5.23.2013

bukas, may lechon si mang canor


kauuwi lang ni efren galing cebu. tatlong araw din siyang nawala kaya naman namili siya ng ilang pasalubong para sa bahay.

nasa harap ng tv ang tatay ni efren, tahimik na nanonood. kuba na ang kanyang ama, nakaupo sa wheelchair at nakatitig sa tv, araw-araw. minsan napapaisip siya, gusto ba talagang manood ng kanyang tatay dahil minsan ay nakakatulog na lang sa kinauupuan habang nagsasayawan ang mga tao sa showtime. para bang hindi naman talaga niya gustong manood. hindi naman siya kasi ganoon noon. lagi siyang wala sa bahay, gabi kung umalis at umaga kung umuwi. kumbaga, walang oras sa tv. kung manonood man siya, action movie nila jackie chan at bruce lee. kaya normal lang ang makatulog sa harap ng telebisyon. nakakasawa rin namang tumingin lang sa mga babaeng nakasuot ng maiikling short at skirt at nagsasayawan.

ininit ni efren ang uwing lechon galing cebu. prinito nang bahagya at hiniwa nang pira-piraso. tumingin sa relo si efren, alas otso ng gabi. sakto, matikman man lang ng kanyang tatay ang lechong uwi bago makatulog. naalala ni efren na paborito pala ng ama ang lechon. dati-rati, noong nakalalakad pa at hindi pa na-i-istroke at naka-iinom pa, partner ang beer ang lechon. tambay nila ng kanyang barkada ang pingping. lagi iyon, pagkapatak ng alas singko ng hapon, saktong bago maggabi, habang naghahalo ang liwanag at gabi, isa-isang darating ang mga dating kaklase ng kanyang tatay. isang malayong pinsan, isang barkada noong high school na naging ka-schoolmate sa college, isang kaklase sa college, at isang kasamahan niya sa pangangarera ng sasakyan noong college. karerista kasi ang kanyang tatay noon, lagi niyang pagmamalaki. iyong mga tipong nagsasara ng mga kalsada’t nakaupo sa hood ng mga sasakyan. mag-iinom sila, case case ang binibilang. kasabay nito ang pulutang nilasing na hipon, camaron, mani, at siyempre, kaya sila nasa pingping, mga lechon at mga waitress na napupuno ng kolorete.

“pa, gusto mo litson?” mula sa dilim, lumabas si efren. ang liwanag na nanggagaling lamang sa tv ang nagbibigay liwanag sa kalahati ng mukha ng kanyang ama na nakatitig sa lechon na tusok-tusok ng tinidor. nakatitig lang ang tatay ni efren kaya inulit niya ang tanong, “gusto mo?”

tumingin si canor sa kanyang anak na ngayo’y napakalaki na. bente tres anyos, o bente kuwatro na ba? hindi na maalala ni canor. halos hindi na rin kasi niya maalala kung gaano na siya katagal na nakaupo sa wheelchair, kung anong petsa na at kung anong araw na ng buwan. marami-rami na rin ang nawala sa kanyang memorya. minsan, maaalala niyang mag-yosi, ang pakiramdam ng sigarilyo sa pagitan ng kanyang mga daliri, tiyaka susundan ng malamig na beer para maibsan ang nanunuyong lalamunan dulot ng usog na kabubuga lang. matatabang lechon at malulutong na balat ng pingping, ang makunat-kunat na balat ng nilasing na hipon, ang maliit na hipon na nasa loob ng camaron, at ang nagtatabaang mga waitress pero gumaganda dahil sa kasasabing sila ang pinaka-gwapo sa lahat ng customer nila.

ngumiti si canor sa anak at tumango nang bahagya. hanggang dito na lang kasi ang kayang tango ng kanyang leeg. humigit pa rito’y masyado nang nakakapagod at masakit. lumapit ang anak at inilapit ang tinidor na may tuhog-tuhog na lechon sa bibig ni canor, pero hindi niya ito ibinuka. tumatawa nang bahagya at tumungo nang malakas, tila may iba pang sinasabi. “ha? ano iyon?” tanong ng kanyang anak. patuloy sa pagtungo si canor. bahagyang kumunot ang noo ng anak, pilit iniintindi ang nais iparating ni canor. tiyaka lumabas ang isang boses mula sa likod ng anak ni mang canor, “wala na siyang ngipin!”

tapos na pala kumain ang tatay ni efren. tinanggal na rin ang kanyang pustiso upang malinisan. nanonood na lang ng tv para antukin. mabuti na lang at dumating ang nanay ni efren, kundi ay mahaba-habang titigan at tanguan nanaman. kaya isinubo na lang ni efren ang hawak na lechon, “akin na ‘to, ah. bukas na lang. mag-iiwan ako, marami pa naman.” pawala na ang ngiti sa mukha ng tatay. mabuti na lang at nasundan ni efren pagkatapos isubo ang lechon.

tiyaka muling tumango si canor. bukas, may lechon si mang canor.

5.22.2013

yosi, kape, at tae


pagkapasok at pagkapasok ng kuwarto, tila ritwal ang kanyang paghuhubad ng t-shirt. pagkatapos ng mahabang araw na walang humpay na pagpapawis at pagpapatuyo, halos kumapit ang t-shirt sa balat sa lagkit. kinuha ang nagpapawis na pitsel at nagsalit sa baso. tatlong sunud-sunod na lagok at mabilis naubos ang tubig na laman. paupo na ko nang makaramdam ng pangangalam sa tiyan. imbes na buksan ang laptop at makapag-check ng facebook, mabilis akong nagtanggal ng sinturon.

nag-uumpisa pa lang ang gabi. bibihirang mangyari lalo na’t sa mga araw na nanggagaling sa labas dala ng kung hindi alak ay pag-iwas sa traffic ng rush hour. tahimik ang bahay tulad ng karaniwang araw. wala si nanay, wala ang mga kapatid. si papa lang na nasa sala at nanonood ng tv.

naisip kong magsulat. pero, hindi ko alam kung tungkol saan. may mga ganoong panahon na wala naman talagang iisang topic na gustong isulat o ikuwento. maraming tumatakbo sa isip, pero watak-watak. ang turo ng mga manunulat, mag-isip ng isang topic at palawakin, tiyaka mag-isip ng title. pero, kailangan ba iyon? naisip ko, hindi naman kailangang iisa ang problema, na may kontrabida, at may resolba. lalo na’t sa tunay na buhay naman ay hindi laging may sagot ang lahat ng tanong at lunas sa lahat ng problema. karamihan pa nga sa mga problema ay kung hindi napapalala ay nauuwi sa limot.

ang kuwento, laging may problema. laging buo. laging iisa. laging konkreto. na hindi ko nakikitaan ng maayos na lohika bilang hindi ganoon ang tunay na buhay. maraming kuwento, maraming problema, ay problema sa loob ng problema na may katabing problema na may kaharap na problema na may dala pang problema na nakikitaan ng problema, sabay-sabay pa! kalat-kalat, parang taeng sabog na kahit sa pader ng enidoro ay may lagda mo. kaya siguro trono itong natawag. bukod sa niluluklukan, para bang sa tuwing magbabawas ay mabibinyagan, matatatakan, nagsasabing, “akin ‘to.”

nang magising ako kaninang umaga, isang oras na pala kong late sa alarm. na-snooze ko pala. mabilis akong bumangon nang makita ko ang oras. halos patakbo akong pumunta sa banyo. pero, bitin kung iyon lang ang aking ikukuwento. ayaw ko namang ikuwento ang inis ko nang hindi ako nakapagdumi dahil late na ko. ang plano ay magbayad ng bill sa credit card, iyon ang una sa aking to-do list. nang i-check ko, kulang pala ang laman ng aking atm para makapagbayad nang buo kaya banas akong umalis ng bangko. masisingil ako ng interes, panigurado. pero, wala ring saysay, hindi ba? para sa mga manunulat na graduate ng journalism, o sa mga primyadong mga nanalo na sa mga award-award na iyan, hindi iyon kuwento. walang saysay, dahil para sa kanila, isa lang iyong pangungusap na pinahaba, pinabigat ang bawat emosyon, nagbigay ng kaunting detalye, at nagsasabi ng wala. kumbaga, walang kwentang pangungusap. pero, para sa’kin, iyon ang mahahalaga. iyong mga maliliit na bagay na nangyayari sa ating araw-araw na hindi naman natin nabibigyan ng pansin dahil hindi naikukuwento, hindi naisusulat dahil hindi ganoon kabigat. pero, hindi naman kailangang maging mabigat ang bawat kuwento. kailangan ba, nakakaiyak?

minsan, may humingi ng mga nasulat ko. pabasa raw. bago ko ibigay, nagsabi pa ko, “pero hindi ako writer, ah. kuwentista ako.” hindi naman talaga kasi ako writer, ayaw ko lang sa mga writer na... writer. iyong alam nilang writer sila dahil may diploma sila at nagsusulat sila ng balita. ayaw ko sa mga rules. ayaw ko ng form. ayaw kong sumusunod kaya ayaw ko sa mga taong ginagawa lang ang mga bagay na itinuro sa kanila. naniniwala ako sa “learn and unlearn.” dahil kung hindi tayo matututong kumawala sa rules, ano ang kaibhan natin sa kanila.

tinamad yata siyang basahin. hindi ko na rin hinintay ang kanyang comment. wala rin naman akong pakialam. hindi ko ipinagkakailang magaling siyang manunulat. ilan din ang aking nabasang sulat niya—mga kuwentong pilipino, gawang pilipino, lenggwaheng pilipino. iyon naman ang gusto ko. hindi mahirap basahin, pero may laman. nagulat na lang ako nang mag-message siya sa ym! (yahoo messanger). nabasa na raw niya. nasundan ito ng matagal na katahimikan, para bang pinipilit akong magtanong kung kamusta. nahihiya man, kabado na rin, tinanong ko. maganda naman daw, at considering na hindi ako journalism, tama ang aking paggamit ko ng tagalog. hindi naman ako magaling sa tagalog, pero alam ko namang tama ang aking grammar. tama ang aking paggamit, pero hindi ko sinasabing hindi nagkakamali. tinanong niya ko sa aking hindi paggamit ng malalaking titik na para bang isang tangang uri. wala namang nais ipahiwatig iyon. paborito ko lang talaga ang mga small letters. kung oc sila sa mga proper grammer, oc ako at naiinis akong makakita ng malalaking titik. maganda raw dahil maraming detalye, pero nabitin daw siya. mahilig ako sa detalye. sa’king palagay, iyon kasi ang nagbibigay ng kulang, ng emosyon, ng pakiramdam na naroon ka sa lugar na iyon, dahil naniniwala rin akong kahit gaano kadetalyeng maisulat ang isang sitwasyon, hindi pa rin ito lubusang mararamdaman. kaya’t hangga’t maaari, isusulat ko ang bawat detalye nang kahit papaano, kung hindi man maiparamdam nang buong buo, ay maiparamdam pa rin.

natuwa ako. pero, hindi pa rin ako nakinig. hindi rin naman kasi ako mahilig sumunod sa mga suhestiyon. pinag-iisipan ko pa naman, pero hindi ko laging sinusunod.

nag-iisa na lang ang yosi kong nasa banyo. kinuha ko ang lighter na nakahiga sa lababo at umupo sa trono. pssssssshh. nagulat ako nang magsindi. mabilis kong na-realize na wala namang tagas ang lighter at hindi sa lighter nanggaling ang tunog. nasabayan ko pala ng ire. utot na pala iyon.

humithit ako nang isang buo. ang sarap sana kung may kape. yosi at kape. itong tatlong ang ilan sa mga bagay na wala namang halos kakuwenta-kuwenta, pero napakasarap gawin. kung mayroon lang sanang kapihan natahimik at kakaunti ang naglalakad sa paligid. halos wala kang maririnig na nag-uusap. tatawagin ko itong, “private room.” isang itong coffee shop na mayroong maraming cubicle. may maliliit, may malalaking cubicle, at may conference rooms na pang animan. may bintana ang bawat cubicle para sa mga taong habang nagsusulat at nagbabasa, o nag-me-memorize ay mahilig tumingin sa mga taong naglalakad sa labas. pero, may blinds para sa mga taong gustong maluklok sa kanilang sinusulat pero ayaw magsulat sa kani-kanilang bahay. (malamig ang banyo, may sapat na urinal at cubicle, hiwalay ang panlalaki at pambabae, laging may tissue at sabon, may flush at may bidet. para naman ito sa mga taong mahilig magkulong sa cr, ano man ang dahilan.) kahit pa sabihing kape ang isa sa mga yayaan para sa date, o meet-ups, intimacy lagi ang kaugnay ng kape. swabe, tahimik, kalmado. dahil kung hindi, mag-beer na lang. 

5.13.2013

barangay scalper


“’tay, magpapasukan nanaman, kailangan na natin ibili si manuel ng uniporme. hindi kasya sa kanya ‘yung luma. masikip na rin yata ang sapatos niya. at, libro rin pala. sabi ni nora, iyong nanay ng anak ni jo, mas marami pa raw ang libro kapag graduating ng elementary.” bungad ng asawa ni bong habang kumakain ng agahan. paulit-ulit ang si vivian habang tila walang naririnig si bong. tahimik na iniinom ang kape habang nanonood ng balita.

bago pa man maubos ang kape, tumayo na si bong at kinuha ang paboritong ginebra na sumbrero. kumuha ng isang sigarilyo mula sa kanyang kaha na nakalapag lang sa itaas ng pridyider, at nagsindi. bago pa man makalabas ng pinto ng bahay, “manuel! tanghali na! bumangon ka na riyan!” , sigaw ni bong. pero si vivian ang nagulat sa malakas na sigaw. at bago pa man makalabas nang tuluyan si bong ng pinto, bumulong nang bahagya si vivian, tila tumatawid sa pagitan ng takot at galit, “tiyaka wala na tayong bigas para bukas pala, ‘tay.”

“oo na. oo na. do-or-die ng ginebra ngayon, ako’ng bahala. huwag ka nang maingay diyan.”

napaalalahanang muli si vivian. huling laro pala mamaya ng ginebra sa semis. paniguradong maraming manonood sa araneta. paniguradong maraming mauubusan ng tiket. paniguradong may maiuuwing pera ang kanyang asawang ginebra fan. paniguradong mas malaki ang maiuuwi kaya tama ang asawa, walang dapat na ipag-alala. ginebra ang bahala.

“sige na, p’re, pautang lang, kahit isang libo. ibabalik ko rin naman agad. ibibili ko lang ng tiket. bawi naman ‘to, sigurado.” habang naka-akbay kay toti, isang ding scalper. “tangina mo, ah. siguraduhin mong mabebenta mo ‘yan. kundi, sisingilin kita ng doble!” sagot naman ni toti habang binubunot sa wallet ang isang libong piso. “ano ka ba! ginebra ang laban, semis pa, ubos ‘to panigurado.” sabat ni bong.

apat na tiket kaagad ang binili ng bong. sa haba ng pila sa bilihan, paniguradong tatamarin ang mga tao bumili. at, siguradong mauubusan ng upuan. ganito naman lagi ang laro ng ginebra. sa libu-libong nakakapanood ng laban ng ginebra sa araneta, at milyun-milyong nanonood sa kani-kanilang mga tv, sino’ng makahihindi sa ticket na mas mahal lang ng kaunti kung panigurado namang makauupo.

mabilis naibenta ni bong ang unang tiket. alas siete y media ang laban, pero alas singko pa lang ay mahaba na ang pila. palakad-lakad si bong. pabulong na inaalok ang hawak na tiket, ang 250 na tiket na ngayon ay 350 na. mabilis na naibili ang pangalawa at pangatlong tiket. sa isip ni bong, may 300 na ko, at may isang tiket pa. may pambili na ng bigas, may ulam pa para bukas.

nasipat ni bong ang isang kumpol na mga nakadilaw. sumitsit si bong kay toti at itinuro ang kumpol. “ay putangina, ang mga tambolista ng tnt!” malakas na sigaw ni toti na para bang naghahamon ng away. tumawa si bong na may halong pangamba. bukod sa mapa-away, baka mahuli pa silang nagbebenta ng tiket. walang takot si toti, dahil kilala siya ng mga gwardiya, pero siya, si bong na baguhan, at naging scalper lang dahil mahilig sa basketball, walang koneksyon na kahit ano kundi si toti.

sampung minuto bago mag-umpisa ang laro. nataas na ng presyo si bong nang malamang sro na ang binebentang tiket sa booth. ang dating 250 na naging 350, 500 na ngayon. kung magkataon, 550 ang kanyang maiuuwi. walang gustong bumili, dahil iisa na lang ang tiket. karamihan kasi na hanap ay dalawa pataas. “punyeta, walang gustong bumili, e. sino ba naman kasing manonood ng laro mag-isa!” sumbong ni bong kay toti. “ako nga rin,” sagot ni toti, “isa na lang din, takte. sayang, inood na lang na’tin ‘to tutal kumita na naman tayo.”

walang nagawa si bong. bilang isang fan, at bilang isang scalper na pagod sa kakalakad, sumunod na lang siya sa pagpasok sa araneta.

pagkapasok at pagkapasok pa lang ng dalawa, bumungad na sa kanila ang sigawan ng buong araneta. buhay na buhay ang dugo ng mga taga-ginebra. katitira lang ni tenorio ng tres, at kauumpisa lang ng laban. maingay ang mga tambol ng tnt, tila umaasang makasabay sa sigawan ng mga taga-barangay.

habang timeout, maiging itinupi ni bong ang perang kinita. inabot ang isang libo kay toti, “baka makalimutan ko, kunin mo na.” kinuha ni toti at isinilid sa makapal na nakataling pera. “salamat!” sigaw ni bong dahil nag-umpisa nanaman magtambol ang maliit ng crowd ng tnt. hindi sila halos magkarinigan. bumabawi na ang mga tnt. pero hindi pinababayaan ni tenorio na mawala sa kanila ang momentum.

panay sigaw ni bong. parang bata na ngayon lang nakapanood. mahigit isang taon na rin kasi mula nang huli siyang nakanood sa loob ng araneta. kalmado lang si toti, palibhasa ay sanay na. may pusta pala si toti. dalawang libo kapag nanalo ang ginebra. nang malaman ni bong, panay usisa niya. “kanino? saan ka pumusta? kapag nanalo ang ginebra at umabot ng finals, pupusta rin ako! o, ipusta mo ko!” tango lang nang tango si toti habang nanonood. paulit-ulit naman si bong. “oo nga, sige na. manood ka muna!” iritang sigaw ni toti.

natapos ang laban. halos hindi lumamang ang tnt. nagtatatalon si bong. panay ulit niya sa mga nangyari kung paano tinirahan ni tenorio ang mga malalaki ng tnt. “ang ganda talaga ng laban. hindi nila mahabol si tenorio, e. ang gago pa, pinasok pa si caguioa. umiskor pa ang hayop! saya!” habang labis ang tuwa ni bong, iritang irita naman si toti dahil pinagtitinginan na sila ng mga tao. nakababangga rin kasi si bong ng ibang tao. “hoy! mamaya ka na magtatatalon diyan. pagbaba natin, kahit sa hanggang bukas ka pa magsisisigaw. huwag dito, ang sikip sikip, e, ang init pa.”

“o, siya, mauna na ko, bong. kukunin ko pa yung panalo ko, e. sa susunod uli!” paalam ni toti. “sige, p’re, salamat! sa miyerkules uli! finals naman, mas malaking kita!” sagot ni bong nang buong ngisi. habang naglalakad patungong sakayan, isinilid ni bong ang kamay sa bulsa. pinaglalaruan pa niya ang maliit na butas sa bulsa. nililibang ang sarili habang naglalakad. palingun-lingon, tinitingnan ang mga taong galing araneta na may hawak na banner at nakasuot ng jersey ni caguioa nang maalala ang kinitang pera. pilit niyang inalala kung saan inilagay habang binubuklat ang wallet at kinakapa ang six-picket na short. pero wala. maging ang kahang yosi at lighter ay wala na sa kanyang bulsa.

5.08.2013

good morning

may mga araw na magigising ka na lang na para bang nakaligtas ka sa isang delubyo. bumagsak ang building at nagkalat ang pira-pirasong mga bahagi. may malalaki, may maliliit. at sa bawat pirasong bato, salamin, at kung ano, may kakikitaan mo ng alaala--alaalang hindi naman talaga nangyari.

hindi ko alam kung sa pagod, sa puyat, o sa msg lang na nakain ko kagabi. magulo ang lahat, halos wala nang maalala kundi ang pira-pirang mga panaginip na unti-unting nalilimot. basta't ang alam ko lang sa ngayon, madikit pa ang aking mga talukap mula sa mutang naipon. nag-iiyak yata ako. buong gabi kaya. sinilip ko ang cellphone at nagbasa ng ilang mga text. tanghali na pala, ayon sa nagmamadaling oras.

tiyaka ko naalalang late na ko sa trabaho. isang pirasong memoryang hindi ko naman maalala kung saan nanggaling, na sa panaginip lang naganap. nalimot na pala ang pinanggalingan. kumbaga, pinaghalu-halo ng aking utak ang mga dapat na magaganap ngayon, bukas, at sa makalawa. lahat ng maaaring maging palpak ay pinatotoo niya. kaya siguro ako naka-ipon ng napakaraming luha, dahil pati ang sariling utak ay pinagtaksilan.

tumunog ang cellphone. nagpunas-punas nang muta. bumangon sa pagkakahiga at umupo tangan ang cellphone. naliliwanagan ang aking mukha. "good morning din."