12.31.2013

happy 2014 na lang

mabigat nanaman ang tiyan. wala pang alas nuwebe ng gabi, pero inaantok na. sabi ng nanay ko, salubungin ko naman daw ang bagong taon para kahit papaano, mahaluan ng suwerte ang buhay ko. hindi naman naniniwala sa pamahiin ang pamilya namin, pero ika nga, “ano ba naman ang mawawala?”

habang nakaupo sa tabi ng bintana at nakatitig sa parol na bili ni mama noong mag-uumpisa pa lang ang disyembre, napansin ko ang mga matatandang  may dala-dalang supot na puno ng mga paputok habang mahigpit na nakakapit sa kanilang mga t-shirt ang mga maliliit na batang tila baguhan pa yata sa paglalakad. masaya silang sinasalubong ng mga kapamilya’t kamaganak, para bang eksena sa mga teleserye—uuwi ang ama at mabilis na magsisitayuan ang mga anak para magmano at kunin ang uwing pansit at fried chicken, pero dahil bagong taon ngayon, paputok ang pinagkakaabalahan.

sa lahat ng mahihirap, piliipino lang yata ang umuutang para makapaghanda ng marami sa pasko, uutang para makapunta ng bulacan para makabili ng paputok, para suwertehin, para maging mabait ang darating na bagong taon, para palarin sa lotto, sweepstakes, at binggo at makaahon sa kahirapan. kaya naman hindi maramdaman ang lungkot sa mga mukha ng mga tao dito sa baranggay namin. bawat bahay ay may nakasabit ng christmas lights. kung hindi man ay may christmas tree sa loob ng bahay—maliit man o malaki. may parol, may handang mga fried chicken at hamon, at may mga batang nagtatakbuhan at nagtatakip ng tainga dahil sa lakas ng mga paputok. masaya rito sa baranggay namin, sagana sa pagkain, sa ilaw, sa paputok, pati na rin sa bata.

iniisip ko nga kung saan nanggagaling ang pera tuwing ganitong mga panahon. kapag pasko kasi at bagong taon, lahat ay may pera pambili. may pera ang mga kumpanya para mamigay ng mga 13th month pay, bonuses, groceries, may pambili ng panghanda ang mga tao, soldout ang mga baboy sa palengke pagdating ng hapon, lamog na rin ang mga prutas sa mga kanto dahil nabili na ang mga sarili. hindi ko yata napag-aralan sa eco101 ko ‘to, sayang.  pero kung ano pa man, nakapagtataka lang na bakit hindi ito magawa nang buong taon?

o, baka naman sadyang iniipon lang ang lahat para sa huling sipa. ganyan naman tayo, masyadong naniniwala sa kasabihang “save the best for last.” hindi muna kakainin para sa pasko, iipunin muna para may panregalo, tulad na lang ng hindi pagkain ng hapunan hangga’t hindi nagbabagong taon. itong nanay ko talaga, mas pipiliin pang magka-ulcer makakain lang nang sabay-sabay ng media noche.

kaya hindi ko rin masyadong ginagamit ang “save the best for last” kahit pa laging bukang bibig ni mama. mas gusto ko ang “seize the moment.” sa katunayan niyan, “seize the day” dapat, carpe diem, kaso masyadong general, masyadong malawak. marami kasing posibleng mangyari sa isang buong araw, may 24 oras, may 1440 minuto, at 86400 na segundo. masyadong maraming maaaring mangyari na hindi dapat basta pinalalampas. kapag “save the best for last” kasi, mas madalas sa madalang, nauubusan, nawawala, nananakaw, nasasayang, nauuwi sa wala.

naalala ko tuloy noong nakaraang taon. sa kahihintay ng alas dose, at sa gutom na rin malamang, nakatulog ako sa sofa. nagising na lang ako sa sunud-sunod na paputok. nasa hapag na ang buong pamilya maliban sa’kin. nang silipin ko, halos hindi pa nagalaw ang pagkain maliban sa leche flan, ang nag-iisang pagkaing pinakahihintay ko tuwing bagong taon. minsan sa isang taon lang kasi gumawa si mama ng leche flan, na siya namang taon-taon kong inaabangan dahil walang katulad. abot langit ang inis ko noon. kasabay pa noon ang init ng ulo ko dahil sa sakit ng ulo at nang mapansing nalipasan na ng gutom. hindi na rin makabalik sa tulog dahil maingay na sa labas kaya umupo na lang ako sa tabi ng bintana.

dito. dito sa puwesto ko ngayon. baka ngayong taon, dito naman ako makatulog sa gutom. maiba lang.

may nagsisisigaw sa baba. manipis na sigaw sa gitna ng malalakas na putukan. tumatakbo ang mga tao papalapit sa bahay kung saan nakatira ang kapitbahay naming may dala-dalawang supot-supot na paputok. “’nak! dito ka. tignan mo, pinapakita sa tv yung mga party sa iba’t ibang lugar.” sigaw naman ni mama na nakaupo sa sofa kasama ang bunso kong kapatid habang nanonood ng balita. pero hindi ko pinansin ang yaya ng nanay ko. parami nang parami ang tumatakbo papunta sa kapitbahay.

“ma!” sumigaw ako, “ma! may naputukan yata.”

dali-daling tumakbo si mama sa aking tabi, pareho kaming nakasilip sa bintana. tumatakbo ang isang lalaki na may bitbit na bata—ang ama na kanina’y tuwang tuwa pa sa sorpresang mga paputok. mabilis na lumabas ng bahay si mama para alamin ang nangyari. lalo pang dumami ang tao. tuloy pa rin ang ingay ng mga paputok.

paano kaya naputukan iyong bata? malamang, dinampot niya at pumutok sa kamay niya. hindi siguro nabantayan ng nanay bilang anim o pito yata ang supling, at abala naman ang kanyang tatay sa pag-aalak. ano kaya ang nararamdaman ng kanyang tatay ngayon? maaalala pa kaya ng batang iyon ang nangyari sa kanya, o ikukuwento na lang sa kanya ng kanyang nanay? siguro nasa apat na taong gulang pa lang iyong bata. kawawa naman. hindi pa nga masyadong nagkakamalay tao, patapos na nga ang taon, hindi pa pinalampas.

nag-iiyak ngayon ang nanay ng bata kasama ang apat pang mga bata at karga ang isa habang nakapalibot sa kanya ang iba pang mga kapitbahay na wala rin namang magawa—nakatayo, nagtsi-tsismisan, pinag-uusapan kung ano ang nangyari.

bumalik si mama sa’king tabi. nakatingin kami pareho, “kawawa iyong bata, grabe. naglalaro lang daw sa labas ng bahay, e. tapos, nakapulot ng triangle. ayun, pumutok sa kamay niya.” natahimik ako. “lumang paputok na raw iyon, sinisisi nga nila yung intsik doon sa kabila, sa kanila raw kasi iyong triangle na iyon.”

ganoon? may masisi lang? bakit hindi sisihin ang kanyang mga magulang na pinalalaro sa labas kahit alam na delikado dahil maraming paputok? naalala ko tuloy iyong balita tungkol sa don mariano na bus na nalaglag sa skyway. nalaglag ang isang don mariano bus sa skyway na nakadagan naman ng isang van. sabi sa balita, 18 na katao daw ang namatay. namatay din daw ang driver ng bus. nang mamatay si carmelo calatcat, don mariano naman ang binalingan, na ngayon ay iniimbestigahan dahil maliban sa don mariano ay may apat pang ibang bus company ang may-ari.

masyadong maraming nangyari sa taong ito para sa pilipinas. ilang bagyo ang dumaan, ilang bayan ang nasira, marami ang namatay, marami ang nawala, nakalimutan na ang mga dating kaso ng korapsiyon, malakihang holdapan at aksidente, may terorismo pa sa mindanao. at ang magagandang balita para sa’tin, mga pageant at boxing. nanalo si ganito sa miss international something, si ganito sa miss something-something, si pacquioa na nakabalik na rin sa awa ng diyos at ang gilas team natin.

life is nothing but unfair, indeed. kung sabagay, hindi naman maaaring patas ang lahat. sabi nga ng mga relihiyoso, “hindi ka bibigyan ng problema ng diyos na hindi mo kayang harapin.” kaya kawawa ang mga matiisin, tulad ng mga pilipino. kahit anong ibigay na problema kasi ng diyos ay natatawanan lang, naidadaan sa inuman at videokehan. naipagpapabukas, minsan binabaon na lang sa limot para hindi na kailangan pang solusyonan. kaya hindi magiging patas, kailanman. dahil kung ako ang diyos, at tatawanan mo lang ang lahat ng pagsubok na ibibigay ko, lalo kitang bibigyan para lumapit ka sa’kin.

well, hindi naman ako ang diyos. hindi naman natin malalaman. malamang naman sa hindi ay mali ako bilang wala naman talagang nakakaalam ng katotohanan.

ang alam ko lang, napapalitan iyan. “you win some, you lose some,” ika nga. nakakatuwa lang na naimbento ang buwan, na may labingdalawang buwan sa isang taon, at kailangan matapos ang taon at mapalitan ng bago. dahil kung hindi, baka monthsary ang meron tayo. mas magastos dahil buwan buwan ipinagdaraos, at baka wala ring masyadong dating. mas hindi espesyal. at dahil natatapos ang taon pagkaraan ng labingdalawang buwan, mas may rason para ipagdiwang. mas may rason para magmuni-muni, kung ano ang mga natanggap at ano ang nawala.

naniniwala kasi ako na ang buhay, parang tong-its. kailangan magtapon para mapalitan ng bago. parang iyong konsepto ng pagsara ng pinto—“when one door closes, another opens.” minsan, nag-aalangan pa tayo itapon ang baraha, pero kailangan para makabuo. para manalo. kahit pa alam naman natin na sa buhay na ito, walang mananalo. patagalan lang, pero mamamatay din.