7.21.2014

150 taong unibersidad; gobyero ng katipunan gobyerno ng sarili

ilang taon din tayong tinuruan ng ating mga magulang ng tama at mali, kung ano ang pagkakaiba ng dalawa at ano ang nasasaklawan ng dalawang termino. ilang taon ding sinikap ng ating magulang na maisapuso natin ang konseptong ito para maging mabubuting mga magulang, pulis, guro, manunulat, abogado. maging mabuting mamamatay ng pilipinas. maging huwaran, maging daan, maging pag-asa ng bayan ika ng pambansang bayani. si tatay nga, halos lilimang oras lang ang tulog bawat araw makapasok lang ako sa paaralan. si nanay naman, gumigising pa ng madaling araw para makapaghanda ng maibabaon, buong araw na sasabay sa pagkayod ni ‘tay para maibili ako sa sapatos pamasok. sasabayan magkabisa ng mga leksiyon at gumawa ng mga takda. bawal magsinungaling, bawal ang mangopya. kung hindi nakapag-aral, mas mabuting bumagsak dahil mali ang mangopya ng sagot ng iba. isapuso ang leksiyon nang hindi nawawala, laging pangaral ng nanay. ang memorya, nakakalimot, nababaluktot, pero hindi ang puso.

konsiyensiya pala ang tinutukoy doon ng nanay. madaling matutunan ang tama at mali. ang mabuti sa hindi. ang dapat sa dapat iwasan. pero ang pagpapatupad, kailangan ng puso—dapat alam niya na ito dapat, dahil hindi niya hahayaang maging taliwas.

gabi-gabi, kinabisa ko ang talasalitaan. ang mga salitang dapat makilala at kanilang mga ibigsabihin. hindi pala biro ang magsapuso. bumagsak ako nang paulit-ulit dahil pinili kong kumabisa gamit ang puso. mahirap pala.

alas siete raw ang umpisa ng klase. kapag lumagpas doon ay dapat nang tumayo sa likod ng klase. dapat laging pakatandaan na pahalagahan ang oras ng ibang tao, dahil respeto ito. gumising ako kinabukasan ng maaga. sabi ko kay nanay, huwag na bumili ng alarm clock. sayang lang ito sa pera. madaling gumising nang maaga kapag may pinananabikan. parang outing ng pamilya, parang pasko, parang ang mga paputok sa bagong taon, parang kaarawan. alas sais y media, nasa klase na ko. kumpleto na kaming sampo sa klase. alas siete y media dumating si ma’am.

tiyaka ko napansing kailanma’y hindi siya nakarating ng alas siete ng umaga sa klase. hindi pala kami mahalaga.

palaging turo sa bahay noong bata pa ko ang respeto. ito ang laging paksa. mahalaga raw ito dahil hindi basta natatanggap ang respeto. kailangan daw magbigay ng respeto bago humingi ng respeto sa iba. ito ang dahilan kaya mas mahalaga ang respeto kaysa sa pera. ito ang nagpapatotoo sa konsepto ng tama at mali. simple lang naman daw ang pormula, gamitin lang ang isinapusong konsepto ng  tama at mali at tiyak na makatatanggap ng respeto.

sabi ni ma’am, next week daw ang deadline ng takda. magdala raw ng notepad na may guhit na asul at pula. agad ko itong sinabi kay nanay. imbes na alarm clock, ibinili ako ng nanay ng notepad na may asul at pulang mga guhit, dalawang mongol 1, at pambura na mabango. matututo na raw akong magsulat next week sabi ni nanay. makinig daw akong mabuti at mahalaga raw ito sa tunay na buhay. isapuso ko raw ito dahil mapapaganda raw nito ang buhay ko ‘pag laki. “ang magaling magsulat ay magaling sa lahat”, palagi niyang ulit.

sinuot ko ang pinakamaputi kong polo. kinula raw ni nanay sa zonrox. mag-gel daw ako para pogi. magiging paborito raw ako ni ma’am. unang una ko sa klase nang araw na iyon. inilabas ko ang notepad na size 1, inilapat ang mongol 1 na lapis na bagong tasa katabi ng pambura na nasa taas ng makapal na notepad. alas siete y media, pumasok ng silid si ma’am dala ang isang folder na makapal. masisilip ang makapal na mga papel na kamukha ng notepad na nasa table ko.

“okay, class, please bring out your notepads.” ngumiti lang ako habang nagkagulo ang buong klase. sabay-sabay silang naghalukay sa kani-kanilang mga bag. nakayuko si henry sa ilalim ng mesa habang pabulong na humihingi ng notepad. nakita siya ni ma’am.

nilapitan siya ni ma’am at tinanong kung ano ang problema ni henry. umamin si henry. wala siyang dala dahil nakalimutan ng kanyang nanay na bumili. naubusan daw kasi sa national bookstore. “naubusan ng notepad ang national bookstore?” tanong ni ma’am na may halong pagtataka ang tono. tanong ko rin ito sa aking isip. pero hindi naman mahalaga ang nasa isip ko hangga't hindi nakapagtataas ng kamay at natatawag ni ma'am.

kulay kape ang buhok ni henry, maputi at hirap managalog. sa amerika raw siya pinanganak sabi ng ilan kong kaklase. bumalik sa harap ng silid si ma’am. itago raw muli ang mga notepad at next week na lang muling dalhin.


nagpadala ako ng sulat sa dean. isinulat ko na hindi professional ang propesor na kinuha nila para magturo sa’min. araw-araw siyang late sa klase. kung minsan, lumipas na ang dalawang oras tiyaka namin malalaman na wala palang klase. maaaring late ang mga estudyante basta’t galing ibang bansa o hindi pilipino ang apelyido. obama, clinton, boehner, brenan, chambliss, holder, miller. at magaling pagsasabi ng maganda at pangit na gawa, ngunit mahina sa pagpapaliwanag kung bakit naging maganda o pangit. tiyaka ko tinapos ang sulat sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng aking nararamdaman—na nakapanghihinayang na sa unibersidad na akala ko’y napupuno ng mga propesyonal na propesor ko pa kailangang maranasan ang ganitong uri ng pagtrato.

kinita ako ng dean ng unibersidad, pero hindi upang makinig kundi upang patunayan na propesyonal ang mga propesor at propesora sa unibersidad na isang daan at limampung taon nang nabubuha sa mundo ng katolisismo. ilang beses akong tinanong ni dean kung ano ang nangyari. buong puso kong ikinuwento. pero tila napaos ako at sarili na lang ang nakaririnig. nakasandal si dean sa kanyang malaking upuan habang magkapatong ang mga braso at naka-dekuwatro ang mga paa. taas noo niyang sinabi, “i don’t see anything wrong.”

naiwan akong nakanganga. hindi pala mali ang mahuli sa klase. hindi rin mali na magkaroon ng paborito sa klase. hindi mali na mamuna at maging mapagmataas nang hindi nagbibigay ng sapat sa distansiya para makatayo at maitama ang pagkakamali, matuto at maging magaling. basta may posisyon. 

basta may posisyon.

ganoon pala kapag tumatanda. ganoon pala para manatiling buhay.

hindi respeto ang batayan ng pagkataon. hindi ang konsepto ng tama o mali dahil iba’t iba ang konsepto ng bawat isa. kapag nasa tunay na mundo, ang institusyon at ang mga nasa loob nito ang nagdidikta ng tama. at mali. at kadalasan, hindi gawa ang tinutukoy na mali, kundi tao.

bago ako magpaalam, sinubukan kong tanungin, “ngayong alam na ni ma’am jimmy na kinausap kita tungkol sa kanya at ang kanyang pagiging propesyonal, paano ko masisiguradong objective ang pagtatama ng mga papers na aking ipapasa?” hindi gumagalaw ang dean. nanatiling magkayakap ang kanyang mga braso. magkayakap din ang kanyang mga binti’t paa. nakatingala ang kanyang ulo. sinubukan kong hanapin ang aircon kung saan nanggagaling ang hangin, pero patay ito. tiyaka sumagot si dean na “i’ve known mrs. jimmy for a long time, she’s very professional.”

isinara ko ang pinto ng department at bumaba ng building. lumabas ako ng gate ng 150 anyos na unibersidad. nanginginig ang aking kamao sa galit at panghihinayang sa tuition fee na aking pinaghirapan pag-ipunan. naalala ko ang units na kinuha ko para sa logic. nakapanghihinayang dahil hindi naman pala ito nagagamit sa totoong buhay. dahil ang tama ay hindi napapatotoo ng pagiging tama nito kundi napapatotoo lamang ng institusyon—o tagapagpatotoo-hukom-hukom na naaabogado-abogado na doktor-abogadong propesyonal.


maaga kong ginawa ang mga papeles na dapat ay kinabukasan pa dapat ipasa kay boss dahil kailangan kong umuwi nang maaga para tumulong sa gawaing bahay. hindi ko ugali ang nagpapahintay. ang paniniwala ko kasi, maigi nang maghintay kaysa iba ang maghintay sa akin. dalawang linggo ang nakalipas, pinatawag ako ni ma’am. where are the papers i’ve asked you to do? sabi ng kanyang mga mata. sumagot ako na napasa ko nang matagal na. this is not the form i was asking you. there’s a revised form. hindi ka ba nagche-check? isinigaw niya sa opisina. napalingon ang buong opisina sa akin. natigil ang nagsama-samang tunog mula sa pagpipindot ng mga keyboard. tiyaka ako sumagot na revised ang aking ipinasa.

dalawang linggo muli ang lumipas. tatlong oras bago dapat ipasa sa kliyente ang mga papeles, ipinatawag akong muli ni ma’am domingo, boss ko. the form you submitted is generally empty.

generally empty? muli kong sinilip ang papeles na ipinasa ko kay ma’am domingo, pero wala akong naintindihan dahil puno naman ito ng impormasyon kaya napilitan akong itanong kung ano ang kanyang ibig ipaintindi sa salitang generally empty. tiyaka niya ipinaliwanag na kulang ang mga datos at kailangan kong ulitin ang nasimulan.

in three hours.

nais kong mangatwiran para mapahaba ang tatlong oras pero tila hindi naman ito kasama sa pilian. iniligpit ko ang mga gamit sa mesa. ang mga iba, tulad ng mga dyaryo at magazine, itinapon ko sa kanilang basurahan.

dahil sayang naman ang mga aral at napag-aralan, mga takdang minemorya ng puso para maging mabuting tao, maging tama kahit papaano sa abot ng makakaya ng hindi perpektong tao, kung hindi maisasagawa.

kaya nananatiling pilipinas ang pilipinas, kaya nananatiling wala sa top ang mga unibersidad ng pilipinas, kaya nananatiling baon sa utang ang pilipinas, kaya nananatiling bulok ang sistema ng pilipinas, dahil elementarya pa lang, high school, unibersidad pa lang, baluktot na ang proseso ng lesson to action.


7.04.2014

one vs one hundred

dahan-dahan kong tiningala ang aking ulo, tulad ng mga napapanood ko sa mga palabas. tulad ng mga bida sa anime. natatakpan pa ng bahagya ng aking buhok ang mga mata. mapungay ang mga mata. isa-isa ko silang tinitigan, ang iba, hindi makita ang mga mukha.

inulit ko ang pagpasada ng aking mga mata sa kanila, umaasang may aatras, kahit isa. walang umatras, lahat sila ay nakatitig sa akin—sa aking maliit na pangangatawan, sa aking mga kamaong nanginginig sa galit, sa aking mga katabing hanging lamig.

hindi ako umatras. ganito siguro ang pakiramdam ni battousai. pamilyar sila. pamilyar ang kanilang gawain at hangarin, pero malabo na sa aking paningin—isang parte ng buhay na matagal ko nang tinalikuran. kampihan, daragan, pagtutuwid ng baluktot, tuwid man ang paraan o baluktot din, at pulitika.

pilit kong inalala kung paano harapin ni battousai ang kanyang mga kalaban. wala rin siyang kakampi. ayaw din niyang mandamay. ang mga nanonood sa paligid, nakatayo at nakatitig, tila naghihintay kung paano mamamatay.

tiyaka ko naalala, walang talim ang katana ni battousai. hindi nakamamatay.