5.13.2013

barangay scalper


“’tay, magpapasukan nanaman, kailangan na natin ibili si manuel ng uniporme. hindi kasya sa kanya ‘yung luma. masikip na rin yata ang sapatos niya. at, libro rin pala. sabi ni nora, iyong nanay ng anak ni jo, mas marami pa raw ang libro kapag graduating ng elementary.” bungad ng asawa ni bong habang kumakain ng agahan. paulit-ulit ang si vivian habang tila walang naririnig si bong. tahimik na iniinom ang kape habang nanonood ng balita.

bago pa man maubos ang kape, tumayo na si bong at kinuha ang paboritong ginebra na sumbrero. kumuha ng isang sigarilyo mula sa kanyang kaha na nakalapag lang sa itaas ng pridyider, at nagsindi. bago pa man makalabas ng pinto ng bahay, “manuel! tanghali na! bumangon ka na riyan!” , sigaw ni bong. pero si vivian ang nagulat sa malakas na sigaw. at bago pa man makalabas nang tuluyan si bong ng pinto, bumulong nang bahagya si vivian, tila tumatawid sa pagitan ng takot at galit, “tiyaka wala na tayong bigas para bukas pala, ‘tay.”

“oo na. oo na. do-or-die ng ginebra ngayon, ako’ng bahala. huwag ka nang maingay diyan.”

napaalalahanang muli si vivian. huling laro pala mamaya ng ginebra sa semis. paniguradong maraming manonood sa araneta. paniguradong maraming mauubusan ng tiket. paniguradong may maiuuwing pera ang kanyang asawang ginebra fan. paniguradong mas malaki ang maiuuwi kaya tama ang asawa, walang dapat na ipag-alala. ginebra ang bahala.

“sige na, p’re, pautang lang, kahit isang libo. ibabalik ko rin naman agad. ibibili ko lang ng tiket. bawi naman ‘to, sigurado.” habang naka-akbay kay toti, isang ding scalper. “tangina mo, ah. siguraduhin mong mabebenta mo ‘yan. kundi, sisingilin kita ng doble!” sagot naman ni toti habang binubunot sa wallet ang isang libong piso. “ano ka ba! ginebra ang laban, semis pa, ubos ‘to panigurado.” sabat ni bong.

apat na tiket kaagad ang binili ng bong. sa haba ng pila sa bilihan, paniguradong tatamarin ang mga tao bumili. at, siguradong mauubusan ng upuan. ganito naman lagi ang laro ng ginebra. sa libu-libong nakakapanood ng laban ng ginebra sa araneta, at milyun-milyong nanonood sa kani-kanilang mga tv, sino’ng makahihindi sa ticket na mas mahal lang ng kaunti kung panigurado namang makauupo.

mabilis naibenta ni bong ang unang tiket. alas siete y media ang laban, pero alas singko pa lang ay mahaba na ang pila. palakad-lakad si bong. pabulong na inaalok ang hawak na tiket, ang 250 na tiket na ngayon ay 350 na. mabilis na naibili ang pangalawa at pangatlong tiket. sa isip ni bong, may 300 na ko, at may isang tiket pa. may pambili na ng bigas, may ulam pa para bukas.

nasipat ni bong ang isang kumpol na mga nakadilaw. sumitsit si bong kay toti at itinuro ang kumpol. “ay putangina, ang mga tambolista ng tnt!” malakas na sigaw ni toti na para bang naghahamon ng away. tumawa si bong na may halong pangamba. bukod sa mapa-away, baka mahuli pa silang nagbebenta ng tiket. walang takot si toti, dahil kilala siya ng mga gwardiya, pero siya, si bong na baguhan, at naging scalper lang dahil mahilig sa basketball, walang koneksyon na kahit ano kundi si toti.

sampung minuto bago mag-umpisa ang laro. nataas na ng presyo si bong nang malamang sro na ang binebentang tiket sa booth. ang dating 250 na naging 350, 500 na ngayon. kung magkataon, 550 ang kanyang maiuuwi. walang gustong bumili, dahil iisa na lang ang tiket. karamihan kasi na hanap ay dalawa pataas. “punyeta, walang gustong bumili, e. sino ba naman kasing manonood ng laro mag-isa!” sumbong ni bong kay toti. “ako nga rin,” sagot ni toti, “isa na lang din, takte. sayang, inood na lang na’tin ‘to tutal kumita na naman tayo.”

walang nagawa si bong. bilang isang fan, at bilang isang scalper na pagod sa kakalakad, sumunod na lang siya sa pagpasok sa araneta.

pagkapasok at pagkapasok pa lang ng dalawa, bumungad na sa kanila ang sigawan ng buong araneta. buhay na buhay ang dugo ng mga taga-ginebra. katitira lang ni tenorio ng tres, at kauumpisa lang ng laban. maingay ang mga tambol ng tnt, tila umaasang makasabay sa sigawan ng mga taga-barangay.

habang timeout, maiging itinupi ni bong ang perang kinita. inabot ang isang libo kay toti, “baka makalimutan ko, kunin mo na.” kinuha ni toti at isinilid sa makapal na nakataling pera. “salamat!” sigaw ni bong dahil nag-umpisa nanaman magtambol ang maliit ng crowd ng tnt. hindi sila halos magkarinigan. bumabawi na ang mga tnt. pero hindi pinababayaan ni tenorio na mawala sa kanila ang momentum.

panay sigaw ni bong. parang bata na ngayon lang nakapanood. mahigit isang taon na rin kasi mula nang huli siyang nakanood sa loob ng araneta. kalmado lang si toti, palibhasa ay sanay na. may pusta pala si toti. dalawang libo kapag nanalo ang ginebra. nang malaman ni bong, panay usisa niya. “kanino? saan ka pumusta? kapag nanalo ang ginebra at umabot ng finals, pupusta rin ako! o, ipusta mo ko!” tango lang nang tango si toti habang nanonood. paulit-ulit naman si bong. “oo nga, sige na. manood ka muna!” iritang sigaw ni toti.

natapos ang laban. halos hindi lumamang ang tnt. nagtatatalon si bong. panay ulit niya sa mga nangyari kung paano tinirahan ni tenorio ang mga malalaki ng tnt. “ang ganda talaga ng laban. hindi nila mahabol si tenorio, e. ang gago pa, pinasok pa si caguioa. umiskor pa ang hayop! saya!” habang labis ang tuwa ni bong, iritang irita naman si toti dahil pinagtitinginan na sila ng mga tao. nakababangga rin kasi si bong ng ibang tao. “hoy! mamaya ka na magtatatalon diyan. pagbaba natin, kahit sa hanggang bukas ka pa magsisisigaw. huwag dito, ang sikip sikip, e, ang init pa.”

“o, siya, mauna na ko, bong. kukunin ko pa yung panalo ko, e. sa susunod uli!” paalam ni toti. “sige, p’re, salamat! sa miyerkules uli! finals naman, mas malaking kita!” sagot ni bong nang buong ngisi. habang naglalakad patungong sakayan, isinilid ni bong ang kamay sa bulsa. pinaglalaruan pa niya ang maliit na butas sa bulsa. nililibang ang sarili habang naglalakad. palingun-lingon, tinitingnan ang mga taong galing araneta na may hawak na banner at nakasuot ng jersey ni caguioa nang maalala ang kinitang pera. pilit niyang inalala kung saan inilagay habang binubuklat ang wallet at kinakapa ang six-picket na short. pero wala. maging ang kahang yosi at lighter ay wala na sa kanyang bulsa.