3.07.2013

dahil ang sundalo [kaibigan], hindi nag-iiwanan


naalala ko noong mga last weeks ng college, iyong mga panahong kating-kati na tayong lumabas ng klase at magtatakbo ng campus, magsisisigaw na graduate na tayo, iyong mga panahong kahit wala nang academic lectures ay kailangan pa ring pumasok apra makinig sa mga sermon ng mga professors tungkol sa buhay—ang tunay na buhay pagkalabas ng college—na sa tingin naman natin ay alam na natin bilang apat na taon nating tiniis at pinuna ang mga mali ng mga naunang batches. natukot natin ang mga hindi nila magawa, na dapat nilang ginagawa, mga bagay-bagay na mali, at mga bagay-bagay na sana ginagawa nila dahil ito ang tama. maprinsipyo tayo, ang mali ay mali at ang tama ay tama. malinaw ang kinabukasan. malinaw ang daan. ito ang gagawin, ito ang mangyayari, at ito ang mararating. itatama natin ang mundo. “tayo ang susi sa pagbabago ng mundo, at hindi tayo gagaya sa kanila.”

sabi ko noon, makatapak lang ako sa picc, makuha ko lang ang diploma ko, maisisigaw ko na na “sa wakas! natapos din ako! at natapos ako sa unibersidad na ‘to!” ako na ang mamumuno sa sarili kong mundo, sa aking buhay, at wala nang makapipigil sa’kin. maisasampal ko na sa mga nagpahirap sa’kin na mga propesor ang diploma sabay sabing, “hindi mo na hawak ang buhay [grades] ko.” tinawag ang aking pangalan. taas noo akong umakyat ng entablado. nararamdaman kong naka-project ang aking graduation picture. inabot sa’king mga palad ang diploma, kinamayan ako ng dean, tiyaka inilipat sa kabila ang ribon. tumayo ako sa harap ng aking mga ka-batch, sa aking mga kaklase, sa aking mga propesor at sa aking nanay at napangiti, pilit kinukubli ang kilig at saya. gusto kong magtatalon. pagkababa ko ng entablado, pabalik sa’kin upuan, sinilip ko ang puting papel na aking hawak. malaking pangalan ko ang nakasulat, akala ko. pero wala itong laman. apat na taon, at bond paper lang ang aking nakuha. apat na taon, at ito ang aking makukuha?

pagkatapos ng graduation, kanya-kanya ang plano. mayroong nagbakasyon sa ibang bansa, may nagpahinga ng ilang buwan, may sapilitang napahinga ng isang taon, may naghanap ng trabaho kaagad, at mayroon namang ibang trabaho ang naghintay sa kanila. ako, naghanap ako agad ng trabaho. “sayang ang oras.” sabi ko. sa mundong ito na napakabilis, sayang ang oras. sayang ang oportunidad lalo na sa isang katulad kong fresh graduate. wala pang alam sa tunay na mundo, ika nga ng mga matatandang propesor na mapuputi na ang buhok at tumanda na sa comfort zone na itago na lang natin sa pangalang “unibersidad” naghahanap ako ng experience. at sayang ang matututunang experience kung maglilibot muna ko sa ibang bansa. hindi naman iyan aalis, at wala akong pambili ng ticket at pocket money pambili ng kung ano.

hanapan ng trabaho. nakapagtatakang sa dinami-rami ng sermon ng mga propesor natin, walang ni isang nagsabi, kahit pa ang economics professor natin, na sa panahon natin, sa henerasyon natin, hindi balanse ang supply and demand. marami ang nagugutom at hindi makapag-aral, paulit-ulit, pero hindi naman nila binanggit na napakalaki pala ng diperensiy—na napakarami pala ng supply na hindi na kaya lunukin ng demand—na kung tutuusin ay walang edge si estudyante a kay estudyante b dahil pareho lang naman ang kanilang pinag-aralan. paano ba malalaman ng employer na may bahagyang talento ako kaysa sa isang graduate sa taft, o sa katipunan, kung transcript of records at walang experience na resume lang ang basehan? kung ang salita, kung ang tatlong interview sa boss, ng boss, ng boss, dahil hindi naman nila makikita ang galing ko. paano ko maisisingit ang aking sarili sa napakakaunting vacancy sa trabaho kung pare-pareho kami ng hawak ng papeles. sa accent at slang ba ng pag-i-inggles? chinese ako, kaya ko silang intsikin, edge ba iyon? at dahil number three hundred twenty one ako sa pila ng interview, malamang ay may makukuha na kahit pa hindi pa ako natatanong ng “why should i hire you?”

sayang at hindi na nila maririnig ang aking sagot dahil hindi pa man umaabot ng 200, may hired na. kaya kinailangan kong maghanap ng ibang trabaho, sa ibang kumpanya, sa kumpanyang hindi ko gusto, sa kumpanayang sa net ko lang nakilala, sa kumpanyang kailangan ko pang i-research, sa trabahong hindi ko gusto dahil hindi ko alam na nag-exist, sa trabahong hindi ako magiging masaya, sa trabahong hindi ko naiisip na gagawin ko habang buhay.

sana sinabi niyong ito ang silbi ng mga organisasyon sa college. sana sinabi niyong “it’s not really what you know, it’s who you know.” dahil napakarami kong ka-batch na nagkaroon ng trabaho na, well, what the fuck, they don’t deserve. na dahil kakilala ng tatay nila si ganito, kaibigan ng ganito nila si ano na head ng ganito sa ganyan. napakaraming mayroong trabaho na hindi nila gusto, pero andoon sila at nagtitiis, nagrereklamo sa twitter, ni hindi man lang nila naisip na may ibang taong handang pumatay para palitan sila sa kung nasaan sila ngayon, ako iyon. so don’t complain about your job. kung hindi niyo gusto ang trabaho niyo, umalis kayo. mag-resign kayo dahil baka hindi kayo para riyan. hayaan niyong maupo riyan ang mga taong gusto ang trabahong iyan. at panigurado, mas magiging magaling sila sa ginagawa nila kumpara sa’yo.

sabi nila lagi, follow your dreams. oo, napakaraming gustong gawin iyan. napakasarap mangarap. sino ba ang ayaw mangarap? libre ang mangarap. pero bakit hindi itinurong maging matatag dahil napakaraming pagsubok na darating. maraming responsibilidad na makikisakay sa backpack mo, magnanakaw na hahablok ng suot mong alahas, huhubaran ka hanggang sa wala nang matira sa’yo kahit pride, duduraan ka, babastusin ka, magtatapon ng bubok para masugatan ka at bumagal sa paglalakad, iiwan ka sa byahe, hihilahin ka pabalik sa pinanggalingan mo, at igagapos ka. marami sila.

pero hindi lahat ay ganoon.

huwag mong kalilimutan kung bakit naging pinakamasayang punto ng buhay mo ang college. bagaman hindi lahat ay magagawa mo sa college, bilang napakaraming batas, bagaman pahirap sa buhay ang mga reading, exams, at projects ng mga professors, huwag kang makalimot kung paano at bakit ka nag-survive. through thick and thin, sino ang nagpakopya sa’yo? kahit pa delikado at napakalapit sa inyo ng rumorondang propesor, ipinaabot niya sa’yo ang sagot. tama man o man, nalaman mo ba ang tamang sagot? hindi. dahil nagtitiwala ka sa kanila. sila ang iilang dadamayan ka kahit pa wala na silang pangkain masabayan ka lang sa inuman dahil nagluluksa ka sa love life mo. sila ang mga nakakaalam ng problema mo sa pamilya, alam ang weakness mo, apat na taon ba naman, pero ni kailan ay hindi isinumbat sa’yo kahit na minura mo ng todo todo. sila ang yumakap sa’yo, kahit hindi ka nagpapayakap sa kung sinu-sino lang. sila ang nagsabing kaya mo, sa mga panahong kabado ka sa mga performances, competitions, at kung saan. asar talo ka man kapag may mali kang nagawa, makasisiguro kang andiyan sila. at tanggap ka nila.

at sila ang malalapitan mo, may trabaho man o wala, dahil kahit wala silang alam, susubukan nilang mag-isip ng paraan para sa’yo. maghanap ng trabaho na alam nilang magugustuhan mo. na kahit papaano may punto, dahil sila, sila ang mga tunay na kaibigan na magtatagal. kupalan man o iyakan.

o, tangina. hanggang dito na lang ang pagiging cheesy. isang paragraph na puro cheesiness iyon.