9.29.2013

amoy usok. at maalembong na babae. at walang bahid ng katotohanan.

may kakaibang saya kong nararamdaman ‘pag nakahahanap ako ng mga tindahan ng kutsilyo. iyong pagpili ng tamang haba at lapad, kurba at hawakan. may iba’t ibang karakter kasi ang bawat kutsilyo. magkakaiba ang sweet spot, ika nga. may mga magandang hawakan patayo, at mayroon namang paibaba talaga ang paggamit. may mga araw na umuuwi akong walang dala, may mga araw namang tulad ngayon na dalawa ang nabibili. papunta pa lang sa sakayan, iniisip ko na ang paghahasa ng mga kutsilyo. susubukan sa ilulutong panghapunan, malamang ay kung hindi tinolang manok ay adobong baboy. tiyaka susubukan sa mga kahoy-kahoy sa labas ng bahay. pero para malaman talaga kung magandang klase ang patalim, kailangan masubukan sa piso.

bumunot ako ng piso at inilapat sa lupa. katabi ng mga alagang manok na nagtatakbuhan sa paligid, inilabas ko ang bagong hasang kutsilyo na kabibili lang kaninang umaga. inilapat ko ang patalim sa noo ni rizal. tila ayaw talagang humarap ni rizal kahit nasa piso na’t wala nang buhay. mabilis akong bumweldo. butas ang piso, sa pisngi nadali si rizal. hindi siya lumingon sa aking patalim.

tinola ang hapunan. sa gitna ng paghigop ng sabaw, tatlong magkakasunod na katok ang narinig. mabilis na tibok ng puso. sa puso lagi dapat ang puntirya, para malinis at walang sabit. sa itaas ng pinto, sa hamba, kinapa niya ang bolo tiyaka binusaksan nang dahan-dahan ang pinto. “bong, tara na!” sigaw ng jenny. binuksan ko nang buo ang pinto para makapasok si jenny kasabay ng pagbitaw sa hawak na bolo. “ha?” sagot ko habang pabalik sa hapag, sa aking tinola. “akala ko ba aalis tayo ngayon? sabi mo last week, a!”

tumunog ang cellphone. mabilis na tumayo si bong at natigilan si jenny. “boss. oo.” hinawakan ni bong ang balikan ni jenny, para bang sinasabi na agad na intindihin na muna at hindi sila matutuloy ngayong gabi. “ako’ng bahala. papaalis na nga ko ngayon, boss. nag-aayos lang ng gamit.”
nasa gitna pa lang ng telepono si bong, nagdabog na si jenny. galit na tumayo at sumigaw ng “lagi ka na lang, buwisit!” bago ibalibag ang pinto. nalaglag ang bolo. natigilan si bong. “ah. sige boss. andito pa. sige po.”


inilapag niya ang laptop sa hapag at nagbukas ng facebook. nagbukas ng twitter. hinanap ang timeline ni randy de vera. nagbukas ng email at nagdownload ng attachment. click. lumabas ang litrato ni randy. ilang segundo ring nakatitig si bong sa litrato ni randy, para bang kinakabisa ang bagong kilalang kaibigan. kinakabisa ang bawat detalye.

paulit-ulit ang paot na boses ng desktop printer habang mabagal na binubuo ang mukha ni randy, ang kayumangging kutis na tila umuubos ng tinta ng printer, baku-baku, ang matatalim na mga mata, ang nunal malapit sa pagitan ng dalawang kilay, ang maitim na labi, ang malagong buhok.

mahilig gumawa ng checklist, para bang nagiging madali para sa’king makita ang irregularities. mahirap magkamali sa ganitong trabaho. nakaparada ang lumang corollang kulay silver sa tapat ng malaking bahay. mataas ang gate, tahimik ang paligid. iyong mga tipo ng lugar na alam mong bibihira ang mga gago. hindi magkakakilala ang mga magkakapit-bahay, walang pakialamanan dahil lahat ay may ere, lahat ay may pera, lahat ay may bago na ayaw maamoy ng iba. binabasa ko ang timetable ni randy. tatlong linggo ko na rin siya sinusundan. at hindi magsisinungaling ang papel, camry ang dala niyang sasakyan ngayon dahil coding. kailangan niyang umuwi para makapagpakita sa asawa. mga 10 to 10:30, darating siya.

mga alas dose ng madaling araw siya muling aalis. doon ko siya susundan.

dumaan ang puting camry sa kanyang harap. ni kaunti, hindi siya gumalaw. mabilis na pumarada at pumasok sa pinto. nakapolo, maong, hindi naka-tuck in, leather shoes, makintab na relo, kulay ginto, matigas ang buhok. uso pa ba ang pamada ngayon?


mag-aala una na nang lumabas muli ang nakapolo’t leather shoes. pero hindi montero na ang lumabas sa gate ng malaking bahay. muling natigil si bong, tila nanigas na parang estatwa. mata lang at wala nang iba ang gumagalaw. ilang segundo na mula nang dumaan ang montero, tiyaka siya nagbukas ng sasakyan. alam naman niya kung saan ang punta ng pulang montero. sa isang beerhouse na humigit kumulang trenta minutos din ang layo sa tinitirhan. dumiretso siya roon at hindi nga nagsisinungaling ang papel. nakasulat nga na nakaparada ang montero sa gilid ng beerhouse, natatakpan ng karatulang “no parking” ang plaka. big time, naisip ni bong. matalino, kaya siguro huwebes dahil kakaunti ang lalaki. maraming babae. hindi singtumal ng lunes at ‘di singdagsaan tulad ng biyernes at sabado at araw ng suweldo. parang linggo, pero hindi araw ng diyos.

sinubukan kong pumasok. kinapkapan ako, todo kapkap ang naka-itim na security guard. tumingin siya sa’kin nang makapa niya ang cellphone. inilabas ko ang cellphone. inilabas ko rin ang swiss knife na nasa kabilang bulsa, “swiss knife lang, boss.” kinailangan ko raw iiwan at bawal daw. nakasulat sa lobby, bawal ang camera, bawal ang kutsilyo’t matatalas ng bagay, bawal ang cellphone.

sa gitna ng dilim, ang ilaw sa stage na lang talaga ang makikita. maaaninag ang mukha ng mga manonood, pero mahirap kung hindi tititigan nang maayos. umikot ako sa paligid, nagpanggap na tila naghahanap ng matitipuhang upuan kahit pa marami pang bakante. naglapitan ang mga babaeng maiikli ang suot. wala si randy. “hinahanap ko kasi iyong barkada ko, e. iyong nakapolo, tapos ganito kalaki.” tinanong ko ang isang babaeng tila swimming pool na lang ang kulang sa liit ng suot. “si sir randy ba?”

oo, pero “hindi. si ben, ben ang pangalan. patanong naman.” pakiusap ko sa babaeng pati ang palya’t mas maikli pa sa kanyang panty. “wait lang, sir.  papatanong ko kay mommy, baka gumimik lang.” sinundan ko ng tingin ang babae bago lumabas ng beerhouse na iyon. umarte pa kong “walang tao, e. hindi masaya.” kahit pa halata naman yatang wala akong intensiyon na magtagal. hiningi ko sa lalaking naka-itim na puno ng tato ang mga braso ang swiss knife at bumalik ng sasakyan.


“sir, confirmed po. tuwing martes at huwebes, nasa rotonda club siya. sa gilid lagi nakaparada at laging natatakpan. hindi ko lang po ma-confirm is kung sino ang lagi niyang pinupuntahan doon. pero, confirmed po sir. may babae po ang tatay niyo rito. forward ko bukas ang data. balikan ko na lang po kayo ‘pag may update na kung sino.”


alas kuwatro na ng umaga nang makauwi ako ng bahay. pagbukas ng pinto, bukas ang mga ilaw. nagising si jenny na tila nakatulog na kahihintay sa’kin. mabilis siyang tumayo mula sa hapag at humarap sa’kin, “gago ka, nambababae ka, ano!” inamoy niya ang aking dibdib at nagpatuloy, “tamo! amoy babae! babaero ka! hayop!” natigilan ako sa bilis ng pangyayari. “gago!” pilit ko siyang pinigilan nang pinagbabato niya ang mga gamit sa sahig, mga upuan, plato, baso, mga picture frame na nakasabit at iba’t iba pa. lahat nang makita, tila gusto niyang sirain. binunot niya ang isang drawer sa oro can, at nagsambulat ang aking koleksiyon. nagulat si jenny. kitang-kita sa kanyang mga mata, pero tila nanaig pa rin ang galit sa kanya, “ano?! papatayin mo rin ako?” galit, o pagkabaliw. hindi ko masabi. pero doon nag-init ang ulo ko.

“hoy! hindi ako nambababae! tangina naman! tigilan mo na ko!”

“sinulangaling!”

“ah, puta! kung ayaw mong maniwala, ‘di ‘wag! umuwi ka na, bukas na tayo mag-usap ‘pag matinu-tino ka na!”


lumabas ng bahay si jenny na umiiyak. tumahimik ang paligid. nagmukhang basura ang buong kuwarto. ang malalalim na buntong hininga na lang at walang tigil na angal ng bumbilya na malapit nang maubusan ng hininga. tiyaka ko inamoy ang polo. sa kaliwa’t kanang bahagi ng dibdib. amoy usok. at maalembong na babae. at walang bahid ng katotohanan.