1.01.2014

ang artist

sanktuaryo ang banyo para sa kanya. habang nakaupo sa trono’t naninigarilyo, lumilipad ang isip sa kawalan—nangangarap, nakikipagtawaran sa mundo ng “sana.” sinasakyan ang binubugang usok palabas ng bintana para makatawid sa dalawang mundo.

ang mundo na nahahati sa dalawa, sa aktuwal at sa panaginip, ay pawang totoo sa kanya. maglalakad-lakad sa loob ng kastilyo habag sinisindihan ang pangalawang sigarilyo. nagmamasid, tinatanaw ang ari-arian, tila ba hinahanap ang nawawala. pipitasin ang mga ideya mula sa hangin, mamimili kung alin nga ba ang kulang.

isang piyesa. isang natatanging piyesa na maaaring may mensahe o wala, piyesang orihinal at walang katulad, piyesang wala pang nakaisip at sumubok gawin. at nakatapak siya ng pakpak ng ipis.

mula sa winalis na ipis galing sa pagkakapaslang ang naiwang pakpak. kayumangging padilim nang padilim ang kulay. kakikitaan ng kaunting kintab at pagkamangha. mabilis niyang pinatay ang wala pang kalahating hinihithit at dali-daling pumasok sa kanyang silid.

hinalungkat ang mga gamit na nakasalansan sa mesa. binuksan ang mga kalsunsilyo. at nakita rin niya ang tiyani, nakasilid sa itim na bag katabi ng maliit at malaking panlinis ng kuko.

ang obrang dahan-dahang binuo. gamit ang tiyani, isa-isang inobserbahan at kinilala ang bawat pakpak. itatapat pa sa ilaw, para bang sinisilip kung para sa aling daliri nababagay. lalagyan ng pandikit at marahang ilalapat sa dapat kalagyan. binuo niya ang mga kamay ng apat na dilag, pakpak ang kanilang mga kuko—mahahabang mga daliri at nakatitig sa mga bisita, tila nang-aakit, sumisigaw na “piliin mo ako.” 

binuo niya ang obra at kinulayan ang kanbas. kumulay ang mga balat ng mga babae, napaganda nang nabigyan ang bawat ng kolorete. mapupula ang kanilang mga labi, makinis ang kanilang mga mukha, mamula-mula ang kanilang mga pisngi, hindi kakikitaan ng lungkot ang litrato maliban sa kanilang mga mata—mga matang tila nakaligtaang patakan ng kulay, na kung sisilipin at tela ng kanbas talaga at wala ni pinturang puti.

taon din ang binilang at hindi rin naman naagnas ang mga kuko. ang dating marumi ay nanatiling marumi. ang mga kutis ng mga babae, nanatiling makinis maliban sa ilang mga gusot at lamat dala na rin ng katandaan. kasabay ng ibang mga kanbas, dinala na rin niya ang “obra maestra.”

ipinagtanggol pa niya sa tagapangasiwa ng tanghalan, “ito ang obra maestra ko. isasabit ko ‘yan bilang obra, pero hindi ko ipagbibili.” hinayaan na lang siya ng tagapangasiwa, tutal, sa katapusan ay wala namang nanalo sa mga artist tulad niya. dahil hindi rason, o lohika, o teknolohiya, o pilosopiya pa ang nagpapatakbo ng utak ng isang tulad niya. puso.

aalis siya kung kinakailangan, huwag ituloy ang eksibisyon kung mananatiling nasa banyo ang kanyang obra maestrang “tanawin sa bintana.” mabilis napuno ang maliit na lugar. dinumog ng mga naka-amerikana’t naka-t-shirt. naghalo ang mga kuwentuhan at umiintindi, nagtatanong at nakikiramdam. isa lamang ang tumitig sa “tanawin sa bintana.” tinabihan niya ito.

“ang ganda nito.” napatingin siya sa nag-iisang nakatingin sa kanyang gawa. “hindi ko alam kung bakit, pero alam ko sa sarili ko na paborito ko ‘to,” sagot niya, “at hindi ko rin siya ipinagbibili.”

tahimik ang dalawa. nakikiramdam. pero nakangiti na siya, dahil kahit pa pansariling kaligayahan lamang ang gawang ito, masasabi na rin niyang may nakaintindi. may tumigil at naglaan ng oras para damhin.

“kahit trenta mil, bibilhin ko ‘to.”

"pasensiya na, sir. hindi talaga."