12.31.2012

magbabago ako


pagbabago

magbabago ako

hindi lang para sa’kin, hindi lang para sa’yo, at hindi lang para sa mga kaibigan at pamilya ko. para ito sa lahat ng nakapaligid sa’kin, sa’kin, pero ikaw ang dahilan ng pagbabagong ito.

bubuuin kong muli ang sarili. nang maibigay nang buong buo.

naintindihan ko kung saan ka nagmumula. pagod na pagod ka na. sa ilang taong paulit-ulit na pagkakamali, pag-aalinlangan, maling mga desisyon, maling mga salita, naiintindihan ko. at kahit anong paumanhin ay di kayang humilom noon. pero, sorry. pasensiya ka na.

magbabago ako, dahil ako ang problema. hindi ko hinihiling na antayin mo ko. gawin mo ang nararapat.  be free. be happy. be you.

dadating ako sa panahong matututo akong magpahalaga ng mga bagay, to not give up on them, to be strong for them even if i’m weak, dadating ako sa panahong hindi na ako bibitiw. magbabago ako. pero hindi ko na hihinging antayin mo ko. sobrang sobra na. ipagpatuloy mo ang buhay mo. maging masaya ka. maging maligaya ka nang totoo. hindi ko ring hihinging bigyan mo ko ng pagkakataon pa dahil sobra na. i’ve wronged you so many times, i’ve fucked up so many times ayaw ko nang magbilang. nakahihiya. pasensiya ka na, sinayang ko ang oras mo.

mahal kita. magkasama man tayo, o hindi. mamahalin kita kahit bihira tayong magkita, o hindi man magkita. hindi man magkausap. mahal kita. at sana, balang araw, maging sulit ako sa’yo, sa panahon mo, sa pagmamahal mo.

aalagaan kita. at andito lang ako. hindi ko man hawak ang mga maaaring mangyari, magbabago ako, dahil... ikaw lang ang minahal ko nang ganito.

ang paghingi ng pagbabago


bagong taon nanaman. humihingi ng bagong damit si bunso, bagong cellphone naman kay ate, bagong sasakyan kay tatay, at bagong lipstick kay nanay. lahat may hinihinging bago, o kung hindi man, lahat ay may nais na bago.

pero kailangan ba ng bago sa bagong taon?

sabi ng isang mekaniko noon nang magpaayos ako ng sasakyan, “wala pong sira, boss.” nang magdesisyon akong papalitan ang pares na shock dahil luma na, agad niyang pinalitan. nang matapos ang paggawa, kasabay nang pag-abot niya sa’kin ng susi, “bakit aayusin kung wala namang problema?”

kaya humingi ako ng pagbabago, hindi sa ibang tao, kundi sa aking sarili. magbabago ako hindi dahil bagong taon, hindi lang para sa aking pamilya, hindi lang para sa mga taong mahal ko na nakapaligid sa’kin, kundi para na rin sa’kin.

minsang nanghingi ng pamasko si bunso. walang wala ako noon. dumating ang pasko, nag-aantay si bunso. inabot ko ang nakabalot sa dyaryong ballpen kasabay ng pagbati ng “maligayang pasko!” mabilis na ngiti ang nakita ko kasabay ng kislap sa kanyang mga mata. kalahati pa lang ang nabubuksan niya, kumunot na ang kanyang noo. ibinato ang ballpen, at nagkulong sa kuwarto.

mabilis ko siyang hinabol, humingi ng tawad, dahil nagbigay ako ng lumang ballpen. gamit. bawas. mauubos na. sabi ni itay, hindi ko na lang nasa ipinilit na makapagbigay ngayong pasko. hindi naman daw kailangan. magbigay kung kailan gusto, kung kailan bukal, at kung kailan buo. walang gustong kumain ng hilaw na kanin, manok na may dugo, o bakang matigas pa.

buuin ang sarili, nang maibigay nang buong buo.


12.14.2012

changing lanes


parang mga sasakyan sa freeway na tila nag-uunahan.
parang mga batang palipat-lipat ng linya mauna lang sa pupuntahan. ang buhay,
saan ba tayo papunta?

matapos ng mahabang freeway,
nagkakasabay-sabay din naman kapag nagpula na ang traffic light.
kapag sumenyas ng hinto ang enforcer,
halos magkakatabi rin naman.

para tayong mga sasakyan, at buhay na kinagisnan ang lanes sa freeway.
change lane. change lane kapag mabagal ang kaharap.
change lane kapag may lubak na papalapit. change lane kapag pakipot na ang kalsada.

takot tayo sa preno.
tamad tayong tumapak sa preno dahil mag-uumpisa muli sa umpisa.
malakas sa gasolina. masakit sa paa.
kaya naman imbes na tumapak sa preno’y lilipat na lang ng linya. change lane.

parang buhay natin na nasa parallel universe. maraming linya, maraming uri ng buhay.