6.18.2012

mobile motel


malalim ang gabi at tahimik ang paligid. iilan na lamang ang may sindi ang mga bahay, at kakaunti na rin ang mga naglalakad sa village. wala nang mga bata sa kalye at tulog na rin ang mga asong palaboy.

nakaparada ang matte black na van sa tabi ng kalye. sa pagitan ng dalawang poste ng ilaw, sa gitna ng dilim na naaaninag lamang sa tuwing mahahagip ng ilaw ng mga nagdaraang sasakyan at maamong silip ng buwan, maya’t maya ang uga ng van.
mabilis na daraan ang kambal na ilaw at mawawala rin.

“teka.” ani ng babae habang itinutulak nang bahagya ang lalaking nakapatong sa kanyang katawan. tuloy pa rin sa pagbayo ang lalaki. “teka, teka.” huminto ang lalaki na may halong pagtataka. “bakit?” tanong niya. “wala bang nakakakita sa’tin talaga?”

natigil sa pagsayaw ang van. naaaninag ang hubog ng likod john na ngayo’y naka-angat. sumisilip ang tagiliran ni jean katabi ang nagkalat na pinaghubaran ng dalawa.

“walang nakakakita sa’tin. wala namang dumaraan, e. tiyaka, may tint naman. ‘di tayo kita.” dahilan ni john habang sinasalat ang dibdib ni jean. muling idinikit ni john ang kanyang ari sa tiyan ni jean, tila nagpapahiwatid na ituloy na lamang at tumahimik. mabilis na kinuha ni jean ang kamay na naglalakbay at tumagilid. “teka lang kasi, feeling ko talaga kita tayo sa labas.”

napaupo sa john. sinuklay ang buhok at nagpunas ng pawis gamit ang kamay habang nagbihis ang kasintahan. bago pa tuluyang masuot ni jean ang kanyang skirt, muling lumapit si john at hinalikan si jean. “john!”

muling napatigil ang dalawa. muling natahimik ang village. “ano naman kung kita tayo sa labas?” tanong ni john na bahagyang mataas na ang boses. kumunot ang noo ni jean na tila ibang lenggwahe ang ginamit ni john sa kanyang huling tanong. “ano? gago ka ba?” tinaasan din ni jean ang boses. “ano naman kung makita nila tayo? ano bang pakialam nila?” pangangatwiran ni john habang padabog na iniipon ang hinubad na mga damit.

lumabas ng sasakyan si john at nagsindi ng sigarilyo. bago pa maubos ang hinihithit, sumunod si jean at umupo sa may sliding door ng van. nagsindi ng sigarilyo, humithit. “bakit? kinahihiya mo ba tayo?” tanong ni john. muling napakunot ng noo si jean at mabilis na ibinuga ang kakahithit lang na usok. “ano’ng koneksyon no’n? hindi iyon, iyon!”

“ano’ng hindi iyon, iyon? iyon, ‘yon! kinahihiya mo kasi na tayo.” katwiran ni john.
“walang koneksyon. kung tayo lang, hindi. hinding hindi.”
“pero ‘pag nagse-sex tayo, kinahihiya mo.” na may halong sumbat ni john.
“hindi! lalong hindi!” sagot ni jean. “pero iba….”
“pero ano? ano’ng iba doon” muling sabat ni john na tila may halong pambabara’t pikon.
“pero iba kapag may nakakita sa’tin.”

tahimik ang dalawa. magkahalong usok na nagsasayaw sa gitna ng dilim, waring pinag-iisa ang dalawang buga.

“bakit? ‘yung mga ex mo ba, okay lang sa kanila na masilip ng iba habang nagse-sex kayo?” binasag ni jean ang nakabibinging katahimikan. huminga nang malalim si john. kasabay ng kanyang huling buga ay ang pagpatay sa kasisindi lang na sigarilyo.

“ano namang koneksyon? bakit pati past, nauungkat?” sagot ni john.
“bakit hindi mo sagutin? ganoon din naman iyon, hindi ba?”
naglakad-lakad paikot si john bago sumagot. “hindi. iba iyon. at wala akong naka-sex sa sasakyan.”
“pero kung may makakita ba sainyo, okay lang?” tuloy ni jean.
“pero wala nga!” mabilis na sabat ni john. “tama na. ayaw ko na pag-usapan.”

sumakay ng sasakyan ni john at binuksan ang makina. binuksan ang aircon at isinara ang pinto. isinara ni jean ang sliding door at naupo sa likod.

“ano’ng ginagawa mo diyan?” tanong ni john na nakatitig kay jean mula sa rear view mirror.
“ha?” pagtataka ni jean sa tanong. “ano?”
“ano ako, driver?”

umupo si jean sa harap katabi ni john at ibinagsak ang pinto. tumingin sa harap, “ayan, masaya ka na?”

“ano bang problema mo?” pasigaw na tanong ni john matapos marinig ang malakas na kalabog ng sasakyan.
“ano?” higit na nilakasan ni jean. “mas mahal mo na ‘tong sasakyan kaysa sa’kin?”
“saan nanaman nanggaling iyan?” iritang sagot ni john habang mahigpit na nakakapit sa manibela.
“ba’t iniiwasan mo iyong tanong? mas mahal mo kasi ‘tong van mo kaysa sa’kin!”
hindi umimik si john. tila pinalalampas na lang ang lahat ng sabihin ng nagwawalang kasintahan.
nabasag na muli ang katahimikan ni john nang marinig niya ang huling sinabi ni jean. “bakit? mas guwapo ka ba kapag maneho mo ‘to kesa ‘pag kasama mo ko?”

“anak ng!” sigaw ni john.

tahimik ang dalawa at nakadungaw sa magkabilang bahagi ng bintana. walang kibuan. ang nakabibinging tunog ng makina at mahinang ihip ng aircon. mabibigat na buntong-hininga na tila nagpapakawala ng maraming hinaing sa kanilang relasyon. sumandal si john. sumandal si jean at pumikit. nang maramdaman ni john, kanya itong tiningnan.

tahimik na nagpapakalma si jean. nakapikit. bahagyang naliliwanagan ang kanyang ilong. masisilayan ang labing madiin na nakapinid sa isa’t isa. tuloy pa rin ang malalalalim na hininga. dahan-dahang isinilip ni john ang kanang kamay sa loob ng palad ni jean kasabay ng kanyang pagtingin sa bintana. dumilat si jean, pinisil nang mahigpit ang kamay ng kasintahan.