9.25.2013

cycle na ba ito?

pamilya ang isa sa mga nag-uugnay sa’ming apat, problema sa pamilya. ganito sa bahay, problema sa tatay, hindi umuwi si tatay, galit si nanay, nag-away sila, naglayas ang isang kapatid, tagtipid, nauubos na ang pera, at marami pang iba. basta, pamilya.

sa mga inumang red horse hanggang umagahin, mag-umpisa man sa usapang masaya, usapang tungkol tsismis kay ganito at ganyan, alaalang nakakatuwa na kahit paulit-ulit pagkuwentuhan ay walang patid na katatawanan ng buong barkada, hindi puwedeng hinding mapag-uusapan ang mga tatay. “alam mo, pare, masuwerte ka nga umuuwi pa ang tatay mo, e. si papa, umuuwi lang kung kailan niya gusto. parang...” tiyaka namin susundan nang sabay-sabay na para bang choir na araw-araw nagsasanay, “parang nagbubuhay-binata!”

“buti nga kayo may tatay, e.” tiyaka tatapusin ni ralph ang usapan. matatahimik ang lahat at mapupunta na sa ibang usapan.

mahilig kaming mag-inom magbabarkada. kahit pa dinner, o movie ang yaya, parang walang palyang hindi napupunta sa inuman pagkatapos. ang tawag namin, “may activity naman lagi pagkatapos.” oo, activity, kahit pa alam naman naming inuman ang activity na iyon at wala nang iba. at sa gitna ng inuman, mayroon at mayroong papasok sa usapang ikatutuwa ng lahat. ideya, balita, kuwento, mga usapang sana ganito, sana ganyan.

habang nasa gitna ng inuman, nag-check ako ng twitter. ang sabi ko sa last tweet ko noon, “four for brunch and two for pass midnight snack : ) ).” naka-anim kasi ako ng roast beef burger ng burger machine the day before. nagulat lang ako na may nag-favorite ng tweet kong iyon. at, tulad nga ng sabi ko sa kanila habang kinukuwento ko ang tweet na iyon, “and dude! she’s a blond, pare!” tiyaka ko naisip na baka sa laki ng mundo natin, mayroon isa o ilang taong nakakaramdam ng parehong nararamdaman natin at that specific moment, parehong iniisip, parehong ginawa o ginagawa, parehong experience, parehong way of thinking. ang galing nito, sabi ko, isa itong breakthrough.

o, baka lasing lang. too much red horse. masyadong nasipa ng kabayo.


sa dami ng kinaiinisan ko kay papa, sa tuwing napapasok ang usapang alak, galing sa pagmamaneho, siya ang lagi kong ibinibida. isisingit ko lagi na ibang klase sila mag-inuman. kapag nagsama-sama na silang magpi-pinsan, bote bote na ng brandy ang pinag-uusapan. kung beer naman, hindi pupuwedeng walang case sa tabi ng table nila. para raw nabibilang ang mga bote minsang nabanggit ng tatay ko nang sabihin kong ang dami na nilang nainom. hindi na mahihirapan ang waitress sa pagbibilang, at hindi nadadagdagan ang mga boteng nainom nila kapag tinawag na ang bill. mahilig makipagbiruan sa waitress at pumulutan ng mani at nilasing na hipon. minsan, camaron pa nga at lechon. magarbo sila uminom, maraming tawanan, maraming bisyo, napupuno ng usok ang paligid mula sa kanilang mga sigarilyong maya’t maya ang sindi. umaapaw ang kuwentuhan, murahan, at sigawan kapag mapupuno na ang case ng beer. kapag pauwi na, lintek ang galing ni papa sa pagmamaneho. magaling na siya kapag hindi naka-inom. mula first lane, lumilipat sa third o fourth lane kapag gusto talagang mag-overtake. mabuti na lang at sa bandang bulacan kami nakatira. kaya siguro ayaw niyang lumipat sa mas malapit lapit na tirahan. wala kasing nlex sa ibang lugar. pero iba talaga kapag naka-inom siya. kung ang normal na lipad namin ay hindi bumababa sa 80 to 100, kapag may halong alak ay 100 to 120 na consistent. iyong tipong mapapakapit ka talaga, pero hindi dahil sa takot na baka maaksidente. nasanay na kaming pamilya sa ganitong scenario. kumbaga, isa ito sa mga pagkakataong mapagkakasiwala mo talaga ang buhay mo sa kanya. mapapakapit ka nga lang dahil sa bilis at sa lakas ng pagkembot ng sasakyan, hindi talaga mapipirmi ang puwet mo sa pagkakaupo. kailangang nakapako ang paa at nakalapat ang likod.

mahina na si papa ngayon. hindi na halos makalakad at wala nang bisyo matapos ng apat na stroke. kung dati’y hindi mapirmi sa bahay, ngayo’y hindi na halos umaalis. ang mga kainumang barkada nama’y hindi na rin bumibisita.

pauwi ako galing inuman ng barkada. ilang minuto bago mag-alas tres ng umaga. pero imbes na magmadali pauwi, panay ang tapak ng gasolina para sa roast beef ng burger machine. naaalala ko pa rati noong sinusundo pa ko ni papa sa eskuwelahan. tuwing pauwi na’t magtatanong kung gutom ba ko ay doon kami hihinto. siguro dahil burger machine lang ang tindahang 24hrs bukas, may burger na masarap, at may tindang sigarilyo. anim na boteng red horse at tuna belly at heto ako’t nasa burger machine sa a. bonifacio. “isang order ng roast beef.”

naalala ko kung paano iparada ni papa ang pajero namin sa tapat mismo ng burger machine na ito. kung paanong hindi nagbago ang itsura ng tindahan na ito kahit pa ilang taon na ang nakalipas. hindi nagbago, hindi nawala, hindi nagsara, at puro pa rin ng alaala. “may sigarilyo kayo, ‘te?” tanong ko kay ate habang iniinit niya sa maliit na stainless ang malapot sa sabaw ng roast beef. “meron.” siguro, ang pinagkaiba namin ni papa, marlboro red siya at lights ang akin. kung hindi pale ay san mig light ang kanya at red horse ang akin. brandy na on the rocks and kanya at jack coke ang sakin.

mabilis kong naubos ang dalawang roast beef—buy one take one kasi kaya’t ang isang order ay dalawag piraso kaagad. isang orange juice, tulad ng order ko lagi kapag tinatanong ako ni papa kung anong gusto ko. pagkatapos ng isang stick, bumalik na ko ng sasakyan. nagbukas ng aircon na nakagugulo ng buhok sa lakas tulad ng pagbukas ni papa ng aircon sa tuwing siya’y nakaiinom. mabilis na maneobra at natagpuan ko na lang ang sariling nasa nlex na. lumilipad, pauwi, para bang walang makapipigil sa paglipad. nang masilip ko, halos 120 kph na pala ang takbo ng sasakyan. exit na ng bulacan.

malamig na malamig ang aircon. nakahilata sa kama at walang suot na t-shirt. ganito raw ang rockstar. nakadapa at walang pakialam. ala-una na ng hapon nang magising ako, pero ni kaunting gutom ay wala akong maramdaman. ngayon pa lang nagsisimula ang araw ko. pagkalabas ko ng kuwarto, naroon si papa, nanonood ng tv habang nakaupo sa kanyang wheelchair. tiyaka ko naalala kung gaano kami naiinis noong bata pa kami ng mga kapatid ko dahil hindi nagigising si papa at hindi nakasasabay sa tanghalian. kailangan pang gisingin para makahigop ng mainit na buto-buto. at tulad ko, ganoon din siya na hapon na nag-uumpisa ang araw. madaling araw natatapos ang gabi at amoy tsiko paggising.

cycle na ba ito?