12.31.2013

happy 2014 na lang

mabigat nanaman ang tiyan. wala pang alas nuwebe ng gabi, pero inaantok na. sabi ng nanay ko, salubungin ko naman daw ang bagong taon para kahit papaano, mahaluan ng suwerte ang buhay ko. hindi naman naniniwala sa pamahiin ang pamilya namin, pero ika nga, “ano ba naman ang mawawala?”

habang nakaupo sa tabi ng bintana at nakatitig sa parol na bili ni mama noong mag-uumpisa pa lang ang disyembre, napansin ko ang mga matatandang  may dala-dalang supot na puno ng mga paputok habang mahigpit na nakakapit sa kanilang mga t-shirt ang mga maliliit na batang tila baguhan pa yata sa paglalakad. masaya silang sinasalubong ng mga kapamilya’t kamaganak, para bang eksena sa mga teleserye—uuwi ang ama at mabilis na magsisitayuan ang mga anak para magmano at kunin ang uwing pansit at fried chicken, pero dahil bagong taon ngayon, paputok ang pinagkakaabalahan.

sa lahat ng mahihirap, piliipino lang yata ang umuutang para makapaghanda ng marami sa pasko, uutang para makapunta ng bulacan para makabili ng paputok, para suwertehin, para maging mabait ang darating na bagong taon, para palarin sa lotto, sweepstakes, at binggo at makaahon sa kahirapan. kaya naman hindi maramdaman ang lungkot sa mga mukha ng mga tao dito sa baranggay namin. bawat bahay ay may nakasabit ng christmas lights. kung hindi man ay may christmas tree sa loob ng bahay—maliit man o malaki. may parol, may handang mga fried chicken at hamon, at may mga batang nagtatakbuhan at nagtatakip ng tainga dahil sa lakas ng mga paputok. masaya rito sa baranggay namin, sagana sa pagkain, sa ilaw, sa paputok, pati na rin sa bata.

iniisip ko nga kung saan nanggagaling ang pera tuwing ganitong mga panahon. kapag pasko kasi at bagong taon, lahat ay may pera pambili. may pera ang mga kumpanya para mamigay ng mga 13th month pay, bonuses, groceries, may pambili ng panghanda ang mga tao, soldout ang mga baboy sa palengke pagdating ng hapon, lamog na rin ang mga prutas sa mga kanto dahil nabili na ang mga sarili. hindi ko yata napag-aralan sa eco101 ko ‘to, sayang.  pero kung ano pa man, nakapagtataka lang na bakit hindi ito magawa nang buong taon?

o, baka naman sadyang iniipon lang ang lahat para sa huling sipa. ganyan naman tayo, masyadong naniniwala sa kasabihang “save the best for last.” hindi muna kakainin para sa pasko, iipunin muna para may panregalo, tulad na lang ng hindi pagkain ng hapunan hangga’t hindi nagbabagong taon. itong nanay ko talaga, mas pipiliin pang magka-ulcer makakain lang nang sabay-sabay ng media noche.

kaya hindi ko rin masyadong ginagamit ang “save the best for last” kahit pa laging bukang bibig ni mama. mas gusto ko ang “seize the moment.” sa katunayan niyan, “seize the day” dapat, carpe diem, kaso masyadong general, masyadong malawak. marami kasing posibleng mangyari sa isang buong araw, may 24 oras, may 1440 minuto, at 86400 na segundo. masyadong maraming maaaring mangyari na hindi dapat basta pinalalampas. kapag “save the best for last” kasi, mas madalas sa madalang, nauubusan, nawawala, nananakaw, nasasayang, nauuwi sa wala.

naalala ko tuloy noong nakaraang taon. sa kahihintay ng alas dose, at sa gutom na rin malamang, nakatulog ako sa sofa. nagising na lang ako sa sunud-sunod na paputok. nasa hapag na ang buong pamilya maliban sa’kin. nang silipin ko, halos hindi pa nagalaw ang pagkain maliban sa leche flan, ang nag-iisang pagkaing pinakahihintay ko tuwing bagong taon. minsan sa isang taon lang kasi gumawa si mama ng leche flan, na siya namang taon-taon kong inaabangan dahil walang katulad. abot langit ang inis ko noon. kasabay pa noon ang init ng ulo ko dahil sa sakit ng ulo at nang mapansing nalipasan na ng gutom. hindi na rin makabalik sa tulog dahil maingay na sa labas kaya umupo na lang ako sa tabi ng bintana.

dito. dito sa puwesto ko ngayon. baka ngayong taon, dito naman ako makatulog sa gutom. maiba lang.

may nagsisisigaw sa baba. manipis na sigaw sa gitna ng malalakas na putukan. tumatakbo ang mga tao papalapit sa bahay kung saan nakatira ang kapitbahay naming may dala-dalawang supot-supot na paputok. “’nak! dito ka. tignan mo, pinapakita sa tv yung mga party sa iba’t ibang lugar.” sigaw naman ni mama na nakaupo sa sofa kasama ang bunso kong kapatid habang nanonood ng balita. pero hindi ko pinansin ang yaya ng nanay ko. parami nang parami ang tumatakbo papunta sa kapitbahay.

“ma!” sumigaw ako, “ma! may naputukan yata.”

dali-daling tumakbo si mama sa aking tabi, pareho kaming nakasilip sa bintana. tumatakbo ang isang lalaki na may bitbit na bata—ang ama na kanina’y tuwang tuwa pa sa sorpresang mga paputok. mabilis na lumabas ng bahay si mama para alamin ang nangyari. lalo pang dumami ang tao. tuloy pa rin ang ingay ng mga paputok.

paano kaya naputukan iyong bata? malamang, dinampot niya at pumutok sa kamay niya. hindi siguro nabantayan ng nanay bilang anim o pito yata ang supling, at abala naman ang kanyang tatay sa pag-aalak. ano kaya ang nararamdaman ng kanyang tatay ngayon? maaalala pa kaya ng batang iyon ang nangyari sa kanya, o ikukuwento na lang sa kanya ng kanyang nanay? siguro nasa apat na taong gulang pa lang iyong bata. kawawa naman. hindi pa nga masyadong nagkakamalay tao, patapos na nga ang taon, hindi pa pinalampas.

nag-iiyak ngayon ang nanay ng bata kasama ang apat pang mga bata at karga ang isa habang nakapalibot sa kanya ang iba pang mga kapitbahay na wala rin namang magawa—nakatayo, nagtsi-tsismisan, pinag-uusapan kung ano ang nangyari.

bumalik si mama sa’king tabi. nakatingin kami pareho, “kawawa iyong bata, grabe. naglalaro lang daw sa labas ng bahay, e. tapos, nakapulot ng triangle. ayun, pumutok sa kamay niya.” natahimik ako. “lumang paputok na raw iyon, sinisisi nga nila yung intsik doon sa kabila, sa kanila raw kasi iyong triangle na iyon.”

ganoon? may masisi lang? bakit hindi sisihin ang kanyang mga magulang na pinalalaro sa labas kahit alam na delikado dahil maraming paputok? naalala ko tuloy iyong balita tungkol sa don mariano na bus na nalaglag sa skyway. nalaglag ang isang don mariano bus sa skyway na nakadagan naman ng isang van. sabi sa balita, 18 na katao daw ang namatay. namatay din daw ang driver ng bus. nang mamatay si carmelo calatcat, don mariano naman ang binalingan, na ngayon ay iniimbestigahan dahil maliban sa don mariano ay may apat pang ibang bus company ang may-ari.

masyadong maraming nangyari sa taong ito para sa pilipinas. ilang bagyo ang dumaan, ilang bayan ang nasira, marami ang namatay, marami ang nawala, nakalimutan na ang mga dating kaso ng korapsiyon, malakihang holdapan at aksidente, may terorismo pa sa mindanao. at ang magagandang balita para sa’tin, mga pageant at boxing. nanalo si ganito sa miss international something, si ganito sa miss something-something, si pacquioa na nakabalik na rin sa awa ng diyos at ang gilas team natin.

life is nothing but unfair, indeed. kung sabagay, hindi naman maaaring patas ang lahat. sabi nga ng mga relihiyoso, “hindi ka bibigyan ng problema ng diyos na hindi mo kayang harapin.” kaya kawawa ang mga matiisin, tulad ng mga pilipino. kahit anong ibigay na problema kasi ng diyos ay natatawanan lang, naidadaan sa inuman at videokehan. naipagpapabukas, minsan binabaon na lang sa limot para hindi na kailangan pang solusyonan. kaya hindi magiging patas, kailanman. dahil kung ako ang diyos, at tatawanan mo lang ang lahat ng pagsubok na ibibigay ko, lalo kitang bibigyan para lumapit ka sa’kin.

well, hindi naman ako ang diyos. hindi naman natin malalaman. malamang naman sa hindi ay mali ako bilang wala naman talagang nakakaalam ng katotohanan.

ang alam ko lang, napapalitan iyan. “you win some, you lose some,” ika nga. nakakatuwa lang na naimbento ang buwan, na may labingdalawang buwan sa isang taon, at kailangan matapos ang taon at mapalitan ng bago. dahil kung hindi, baka monthsary ang meron tayo. mas magastos dahil buwan buwan ipinagdaraos, at baka wala ring masyadong dating. mas hindi espesyal. at dahil natatapos ang taon pagkaraan ng labingdalawang buwan, mas may rason para ipagdiwang. mas may rason para magmuni-muni, kung ano ang mga natanggap at ano ang nawala.

naniniwala kasi ako na ang buhay, parang tong-its. kailangan magtapon para mapalitan ng bago. parang iyong konsepto ng pagsara ng pinto—“when one door closes, another opens.” minsan, nag-aalangan pa tayo itapon ang baraha, pero kailangan para makabuo. para manalo. kahit pa alam naman natin na sa buhay na ito, walang mananalo. patagalan lang, pero mamamatay din.

10.15.2013

because we deserve a sunset

araw-araw, naghahanap tayo—regardless of what—masarap na agahan, mainit na kape, magandang binibi, masayang usapan, stressless na araw, holiday, bagong picture ng crush, bagong chismis ng officemate, dinner-date with barkada, dahil at the end of the day, alam natin sa sarili natin na deserve natin ng magandang balita, na sa gitna ng napakaraming gawain sa buong araw, mayroong magandang mangyayari. kung minsan, simpleng hi-hello lang ng crush natin, perfect na ang halos isumpang araw, hindi ba? naghahanap kasi tayo lagi—ng bagay na hindi man natin alam kung ano specifically, pero kapag nakita natin, o na-experience natin, alam natin, at magiging masaya tayo.

ako, sunset. araw-araw, mag-a-alarm ang cellphone ko ng 5:10 ng hapon para ipaalala sa’kin na huminto muna sa aking ginagawa, lumabas at dungawin ang araw, abangan ang sunset hanggang sa magpalit anyo siya, hanggang sa mga 5:30. parang dahan-dahang ina-adjust ni god ang saturation at white balance ng buong mundo, dahan-dahang binabalanse, mula dilaw, hanggang sa magkulay kahel, hanggang sa maubos ang pagkakahel at maging pula. dadamayan ng kaunting magenta at violet kung susuwertehin, parang naglalarong bata si god, naglalaro ng mga pintura at kinukulayan ang malungkot langit.

kaya siguro malungkot ang ibigsabihin ng asul—blue. dahil araw-araw tinadhana na maging asul ang langit. simple, pero malungkot. napupuno ng maraming trabaho at responsibilidad, mainit at laging karamay ng tirik na araw, nakauubos lakas at walang laban.

kaya kahit na nasa loob ako lang ng opisina at wala ni silip ng araw na dumadampi sa aking balat, hindi maaaring hindi ko masilayan ang sunset. kumbaga, regalo ko na sa sarili ko na makakita ng hiwaga, ng ganda. para ba masabi ko sa sarili ko na “may magandang nangyari sa araw ko.”

tulad ng laging sinasabi na lahat naman tayo ay nasa ilalim ng iisang langit. dahil sa sunset, nagiging pantay-pantay ang bawat isa. walang atheist, walang holy. walang katoliko, walang buddhist. kahit sino pa, naniniwala man sa santo o diyos niya ang langit at hangin, regalo ito mula sa itaas—sino, o ano man siya.

kaya naiinis ako sa kumpanyang ito, na alas nuebe ang pasok at alas sais ang uwian. rush hour kung alas nuebe papasok, pawisan at dugyot na hindi pa nag-uumpisa sa trabaho. buong araw nasa opisina, libre nila ang tanghalian, wala tuloy rason para lumabas at masinagan ng araw. malaking advantage daw iyon sabi ng kapit-cubicle ko, pero parang nakakasawa namang laging nasa aircon. tutal ay dugyot na rin naman, ano naman kung maarawan nang kaunti. alas sais ang uwian, rush hour pa rin. traffic sa edsa, traffic sa mrt. kumbaga, wala ring choice kundi magpaiwan sa opisina at mag-overtime, nang wala namang bayad. unless, araw-araw makipagsasapalaran sa rush at at umuwing pagod. matalinong bossing, pero hindi yata nila alam ang dahilan kaya tinawag na office hour ang 8am-5pm.


oo, may dahilan iyon kaya ganon. well, naisip ko lang naman. bakit hindi umaabot ng alas sais o alas siete ang normal na klase ng elementarya at high school? bakit ang normal na office hours ay hanggang alas singko lang? bakit sa normal na mundo, hanggang alas singko lang ang lahat ng bagay? dahil sa sunset. dahil naisip ng nakaimbento ng scheme na ito na after a long day of learning, work and shit, and all that “important” things na dinikta ng makamundong ito, we deserve something beautiful. rason para ngumiti, mamangha, maluha kahit pa mag-isa lang. na magpapaalala na hindi naman talaga mahalaga kung may pera o wala, nilindol ang bahay o nabaha ang pananim, kundi hindi ka papabayaan basta-basta.

9.29.2013

amoy usok. at maalembong na babae. at walang bahid ng katotohanan.

may kakaibang saya kong nararamdaman ‘pag nakahahanap ako ng mga tindahan ng kutsilyo. iyong pagpili ng tamang haba at lapad, kurba at hawakan. may iba’t ibang karakter kasi ang bawat kutsilyo. magkakaiba ang sweet spot, ika nga. may mga magandang hawakan patayo, at mayroon namang paibaba talaga ang paggamit. may mga araw na umuuwi akong walang dala, may mga araw namang tulad ngayon na dalawa ang nabibili. papunta pa lang sa sakayan, iniisip ko na ang paghahasa ng mga kutsilyo. susubukan sa ilulutong panghapunan, malamang ay kung hindi tinolang manok ay adobong baboy. tiyaka susubukan sa mga kahoy-kahoy sa labas ng bahay. pero para malaman talaga kung magandang klase ang patalim, kailangan masubukan sa piso.

bumunot ako ng piso at inilapat sa lupa. katabi ng mga alagang manok na nagtatakbuhan sa paligid, inilabas ko ang bagong hasang kutsilyo na kabibili lang kaninang umaga. inilapat ko ang patalim sa noo ni rizal. tila ayaw talagang humarap ni rizal kahit nasa piso na’t wala nang buhay. mabilis akong bumweldo. butas ang piso, sa pisngi nadali si rizal. hindi siya lumingon sa aking patalim.

tinola ang hapunan. sa gitna ng paghigop ng sabaw, tatlong magkakasunod na katok ang narinig. mabilis na tibok ng puso. sa puso lagi dapat ang puntirya, para malinis at walang sabit. sa itaas ng pinto, sa hamba, kinapa niya ang bolo tiyaka binusaksan nang dahan-dahan ang pinto. “bong, tara na!” sigaw ng jenny. binuksan ko nang buo ang pinto para makapasok si jenny kasabay ng pagbitaw sa hawak na bolo. “ha?” sagot ko habang pabalik sa hapag, sa aking tinola. “akala ko ba aalis tayo ngayon? sabi mo last week, a!”

tumunog ang cellphone. mabilis na tumayo si bong at natigilan si jenny. “boss. oo.” hinawakan ni bong ang balikan ni jenny, para bang sinasabi na agad na intindihin na muna at hindi sila matutuloy ngayong gabi. “ako’ng bahala. papaalis na nga ko ngayon, boss. nag-aayos lang ng gamit.”
nasa gitna pa lang ng telepono si bong, nagdabog na si jenny. galit na tumayo at sumigaw ng “lagi ka na lang, buwisit!” bago ibalibag ang pinto. nalaglag ang bolo. natigilan si bong. “ah. sige boss. andito pa. sige po.”


inilapag niya ang laptop sa hapag at nagbukas ng facebook. nagbukas ng twitter. hinanap ang timeline ni randy de vera. nagbukas ng email at nagdownload ng attachment. click. lumabas ang litrato ni randy. ilang segundo ring nakatitig si bong sa litrato ni randy, para bang kinakabisa ang bagong kilalang kaibigan. kinakabisa ang bawat detalye.

paulit-ulit ang paot na boses ng desktop printer habang mabagal na binubuo ang mukha ni randy, ang kayumangging kutis na tila umuubos ng tinta ng printer, baku-baku, ang matatalim na mga mata, ang nunal malapit sa pagitan ng dalawang kilay, ang maitim na labi, ang malagong buhok.

mahilig gumawa ng checklist, para bang nagiging madali para sa’king makita ang irregularities. mahirap magkamali sa ganitong trabaho. nakaparada ang lumang corollang kulay silver sa tapat ng malaking bahay. mataas ang gate, tahimik ang paligid. iyong mga tipo ng lugar na alam mong bibihira ang mga gago. hindi magkakakilala ang mga magkakapit-bahay, walang pakialamanan dahil lahat ay may ere, lahat ay may pera, lahat ay may bago na ayaw maamoy ng iba. binabasa ko ang timetable ni randy. tatlong linggo ko na rin siya sinusundan. at hindi magsisinungaling ang papel, camry ang dala niyang sasakyan ngayon dahil coding. kailangan niyang umuwi para makapagpakita sa asawa. mga 10 to 10:30, darating siya.

mga alas dose ng madaling araw siya muling aalis. doon ko siya susundan.

dumaan ang puting camry sa kanyang harap. ni kaunti, hindi siya gumalaw. mabilis na pumarada at pumasok sa pinto. nakapolo, maong, hindi naka-tuck in, leather shoes, makintab na relo, kulay ginto, matigas ang buhok. uso pa ba ang pamada ngayon?


mag-aala una na nang lumabas muli ang nakapolo’t leather shoes. pero hindi montero na ang lumabas sa gate ng malaking bahay. muling natigil si bong, tila nanigas na parang estatwa. mata lang at wala nang iba ang gumagalaw. ilang segundo na mula nang dumaan ang montero, tiyaka siya nagbukas ng sasakyan. alam naman niya kung saan ang punta ng pulang montero. sa isang beerhouse na humigit kumulang trenta minutos din ang layo sa tinitirhan. dumiretso siya roon at hindi nga nagsisinungaling ang papel. nakasulat nga na nakaparada ang montero sa gilid ng beerhouse, natatakpan ng karatulang “no parking” ang plaka. big time, naisip ni bong. matalino, kaya siguro huwebes dahil kakaunti ang lalaki. maraming babae. hindi singtumal ng lunes at ‘di singdagsaan tulad ng biyernes at sabado at araw ng suweldo. parang linggo, pero hindi araw ng diyos.

sinubukan kong pumasok. kinapkapan ako, todo kapkap ang naka-itim na security guard. tumingin siya sa’kin nang makapa niya ang cellphone. inilabas ko ang cellphone. inilabas ko rin ang swiss knife na nasa kabilang bulsa, “swiss knife lang, boss.” kinailangan ko raw iiwan at bawal daw. nakasulat sa lobby, bawal ang camera, bawal ang kutsilyo’t matatalas ng bagay, bawal ang cellphone.

sa gitna ng dilim, ang ilaw sa stage na lang talaga ang makikita. maaaninag ang mukha ng mga manonood, pero mahirap kung hindi tititigan nang maayos. umikot ako sa paligid, nagpanggap na tila naghahanap ng matitipuhang upuan kahit pa marami pang bakante. naglapitan ang mga babaeng maiikli ang suot. wala si randy. “hinahanap ko kasi iyong barkada ko, e. iyong nakapolo, tapos ganito kalaki.” tinanong ko ang isang babaeng tila swimming pool na lang ang kulang sa liit ng suot. “si sir randy ba?”

oo, pero “hindi. si ben, ben ang pangalan. patanong naman.” pakiusap ko sa babaeng pati ang palya’t mas maikli pa sa kanyang panty. “wait lang, sir.  papatanong ko kay mommy, baka gumimik lang.” sinundan ko ng tingin ang babae bago lumabas ng beerhouse na iyon. umarte pa kong “walang tao, e. hindi masaya.” kahit pa halata naman yatang wala akong intensiyon na magtagal. hiningi ko sa lalaking naka-itim na puno ng tato ang mga braso ang swiss knife at bumalik ng sasakyan.


“sir, confirmed po. tuwing martes at huwebes, nasa rotonda club siya. sa gilid lagi nakaparada at laging natatakpan. hindi ko lang po ma-confirm is kung sino ang lagi niyang pinupuntahan doon. pero, confirmed po sir. may babae po ang tatay niyo rito. forward ko bukas ang data. balikan ko na lang po kayo ‘pag may update na kung sino.”


alas kuwatro na ng umaga nang makauwi ako ng bahay. pagbukas ng pinto, bukas ang mga ilaw. nagising si jenny na tila nakatulog na kahihintay sa’kin. mabilis siyang tumayo mula sa hapag at humarap sa’kin, “gago ka, nambababae ka, ano!” inamoy niya ang aking dibdib at nagpatuloy, “tamo! amoy babae! babaero ka! hayop!” natigilan ako sa bilis ng pangyayari. “gago!” pilit ko siyang pinigilan nang pinagbabato niya ang mga gamit sa sahig, mga upuan, plato, baso, mga picture frame na nakasabit at iba’t iba pa. lahat nang makita, tila gusto niyang sirain. binunot niya ang isang drawer sa oro can, at nagsambulat ang aking koleksiyon. nagulat si jenny. kitang-kita sa kanyang mga mata, pero tila nanaig pa rin ang galit sa kanya, “ano?! papatayin mo rin ako?” galit, o pagkabaliw. hindi ko masabi. pero doon nag-init ang ulo ko.

“hoy! hindi ako nambababae! tangina naman! tigilan mo na ko!”

“sinulangaling!”

“ah, puta! kung ayaw mong maniwala, ‘di ‘wag! umuwi ka na, bukas na tayo mag-usap ‘pag matinu-tino ka na!”


lumabas ng bahay si jenny na umiiyak. tumahimik ang paligid. nagmukhang basura ang buong kuwarto. ang malalalim na buntong hininga na lang at walang tigil na angal ng bumbilya na malapit nang maubusan ng hininga. tiyaka ko inamoy ang polo. sa kaliwa’t kanang bahagi ng dibdib. amoy usok. at maalembong na babae. at walang bahid ng katotohanan.



9.25.2013

cycle na ba ito?

pamilya ang isa sa mga nag-uugnay sa’ming apat, problema sa pamilya. ganito sa bahay, problema sa tatay, hindi umuwi si tatay, galit si nanay, nag-away sila, naglayas ang isang kapatid, tagtipid, nauubos na ang pera, at marami pang iba. basta, pamilya.

sa mga inumang red horse hanggang umagahin, mag-umpisa man sa usapang masaya, usapang tungkol tsismis kay ganito at ganyan, alaalang nakakatuwa na kahit paulit-ulit pagkuwentuhan ay walang patid na katatawanan ng buong barkada, hindi puwedeng hinding mapag-uusapan ang mga tatay. “alam mo, pare, masuwerte ka nga umuuwi pa ang tatay mo, e. si papa, umuuwi lang kung kailan niya gusto. parang...” tiyaka namin susundan nang sabay-sabay na para bang choir na araw-araw nagsasanay, “parang nagbubuhay-binata!”

“buti nga kayo may tatay, e.” tiyaka tatapusin ni ralph ang usapan. matatahimik ang lahat at mapupunta na sa ibang usapan.

mahilig kaming mag-inom magbabarkada. kahit pa dinner, o movie ang yaya, parang walang palyang hindi napupunta sa inuman pagkatapos. ang tawag namin, “may activity naman lagi pagkatapos.” oo, activity, kahit pa alam naman naming inuman ang activity na iyon at wala nang iba. at sa gitna ng inuman, mayroon at mayroong papasok sa usapang ikatutuwa ng lahat. ideya, balita, kuwento, mga usapang sana ganito, sana ganyan.

habang nasa gitna ng inuman, nag-check ako ng twitter. ang sabi ko sa last tweet ko noon, “four for brunch and two for pass midnight snack : ) ).” naka-anim kasi ako ng roast beef burger ng burger machine the day before. nagulat lang ako na may nag-favorite ng tweet kong iyon. at, tulad nga ng sabi ko sa kanila habang kinukuwento ko ang tweet na iyon, “and dude! she’s a blond, pare!” tiyaka ko naisip na baka sa laki ng mundo natin, mayroon isa o ilang taong nakakaramdam ng parehong nararamdaman natin at that specific moment, parehong iniisip, parehong ginawa o ginagawa, parehong experience, parehong way of thinking. ang galing nito, sabi ko, isa itong breakthrough.

o, baka lasing lang. too much red horse. masyadong nasipa ng kabayo.


sa dami ng kinaiinisan ko kay papa, sa tuwing napapasok ang usapang alak, galing sa pagmamaneho, siya ang lagi kong ibinibida. isisingit ko lagi na ibang klase sila mag-inuman. kapag nagsama-sama na silang magpi-pinsan, bote bote na ng brandy ang pinag-uusapan. kung beer naman, hindi pupuwedeng walang case sa tabi ng table nila. para raw nabibilang ang mga bote minsang nabanggit ng tatay ko nang sabihin kong ang dami na nilang nainom. hindi na mahihirapan ang waitress sa pagbibilang, at hindi nadadagdagan ang mga boteng nainom nila kapag tinawag na ang bill. mahilig makipagbiruan sa waitress at pumulutan ng mani at nilasing na hipon. minsan, camaron pa nga at lechon. magarbo sila uminom, maraming tawanan, maraming bisyo, napupuno ng usok ang paligid mula sa kanilang mga sigarilyong maya’t maya ang sindi. umaapaw ang kuwentuhan, murahan, at sigawan kapag mapupuno na ang case ng beer. kapag pauwi na, lintek ang galing ni papa sa pagmamaneho. magaling na siya kapag hindi naka-inom. mula first lane, lumilipat sa third o fourth lane kapag gusto talagang mag-overtake. mabuti na lang at sa bandang bulacan kami nakatira. kaya siguro ayaw niyang lumipat sa mas malapit lapit na tirahan. wala kasing nlex sa ibang lugar. pero iba talaga kapag naka-inom siya. kung ang normal na lipad namin ay hindi bumababa sa 80 to 100, kapag may halong alak ay 100 to 120 na consistent. iyong tipong mapapakapit ka talaga, pero hindi dahil sa takot na baka maaksidente. nasanay na kaming pamilya sa ganitong scenario. kumbaga, isa ito sa mga pagkakataong mapagkakasiwala mo talaga ang buhay mo sa kanya. mapapakapit ka nga lang dahil sa bilis at sa lakas ng pagkembot ng sasakyan, hindi talaga mapipirmi ang puwet mo sa pagkakaupo. kailangang nakapako ang paa at nakalapat ang likod.

mahina na si papa ngayon. hindi na halos makalakad at wala nang bisyo matapos ng apat na stroke. kung dati’y hindi mapirmi sa bahay, ngayo’y hindi na halos umaalis. ang mga kainumang barkada nama’y hindi na rin bumibisita.

pauwi ako galing inuman ng barkada. ilang minuto bago mag-alas tres ng umaga. pero imbes na magmadali pauwi, panay ang tapak ng gasolina para sa roast beef ng burger machine. naaalala ko pa rati noong sinusundo pa ko ni papa sa eskuwelahan. tuwing pauwi na’t magtatanong kung gutom ba ko ay doon kami hihinto. siguro dahil burger machine lang ang tindahang 24hrs bukas, may burger na masarap, at may tindang sigarilyo. anim na boteng red horse at tuna belly at heto ako’t nasa burger machine sa a. bonifacio. “isang order ng roast beef.”

naalala ko kung paano iparada ni papa ang pajero namin sa tapat mismo ng burger machine na ito. kung paanong hindi nagbago ang itsura ng tindahan na ito kahit pa ilang taon na ang nakalipas. hindi nagbago, hindi nawala, hindi nagsara, at puro pa rin ng alaala. “may sigarilyo kayo, ‘te?” tanong ko kay ate habang iniinit niya sa maliit na stainless ang malapot sa sabaw ng roast beef. “meron.” siguro, ang pinagkaiba namin ni papa, marlboro red siya at lights ang akin. kung hindi pale ay san mig light ang kanya at red horse ang akin. brandy na on the rocks and kanya at jack coke ang sakin.

mabilis kong naubos ang dalawang roast beef—buy one take one kasi kaya’t ang isang order ay dalawag piraso kaagad. isang orange juice, tulad ng order ko lagi kapag tinatanong ako ni papa kung anong gusto ko. pagkatapos ng isang stick, bumalik na ko ng sasakyan. nagbukas ng aircon na nakagugulo ng buhok sa lakas tulad ng pagbukas ni papa ng aircon sa tuwing siya’y nakaiinom. mabilis na maneobra at natagpuan ko na lang ang sariling nasa nlex na. lumilipad, pauwi, para bang walang makapipigil sa paglipad. nang masilip ko, halos 120 kph na pala ang takbo ng sasakyan. exit na ng bulacan.

malamig na malamig ang aircon. nakahilata sa kama at walang suot na t-shirt. ganito raw ang rockstar. nakadapa at walang pakialam. ala-una na ng hapon nang magising ako, pero ni kaunting gutom ay wala akong maramdaman. ngayon pa lang nagsisimula ang araw ko. pagkalabas ko ng kuwarto, naroon si papa, nanonood ng tv habang nakaupo sa kanyang wheelchair. tiyaka ko naalala kung gaano kami naiinis noong bata pa kami ng mga kapatid ko dahil hindi nagigising si papa at hindi nakasasabay sa tanghalian. kailangan pang gisingin para makahigop ng mainit na buto-buto. at tulad ko, ganoon din siya na hapon na nag-uumpisa ang araw. madaling araw natatapos ang gabi at amoy tsiko paggising.

cycle na ba ito?

9.22.2013

ang aking unang pagbalot [my first joint]

minsang sinubok,
pahina ng bibliya,
pinirapisasong nasayang.
                pinaghihiwang mga papel,
                pinagtutuping pantabla
                pantabla-- sa mga mapang-api, mga nananakal ng lalamunan.
paulit-ulit na binabalot,
mga inaalagaang pinaghirapang
tanim ng aking mga kababayan.
paulit-ulit pinagsasama,
buong pusong pagpikit na hinihiling,
huwag babaluktot, iwasan ang gusot.

minsang sinubok,
minsang ikinalungkot.
tila sinasabi ng tadhana,
“hindi ikaw ang itinakda.”
                hindi naisama sa kapanakan,
                galing at gilas,
                isinukong pangarap, dahil lang tinanggap.
pagkatanggap—sa utos ng bathala, utos ng lahat
utos ng tadhana, utos ng tunay na mundong
yumayakap pa at binubulong,
“hindi ikaw ang itinakda.”

boses niya’y kay lamig,
parang amang malambing na bumubulong
sa taingang inaakala’y nabibingi.
yakap niyang may bahid ng lamig,
para bang haplos ng ina
at higpit ng ama.

walang galit na nadarama,
walang anong nais mangyari pa.
 naka-isa naman,
gusut-gusot at buhaghag ma’y
regalo pa rin.
                mula sa aking kababayan
                ating dapat ipagmalaki
                ito ang masarap, ito ang atin
                ating lupa’t panananim,
                huwag sanang basta ipamigay sa hindi tulad natin.

matagal na panahon, nalimot ang pangarap
hanggang sa sabi ng isang kaibigan,
“ito na iyon, ito na iyon.”
nagsimula raw siyang tulad ko,
nasawi, tinamad, nawalan ng gana.
ibang paraan, maliban sa pagbabalot ng pananim.
ibang trabaho, ibang pinilit kasanayan,
sa mundong ito,
kumita at mabuhay lang.

sinubukan kong muli,
lumang pambalot, inilapat ang isa.
pinaghihimay na pananim,
ang pagbukod ng dahon sa buto.
masusing pag-iisa-isa,
alin ang nararapat, at alin ang walang pakinabang.
                mesitulosong pagtutupi ng pambara,
                plantiyadong pambalot,
                maya’t maya’y hinahaplos.
                mabubuo na tama ang timbang,
                magagamit nang walang masasayang.
isinara ang balot,
ipinapagpag, itinataktak,
maging masikip nang maging siksik.

kaligayang ‘di ma-ikuwento.
kaligayang abot langit
                nais isigaw,
                nais iiyak sa labis na pagka-aliw.
ito ang aking unang pagbalot.
ang una sa aking maraming balot,
wala nang pagtatakang isang mambabalot ng pananim,
ang patunay na isa akong magsasaka.



9.07.2013

roadtrip

naalala niyo noong mga bata pa tayo?
biglaang tawagan,
kidnappan
sa barkada, buyuan
para sumama.

sa laguna.
tagaytay! baguio! zambales!

kung ano na lang ang maisipan
lalo na kapag nasa inuman.
mag-uumpisa sa isang ideya,
na mapupunta sa kantiyawan
at sabihan ng mga
“maganda sana kung....”

kung maaga aalis ng maynila.
mahirap na gisingan at tawagan ng mga tulog.
mahuhuli ng isa, dalawang oras ang pag-alis,
pero imposibleng hindi matuloy.
tuloy na tuloy,
kantahan sa loob ng sasakyan,
tulog sa kalahati ng biyahe,
agahan sa tagaytay,
lahat nakasuot ng shades.

si bagong gising, si galing inuman,
si life-of-the-party na corny pa’t
bumubuwelo pa ng jokes,
si laging gutom, si reklamador,
si lutang, at si driver.

kape sa tanghaling tapat.
init sa gitna ng lahat ng lamig.
tawanang tila walang bukas,
harurot na si life-of-the party—
panay banat ng jokes, mala-stand-up comedian,
may re-enactments pa’t lahat.
buhay na ang bagong gising,
putok na rin ang tama ng galing inuman.
buhay na ang barkada.
si laging gutom na nagpapapababa ng kinain,
hayu’t naghahanap ng tinapay na mangangata.
si reklamador nama’y tahimik, naka-shades pa rin
kahit nasa mahamog na’t parang paulan.
nag-aabang, naghahanda ng maibabara sa kabarkadang
kuha ang atensiyon ng buong kapihan.
si lutang na nakasuot din ng shades,
tulog ba o nakikinig lang?
at si driver na panay tawa,
kumo-crossfinger na huwag muna sanang magyayang umalis.

may mabubuong katatawanan.
uulit-ulitin hanggang maghapunan—
hanggang kinabukasan.
hindi titigilan,
pero papatok at papatok.
paulit-ulit, pero mapapamura pa rin.
inside joke na kailanma’y hindi maiintindihan ng iba
kahit i-kuwento man,
kahit paulit-ulit pa.

magtatakaw ang lahat,
minsan lang naman.
hindi uso ang diet sa ganitong mga panahong
panay masisiba ang kasama.
malamig ang panahon,
mahangin, baka magsebo ang bulalo't lumamig ang kanin.

dampot ng chopseuy,
higop ng sabaw,
sawsaw ng toyo sa tilapia,
subo ng sisig, piga ng kalamansi, subo ng lechon kawali.
“may ice pa ba?” sabay lipad ng yelo’t coke mula
dulo hanggang dulo.
“oh, guys, ito oh, extra rice pa!”
magsisigawan ang lahat, kala mo nagrereklamo.
bago matapos ang gabi, simot naman ang mga ulam.
iilang butil na lang ng kanin,
at nagluluksa na lang sa isang tabi.
naninigarilyo,
at siguradong sasabihing, “saya ng ganito.”



9.06.2013

sex scandal

hilig kong manigarilyo sa rooftop ng school. una, siguro, kasi bawal. lahat naman ng bawal ay masarap. kapag sinabing huwag gagawin, para bang mas lalo tayong nangangati—kapag sinabing huwag kamutin, lalo nating kinakamot hanggang sa maging sugat. at kapag naging sugat na, lalo nating hindi titigilan dahil pagsasabihan tayong muli na huwag kamutin at magdudugo. kaya naman kapag sinabing puwede nang manigarilyo sa school basta’t nasa rooftop, sa ground floor naman siguro ako tatambay. dahil, pangalawa, dadami na ang tao rito. hindi ko na matatawag na lugar ko ito. mapupuno na ng upos ng ibang tao ang sahig, magiging maingay, at magiging makalat na sa paligid. magkakalat ang samu’t saring mga basura tulad ng mga wrapper na pinagkainang mga sitsirya, kendi, plastic na pinagbalutan ng kung ano, bote ng tubig, magmumukha na itong isang ordinaryong kanto sa paligid na napupuno ng tambay na tumatakas sa klase.

oo, isa ko sa kanila. nagkakalat din ako. tumatakas sa klase at mahilig sa tambay. pero, bawat upos ng yosi ko rito ay nasa basurahan. at hindi nakakaabot ang mga pagkain at inumin dito sa rooftop ko. kumbaga, kung ang iba’t tuwing biyernes nasa quiapo para magsimba, andito ako tuwing hapon, para mapag-isa, para maabutan ang paglubog ng araw, para mawala ang mga problema. para makalimot humanap ng sagot sa bawat problema.

nakakainis na hindi ito maintindihan ni jenny. wala kaming halos pinagtatalunan kundi ang pagseselos niya rito. dahil siguro hindi ko siya pinapayagang umakyat dito. lagi niyang katwiran ay bakit hindi kami mag-date dito, o makasama siyang tumambay sa’kin. kaya sinasagot ko siya ng “kung ganoon, e, ‘di sa mall na lang tayo, o maupo sa food court. mainit pa sa rooftop, e.” minsan nga ay napagbintangan dinadala si roxanne doon. si roxanne ang katabi sa klase. maganda at maputi, at napakabait sa’kin, kaya siguro siya ang napili ni jenny na pagselosan. halos ilang beses na nagsunud-sunod iyon, kaya ginawa ko ang paratang niya. dinala ko si roxanne sa aking tambayan, tiyaka ko nakipag-break kay jenny.

matagal ang ngiti ni roxanne. nakatingin sa langit, sa mga ibon na nakikitambay sa kable ng kuryente, at sa mga naglalakad sa ibaba—mga estudyanteng papasok at palabas ng campus, mga professors na walang malay na may nakasubaybay na magandang dilag sa kanila. pero nang malaman niyang lugar ko ito para sa me-time ko, nainis siya. bakit ko raw itinuro sa kanya kung para sa’kin lang ito. dapat daw ay nanatiling akin lang ang lugar na iyon.

tiyaka ko siya tiningnan nang matagal. doon ko lang siya tinitigan nang ganoon katagal. nakakunot ang kanyang noo, halos dikit na ang mga kilay. mahigpit ang pagkakahawak niya sa’king braso habang kinukulit ako na bumaba na lang at bawal pala roon. “ano ka ba? okay lang iyan. never pa ko nahuli rito. tiyaka tingnan mo, saya ka rito.” sinundan ko pa ng biro, “tiyaka ‘di ka na makakabalik dito, kala mo, kaya sulitin mo na.” manipis ang kanyang uniform, dahil na rin siguro sa kalumaan. sa kanipisan, at dahil na rin sa sikat ng araw, maaaninag ang kanyang itim na bra. at ang kanyang leeg sa tuwing hihipan ng hangin ang kanyang buhok, sinisilaw ang magnanakaw kong paningin.

noong gabing iyon, hirap na hirap akong matulog. dalawang basong gatas at apat na sigarilyo na ang dumaan sa aking lalamunan, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. iniisip din kaya ako ni roxanne. naiisip niya kayang bumalik sa rooftop, nagustuhan kaya niya? naghahalu-halo na ang alaala ko at ang mga naiisip ko lang na maaaring mangyari, o sana mangyari. hindi rin siya makatulog. iniisip din niya ko. nakasuot siya ng maluwag na t-shirt a maikling short. hagkan niya ang kanyang unan habang iniisip ako. iniisip niya rin ako. katunayan, hinihintay niya ang text ko, para kamustahin siya at yayain siya muli bukas, para mag-goodnight, o kung ano mang dahilan pa. at dahil nakapantulog na, hindi na nakasuot ang itim na bra, nakadikit na sa unan ang kanyang bagong ligo na amoy, at ang kanyang labi ay nakahalik sa ulunan ng yakap na unan.

tinext ko siya, “hi roxanne. gising ka pa?”

tumunog ang cellphone ko. at nasundan pa ng isa uli.

nasend ko kay jenny ang text na dapat kay roxanne. at dahil nagbubunganga nanaman si jenny, hindi ko na inulit pang subukang itext si roxanne. kahit dadalawang message, ang haba ng text ni jenny. napuno ng mura, napuno ng mga paratang, kabe-break lang daw naman ay naglulumandi na ko, nagkukunwari lang daw akong nag-iisa sa rooftop, babaero raw ako, kupal, walang utang na loob, manloloko, at mag-usap daw kami bukas. naririnig ko ang boses niya. malinaw na malinaw. at, nakabibingi sa lakas. tiyaka ko nakatulog.

tiyaka ko na-realize na sa anim na buwang magkasama kami, hindi pala sa goodnight ni jenny ako nakakatulog kundi sa paulit-ulit na pagbubunganga niya, sa mga kuwentong hindi ko kailangang malaman at hindi niya naman kailangan ikwento, o hindi ko magawang maisip kung paano pa niya naaalala ang lahat ng detalye at side-comments ng iba.matutulugan ko siya, tiyaka niya ipaaalala kinabukasan. at, iyon pa pala ang isa sa pinag-aawayan namin maliban sapagtamay ko sa rooftop.

“na-receive mo text ko kagabi?” at bago ko pa bawiin, nakapag-react na siya. “ha? wala naman akong natanggap.” sagot ni roxanne. “ah, wala. baka hindi ko na-send.” sagot ko. “ano ba iyon?” tanong niya. may bago kay roxanne ngayon. naka-make-up ba siya ngayon? hindi naman. bago ba ang uniform niya? ganoon pa rin naman. puti ang kanyang bra, pero hindi iyon. ganoon pa rin naman ang kanyang nail polish, ang relo niya ay nasa kaliwa pa ring kamay, may takong pa rin ang kanyang sapatos, at nakasabit pa rin ang anklet niya na kulay blue. ah, “mas bagay sa’yong nakalugay.” sagot ko sa tanong niya. “ha? ah,” natawa siya, “magulo kasi buhok ko ngayon, e. kaya tinali ko na lang.” habang hinahawakan ang dulo ng ponytail, nilalaro ang kanyang buhok habang nakatingin sa’kin. ako lang ba, o nilalandi niya ko? nagbibigay ba siya ng motibo? baka gusto niyang yayain ko siyang muli sa rooftop. kaya siya nagtali ng buhok, para hindi na magulo ang kanyang buhok sa lakas ng hangin.

“gusto mo mag-rooftop uli mamaya?”

“ano lalandi ka nanaman sa taas? babaero! gago!” paakyat na kami ng rooftop ni roxanne nang magtext si jenny. kahit pa alam kong nakauwi na siya, pakiramdam ko ay nasa paligid lang si jenny. hinihintay na gumawa ako ng move kay roxanne, tapos tiyaka siya mageeskandalo. hindi malayong mangyari lalo na’t ngayong pinagkakalat niya na ipinagpalit ko siya kay roxanne, na two-time talaga ang nangyari at hindi magkasunod.

“totoo ba?” napalingon ako kay roxanne, “bakit ganoon iyong kinukuwento ni jenny?” natigilan nanaman ako. hindi ako sumagot. nang makarating kami ng rooftop, lumakas bigla ang hangin at napilitan kaming magtago sa likod pinto. “hayaan mo iyon. siraulo iyon, e. nagseselos lang iyon.” pero bakit ko sinabing nagseselos. dapat ay walang dapat pagselosan si jenny. mali. pero hindi nag-react si roxanne. umupo kami sa dulo at sabay na hinintay ang sunset. kumalma na ang hangin. nakangiti lang si roxanne. ang ganda ng pangalan niya, parang ang mga ngiti niya. roxanne. roxanne. lalo na kapag pumipikit siya, para bang naka-slow-motion. “bakit?” tanong niya. “ah, wala.” nababanggit ko na pala ang pangalan niya. thinking out loud yata ang tawag nito roon. kamuntik nanamang mabuking.


kulay kahel na ang langit nang mapansin kong hindi ako mag-isa. hinayaan ko nang makapasok si roxanne sa buhay ko, sa lugar ng pinagtatambayan ko, sa aking me-time. personal na ito. pero gusto ko ito. nagugustuhan ko ang mga nangyayari, at hindi tulad ng iba, masaya akong alam ni roxanne na hinahayaan ko siyang narito sa tabi ko.

hinawakan ko ang kanyang kamay. pumalag nang kaunti, ngunit nagulat lang yata. hindi niya itinaboy ang aking kamay. nakapatong sa kanya habang dahan-dahang sinasakot paloob, parang sawang dahan-dahang pumupulupot sa sisiw na dahan-dahang pinapatay, pinatitigil ang hininga para malamon ng buo.

tiningnan ko ang aming kamay, paakyat sa kanyang balikat, sa kanyang leeg. nang makarating ako sa kanyang mukha, nakatingin na pala siya sa’kin. inilagay niya ang aking kamay sa kanyang likuran at inilapit niya ang kanyang mukha sa’kin. mabilis na naglapat ang aming mga labi. alalang alala ko kung paano kami maghalikan ni jenny. kung paano sipsipin ang aking labi at kung paano ko hagkan nang mahigpit ang kanyang bewang. mabilis kong inakyat ang kamay sa kanyang batong, marahang sinusuklay ang kanyang buhok gamit ang mga daliri habang hinahalikan ang kanyang leeg. hinagod ko ang kanyang suso gamit ang kaliwang kamay. hinawakan niya ang aking kamay. tila naging gabay sa bagong kabundukan.

ihiniga ko siya sa rooftop, sa ilalim ng nagsisimulang dumilim sa langit. ang ilaw mula sa poste ang nagsisilbing araw. inangat ko ang kanyang uniform. nanatiling nakataas ang kanyang mga kamay. nakapikit, habang hinahalikan ko ang kanyang tiyan.

nasundan ito ng ilang beses. sa tuwing inaabot kami ng dilim, sa gitna ng paglubog ng araw at pagsamo ng gabi, bibilisan namin. muli kong maririnig ang ungol niya, tiyaka ko lalong gustong tagalan. kinakain niya ko sa dulo ng rooftop, kung saan nakaluhod siya habang ako nama’y nakatanaw sa humuhupang traffic, habang kinakain ang pagkalalaki. nagse-sex kami sa sahig ng rooftop, sa tabi ng poste, at sa likod ng pinto. ito ang naging libangan namin sa tuwing tatawag ang laman. magkahalong saya at gigil sa tuwing gagawin namin ito. at kahit kailan ay hindi ito nauwi sa ibang lugar. sa rooftop lang.

minsang sinubukan kong i-record ang boses niya habang nagse-sex. trenta minutos na ungol at pagsambit ng pangalan ko. sa tuwing gabi, pinakikinggan ko iyon. pipikit at pagtitikulan. para bang siya ang gumagawa, ang gumagalaw, ang kumakain ng aking pagkalalaki. tiyaka ko naisip na kunan siya ng video. pero paano. hindi ko alam paano sasabihin.

hindi na ko nagpaalam. bago mag-sex, kinuha ko ang cellphone at nagkunwaring nagbabasa ng text. nang i-on ko ang video, “rox, smile.” ngumiti siya. kumagat labi at hinila ang aking katawan papalapit sa kanya. “ilapag mo na lang yan.”




9.03.2013

ginto

tuloy pa rin si boyet sa pagkiskis ng napulot na bakal. napuno na ng putik ang kanyang damit, pati ang kanyang mukha ay may kalat-kalat na grasa mula sa pagpupunas ng pawis galing sa maduming kamay. “boyet! ano’ng ginagawa mo?” isang boses na maliit galing sa mataas na bundok ng basura ng smokey mountain. si raul, agad siyang bumaba at umupo sa tabi ni boyet, nakayuko at nakaupo sa lumang gulong ng trak, bahagyang nasisilungan ng mababang puno ng papaya.

nagkalat na ang mga damo sa bundok ng basura, hindi na tulad ng dati na panay plastik at nabubulok na bagay lang. makakapal na ang mga damo, may mga maliliit na puno na ring nagsilakihan. sa tulong na rin ng mga tunay na mga manilenyo, ang mga mambabasura ng maynila tulad nila boyet at raul. bagaman grade six lang ang dalawa, kabisadong kabisado na nila ang buong bundok—kung saan maaaring maglakad, kung saan maaaring humawak, kung saan malambot, at kung saan may natabunan na’t hindi na nabuhay pa.

“ano ba ‘yan?” tanong ni raul habang patuloy pa rin siya sa pagkiskis ng bakal. “shh! huwag kang maingay! gold ‘to, eh. mukhang gold, hindi ba?” sagot ni boyet habang itinuturo ang isang parte ng kanyang nalinis, kulay ginto na sumisilip sa gitna ng makapal na kaitiman ng natuyong putik. “kapag ito, gold talaga, nako raul! kahit ikaw, tayo, aabot tayo hanggang college!” nanlaki ang mga mata ni raul. “talaga? ang laki pa naman niyan. baka hindi lang. baka dahil diyan sa gold na ‘yan, hindi na natin kailangang mambasura!” napatigil sa pagkikiskis si boyet at napatingin sa kaibigan.

tirik ang araw. tila pati ang maliliit na dahon ng papaya na siyang tanging nagbibigay lilim sa kanila ay naluluto sa init. umuusok ang ilang parte ng bundok. nasusunog ang ilang mga basura  dahil sa init. ang laging sinasabi ni boyet, “dahil sa pinaghalong kung anu-anong basura, kemikal, at kung ano, tapos masasamahan ng lighter, o gaas, o kandila, kaya magliliyab talaga ‘yan. kaya ang trabaho natin ay antayin silang matapos masunog, tiyaka natin halungkatin. mas madaling makita ang kapakipakinabang sa hindi kapag lahat ay maitim na. ang mga matitigas na lang ang titingnan natin.”

matagal nakatigil si boyet. tila ng nag-iisip, o nananaginip. alin man sa dalawa, ito’y lagi niyang ginagawa. “bakit, boyet?” tanong ni raul sa nanigas na kaibigan. umiwas ng tingin si boyet. “lagi kong napapanood sa news, lalo na kapag special, na may mga driver o janitor na nakakakuha ng malaking pera. pero sinasauli nila.”

“nabawasan na nila iyon! bobo ka talaga. sinong magsasauli ng pera, sige nga? nabawasan na nila iyon, tapos isasauli nila para hindi masyadong konsensiyahin. hero pa sila!” mabilis na sagot ni raul. napatinging muli si boyet sa hawak na ginto. “pero ako, kahit kaunti, hindi ko isosoli kapag nakahanap ako. ayaw ko na rito. masyadong mahirap kumita. kailangan pa kumita para makapag-aral. tapos kailangan pa kumita lalo para makahiram ng libro at makapasok araw-araw. may pangarap kaya ako!” tiyaka tinapos ni raul ang panata.

“hindi mo na naman mababawasan ‘yan kung sakali, e. ang laking ginto niyan kung nagkataon! shempre hindi mo isosoli, kanino mo naman isosoli. ano bang malay natin kung sa isang mayamang pinatay pala iyan, ebidensiya pala, o kung ano at sinadyang itapon dito sa’tin. malay mo! ang dami kayang ganyan sa tv. sabi pa nga ng tito ko, yung gago, si tito bentong, hindi naman daw lahat ng nasa tv, totoo. bayad naman daw iyon lahat.”

“totoo?” sagot ni boyet. nagbago na ang kanyang mukha. malaki na ang kanyang mga mata. at tila malamig na ang mga pawis na nakakapit sa kanyang mga pisngi. “patingin nga.” kinuha ni raul ang ginto na sinlaki ng plato mula sa kamay ni boyet. sinlaki ng mukha ni raul ang gintong plato. kinatok-katok ni raul. kumuha siya ng bato at madiing kiniskis ito. nang sumilip ang manilawnilaw na balat ng bakal, hindi siya tumigil. matagal siyang nagkiskis. tagaktak ang pawis ni raul habang paulit-ulit na dinadasalan na sana ay ginto nga ang lumabas, na yayaman sila, hindi na kailangang mag-aral pa at makaaalis na sa mabahong lugar na iyon habang tulalang nakatitig si boyet.

“teka. uy!” sumigaw si boyet, “ano ‘yan! bakit nawala iyong gold!”

natigil ang dalawa.

“natanggal mo iyong gold, gago ka! kiskis ka kasi ng kiskis! raul!” sigaw ni boyet sabay hablot sa kanyang gintong plato. “hoy! e, peke naman pala iyan. pininturahan lang pala. tangina, bobo ka, buti nga kiniskis ko. college college ka pa diyan! ambisyoso!”



8.25.2013

righter's block

umaga nanaman. at unti-unti nang lumiliwanag ang silid ni james mula sa bintanang pinapasukan ng pasikat na araw. tahimik ang silid. maging ang mga alikabok na nakahilata sa kama ni james ay hindi natitinag, walang kibo, walang galaw. at sa kabilang dulo ng kuwarto kung nasaan ang mesa't upuan, nagsasayaw ang lapis sa kamay ni james, tila paikut-ikot na naglalaro, nakasakay sa tsubibo, hinihilo nang walang tigil.

tumili nang malakas ang mga paa ng upuan kung saan nakaupo si james nang siya'y tumayo. huminga ng mabigat at naglakad papunta sa bintana ng kanyang silid. nag-unat ng likod, naggalaw-galaw ng balikat, nagpatunog ng mga daliri, at inikut-ikot ang ulo. nagising ang buong silid sa sunud-sunod na kaluskos at pagpapatunog ng katawan ni james. ang kamang mga alikabok na ang nahihilata, ang mga unang nag-iba na ang kulay, ang mga dingding na tila nariyan ngunit hindi napapansin, ang mesa't upuang hindi na naibalik sa ayos dahil laging nauuupuan. ang mga nagkalat na papel at lapis na nakapatong sa mesa na hindi na rin mabasa kung alin ang dapat magkasama at alin ang naiiba, kung alin ang totoo at alin ang gawa lamang niya. ang cellphone na nasa tabi ng lahat ng ito, nakadapa, katabi ng ilang mga lumang gamit na hindi na napapansing gamitin, mga bote ng coke, orasang nababalot ng alikabok, lumang mga ballpen, ilang mga platitong pinagkainan ngunit hindi na nahugasan, at marami pang maliliit na bagay.

gamit ang mga daliri, sinuklay ni james ang kanyang buhok habang pabalik sa kanyang mesa. dinampot ang nakadapang cellphone at tiningnan. kasabay ng pagbagsak ng kanyang balikat ang pagtalbog ng kanyang cellphone sa kinahihigaan. naupo si james at napasandal sa upuan. nakatingin sa itaas, waring humihingi na ng tulong sa maykapal. mabigat na buntong hininga. pabilis nang pabilis na pangunguyakoy, nagyayakapang mga paa, waring pinipigilan ang pangingilid na luha sa mga mata.

muling tumili nang malakas ang mga paa ng upuan at mabilis na tumayo si james. nagpunas ng luha gamit ang braso at kumuha ng ilang barya at bente pesos. kumuha ng lumang t-shirt na nakasampay lang sa upuan at isinuot habang palabas ng kuwarto.

mabagal ang pagpatak ng oras. nakabibingi ang katahimikan sa silid. ang mesa't upuan, kama't kurtina, tila nabibingi na rin, tila nabubuhay sa gitna ng patay na lugar.

pumasok ng silid si james. tangan ang isang bote na beer at sigarilyo sa kabilang kamay. inilapag ang sigarilyo sa ashtray na nasa tabi lang ng mga lumang gamit. inilapag ang nagpapawis na beer tiyaka hinubad ang damit at muling ibinalik kung saan nakasampay kanina. kinuha ang sigarilyo at iniipit sa pagitan ng kanyang mga labi. nagtaas ng paa habang muling idinampo at cellphone. mabilis niya itong ibinalik sa pinagkuhanan, at muli, nagpakawala nang mabigat na buntong hininga.

muli niyang binasa ang mga naisulat habang naninigarilyo.

sa kama ni james, nakaluhod ang isang lalaki habang kinukunan ng litrato ang isang babae. maya't mayang nagkukulitan, pagkatapos ng isa, dalawang click. sunud-sunod lang sa pagkuha ng litrato ang lalaki, nakangiti, habang nakasilip sa kamera at nakikita ang girlfriend na pumo-pose, ngumingiti, nakikipagkulitan sa kamera. mapapagod ang babae at mahihiga na lang sa kama. tatayo ang lalaki at patuloy na kukuha habang nakahiga siya. mapapahiga ang lalaki at tatabi sa kanyang girlfriend. muling magtatawanan at tiyaka muling kukuha pa ng isang litrato na tila pabiro.

dahan-dahang nawala sa mukha ni james ang ngiti matapos magbasa. mabagal na tumingin sa kama. muling ibinalik ang katawan sa harap ng mesa at nag-ayos ng upo. inayos ang ilang mga papel, uminom ng beer, at hinithit ang huli bago patayin ang sigarilyo at muling nagsulat.

nakahiga sa tiyan ng lalaki ang girlfriend nito habang isa-isang tinitingnan ang mga litrato niya na kuha ng lalaki. maya't maya'y tumatawa ang babae. minsa'y papaluin ang lalaki dahil tila may nakuhang mga litratong nakakatawa ang kanyang mukha, o minsan nama'y magagandahan ito at sabay silang tatawa. magbibiruan ang dalawa. magkikilitian. hanggang sa maluhod ang dalawa sa kama habang nagkikilitian hanggang sa magyakapan. nakangiti ang babae habang nakasandal ang pisngi sa balikat ng lalaki.

nakangiti muli si james habang nagsusulat. napahinto siya. muling nagsindi ng sigarilyo at sinilip ang cellphone. napatingin sa malayo at napaisip sandali. tuloy pa rin ang kanyang mabigat na buntong hininga. inilgay niya ang cellphone sa harap ng kanyang bibig, pumikit, tila hinahalikan ang cellphone, tila nagdarasal, humingi ng tulong sa maykapal na tama ang mga susunod niyang gagawin, na may mga mangyari.

nag-type siya sa cellphone.

punit-punit ang mga litrato na nakasaboy sa kama. nasa sulok ng kama, sa kanto ng kuwarto ang girlfriend, umiiyak. nilapitan ng lalaki ang girlfriend ngunit nagwala ito. kinuha ang isang litrato na may mukha ng lalaki na may kasamang isang babae. kinuha ng babae ang cellphone ng lalaki at ipinabasa sa kanya ang mga nakasulat. pinagsasampal ang lalaki at walang magawa ang lalaki para mapigilan iyon. pilit hinawakan ng lalaki ang mga kamay ng babae ngunit nadampo nito ang kamera ni lalaki, binuksan at hinugol ang negatibo. pinagpupunit ang mga litrato, pinagtatapon sa lalaki.

message sent. magsisindi ng sigarilyo si james. at inilapag ni james ang cellphone sa mesa kung saan niya laging inihihiga ito.

mula sa pagkakahiga, umupo sa kama ang lalaki at inayos ang mga litrato--ang mga buo at ilang mga punit. sinisilip sa liwanag at litrato at maya't mayang napapangiti. kukunin ang cellphone at sisilipin kung may reply, pero wala. magsusuklay ng buhok ang lalaki gamit ang mga daliri at dadamputin ang kamera. itututok niya sa paligid, sa ibang parte ng kuwarto, pero mauuwi siya sa mga litratong nakalapag sa kanyang kama. mapapabuntong hininga siya. tiyaka niya muling kukunin ang cellphone. nangunguyakoy ang paa. pabilis nang pabilis. magpupunas ng bibig, tila pawis na pawis sa kaba. kukuha ng isang buntong hininga pampalakas ng loob at magdi-dial sa cellphone. itinapat niya ang cellphone sa kanyang tainga.

susubukan niyang magpaliwanag. tila nagmamakaawa, pilit kinukumbinsi na walang katotohanan ang lahat. mapapahiga siya sa pagmamakaawa, patagilid, habang tinitingnan ang mga litrato nilang dalawa. paulit-ulit niyang susubukang magpaliwanag.

tuloy sa pagsusulat si james. malalakas na hithit. mabilis naluluto ang sigarilyo. tuloy sa pagsusulat si james. iinom ng beer sandali, pero hindi titigil sa pagsusulat. mag-aayos ng buhok gamit ang kamay, pero hindi pa rin titigil sa pagsusulat. matitigil lang siya nang kanyang i-check ang cellphone, ngunit matapos matigilan sandali nang makitang walang nag-text, ilalapag niya muli ang cellphone. hihithit ng sigarilyo, at itutuloy ang pagsusulat.

mapapaupo sa kama muli ang lalaki. napangit habang may nangingilid na luha na nakahilata sa mga mata. magpupunas ng mata gamit ang braso, habang kausap pa rin sa cellphone ang girlfriend. nakangiti na siya. at pagkababa ng cellphone at nagpipipindot pa ng ilan sa cellphone, nakatayo na siya sa kama. nakangiti at mabilis na nagta-type sa cellphone. mabilis na kinuha ang damit na nakasampay sa kama at nagpalit ng damit. nagpalit ng sapatos. at dinampot ang pabango at nag-spray sa leeg at damit. muling nag-ayos ng buhok at bago pa siya lumabas ng pinto.

umangat ang led ng lapis sa papel. huminto sa pagsusulat si james. at dahan-dahang naiyak. nang naiyak.

at nanatiling nakatayo ang lalaki sa harap ng pintuan kung saan lumabas ang kanyang girlfriend.

7.22.2013

upos at pagsayaw

madilim nanaman ang gabi. mga aninong mahahahaba dahil sa kakaunting nabibigay ng buwan. tahimik pati ang mga kulisap. ang mga bitwin, nagtatago. ganito raw lagi basta’t nasa siyudad. nabalot na kasi ng usok ang kalangitan. maiitim, makakapal, at mababahong usok. tumatakip, nagsisilbing kumot sa mga bitwing malalayo’t nag-iisa. mula sa lukut-lukot na kaha ng sigarilyo, humugot siya at nagsindi muli ng isa. nag-iisa na lang, wala nang kasama ang balingkinitang katawan ng sigarilyong naiwan sa lukut-lukot na kaha ng sigarilyo. kumunot ang kanyang noo. humigop siya nang malalim, nag-alab ang sigarilyo. tiyaka niya naramdaman ang pangangalam ng tiyan, ang mga blade na marahang gumuguhit sa kanyang bituka, pinupunit at inuubos ang natitirang kakaunting laman. sinundan niyang muli ng isa pang mahabang higop bago ibinuga ang unang usok ng sigarilyo. nagmanhid ang sentido, ang leeg, ang tiyan. muli siyang napatingin sa maamong titig ng buwan. nagkatinginan sila, pero hindi rin siya nagtagal. umiwas siyang muli ng tingin at nagtaktak ng upos. mula sa third floor na bintana ng matandang apartment, tila nyebeng nagbagsakan ang mga upos ng sigarilyo. paikut-ikot, sumasayaw, nagpapanggap lumipad, na ikinainggit ni ray. sinilip pa niya hanggang sa maglaho sa dilim. pumasok ang naglalarong mga liwanag sa kuwarto nang buksan ang pinto. pula, berde, dilaw, at asul. naglalaro, nagsasayawan din, para bang nagdidiwang sa kalungkutan ng mundo, sa pagtapos ng araw, sa pag-aantay ng kinabukasan, sa bagong pag-asa, sa bukas.

7.06.2013

bukas na lang uli

hindi ko alam kung bakit. ayaw ko talaga ng ganito. ayaw ko talaga. iyong tipong wala akong idea. wala talaga. hindi ko alam kung bakit.

sabi sakin, ang tunay na pag-ibig, nagbibigay ng lakas. nakakainis, hindi siya nagbibigay ng memorya.

hinuhugasan ang mga sabon na nagkalat sa porselanang pinggan. sabi ng panganay kong si daniel, siya na raw at magpahinga na rin ako. pero hindi ko siya pinansin. lilinisin ko ang pinggang pinagkainan mo. ako na, hindi kita pababayaan.

sabi ni daniel, siya na. pero pinagpatuloy ko ang pagplantiya ng mga kobre kama. nag-init ang aking ulo. "gumawa ka na ng assignments mo, baka pagalitan ka nanaman ng professor mo!"

kasabay ng pawis ang pagtulo ng luha ko. sinilip ko ang panganay ko. papunta na siya ng kuwarto niya. tiyaka ko itinuloy ang pamamalantiya. at, ang pagluha. pag-iyak siguro, pero hindi ko maaaring aminin, sa aking panganay o sa akin.

inilatag ko ang puting kobre kama. "jenny, higa ka na. gabi na. inumin mo na ang gatas mo at matulog ka na."

"pahinga ka na. bukas na lang uli." hindi naman ako magsasawang ipaglaba at ipagplantiya ka.

6.24.2013

kaya 'di kita magawang mahalin, o respetuhin

gustung-gusto kitang makilala noon. lalo na noong una kitang nakita. ang bilis mong nakuha ang aking atensiyon, iyon pala, taon-taon mo itong ginagawa para makakuha ng maraming kaibigan—mananatili man o hindi.

ang hilig mong magpatawa. ang gilas-gilas mo sa mga bagay-bagay. lagi kang nariyan. at kahit saan ako lumingon, ikaw ang nakikita ko. siguro, kung nakilala kitang mabuti, baka naging magkaibigan tayo. matalik na kaibigan, o minahal din kita tulad ng iba. mabuti na lang din at hindi.

nagkasama tayo isang beses. sabi mo, ikaw ang bahala sa’kin. sabi mo, magtutulungan tayo sa assignments, na mas maigi ang may kakilalang mas nakatatanda lalo na’t bago ang lahat sa kolehiyo, na magiging matalik tayong magkaibigan tulad ng iba. nagpakita ka pa sa’kin ng mga litrato niyo habang walang tigil na masayang nagkukuwento ng buhay mo kasama sila. pero habang giliw na giliw akong nakikinig, biglaan mong pinutol ang palabas at hiningan ng kuwarenta pesos. pamasahe mo yata o kung ano, kinailangan tuloy kitang kitain uli kinabukasan para sa kuwarenta pesos ko.

ilang beses kong sinubukan kang singilin, pero sa hirap mo kausap at sa dami ng ganap na hindi mo naman ipinapaliwanag nang maayos, hinayaan ko na lang. tutal ay kuwarenta pesos lang naman iyon.

kung sa mga palabas, parang kayong mga gangster o mga bully ng mga walang kaibigan at ikaw ang pinuno. ikaw ang kinatatakutan dahil ikaw ang nagkakalat ng mga tsismis na sisira sa mga reputasyon ng mga kupal at pakalat-kalat. ang hindi rumispeto sa’yo, tinataasan ng kilay, tinititigan mula ulo hanggang paa, binibitin sa bentilador at bibigyan ng mga litanyang ‘sing tinis ng mga boses ng mga tindera. mahahabang mga litanyang hindi matitigil hangga’t hindi maduduktungan ng kabarkada.

inis na inis ako nang ako ang mapansin mo. hindi naman tayo magkakilala talaga at minsan lang tayo nagkausap. pero dahil tinanggihan ko ang iyong pakiusap ay nagkalat ka ng maling balita. mataas ang aking ere at wala akong mararating. hindi ako magaling at huwag akong magyayabang. pati ang aking itsura ay iyong pinintasan. tinawag mo pa ko ng kung ano kahit pa alam mo ang tunay kong ngalan.

hindi ako gumanti. pero hindi kita makalilimutan. at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, sisirain kita. tandaan mo iyan.

gigising ka sa umaga at pupunuin ng kolorete ang mukha. itatago ang sarili sa ibang itsura’t ngalan. ngayo’y maitim at tigyawatin, bukas ay maputi’t mataba, sa makalawa’y babaeng tibo, sa susunod ay lalaking bakla. hindi ko alam kung ba’t naiinis ako, marahil ay sa dami ng dahilan ay ikinaiinis kong hindi ako makapili ng isa. pero kahit ano pang gawin mo, kilala kita at makikilala kita kahit gaano pa karaming kolorete ang isuot mo.

nakilala ko si ella. isa sa iyong matalik na kaibigan. hindi ko pa siya kilala talaga, gusto ko na siya. sabi ko pa nga sa mga kaibigan niya, ipakilala ako. panay papansin ko sa kanya. iyon pala, isa ka sa mga dahilan kaya hindi ako umuubra. tinawag mo kong babaero, tinawag mo kong mayabang, kinuwentuhan mo siya ng sari-saring mga bagay na napupuno ng pagmamalabis at pagdidikta, paghatol nang walang kalaban-laban.

nakatatawa lang isipin na sa kupal kong ito ay hindi ko nagawang gumanti sa’yo ni minsan, o sa iyong mga kabarkada. puno ng galit, puno ng hinanakit, pero hindi ako makalaban. dahil kung hindi ko kaibigan ang isa sa iyong kabarkada, mahal ko ang isa.

hindi ko alam. mayroon lang talagang nasa’yo na hindi ko magawang mabaliwala. aaligid-aligid, parang multong pumapali-palibot, nagpaparamdam, sumasanib, nambubulabog.

ilang taon na rin pero heto’t nariyan ka pa rin. nananatili, aaligid-aligid, patuloy na sumisingaw. dahil isang tawag mo lang ay nariyan siya, dahil mahal na mahal ka nila, dahil tinitingala ka nila, kahit wala ka naman talagang naibibigay para sa kanila. ilang taon na, pero nariyan ka pa rin. taon-taon, nagpapatawa, nanggugulat, umiiyak, humihingi ng awa, bumabawi, nagagalit, nananakit, nagdaramdam, pero hindi nagmamahal. iyong totoo, mahalaga ba talaga sila sa’yo?


dahil para sa kanila, mahalaga ka sa kanila. hindi ko alam kung bakit, pero ganoon.

5.23.2013

bukas, may lechon si mang canor


kauuwi lang ni efren galing cebu. tatlong araw din siyang nawala kaya naman namili siya ng ilang pasalubong para sa bahay.

nasa harap ng tv ang tatay ni efren, tahimik na nanonood. kuba na ang kanyang ama, nakaupo sa wheelchair at nakatitig sa tv, araw-araw. minsan napapaisip siya, gusto ba talagang manood ng kanyang tatay dahil minsan ay nakakatulog na lang sa kinauupuan habang nagsasayawan ang mga tao sa showtime. para bang hindi naman talaga niya gustong manood. hindi naman siya kasi ganoon noon. lagi siyang wala sa bahay, gabi kung umalis at umaga kung umuwi. kumbaga, walang oras sa tv. kung manonood man siya, action movie nila jackie chan at bruce lee. kaya normal lang ang makatulog sa harap ng telebisyon. nakakasawa rin namang tumingin lang sa mga babaeng nakasuot ng maiikling short at skirt at nagsasayawan.

ininit ni efren ang uwing lechon galing cebu. prinito nang bahagya at hiniwa nang pira-piraso. tumingin sa relo si efren, alas otso ng gabi. sakto, matikman man lang ng kanyang tatay ang lechong uwi bago makatulog. naalala ni efren na paborito pala ng ama ang lechon. dati-rati, noong nakalalakad pa at hindi pa na-i-istroke at naka-iinom pa, partner ang beer ang lechon. tambay nila ng kanyang barkada ang pingping. lagi iyon, pagkapatak ng alas singko ng hapon, saktong bago maggabi, habang naghahalo ang liwanag at gabi, isa-isang darating ang mga dating kaklase ng kanyang tatay. isang malayong pinsan, isang barkada noong high school na naging ka-schoolmate sa college, isang kaklase sa college, at isang kasamahan niya sa pangangarera ng sasakyan noong college. karerista kasi ang kanyang tatay noon, lagi niyang pagmamalaki. iyong mga tipong nagsasara ng mga kalsada’t nakaupo sa hood ng mga sasakyan. mag-iinom sila, case case ang binibilang. kasabay nito ang pulutang nilasing na hipon, camaron, mani, at siyempre, kaya sila nasa pingping, mga lechon at mga waitress na napupuno ng kolorete.

“pa, gusto mo litson?” mula sa dilim, lumabas si efren. ang liwanag na nanggagaling lamang sa tv ang nagbibigay liwanag sa kalahati ng mukha ng kanyang ama na nakatitig sa lechon na tusok-tusok ng tinidor. nakatitig lang ang tatay ni efren kaya inulit niya ang tanong, “gusto mo?”

tumingin si canor sa kanyang anak na ngayo’y napakalaki na. bente tres anyos, o bente kuwatro na ba? hindi na maalala ni canor. halos hindi na rin kasi niya maalala kung gaano na siya katagal na nakaupo sa wheelchair, kung anong petsa na at kung anong araw na ng buwan. marami-rami na rin ang nawala sa kanyang memorya. minsan, maaalala niyang mag-yosi, ang pakiramdam ng sigarilyo sa pagitan ng kanyang mga daliri, tiyaka susundan ng malamig na beer para maibsan ang nanunuyong lalamunan dulot ng usog na kabubuga lang. matatabang lechon at malulutong na balat ng pingping, ang makunat-kunat na balat ng nilasing na hipon, ang maliit na hipon na nasa loob ng camaron, at ang nagtatabaang mga waitress pero gumaganda dahil sa kasasabing sila ang pinaka-gwapo sa lahat ng customer nila.

ngumiti si canor sa anak at tumango nang bahagya. hanggang dito na lang kasi ang kayang tango ng kanyang leeg. humigit pa rito’y masyado nang nakakapagod at masakit. lumapit ang anak at inilapit ang tinidor na may tuhog-tuhog na lechon sa bibig ni canor, pero hindi niya ito ibinuka. tumatawa nang bahagya at tumungo nang malakas, tila may iba pang sinasabi. “ha? ano iyon?” tanong ng kanyang anak. patuloy sa pagtungo si canor. bahagyang kumunot ang noo ng anak, pilit iniintindi ang nais iparating ni canor. tiyaka lumabas ang isang boses mula sa likod ng anak ni mang canor, “wala na siyang ngipin!”

tapos na pala kumain ang tatay ni efren. tinanggal na rin ang kanyang pustiso upang malinisan. nanonood na lang ng tv para antukin. mabuti na lang at dumating ang nanay ni efren, kundi ay mahaba-habang titigan at tanguan nanaman. kaya isinubo na lang ni efren ang hawak na lechon, “akin na ‘to, ah. bukas na lang. mag-iiwan ako, marami pa naman.” pawala na ang ngiti sa mukha ng tatay. mabuti na lang at nasundan ni efren pagkatapos isubo ang lechon.

tiyaka muling tumango si canor. bukas, may lechon si mang canor.

5.22.2013

yosi, kape, at tae


pagkapasok at pagkapasok ng kuwarto, tila ritwal ang kanyang paghuhubad ng t-shirt. pagkatapos ng mahabang araw na walang humpay na pagpapawis at pagpapatuyo, halos kumapit ang t-shirt sa balat sa lagkit. kinuha ang nagpapawis na pitsel at nagsalit sa baso. tatlong sunud-sunod na lagok at mabilis naubos ang tubig na laman. paupo na ko nang makaramdam ng pangangalam sa tiyan. imbes na buksan ang laptop at makapag-check ng facebook, mabilis akong nagtanggal ng sinturon.

nag-uumpisa pa lang ang gabi. bibihirang mangyari lalo na’t sa mga araw na nanggagaling sa labas dala ng kung hindi alak ay pag-iwas sa traffic ng rush hour. tahimik ang bahay tulad ng karaniwang araw. wala si nanay, wala ang mga kapatid. si papa lang na nasa sala at nanonood ng tv.

naisip kong magsulat. pero, hindi ko alam kung tungkol saan. may mga ganoong panahon na wala naman talagang iisang topic na gustong isulat o ikuwento. maraming tumatakbo sa isip, pero watak-watak. ang turo ng mga manunulat, mag-isip ng isang topic at palawakin, tiyaka mag-isip ng title. pero, kailangan ba iyon? naisip ko, hindi naman kailangang iisa ang problema, na may kontrabida, at may resolba. lalo na’t sa tunay na buhay naman ay hindi laging may sagot ang lahat ng tanong at lunas sa lahat ng problema. karamihan pa nga sa mga problema ay kung hindi napapalala ay nauuwi sa limot.

ang kuwento, laging may problema. laging buo. laging iisa. laging konkreto. na hindi ko nakikitaan ng maayos na lohika bilang hindi ganoon ang tunay na buhay. maraming kuwento, maraming problema, ay problema sa loob ng problema na may katabing problema na may kaharap na problema na may dala pang problema na nakikitaan ng problema, sabay-sabay pa! kalat-kalat, parang taeng sabog na kahit sa pader ng enidoro ay may lagda mo. kaya siguro trono itong natawag. bukod sa niluluklukan, para bang sa tuwing magbabawas ay mabibinyagan, matatatakan, nagsasabing, “akin ‘to.”

nang magising ako kaninang umaga, isang oras na pala kong late sa alarm. na-snooze ko pala. mabilis akong bumangon nang makita ko ang oras. halos patakbo akong pumunta sa banyo. pero, bitin kung iyon lang ang aking ikukuwento. ayaw ko namang ikuwento ang inis ko nang hindi ako nakapagdumi dahil late na ko. ang plano ay magbayad ng bill sa credit card, iyon ang una sa aking to-do list. nang i-check ko, kulang pala ang laman ng aking atm para makapagbayad nang buo kaya banas akong umalis ng bangko. masisingil ako ng interes, panigurado. pero, wala ring saysay, hindi ba? para sa mga manunulat na graduate ng journalism, o sa mga primyadong mga nanalo na sa mga award-award na iyan, hindi iyon kuwento. walang saysay, dahil para sa kanila, isa lang iyong pangungusap na pinahaba, pinabigat ang bawat emosyon, nagbigay ng kaunting detalye, at nagsasabi ng wala. kumbaga, walang kwentang pangungusap. pero, para sa’kin, iyon ang mahahalaga. iyong mga maliliit na bagay na nangyayari sa ating araw-araw na hindi naman natin nabibigyan ng pansin dahil hindi naikukuwento, hindi naisusulat dahil hindi ganoon kabigat. pero, hindi naman kailangang maging mabigat ang bawat kuwento. kailangan ba, nakakaiyak?

minsan, may humingi ng mga nasulat ko. pabasa raw. bago ko ibigay, nagsabi pa ko, “pero hindi ako writer, ah. kuwentista ako.” hindi naman talaga kasi ako writer, ayaw ko lang sa mga writer na... writer. iyong alam nilang writer sila dahil may diploma sila at nagsusulat sila ng balita. ayaw ko sa mga rules. ayaw ko ng form. ayaw kong sumusunod kaya ayaw ko sa mga taong ginagawa lang ang mga bagay na itinuro sa kanila. naniniwala ako sa “learn and unlearn.” dahil kung hindi tayo matututong kumawala sa rules, ano ang kaibhan natin sa kanila.

tinamad yata siyang basahin. hindi ko na rin hinintay ang kanyang comment. wala rin naman akong pakialam. hindi ko ipinagkakailang magaling siyang manunulat. ilan din ang aking nabasang sulat niya—mga kuwentong pilipino, gawang pilipino, lenggwaheng pilipino. iyon naman ang gusto ko. hindi mahirap basahin, pero may laman. nagulat na lang ako nang mag-message siya sa ym! (yahoo messanger). nabasa na raw niya. nasundan ito ng matagal na katahimikan, para bang pinipilit akong magtanong kung kamusta. nahihiya man, kabado na rin, tinanong ko. maganda naman daw, at considering na hindi ako journalism, tama ang aking paggamit ko ng tagalog. hindi naman ako magaling sa tagalog, pero alam ko namang tama ang aking grammar. tama ang aking paggamit, pero hindi ko sinasabing hindi nagkakamali. tinanong niya ko sa aking hindi paggamit ng malalaking titik na para bang isang tangang uri. wala namang nais ipahiwatig iyon. paborito ko lang talaga ang mga small letters. kung oc sila sa mga proper grammer, oc ako at naiinis akong makakita ng malalaking titik. maganda raw dahil maraming detalye, pero nabitin daw siya. mahilig ako sa detalye. sa’king palagay, iyon kasi ang nagbibigay ng kulang, ng emosyon, ng pakiramdam na naroon ka sa lugar na iyon, dahil naniniwala rin akong kahit gaano kadetalyeng maisulat ang isang sitwasyon, hindi pa rin ito lubusang mararamdaman. kaya’t hangga’t maaari, isusulat ko ang bawat detalye nang kahit papaano, kung hindi man maiparamdam nang buong buo, ay maiparamdam pa rin.

natuwa ako. pero, hindi pa rin ako nakinig. hindi rin naman kasi ako mahilig sumunod sa mga suhestiyon. pinag-iisipan ko pa naman, pero hindi ko laging sinusunod.

nag-iisa na lang ang yosi kong nasa banyo. kinuha ko ang lighter na nakahiga sa lababo at umupo sa trono. pssssssshh. nagulat ako nang magsindi. mabilis kong na-realize na wala namang tagas ang lighter at hindi sa lighter nanggaling ang tunog. nasabayan ko pala ng ire. utot na pala iyon.

humithit ako nang isang buo. ang sarap sana kung may kape. yosi at kape. itong tatlong ang ilan sa mga bagay na wala namang halos kakuwenta-kuwenta, pero napakasarap gawin. kung mayroon lang sanang kapihan natahimik at kakaunti ang naglalakad sa paligid. halos wala kang maririnig na nag-uusap. tatawagin ko itong, “private room.” isang itong coffee shop na mayroong maraming cubicle. may maliliit, may malalaking cubicle, at may conference rooms na pang animan. may bintana ang bawat cubicle para sa mga taong habang nagsusulat at nagbabasa, o nag-me-memorize ay mahilig tumingin sa mga taong naglalakad sa labas. pero, may blinds para sa mga taong gustong maluklok sa kanilang sinusulat pero ayaw magsulat sa kani-kanilang bahay. (malamig ang banyo, may sapat na urinal at cubicle, hiwalay ang panlalaki at pambabae, laging may tissue at sabon, may flush at may bidet. para naman ito sa mga taong mahilig magkulong sa cr, ano man ang dahilan.) kahit pa sabihing kape ang isa sa mga yayaan para sa date, o meet-ups, intimacy lagi ang kaugnay ng kape. swabe, tahimik, kalmado. dahil kung hindi, mag-beer na lang. 

5.13.2013

barangay scalper


“’tay, magpapasukan nanaman, kailangan na natin ibili si manuel ng uniporme. hindi kasya sa kanya ‘yung luma. masikip na rin yata ang sapatos niya. at, libro rin pala. sabi ni nora, iyong nanay ng anak ni jo, mas marami pa raw ang libro kapag graduating ng elementary.” bungad ng asawa ni bong habang kumakain ng agahan. paulit-ulit ang si vivian habang tila walang naririnig si bong. tahimik na iniinom ang kape habang nanonood ng balita.

bago pa man maubos ang kape, tumayo na si bong at kinuha ang paboritong ginebra na sumbrero. kumuha ng isang sigarilyo mula sa kanyang kaha na nakalapag lang sa itaas ng pridyider, at nagsindi. bago pa man makalabas ng pinto ng bahay, “manuel! tanghali na! bumangon ka na riyan!” , sigaw ni bong. pero si vivian ang nagulat sa malakas na sigaw. at bago pa man makalabas nang tuluyan si bong ng pinto, bumulong nang bahagya si vivian, tila tumatawid sa pagitan ng takot at galit, “tiyaka wala na tayong bigas para bukas pala, ‘tay.”

“oo na. oo na. do-or-die ng ginebra ngayon, ako’ng bahala. huwag ka nang maingay diyan.”

napaalalahanang muli si vivian. huling laro pala mamaya ng ginebra sa semis. paniguradong maraming manonood sa araneta. paniguradong maraming mauubusan ng tiket. paniguradong may maiuuwing pera ang kanyang asawang ginebra fan. paniguradong mas malaki ang maiuuwi kaya tama ang asawa, walang dapat na ipag-alala. ginebra ang bahala.

“sige na, p’re, pautang lang, kahit isang libo. ibabalik ko rin naman agad. ibibili ko lang ng tiket. bawi naman ‘to, sigurado.” habang naka-akbay kay toti, isang ding scalper. “tangina mo, ah. siguraduhin mong mabebenta mo ‘yan. kundi, sisingilin kita ng doble!” sagot naman ni toti habang binubunot sa wallet ang isang libong piso. “ano ka ba! ginebra ang laban, semis pa, ubos ‘to panigurado.” sabat ni bong.

apat na tiket kaagad ang binili ng bong. sa haba ng pila sa bilihan, paniguradong tatamarin ang mga tao bumili. at, siguradong mauubusan ng upuan. ganito naman lagi ang laro ng ginebra. sa libu-libong nakakapanood ng laban ng ginebra sa araneta, at milyun-milyong nanonood sa kani-kanilang mga tv, sino’ng makahihindi sa ticket na mas mahal lang ng kaunti kung panigurado namang makauupo.

mabilis naibenta ni bong ang unang tiket. alas siete y media ang laban, pero alas singko pa lang ay mahaba na ang pila. palakad-lakad si bong. pabulong na inaalok ang hawak na tiket, ang 250 na tiket na ngayon ay 350 na. mabilis na naibili ang pangalawa at pangatlong tiket. sa isip ni bong, may 300 na ko, at may isang tiket pa. may pambili na ng bigas, may ulam pa para bukas.

nasipat ni bong ang isang kumpol na mga nakadilaw. sumitsit si bong kay toti at itinuro ang kumpol. “ay putangina, ang mga tambolista ng tnt!” malakas na sigaw ni toti na para bang naghahamon ng away. tumawa si bong na may halong pangamba. bukod sa mapa-away, baka mahuli pa silang nagbebenta ng tiket. walang takot si toti, dahil kilala siya ng mga gwardiya, pero siya, si bong na baguhan, at naging scalper lang dahil mahilig sa basketball, walang koneksyon na kahit ano kundi si toti.

sampung minuto bago mag-umpisa ang laro. nataas na ng presyo si bong nang malamang sro na ang binebentang tiket sa booth. ang dating 250 na naging 350, 500 na ngayon. kung magkataon, 550 ang kanyang maiuuwi. walang gustong bumili, dahil iisa na lang ang tiket. karamihan kasi na hanap ay dalawa pataas. “punyeta, walang gustong bumili, e. sino ba naman kasing manonood ng laro mag-isa!” sumbong ni bong kay toti. “ako nga rin,” sagot ni toti, “isa na lang din, takte. sayang, inood na lang na’tin ‘to tutal kumita na naman tayo.”

walang nagawa si bong. bilang isang fan, at bilang isang scalper na pagod sa kakalakad, sumunod na lang siya sa pagpasok sa araneta.

pagkapasok at pagkapasok pa lang ng dalawa, bumungad na sa kanila ang sigawan ng buong araneta. buhay na buhay ang dugo ng mga taga-ginebra. katitira lang ni tenorio ng tres, at kauumpisa lang ng laban. maingay ang mga tambol ng tnt, tila umaasang makasabay sa sigawan ng mga taga-barangay.

habang timeout, maiging itinupi ni bong ang perang kinita. inabot ang isang libo kay toti, “baka makalimutan ko, kunin mo na.” kinuha ni toti at isinilid sa makapal na nakataling pera. “salamat!” sigaw ni bong dahil nag-umpisa nanaman magtambol ang maliit ng crowd ng tnt. hindi sila halos magkarinigan. bumabawi na ang mga tnt. pero hindi pinababayaan ni tenorio na mawala sa kanila ang momentum.

panay sigaw ni bong. parang bata na ngayon lang nakapanood. mahigit isang taon na rin kasi mula nang huli siyang nakanood sa loob ng araneta. kalmado lang si toti, palibhasa ay sanay na. may pusta pala si toti. dalawang libo kapag nanalo ang ginebra. nang malaman ni bong, panay usisa niya. “kanino? saan ka pumusta? kapag nanalo ang ginebra at umabot ng finals, pupusta rin ako! o, ipusta mo ko!” tango lang nang tango si toti habang nanonood. paulit-ulit naman si bong. “oo nga, sige na. manood ka muna!” iritang sigaw ni toti.

natapos ang laban. halos hindi lumamang ang tnt. nagtatatalon si bong. panay ulit niya sa mga nangyari kung paano tinirahan ni tenorio ang mga malalaki ng tnt. “ang ganda talaga ng laban. hindi nila mahabol si tenorio, e. ang gago pa, pinasok pa si caguioa. umiskor pa ang hayop! saya!” habang labis ang tuwa ni bong, iritang irita naman si toti dahil pinagtitinginan na sila ng mga tao. nakababangga rin kasi si bong ng ibang tao. “hoy! mamaya ka na magtatatalon diyan. pagbaba natin, kahit sa hanggang bukas ka pa magsisisigaw. huwag dito, ang sikip sikip, e, ang init pa.”

“o, siya, mauna na ko, bong. kukunin ko pa yung panalo ko, e. sa susunod uli!” paalam ni toti. “sige, p’re, salamat! sa miyerkules uli! finals naman, mas malaking kita!” sagot ni bong nang buong ngisi. habang naglalakad patungong sakayan, isinilid ni bong ang kamay sa bulsa. pinaglalaruan pa niya ang maliit na butas sa bulsa. nililibang ang sarili habang naglalakad. palingun-lingon, tinitingnan ang mga taong galing araneta na may hawak na banner at nakasuot ng jersey ni caguioa nang maalala ang kinitang pera. pilit niyang inalala kung saan inilagay habang binubuklat ang wallet at kinakapa ang six-picket na short. pero wala. maging ang kahang yosi at lighter ay wala na sa kanyang bulsa.