4.29.2013

pinangarap kong maging writer


minsan, pinangarap kong maging writer.

dahil sabi, it is through books that our work become immortal. parang iyong kuwento ng bibliya, sinunog na at lahat, pero hanggang ngayon ay binabasa pa rin. binabasa pa rin ang kuwento at turo ng diyos, at patuloy pa ring pinag-aaralan at isinasabuhay. tulad ng painting, sculpture, litrato, at iba pang medium na nakikita at nahahawakan. halos wala pa ngang pagkakaiba sa mga bahay, buildings, at iba pang establishments—mga bagay na bubuhay sa’yo dahil buhay pa ang iyong mga gawa. gagamit ng medium para maging imortal.

hindi lang basta maging writer, kundi magkaroon ng sariling libro nang may pangalan. iyong hindi lang mababasa sa lcd, o tablet. marami na kasing uri ng writer ngayon. ika nga, lumawak na at naging general na lang ang naging ibig sabihin ng writer. parang mga potograper na kahit sino ay maaari nang matawag na potograper basta’t may kamera. hindi na mahalaga kung iyon ang ginagawa mo para mabuhay, hobby, o naisipan lang mapalitan lang ang bling-bling, iisa na lang kayo. kayang pumitik, kayang magbukas ng computer at gumamit ng photoshop, potograper kang matuturing.

pero higit na naniniwala ako sa craft. sa art. na hindi lahat ay maaaring maging writer, o potograper. hindi maitatawag na art ang pinagtatapong mga pintura sa canvass kapag galit ang pintor dahil hindi ito pangkalahatan. maaaring may ibigsabihin ang mga pinturang nagkalat dahil ito’y bunga ng kanyang galit, pero hindi ito maituturing isang obra ng madla. o, sadyang naubusan na lang ng art ang mga tao kaya’t hindi na nila nagagawang mamili, kung alin ang art at alin ang gawang bata.

pero saan ba maiguguhit ang linya na maghahati sa dalawa. panipis na kasi nang panipis ang pagitan ng dalawa, kung may pagkakaiba pa ba.

sabi ko rati, gusto kong maging writer dahil sa dalawang dahilan. una, bilang selfish ang tao at sarili ang laging inuuna, ako. bukas sa nakagagaan ng loob at nakapagbibigay pa ng bagong buhay sa pagninilay-nilay, gusto kong may makabasa ng buhay ko. maaaring simple, maaaring walang kuwenta para sa iba, pero hindi imposibleng may magkainteres sa mga kuwento ng buhay ko. kakitaan nila ng aral, kakitaan nila ng katatawanan, inis, pagkapikon, pagka-irita. hindi na mahalaga sa’kin, basta’t may magka-interes.

sa mga nakabasa na ng aking mga naisulat, natutuwa silang tila may dalawang kuwento. ang kuwentong literal na ikinukuwento, at ang kuwentong alam, o nalalaman, kahit nararamdaman na aking pinagdaraanan. hindi ako mahilig mag-kuwneto ng literal. kalokohang sabihing “malungkot ako.” o “gusto kong magpakamatay sa galit.” dahil sa totoo lang ay wala namang may pakialam sa ating mga buhay. kuwento ang hanap ng tao, kuwento sa isang tao, hindi ako.

pangalawa, iyon nga, babalik tayo sa aking unang sinasabi. para maging imortal.

sabi ko noon, “pangarap kong maging writer. pero gusto kong magkaroon ng libro.”

wala akong background sa pagsusulat. iilan lang ang alam kong salita. paulit-ulit na lang ang mga isinusulat. mahina ako sa inggles. mas masaya akong magsulat sa filipino. hindi ako graduate ng journalism. at, hindi mababa ang tingin ko sa communication arts. communication arts graduate ako. hindi pagsusulat ang aming forte, hindi ang paggawa ng paper tulad ng mga legal management na papel lang ang alam hawakan, at hindi pag-aaral ng mga numero, tao, o mga lupa ang aming hilig. pero, at ito ang tatandaan niyo, alam naming gawin iyon lahat.

minsang pinabasa ko sa isang higher batch na journalism student ang gawa ko. o, binasa lang ba niya, hindi ko na maaalala. mali raw ang aking pagsulat. may ilang papuri, pero hindi raw tama. hindi ko raw sinusunod ang story arc, dapat daw ay may definite na ending, nasaan daw ang climax, at marami pang iba. hindi ko rin naman sinabing mali siya. tama siya, alam ko naman.

pero hindi ko rin naman sinabing writer ako. pero kung napasasaya ko naman ang ibang tao sa aking mga sulatin, nakapagbibigay ng emosyon, naidadala at napaninindigang ito ay nangyayari sa totoong pang-araw-araw na buhay at dapat nilang malaman, hindi ko babaguhin ang aking estilo sa pagsusulat.

umabot sa punto na sabi ko na lang sa sarili ko ay, “hindi ako magiging writer, pero kahit pa ako na ang mag-ipon at mag-publish ng aking sariling libro ay gagawin ko magkaroon lamang ng libro.”

ganoon siguro ang paniniwala ng mga pintor ng mga canvass na napupuno ng pagsaboy ng pintura, o mga potograper na dahon lamang ang subject. palaging may dalawang ipinapakita, ang literal at figurative. literal ang mga kalat na pintura, maaaring makabuo ng imahe ng santo, ng diyos, literal ang mga litrato ng mga taong naglalakad, sapatos, pero kung hindi mahanay ng isang ordinaryong tao ang figurative meaning, nasaan?

kaya’t palagi nating subukang magbigay ng isa o dalawang pahiwatig. ipakita rin ang figurative nang maintindihan nila ang higit na malalim na ibigsabihin at huwag nang itago pa.

afterall, outlet ang art. hindi man ang writer, pero alam ko, kapag may isinulat ako, nararamdaman ng iba. kuwentista ako. at, artist ako.