2.27.2014

happy 60th birthday, pa! ice pa!

mahigit sampong taon na rin ang nakararaan. kaunti pa lang ang mga buildings at hotels. bihira pa kami makarating ng makati noon bilang taga-valenzuela kami. tuyong lupa pa ang the fort. nakasasama pa sa mga kainan at reunion si papa.

tulad ng ibang malalaking selebrasyon, late ang mga tao. kaya naman imbes na maghintay sa reception ay naglakad-lakad muna kami sa mall pagkatapos ng kasal. nakatatawa lang na halatang may dadaluhan kaming event dahil lahat kami’y nakapormal. naka-polo kami ni papa, naka-tucked in pa nga siya. si mama naman, naka-polo rin, pero pambabae. ang dalawa kong kapatid, naka-dress. kulang na lang ay make-up, mapagkakamalan na kaming pamilya talaga ng ikakasal. wala naman talaga kaming gagawin sa mall, kaya naupo na lang kami sa isang restaurant para magpalipas ng oras.

nakagawian na namin ‘to sa tuwing malaki ang pagitan ng oras ng kasal sa oras ng reception. kung minsan nga, tinatamad na kaming pumunta sa kasalan sa simbahan dahil napapagastos lang kami sa tuwing maghihintay pa sa mall. sabi lagi ni mama, kung gagastos lang din naman kami, bakit hindi na lang kami kumain sa labas. na, sinasang-ayunan naman namin bilang hindi rin namin hilig ang makipag-tsikahan saibang mga taong kung minsan ay doon mo lang din nakilala. kakain kasama ang mga kamag-anak na tuwing may ikinakasal o may birthday lang nakikita. para sa’kin, parang masyadong plastik kung pag-uusapan namin ang love life ng ka-table namin sa reception, o kung bakit wala ang papa nila, o ‘di kaya naman ay kung kelan babalik ang nangibambansa niyang kapatid. pakiramdam ko lang, hindi ito ethical bilang hindi naman namin sila ka-close.

pero bilang close si papa sa kanyang mga pinsan, sinasamahan namin siya. gusto rin kasi ni papa na kumpleto kami palagi bilang nasa eskuwelahan kami tuwing normal na araw. kumbaga, sunday-family day na rin namin ito.

sa lobby ng hotel kami naghihintay kapag masyado pa ring maaga. nakahihiya naman daw kasing pumunta nang masyadong maaga, sasabihan daw na patay-gutom. nakahihiya rin naman daw na late, masyadong pabida. bilang hindi naman kami mayaman, hindi kami dapat na-le-late. hindi rin daw dapat maaga nang hindi mapansin. dapat, sumasabay sa agos ng pasok ng mga tao para isang hi-hello, isang beso, nakatago na kami sa isang la mesang nasa gilid lang ng venue.

nagbanyo si papa para umihi. nagpasa siya sa’kin. hindi man naiihi, sumama na rin ako. ayaw na ayaw ko kasing naglalakad sa malaking venue na maraming nakakakita. kapag may nakasalubong kasi, marami pang tanong kahit pa wala naman talaga silang pakialam. masasama ka pa sa headline ng mga tsismisan sa araw na iyon.

maraming tao sa banyo ng mga lalaki, marami yatang nagtatago. lumabas muna ko at naghintay ng ilang mga lalabas para makabawas ng tao. ilang sandali lang, isa si papa sa mga lumabas. “tangina...” ang una niyang sinabi. “ha?” sagot ko nang wala naman akong napansing rason para ikagalit niya. nilagpasan niya ko kaya tumuloy na ko sa banyo.

pagkaupo ko, nakaupo na rin si papa. apat na tao pa ang kulang sa mesa namin. panigurado, mga dalawang oras pa bago may mapuno ang mesa namin, kung susuwertehin. “tangina...” umulit nanaman si papa. pero sa pagkakataong ito, natatawa na. sarili pala ang pinagtatawanan habang kinukuwento niya kung paano tumalon iyong ilang mga yelo sa pantalon niya. pinaglalaruan pala niya iyong mga yelong nasa urinal—kapag natatamaan kasi ay gumagalaw ito bilang mainit ang ihi. tawa kami nang tawa. matitigilan kami nang sandali, pero matatawa na lang kami uli basta kapag marinig ko siyang magmumura nanaman kapag naaalala niya, o kung kapag nagkakatinginan kami.

kaya naman sa tuwing nakakakita ako ng mga urinal na may yelo, natatawa na lang ako mag-isa. lalo na sa panahon ngayon na hindi lang sa hotel nakakakita ng mga urinal na tulad nito. hindi ko man malaman ang dahilan talaga kung bakit yelo ang inilalagay (marahil para hindi na laging mag-flush, makatipid sa tubig, makatipid sa linis), hindi ko na kwinestiyon ang dahilan.

60th birthday na ni papa next week. inimbitahan namin lahat ng kilala naming kabarkada niya bilang araw niya ito. reunion na rin siguro para sa kanilang magbabarkada. walang kamag-anak, puro kaibigan at kaming mga anak at asawa niya. tinanong pa nga namin kung sino pa ang gusto niyang imbitahin, ang sagot ba naman ay “si xxx.” nang malamang ko, first love pala niya. loko talaga. natawa na lang si mama, e. sinubok pa naming hanapin para kay papa. kay papa na rin pala nanggaling, matagal na pala itong patay.

isa-isa kong tinawagan ang mga barkada ni papa. ang iba, anak na nila ang kausap ko, ang iba, asawa ang nakausap ko. nakakatuwa lang na nang marinig nila na 60th birthday na ni papa, parang nabubuhay ang boses nila. tinatanong na nila ang mga detalye, kinakamusta na nila si papa. kaya sinasagot ko na lang nang buo na “march 8, 2014, sa shangri-la hotel summer palace. mga 7 ng gabi. tayo-tayo lang, maliit na celebration lang para kay papa.” tapos tiyaka ko susundan uli ng text para hindi nila maalala at may dagdag na lang ng “no need for your presents, just your presence.”

sana makumpleto sila. para maging masaya si papa. kahit na hindi na kami makapagbiruan tungkol sa yelo sa urinal dahil hindi na makalakad dahil sa stroke, mabibiro ko pa rin siya. panigurado, maaalala niya iyon.

“pa, malamig?” tiyaka kami tatawa nang walang tigil.
“pa, ilan yung tumalon?” tawa uli.


“gago!” sasagot siya habang tumatawa.

nommu urinal

february 22, 2014

sunrise at ayala bridge

morning biker at ayala bridge

february 10, 2014


sunrise view from ayala bridge

february 10, 2014

post-valentine traffic at mrt roosevelt walkway

post-valentine traffic at mrt roosevelt walkway

the late sunrise view from mrt roosevelt walkway last February 15, 2014 looks so surreal as heavy traffic has yet to start. morning was slow as most people had long nights due to the celebrated valentine's day

february 15, 2014