7.04.2014

one vs one hundred

dahan-dahan kong tiningala ang aking ulo, tulad ng mga napapanood ko sa mga palabas. tulad ng mga bida sa anime. natatakpan pa ng bahagya ng aking buhok ang mga mata. mapungay ang mga mata. isa-isa ko silang tinitigan, ang iba, hindi makita ang mga mukha.

inulit ko ang pagpasada ng aking mga mata sa kanila, umaasang may aatras, kahit isa. walang umatras, lahat sila ay nakatitig sa akin—sa aking maliit na pangangatawan, sa aking mga kamaong nanginginig sa galit, sa aking mga katabing hanging lamig.

hindi ako umatras. ganito siguro ang pakiramdam ni battousai. pamilyar sila. pamilyar ang kanilang gawain at hangarin, pero malabo na sa aking paningin—isang parte ng buhay na matagal ko nang tinalikuran. kampihan, daragan, pagtutuwid ng baluktot, tuwid man ang paraan o baluktot din, at pulitika.

pilit kong inalala kung paano harapin ni battousai ang kanyang mga kalaban. wala rin siyang kakampi. ayaw din niyang mandamay. ang mga nanonood sa paligid, nakatayo at nakatitig, tila naghihintay kung paano mamamatay.

tiyaka ko naalala, walang talim ang katana ni battousai. hindi nakamamatay.