7.22.2013

upos at pagsayaw

madilim nanaman ang gabi. mga aninong mahahahaba dahil sa kakaunting nabibigay ng buwan. tahimik pati ang mga kulisap. ang mga bitwin, nagtatago. ganito raw lagi basta’t nasa siyudad. nabalot na kasi ng usok ang kalangitan. maiitim, makakapal, at mababahong usok. tumatakip, nagsisilbing kumot sa mga bitwing malalayo’t nag-iisa. mula sa lukut-lukot na kaha ng sigarilyo, humugot siya at nagsindi muli ng isa. nag-iisa na lang, wala nang kasama ang balingkinitang katawan ng sigarilyong naiwan sa lukut-lukot na kaha ng sigarilyo. kumunot ang kanyang noo. humigop siya nang malalim, nag-alab ang sigarilyo. tiyaka niya naramdaman ang pangangalam ng tiyan, ang mga blade na marahang gumuguhit sa kanyang bituka, pinupunit at inuubos ang natitirang kakaunting laman. sinundan niyang muli ng isa pang mahabang higop bago ibinuga ang unang usok ng sigarilyo. nagmanhid ang sentido, ang leeg, ang tiyan. muli siyang napatingin sa maamong titig ng buwan. nagkatinginan sila, pero hindi rin siya nagtagal. umiwas siyang muli ng tingin at nagtaktak ng upos. mula sa third floor na bintana ng matandang apartment, tila nyebeng nagbagsakan ang mga upos ng sigarilyo. paikut-ikot, sumasayaw, nagpapanggap lumipad, na ikinainggit ni ray. sinilip pa niya hanggang sa maglaho sa dilim. pumasok ang naglalarong mga liwanag sa kuwarto nang buksan ang pinto. pula, berde, dilaw, at asul. naglalaro, nagsasayawan din, para bang nagdidiwang sa kalungkutan ng mundo, sa pagtapos ng araw, sa pag-aantay ng kinabukasan, sa bagong pag-asa, sa bukas.

7.06.2013

bukas na lang uli

hindi ko alam kung bakit. ayaw ko talaga ng ganito. ayaw ko talaga. iyong tipong wala akong idea. wala talaga. hindi ko alam kung bakit.

sabi sakin, ang tunay na pag-ibig, nagbibigay ng lakas. nakakainis, hindi siya nagbibigay ng memorya.

hinuhugasan ang mga sabon na nagkalat sa porselanang pinggan. sabi ng panganay kong si daniel, siya na raw at magpahinga na rin ako. pero hindi ko siya pinansin. lilinisin ko ang pinggang pinagkainan mo. ako na, hindi kita pababayaan.

sabi ni daniel, siya na. pero pinagpatuloy ko ang pagplantiya ng mga kobre kama. nag-init ang aking ulo. "gumawa ka na ng assignments mo, baka pagalitan ka nanaman ng professor mo!"

kasabay ng pawis ang pagtulo ng luha ko. sinilip ko ang panganay ko. papunta na siya ng kuwarto niya. tiyaka ko itinuloy ang pamamalantiya. at, ang pagluha. pag-iyak siguro, pero hindi ko maaaring aminin, sa aking panganay o sa akin.

inilatag ko ang puting kobre kama. "jenny, higa ka na. gabi na. inumin mo na ang gatas mo at matulog ka na."

"pahinga ka na. bukas na lang uli." hindi naman ako magsasawang ipaglaba at ipagplantiya ka.