12.31.2012

ang paghingi ng pagbabago


bagong taon nanaman. humihingi ng bagong damit si bunso, bagong cellphone naman kay ate, bagong sasakyan kay tatay, at bagong lipstick kay nanay. lahat may hinihinging bago, o kung hindi man, lahat ay may nais na bago.

pero kailangan ba ng bago sa bagong taon?

sabi ng isang mekaniko noon nang magpaayos ako ng sasakyan, “wala pong sira, boss.” nang magdesisyon akong papalitan ang pares na shock dahil luma na, agad niyang pinalitan. nang matapos ang paggawa, kasabay nang pag-abot niya sa’kin ng susi, “bakit aayusin kung wala namang problema?”

kaya humingi ako ng pagbabago, hindi sa ibang tao, kundi sa aking sarili. magbabago ako hindi dahil bagong taon, hindi lang para sa aking pamilya, hindi lang para sa mga taong mahal ko na nakapaligid sa’kin, kundi para na rin sa’kin.

minsang nanghingi ng pamasko si bunso. walang wala ako noon. dumating ang pasko, nag-aantay si bunso. inabot ko ang nakabalot sa dyaryong ballpen kasabay ng pagbati ng “maligayang pasko!” mabilis na ngiti ang nakita ko kasabay ng kislap sa kanyang mga mata. kalahati pa lang ang nabubuksan niya, kumunot na ang kanyang noo. ibinato ang ballpen, at nagkulong sa kuwarto.

mabilis ko siyang hinabol, humingi ng tawad, dahil nagbigay ako ng lumang ballpen. gamit. bawas. mauubos na. sabi ni itay, hindi ko na lang nasa ipinilit na makapagbigay ngayong pasko. hindi naman daw kailangan. magbigay kung kailan gusto, kung kailan bukal, at kung kailan buo. walang gustong kumain ng hilaw na kanin, manok na may dugo, o bakang matigas pa.

buuin ang sarili, nang maibigay nang buong buo.