10.15.2013

because we deserve a sunset

araw-araw, naghahanap tayo—regardless of what—masarap na agahan, mainit na kape, magandang binibi, masayang usapan, stressless na araw, holiday, bagong picture ng crush, bagong chismis ng officemate, dinner-date with barkada, dahil at the end of the day, alam natin sa sarili natin na deserve natin ng magandang balita, na sa gitna ng napakaraming gawain sa buong araw, mayroong magandang mangyayari. kung minsan, simpleng hi-hello lang ng crush natin, perfect na ang halos isumpang araw, hindi ba? naghahanap kasi tayo lagi—ng bagay na hindi man natin alam kung ano specifically, pero kapag nakita natin, o na-experience natin, alam natin, at magiging masaya tayo.

ako, sunset. araw-araw, mag-a-alarm ang cellphone ko ng 5:10 ng hapon para ipaalala sa’kin na huminto muna sa aking ginagawa, lumabas at dungawin ang araw, abangan ang sunset hanggang sa magpalit anyo siya, hanggang sa mga 5:30. parang dahan-dahang ina-adjust ni god ang saturation at white balance ng buong mundo, dahan-dahang binabalanse, mula dilaw, hanggang sa magkulay kahel, hanggang sa maubos ang pagkakahel at maging pula. dadamayan ng kaunting magenta at violet kung susuwertehin, parang naglalarong bata si god, naglalaro ng mga pintura at kinukulayan ang malungkot langit.

kaya siguro malungkot ang ibigsabihin ng asul—blue. dahil araw-araw tinadhana na maging asul ang langit. simple, pero malungkot. napupuno ng maraming trabaho at responsibilidad, mainit at laging karamay ng tirik na araw, nakauubos lakas at walang laban.

kaya kahit na nasa loob ako lang ng opisina at wala ni silip ng araw na dumadampi sa aking balat, hindi maaaring hindi ko masilayan ang sunset. kumbaga, regalo ko na sa sarili ko na makakita ng hiwaga, ng ganda. para ba masabi ko sa sarili ko na “may magandang nangyari sa araw ko.”

tulad ng laging sinasabi na lahat naman tayo ay nasa ilalim ng iisang langit. dahil sa sunset, nagiging pantay-pantay ang bawat isa. walang atheist, walang holy. walang katoliko, walang buddhist. kahit sino pa, naniniwala man sa santo o diyos niya ang langit at hangin, regalo ito mula sa itaas—sino, o ano man siya.

kaya naiinis ako sa kumpanyang ito, na alas nuebe ang pasok at alas sais ang uwian. rush hour kung alas nuebe papasok, pawisan at dugyot na hindi pa nag-uumpisa sa trabaho. buong araw nasa opisina, libre nila ang tanghalian, wala tuloy rason para lumabas at masinagan ng araw. malaking advantage daw iyon sabi ng kapit-cubicle ko, pero parang nakakasawa namang laging nasa aircon. tutal ay dugyot na rin naman, ano naman kung maarawan nang kaunti. alas sais ang uwian, rush hour pa rin. traffic sa edsa, traffic sa mrt. kumbaga, wala ring choice kundi magpaiwan sa opisina at mag-overtime, nang wala namang bayad. unless, araw-araw makipagsasapalaran sa rush at at umuwing pagod. matalinong bossing, pero hindi yata nila alam ang dahilan kaya tinawag na office hour ang 8am-5pm.


oo, may dahilan iyon kaya ganon. well, naisip ko lang naman. bakit hindi umaabot ng alas sais o alas siete ang normal na klase ng elementarya at high school? bakit ang normal na office hours ay hanggang alas singko lang? bakit sa normal na mundo, hanggang alas singko lang ang lahat ng bagay? dahil sa sunset. dahil naisip ng nakaimbento ng scheme na ito na after a long day of learning, work and shit, and all that “important” things na dinikta ng makamundong ito, we deserve something beautiful. rason para ngumiti, mamangha, maluha kahit pa mag-isa lang. na magpapaalala na hindi naman talaga mahalaga kung may pera o wala, nilindol ang bahay o nabaha ang pananim, kundi hindi ka papabayaan basta-basta.