9.03.2013

ginto

tuloy pa rin si boyet sa pagkiskis ng napulot na bakal. napuno na ng putik ang kanyang damit, pati ang kanyang mukha ay may kalat-kalat na grasa mula sa pagpupunas ng pawis galing sa maduming kamay. “boyet! ano’ng ginagawa mo?” isang boses na maliit galing sa mataas na bundok ng basura ng smokey mountain. si raul, agad siyang bumaba at umupo sa tabi ni boyet, nakayuko at nakaupo sa lumang gulong ng trak, bahagyang nasisilungan ng mababang puno ng papaya.

nagkalat na ang mga damo sa bundok ng basura, hindi na tulad ng dati na panay plastik at nabubulok na bagay lang. makakapal na ang mga damo, may mga maliliit na puno na ring nagsilakihan. sa tulong na rin ng mga tunay na mga manilenyo, ang mga mambabasura ng maynila tulad nila boyet at raul. bagaman grade six lang ang dalawa, kabisadong kabisado na nila ang buong bundok—kung saan maaaring maglakad, kung saan maaaring humawak, kung saan malambot, at kung saan may natabunan na’t hindi na nabuhay pa.

“ano ba ‘yan?” tanong ni raul habang patuloy pa rin siya sa pagkiskis ng bakal. “shh! huwag kang maingay! gold ‘to, eh. mukhang gold, hindi ba?” sagot ni boyet habang itinuturo ang isang parte ng kanyang nalinis, kulay ginto na sumisilip sa gitna ng makapal na kaitiman ng natuyong putik. “kapag ito, gold talaga, nako raul! kahit ikaw, tayo, aabot tayo hanggang college!” nanlaki ang mga mata ni raul. “talaga? ang laki pa naman niyan. baka hindi lang. baka dahil diyan sa gold na ‘yan, hindi na natin kailangang mambasura!” napatigil sa pagkikiskis si boyet at napatingin sa kaibigan.

tirik ang araw. tila pati ang maliliit na dahon ng papaya na siyang tanging nagbibigay lilim sa kanila ay naluluto sa init. umuusok ang ilang parte ng bundok. nasusunog ang ilang mga basura  dahil sa init. ang laging sinasabi ni boyet, “dahil sa pinaghalong kung anu-anong basura, kemikal, at kung ano, tapos masasamahan ng lighter, o gaas, o kandila, kaya magliliyab talaga ‘yan. kaya ang trabaho natin ay antayin silang matapos masunog, tiyaka natin halungkatin. mas madaling makita ang kapakipakinabang sa hindi kapag lahat ay maitim na. ang mga matitigas na lang ang titingnan natin.”

matagal nakatigil si boyet. tila ng nag-iisip, o nananaginip. alin man sa dalawa, ito’y lagi niyang ginagawa. “bakit, boyet?” tanong ni raul sa nanigas na kaibigan. umiwas ng tingin si boyet. “lagi kong napapanood sa news, lalo na kapag special, na may mga driver o janitor na nakakakuha ng malaking pera. pero sinasauli nila.”

“nabawasan na nila iyon! bobo ka talaga. sinong magsasauli ng pera, sige nga? nabawasan na nila iyon, tapos isasauli nila para hindi masyadong konsensiyahin. hero pa sila!” mabilis na sagot ni raul. napatinging muli si boyet sa hawak na ginto. “pero ako, kahit kaunti, hindi ko isosoli kapag nakahanap ako. ayaw ko na rito. masyadong mahirap kumita. kailangan pa kumita para makapag-aral. tapos kailangan pa kumita lalo para makahiram ng libro at makapasok araw-araw. may pangarap kaya ako!” tiyaka tinapos ni raul ang panata.

“hindi mo na naman mababawasan ‘yan kung sakali, e. ang laking ginto niyan kung nagkataon! shempre hindi mo isosoli, kanino mo naman isosoli. ano bang malay natin kung sa isang mayamang pinatay pala iyan, ebidensiya pala, o kung ano at sinadyang itapon dito sa’tin. malay mo! ang dami kayang ganyan sa tv. sabi pa nga ng tito ko, yung gago, si tito bentong, hindi naman daw lahat ng nasa tv, totoo. bayad naman daw iyon lahat.”

“totoo?” sagot ni boyet. nagbago na ang kanyang mukha. malaki na ang kanyang mga mata. at tila malamig na ang mga pawis na nakakapit sa kanyang mga pisngi. “patingin nga.” kinuha ni raul ang ginto na sinlaki ng plato mula sa kamay ni boyet. sinlaki ng mukha ni raul ang gintong plato. kinatok-katok ni raul. kumuha siya ng bato at madiing kiniskis ito. nang sumilip ang manilawnilaw na balat ng bakal, hindi siya tumigil. matagal siyang nagkiskis. tagaktak ang pawis ni raul habang paulit-ulit na dinadasalan na sana ay ginto nga ang lumabas, na yayaman sila, hindi na kailangang mag-aral pa at makaaalis na sa mabahong lugar na iyon habang tulalang nakatitig si boyet.

“teka. uy!” sumigaw si boyet, “ano ‘yan! bakit nawala iyong gold!”

natigil ang dalawa.

“natanggal mo iyong gold, gago ka! kiskis ka kasi ng kiskis! raul!” sigaw ni boyet sabay hablot sa kanyang gintong plato. “hoy! e, peke naman pala iyan. pininturahan lang pala. tangina, bobo ka, buti nga kiniskis ko. college college ka pa diyan! ambisyoso!”