabi kasi sa manual tungkol sa attendance at punctuality, 1st offense ay verbal warning. 2nd offense ay written warning. 3rd offense ay deduction of salary na. dapat ay hindi na nila ko pinagagalitan pa’t binabawasan na nila ang suweldo ko. mundo nga naman. pilipinas nga naman. kaya hindi umaasensyo, may manual na nga, hindi pa sinusunod.

kinapa ko ang aking bulsa. mabuti na lang at maliit lang ang butas nito. may madulas na card. mabuti na lang at naisip kong itago ang card ng mrt kahit tulog. 

8.01.2014

palagay sa friends at himym

sa hinaba haba ng serye ng friends, si ross ang paborito ko. hindi ko pa natatapos, katunayan, nag-uumpisa pa lang ako sa season 7. pinapanood ko ang friends ngayon kasi na-enjoy ko ang how i met your mother, na kung titingnan ay parang halos pareho ang plot at characterization—ang isang barkada na sobrang close at madalas na nasa isang lugar para magkuwentuhan, ang bida na hindi na naging mapalad sa love life, ang kabarkada niya na alam naman nating lahat na mahal niya all the while, ang isang bestfriend na babaero at ubod lang ng babaw, ang weird pero may punto paminsan-minsan, at ang mag-jowa.

dito ko lang yata sa season 7 napagdesisyunan na paborito ko rin pala si chandler ng friends. hindi naman dahil sa jokes niya, dahil hindi rin naman laging mabenta sa’kin (pero bilib ako sa nagsulat nito, at ng himym). siguro, dahil nasa punto ako ngayon kung saan engaged na sina chandler at monica—lalo na itong season na ‘to kung saan may ideal wedding si monica, na tinanggihan ni chandler dahil hindi raw niya gagastusin ang lahat ng kanyang ipon para sa isang party.

at the end, sabi na lag na hindi kailangan ni monica ng magandang wedding, kundi ang marriage. napabalik tuloy ako sa bucket list ko, at goals for this year, na kailangan kong makaipon ng isang halaga bago matapos ang taon na ‘to.

nakakalungkot na may ilang mga bagay na dapat isakripisyo para sa bukas. hindi magpapagupit dahil next week ay may bagong damit kang bibilhin at gusto mo, pogi ka simula noon para sa kanya. mga  bagay na kailangang ipagpaliban para sa kinabukasan. cancelled trip dahil kailangan piliin ang trabaho. pagtitipid para may mahugot. pagpapakumbaba dahil kasalanan mo naman.

gusto ko kapag kausap ni chandler si monica. kahit pa ayaw ko kay monica, dahil maingay siya at oc. pero kapag nag-iiba ang tono ni chandler, tatahimik ka. kasi, alam mo, totoo.

gusto ko pa rin si ross. hindi dahil sa kung anong rason. sa katunayan, mahirap isa-isahin kung bakit dahil geek siya, mahilig sa dinosaurs, boring, medyo tanga, pinakapangit sa tatlong lalaki, malaki ang polo, at tatlong beses nang hiwalay sa asawa. mas marami ngang dahilan para mainis kay ross. isa na siguro roon yung pagpapakawala niya kay rachel. sa lahat ng babae kasi, si rachel ang gusto ko. nagagandahan ako sa kanya. tiyaka siguro dagdag factor na rin na siya ang pinakamaganda sa kanilang tatlo at normal. normal in the sense na posible sa totoong buhay, at makakapalagayan ng kahit na sino. ayun nga lang, medyo tanga rin.

ganoon yata para bumenta ang isang series. kailangan may halong katangahan. kailangan may mga maling desisyon. kailangan nasa huli ang tamang desisyon at pagtatama ng mali. kailangan may bawi. kailangan may sipa, kailangan tama ang dahilan, kailangan may rasong tama.

parehong mahaba ang serye, pero palagay ko kasi, maliban sa mga characters na nakatutuwa at writer na magaling, iyong sa lahat ng kababawan at kalokohan, misfortunes and mishaps, maling decision making at kung anu-ano, naitatama. na kapag pinanood mo nang buo at sunud-sunod lang, maiintindihan mo na hindi laging tungkol sa journey. hindi laging right this moment. dahil bukas, kahit nasa same coffeeshop o bar, iba na ang kuwento, pero malamang, hugot sa kahapon ang kuwento ngayon.


na kailangan humingi ng tawad ngayon dahil kapag titimbangin, pareho namang mahalaga, pero higit na matimbang ang makatutulong sa kinabukasan.