7.24.2012

kapeng barako


maigi niyang itinupi ang dyaryo at inilapag sa tabi ng libro na nasa mesa. kasabay ng kanyang buntong hininga ang pagtanggal ng salamin. nagkalat na mapuputing buhok sa malinis na gupit ng lalaki. inangat ang tasa ng kape, sinilip at nilanghap na para bang ito ang kanyang magiging huling tasa. bahagya siyang napangiti. tiyaka niya napansin ang malaking larawan ng dagat matapos niyang humigot ng mainit na kape. ang puting parola sa dulo ng pampang.

ang malalakas na alon na ginagapang ang malawak na baybayin. ilang mga ibon na tila saranggola kung magpaanod sa hangin. nagtatampisaw siya sa mababaw na bahagi ng dagat. humahakbang at sinisipa ang tubig habang bitbit ang mga napulot na iba’t ibang uri basag na korales. nakahayap sa kanyang binti ang pinong mga buhangin. maya’t maya’y mapapalingon siya sa lalaking nakaupo sa baybay, mapapangiti at matatakpan ng kanyang buhok. manaka-nakang kukunan siya ng litrato ng lalaki. sa mga pagkakataong hindi niya napapansing nakatingin sa kanya ang lalaki, pipitik ng isa, dalawa, ang lalaki. tatayo siya at lalapit nang bahagya upang makakuha ng ibang anggulo. nakapagtataka lamang na sa bawat pindot niya sa kamera ay tila hindi mahanapan ng mali. ang kanyang ngiti. kanyang buhok na kung minsan ay tinatakpan ang bahagi ng kanyang mukha. kanyang mga mata na masisilip ang kislap mula sa nagkakahel na tubig dahil sa pagtatakip silim.

maghahabulan ang dalawa. matatalsikan ng tubig alat sa mata at mabilis na tatakbo palapit ang lalaki. iaabot ang kanyang kamiseta pamunas sa mata. at matatawa na lang ang dalawa dahil basa rin ito sa tubig dagat.

mabilis na nagdilim ang paligid. makulimlim na kalangitan kasabay ng malalalim na kulog mula sa malayo. “tara na.” yayayain niya ang kasamang babae at patakbong pupunta sa pickup truck na nakaparada. bubuhos nang malakas ang ulan. at bago pa sila makapasok ng sasakyan, basang-basa na ang dalawa. at dahil biglaan lang ang lahat, wala silang baong damit kundi ang jacket ng lalaki na gamit lang niya tuwing malamig.

lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. hinagkan ni maris ang jacket. pinaandar ni dan ang sasakyan, “hanap tayo ng masisilungan. magpatuyo tayo.” natatawa pa ang dalawa. at sa bawat paglipat ni dan ng kambiyo ay ibabalik niya ang kamay sa palad ni maris. hihigpit ang magkahawak na kamay.

ang walang katumbas na saya sa tuwing maglalaro ang dalawang kamay. sa gitna ng ulan, dilim, at daanang ‘di na malaman kung saan patungo.

“at some point sa buhay natin, kailangan nating mapag-isa—para maging independent, makita ang mas malawak na galaw ng mundo, matutong tumayo sa sariling paa at habulin ang hinahanap ng puso at iba pang mga bagay. para alam mo lang kung ano’ng meron sa labas. pero hindi naman ibig sabihin lagi noon ay hindi mo gusto yung iniwan mo. it’s just that we learn most when we experience stuff.” natigilan siya. nakatitig sa kanya ang mahigit kuwarentang estudyante. “tiyaka mo matutukoy talaga sa sarili mo kung ano ang gusto mo, kung ano ang mas mahalaga, at kung ano ang hinahanap-hanap mo. tiyaka mo habulin.”

nagtaas ng kamay ang isang bata sa likod. bago pa muling mag-ingay ang klase, napalingon sila sa batang nakataas ang kamay. “sir, bakit pa po kailangan pumasok sa school kung mas matututo naman through experience?” bago pa natapos ang tanong, nagsigawan ang mga estudyante na para bang nanonood ng basketball sa liga. napangiti si dan. “basic muna bago ang lahat. hindi naman ibig sabihin lahat through experience mo matututunan. kung ganoon lang din, sayang ang oras. makinig din tayo sa karanasan ng iba, magtanong, tiyaka natin subukan kung sa tingin natin ay may mas makikita pa tayo.”

hindi naman talaga nagtuturo ng religion si sir dan. madalas niyang sabihin, ang relihiyon, gabay lang iyan. andiyan iyan upang hindi tayo maligaw. subukan man natin kumabilang bakod, alam natin sa sarili nating matagal na itong ipinagbawal. madalas siyang magkuwento ng kanyang mga karanasan. mga napuntahan. at ano ang mahalaga sa buhay.


at kahit pa sa pag-iyak ni maris, tumalikod siya. pilit hindi lumingon. buong lakas na pinigilan ang pagtulo ng luha. dahil hindi maaaring maging malambot sa mga pagkakataong kailangang maging matigas sa desisyon. hawakan at hilahin man siya, pilit siyang pipiglas. hindi dahil ayaw niya. hindi maaari. at alam niya sa sarili niya, sa kaunting hawak, o yakap, ay bibigay siya.

pinagsasapak niya ang pinto ng sasakyan.

pasakay si dan ng sasakyan pauwi nang madaanan siya ng kanyang mga estudyante. “sir dan, bakit po hindi pa kayo magpalit ng sasakyan?” tanong ng isang lalaking estudyante. muling napangiti si dan, “iba kasi ang pickup sa lahat ng sasakayan.”

estudyante: “paanong iba?”
dan: “kapag ang pickup ay brand new, maganda tingnan. astig, hindi ba?”
estudyante: “opo. lalo na kapag 4x4!”
dan: “pero kapag ang pickup, naluma, mas gumagwapo kasi may character. hindi katulad ng mga kotse.”

umuulan ng malakas. tila pati langit ay nakikiramay sa kanyang pag-iisa. at sa gitna ng dilim at malakas sa hagupit ng bagyo, titirik ang pickup.

sinubukan niyang makisilong. kumatok siya sa bahay-bahay, ngunit tila sa lakas ng ulan at kulog ay hindi na marinig pati ang kanyang katok. sinuwerte lang siya nang may isang nagpapasok sa kanya at nagpahiram ng pamalit na damit.

sa mga umagang kahit walang almusal ay hindi problema, basta’t may kape. inabot ng may-ari ng bahay kay dan ang tasa, “kapeng barako kaibigan.” kinuha ni dan.

walang gatas. walang asukal. hinigop niya ang kapeng barako, puro at matapang. nagpapatapang sa mga nasanay sa gatas at asukal.

sa mga ganitong umagang mabagal ang oras. ngingitian siya ni maris kasabay ng almusal na kung hindi sunog na itlog ay basag. ngunit tila ang kanyang mga labi sa akin ay ang tunay na almusal, panulak ang kapeng kung tawagin niya’y “latte kung latte” sa rami ng gatas na halo.

o kung hindi man ay ang kanyang mukha na bubungad sa akin pagdilat matapos niya kong dagnan. uupo siya sa aking dibdib at pilit gigisingin. itong mga alaalang sana’y andirito nang higit na ganahan bumangon at maghakot ng pananim.

dito rin ako natutong magbalisong. sa ilalim ng bahay, malapit kung saan palaboy ang mga manok, tinuruan ako ni dante, kapatid ng may-ari ng bahay, kung paano gumamit ng balisong. ito raw ang pinakamabilis na kutsilyo dahil hindi na kailangang hugutin pa. basta hawak mo ay para na raw itong nakabukas. madali kung mabagal, ngunit aanhin ko ang mabagal na paggamit ng balisong. “bilisan mo!” sigaw ni dante. at, naipit ang aking daliri. tumagas ang dugo mula sa aking tatlong daliri na nahiwa.

at tatakbo si maris pa rito kung saan kami naroon. kunot na noo at puno ng pag-aalala. gagamitin ang kanyang panyo upang punasan ang nagkalat na dugo. “diinan mo [para tumigil ang dugo]” at hindi na siya makapagsasalita. tititigan niya ko nang masama, ngunit walang sasabihin kundi, “kasi.”

ngunit tuloy pa rin ang paglabas ng dugo mula sa sugat. hinila ako ni dante sa poso at doon ko hinugasan ang sugat. nagsusumigaw ang lahat. ngunit tila hindi ko pa nararamdaman ang sakit. tiyaka ko na lang naramdaman ang kirot at hapdi nang balutin ko ng kamiseta.

patuloy ang palitan namin ng sulat. hindi na kami nagkakamustahan. puno lang ng kuwento ng mga nangyayari sa amin—sa kanyang trabaho, sa bahay, sa kanyang kapatid, at kung anu-ano pa. masaya ako sa tuwing nagsusulat para sa kanya. para bang naipapakita ko kung anu-ano ang mga nakikita ko sa mga napupuntahan ko, mga natututunan ko, at nalalaman. bawat bayan na paglagian ko, magpapadala agad ako ng sulat upang malaman niya kung nasaan ako. paligoy na sinasabing ‘okay ako, huwag kang mag-alala.’ pilit kong ikukuwento nang buong detalye ang mga ganap sa aking buhay, ngunit tila laging kulang—para bang hindi ko lubos na masabi sa kanya sa mga nangyayari.

malakas nanamang muli ang ulan. ang lupa ay lumambot at ngayo’y putik na’y halos ‘di na madaanan ng dyip na magdadala ng mga kalabasa sa maynila. pansamantalang pinutol ang kuryente upang makaiwas sa sunog.

yakap ang sarili, nangangatog. sinusubukang magtimpla ng kape gamit ang maligamgam na tubig. kape na ‘di humahalo sa tubig kahit anong paghalo pa ang gamitin. naiisip kong umuwi na lang sa mga panahong iyon. kung may uuwian man, gusto ko nang umuwi noon.

noong nasa batangas ako. pinadalhan ko si maris ng kapeng barako. sabi ko pa sa maliit na note, “huwag niyang araw-arawin at bago sumakit ang puso niya.” noong nagawi ako sa laguna, pinadalhan ko siya ng wood carving at saya. sabi ko uli sa maliit na note, “wala munang buko pie at baka masira. itago ang saya at magsayaw kami sa pagbalik ko.” hindi ko nailagay kung kailan ang aking balik. hindi na siya sumagot matapos noon. kahit pa sa mga susunod na padala ko sa kaniya, palagi namang may note na kasama, hindi na siya sumagot. at kahit pa ano ang aking ipadala, hindi rin nito napunan ang pangungulila ng aking sarili.

hindi naging madali ang pauwi. tulad ng mga biyaheng pauwi, higit na mahaba at matagal, malubak at nakababagot na para bang hindi nauubos ang daan. kung gaano kataas ang sigla ko noong ako’y lumuwas pa-maynila, ganoon kabilis nagloko ang sasakyan. tila ang karakter nito ay nang-iiwan din.

madaling araw noon, mahamog. kinailangan kong maghanap ng mekaniko. sa isang bayang hindi ako pamilyar, kinailangan ko nanamang makiusap at magtanung-tanong. nararamdaman ko na ang sakit na paparating. mabibigat na ubo at walang tigil na sipon. nilalamig sa mahamog na dilim.

“nakatutuwa lang makinig sa mga kuwento, pero kahit paano mo tingnan, kuwento lang sila at mananatiling kuwento.” tumayo si dan at sumandal sa blangkong pisara. tila nawawalang mga bata na makikita sa kanilang mga mukha. “oo, tama namang makinig tayo sa mga kuwento, magtanong, magmasid. sabi ko nga, basic.” pero no matter how many stories i tell you, these are just stories.

hindi ko na alam kung paano ko ikukuwento kay maris ang mga napagdaanan ko. ang sabi ko na lang, “sana nakita mo.”

“sana andoon ka.” kasi habang lalo akong nagkukuwento, mas lalo kaming nalalayo sa isa’t isa. ibang iba ang mga kuwento niya sa akin na wala na kaming mapag-usapang pareho.

at sa tabi ng malaking bintana, napangiti si dan matapos muling humigop ng kape. muli siyang dumampot ng dyaryo at nagbasa. sa bawat nakatakong na masisilip ni dan, siya niyang titingnan. sisilip sa orasan na nakasabit sa pader ng coffee shop na katapas lamang ng opisina kung saan pumapasok si maris. at muli siyang magbabasa ng dyaryo.

kung minsan, malalaman na lang niyang nakalabas na si maris. sa mga pagkakataong ito, magmamaneho siya kung saan nakatira si maris. sisilipin niya ang bintana kung nakabukas ba ang mga ilaw nito. sisilipin ang garahe kung nakabukas din ba ang ilaw. at tiyaka siya makauuwi nang panatag.

maglalakad-lakad siya sa paligid. makikipag-usap sa guwardiya ng opisina kung saan pumapasok si maris. makikipagkuwentuhan sa may-ari ng coffee shop na nasa tapat ng opisina. magtuturo sa klase, makikipagbiruan sa mga estudyante. kakalap ng mga kuwento, magtatago ng kuwento nang may mapag-usapan kapag nagkitang muli.

“sa mga pagkakataong maabutan ko ang kanyang paglabas, mabilis ko siyang lalapitan.”

tatanungin ko kung maaari ko siyang ihatid pauwi. “on the way naman ako” idadahilan ko. o kung hindi man ay, “andoon lang ako kanina, nakita lang kita.” kahit pa alam naman niyang hinihintay ko siya. hindi rin naman siya papayag. huwag na at madali lang naman daw umuwi. kaya naman daw niya.

kinaya nga niya nang wala ako. ngayon pa kaya. sa mga pagkakataong maabutan ko siya at tumanggi siyang magpahatid sa akin, susundan ko ang bus na sasakyan niya. at bago pa siya makapasok ng bahay, bago pa siya makapagpalit ng damit at makapaglapag ng gamit, muli ko siyang lalapitan.

dan: gusto mo magkape?
maris: ba’t andito ka?
dan: o, dinner na lang. kumain ka na ba?
maris: sinundan mo ko?

at, isang usapang walang katapusang tanungan.

“two lattes, sir?”

“yes. thanks lizette.” sagot ni dan habang kinukuha ang dalawang tasang latte.

“if i could just paste her on the places i’ve been to and close my eyes and see her there... with me.”

“aww....” sigaw ng mga babaeng estudyante ni dan habang nagtatawanan ang mga lalaki.

bumukas ang pinto at tumunog ang maliliit na batingaw na nakasabit sa hawakan. pumasok ang isang babaeng may ilang puting buhok, nakangiti kay dan. kanyang kutis na halos sing puti ng perlas na nakasabit sa kanyang tainga. lumapit siya sa mesa kung saan nakaupo si dan.

naririnig ni dan ang tunog ng takong ni maris.

“’ris, latte mo.” inaabot ni dan ang kape habang pauwi si maris sa kanyang harapan.

“i was just telling them how much i missed you.”