6.07.2014

ano ba ang art, treena?

 "styro cups"

"kurtina"

ano nga ba ang art? ilang beses na rin akong natanong, pero hindi ko masagot nang sigurado ako. ang sabi nila, lahat daw ng tao ay may art sa katawan. ang sabi naman ng iba, “something that comes from within,” tapos kapag nailabas mo, art daw iyon. sabi naman ng mga propesor, dapat may meaning, dapat may gustong iparating. sabi ng mga artist sa cubao expo, basta, maganda. iyong mga hindi naiintindihan, basta naidala ka sa ibang lugar, art na raw.

sa totoo lang, ang hirap naman kasi ikahon ang salitang “art.” para bang pagmamahal, pag-ibig, hindi maikahon, pero puwedeng i-express. ganoon na nga ang nangyayari sa mundo ngayon. nagkaroon na ng maraming sangay ang art, at iba’t iba na rin ang pananaw natin—dahil iba ang ibigsabihin ko sa art sa ibigsabihin nila. parang ang salitang “diyos.”

ang art, expression. nailalabas mo ang nais mong sabihin, o nais iparating, o nararamdaman. kaya nagkaroon ng mga abstract. iyong mga tipong hinahagis ang pintura, sasamulat... maganda! art! “para sa’kin, dugo iyan. masakit, e! may galit!” buong pusong sasabihin ng nahagis ng pintura. “pintor” daw siya. sasali siya sa isang grupo ng mga pintor at sasabihin niyang iba ‘to at ibebenta niya ito ng trentamil.

tuwang tuwa siyang sumakay ng dyip. pumara siya sa quiapo. “para, ho! sa simbahan lang.” huminto ang dyip sa tapat mismo ng simbahan. nagsisisigaw ang mga busina ng mga sasakyan. kinikilig niyang inilabas ang memory card at iniabot sa tindera sa hidalgo. “eleven by seventeen.”

hindi raw art ang photography. kinukuhanan lang naman daw kasi ng potograper ang mga nasa paligid niya. kumbaga, hindi raw niya kontrol. “kaming mga pintor, skill talaga.” sa pagpipinta raw kasi, skill-based, matagal pinag-aaralan at ginagawa ang bawat detalye.

“kaya ang dali na maging artist ngayon, e. ang galing ng tecknology.” sabi ng isang matandang pintor. kulubot ang kanyang mga kamay. nasa likod niya ang isang malaking litrato ng kanyang pamilya. naroon ang kanyang mga anak at ang yumaong asawa.

nakatingin ang kanyang asawa sa kanya sa litratong iyon. mahina na ang memorya ng matandang pintor. inamin niya minsan, ilang taon na rin daw kasing yumao ang asawa. hindi na niya maalala ang itsura ng kanyang asawa. iyon na lang itsura ng kanyang asawa noong nililigawan pa niya ito.

nasa states na ang mga anak ng matandang pintor. nang yumao ito at sumama sa kanyang asawa, ipinagbili ang bahay at mga gamit nito.

“tulad nito,” dinampot ng abstract painter ang litrato ng isang pamilya na naka-frame, “hindi mo masasabing art ‘to dahil ang nirerepresenta ng babaeng ito ay si... halimbawa si treena.” nakatingin ang babaeng tinawag na treena sa lalaking katabi niya. “pero kung painting ‘to, kahit sinong babae ang babaeng ‘to.” tiyaka niya tinuro si treena muli.

tinanong ng kanyang kaibigan kung maaari niyang isulat ang mga napag-usapan nila. tumango ang lalaking. ngumiti ang kaibigan at pinindot ang stop button. nagsulat siya ng isang tula tungkol sa mga pintor. ang paksa, ang paniniwala ng pintor. ipinasa niya ito sa isang competition. tinawag niya itong “ang obra mo, obra ko rin. gaya-gayahan, puta-putahan.”

sumikat siya, pero nagkaroon ng kanser. namatay siya sa edad na trenta. napakabata. pinaglalaruan ng pamangkin niya ang tape recorder. na-play. nabuhay ang boses ng isang lalaki. patungkol ang sinasabi sa mga potograper at mga pintor.

narinig ng tatay ang boses na mula sa recorder. inilabas niya ang kamera at lumabas ng bahay. kinunan niya ang babae sa tapat ng kanilang bahay. ang matandang babaeng nagbebenta ng sigarilyo sa kanto. ang tindera sa tindahan ni aling pacita. ang mag-inang patawid ng kalsada. ang babaeng naka-mini skirt at mataas na takong na palinga-linga. ang tibong nagtatawag para sumakay sa dyip papuntang lawton.

windows > all programes > windows movie maker.

ipinasok niya ang mga litrato ng mga babaeng kanyang kinunanan. nakangiting mukha. takong. kulubot na kamay. apron. ang babaeng nakasuot ng maliit na backpack na may dora the explorer na imahe. sumbrero ng tibo. tiyaka niya inilapat ang boses ng pintor na nakuha sa recorder.

tinawag niya itong, “treena.” binuksan niya ang ilaw ng classroom at pinatay ang projector. nagsulat siya sa white board. “mr. ben tagle, ph.d” tiyaka siya nagsalita, “welcome to art appreciation 101.” nagbukas siya ng powerpoint.

naglabas ng iphone ang dalawa sa trentang mag-aaral. nilitratuhan ang white board. sabi ng isa, #artappreciation101rocks. sabi ng isa, “art board” #art #love #whiteboard #obramaesta