2.15.2013

sunflower at ang puting ecuador

mabagal akong niyakap ng lamig, para bang dahan-dahang bumubulong sa’king tainga para ‘di magising nang biglaan. pupungay-pungay pa, basa na ang mga bintana. malabo ang mga salamin. at nang silipin ko, 5:20 na ng umaga.umaambon pala.

hindi na naman yata panaginip ang mga pangyayari kanina.

kinapa ko ang susi mula sa leeg ng manibela habang nakadikip pa sa kanya ang mga labi. nakapikit at pilit binubuhay ang mga tulog pang mga talukap. gumising siya na tila nagulat pa. inayos ko ang upuan at muling ibinalik mula sa pagkakahiga. pinaandar ang wiper, at heto, narito pa rin pala ko kung saan ako parati.

bumaba ako ng sasakyan at mabilis sumikat ang araw. mabilis ang pagdaan ng mga tao, pero hindi ang mga couples na mababagal maglakad, dahil na rin siguro sa malalaking bulaklak na hawak nila. tinahak ko ang daan kung saan sila nagmumula, kung saan dati rati’y madalas akong naroon. hinanap ko siya, hinanap ko siya sa bawat sulot. may mangilan-ngilang magpapakita, ngunit hindi malalaki. hindi kumpleto ang mga talulot. maikli ang sanga. pumunta ako sa dalawang suki ko ilang taon na rin ang nakalipas, pero maging sila ay wala nang bentang sunflower na malalaki. nahuli ba ko ng dating? naunahan ba ako? pero hindi ako magbibigay ng bulaklak na hindi tulad niya. perpekto.

tulad ng unang beses ko siya makita. pangalawa. at ilan mang beses, kailangan mahulog akong muli. nang paulit-ulit. na kahit ilang beses ko siyang tingnan, maganda pa rin sa aking paningin ang bulaklak na iyon. kailangan ko siyang makita. pero, wala akong maisip na maipapalit sa sunflower. sa’min iyon.

nakatutuwa pang isipin na naiinis kami sa tuwing makakakita kami ng mga babaeng may hawak na sunflower, o mga lalaking may hawak na sunflower na alam namang may pagbibigyan. titingnan namin sila na para bang gaya-gaya, o kung hindi man ay mang-aagaw ng bulaklak. parang pambansang bulaklak, pero para sa’min. at mapapangiti na lang kami. dahil isa rin iyon sa maraming magagandang alaala namin.

suot ang salamin, nakita ko siya mula sa malayo. mukha siyang turista naglalakad sa magulong kalye ng maynila. maaliwalas, maangas, pero simple. may kunot sa noo, mataas ang kilay, pero nakangiti siyang nakatingin sa malayo. inalok ako ng isang lalaking nakasandong pula. nagulat pa ko sa bilang pagpasok niya sa eksena. pasigaw niyang sinabi, tila nang-uutos pa, “kunin mo na ‘to. walanang ganito ngayon! ecuador.”

may tatlong ecuador na magkakatabi na nakatusok sa isang maliit na pitsel na nakalapag sa gilid ng tindahan ng mga bulaklak. isang kulay peach, pula, at puti. tiningnan ko siya na para bang ‘di niya ko nakikita. nakangiti siya sa’kin. o, sa akin nga ba siya nakatingin? “ano, boss, kunin mo na?”

umalis ako nang walang nabiling sunflower. hindi ko siya ma-so-sorpresa. pawisan akong bumalik sa kung saan namin napag-usapang magkikita. suot ang salamin, nakita ko na siya sa malayo. at naging mabilis na ang tibok ng puso, para bang hindi napaghandaang magkikita kaming muli.

sabay naming nilakad ang dangwa para ibili ng bulaklak ang isang kaibigan para sa kanyang girlfriend na isa ring kaibigan. at kung bakit kami ang naatasang gumawa nito ay hindi ko rin alam. pero hindi maitatangging masaya ako. masaya ako. kahit alam kong ngayon lang ito.

dumaan kami sa mga daang kanina lang ay dinaanan ko. nagtatalo pa kami sa klase ng bulaklak na ilalagay sa bouquet.

ako: rose ba?
siya: hindi, ayaw niya ng rose.
ako: stargazer? stargazer ba iyon?
siya: ha? stargazer?
ako: ito! kuya, ano’ng bulaklak ‘to?
kuya: gerbera.
ako: gerbera! oo, gerbera pala ‘yun.
siya: oo nga, alam ko naman, e. hindi ko lang sinabi.

nagtawanan kami. gusto ko siyang kilitiin tulad ng dati. pero kailangang magpigil. lumiko, kumaliwa, kumanan, bumalik, dmiretso, tumawid. inikot namin ang dangwa, at bumagsak kami sa kung saan ko siya nakita. mabilis naming napagkasunduan. gerbera ang dapat na bulaklak. namili kami ng gerbera, namili kami ng kulay, nagtalo sa kulay ng carnation na ilalagay, ano pa bang fillers ang ilalagay?

gerbera, ang malapit na kamag-anak ng sunflower. maganda, pero ‘di sing saya. naalala ko noong binigyan kita ng bulaklak noon. may sunflower at mayroon ding gerbera. napasasaya niya kasi ako, tulad mo.

naglakad-lakad ako at muli siyang nakita. nakatingin siya sa malayo. tila may iniisip. mabilis kong tinawag ang kuyang nakasando, “kuya, akin na ‘to. pakibalot na ng plastik.”

pilit kong itinago ang malaking puting rosas. at nang nasa harap ko na siya, inabot ko sa kanya. nakita ko ang kanyang pagkagulat, pero higit kong napansing ngumiti siya. “thank you.” sabi niya nang nakangiti. “happy valentine’s.” sinundan ko. at hindi nawala ang kanyang ngiti. gusto ko sanang ipaliwanag kung bakit puti at kung bakit ecuador, kung balik malaking rosas at hindi maliit, kung bakit mahaba ang tangkay at tatatlong dahon na lang ang mayroon, pero wala naman akong maipapaliwanag. noong una ko siyang nakita, nagustuhan ko siya. nang silipin ko siyang muli, tiyaka ko napansing hindi siya basta. nang binalikan ko siya, mahal ko na siya. mahal na mahal.

naging mabilis ang araw. pero pilit kong pinahaba. pilit kong pinatagal. pilit ko sinulit dahil hindi ko alam kung kailan pa ito muling mauulit. hindi kami nag-isip. hindi kami umintindi ng kahit na ano. masaya lang kami.

natapos ang araw na tila sasabog ang dibdib. sana hindi na lang natatapos ang ganitong mga araw. kinailangan nanamang itulog at muling bumalik sa tinakasan.

bumalik ako sa sasakyan at hinagkan ang manibela. muling binuksan ang wiper at muling naging malinaw ang daan at kung nasaan ako.