6.23.2012

nakahain na


tulad ng kasarian, ipinanganak akong sila tatay at nanay na ang magulang, sila boyet at francis na ang mga kuya, ninong ko na si tito jaime, at katoliko na rin. bibihila lang naman talaga ang mga pagkakataong maaari tayong mamili. hindi puwedeng mamili ng kasarian (magagalit ang pari), pamilyang kalalakhan, estado sa buhay, titong galante, at kahit pa relihiyon. bago pa matutong makapag-isip, nakahain na sa hapag ang lahat, kakainin na lang—gusto man natin ang ulam o hindi.

may mga taong panatag na sa nakahain. ganito na ko nang ipinanganak, e. ano pa bang magagawa ko? at may mga tao namang tinatanggihan ang lahat ng ihain. parang batang kahit na gutom ay mas nais bumaba sa upuan at maglaro sa halip na isubo ang kutsaran kumpleto na sa kanin, ulam, gulay, at sinabawan pa.

ako, hindi ko alam.

kung minsan, masayang isipin na binubuo pa lang tayo ay handa na ang lahat. kulay asul ang kuwarto dahil lalaki at ito ang magiging paboritong kulay ni junior. sa pribadong paaralan mag-aaralan at sa ganitong unibersidad magtatapos. magdo-doktor, o kung hindi man ay magiging magaling na abogado o engineer. binubuo pa lang, tayo na ang mag-aahon sa ating mga pamilya (kung saan iaahon, hindi ko rin alam). nakalulungkot lang isipin na nababawasa ang multiple choice ng buhay. full multiple choice sana ang buhay. maraming options. maraming maaaring pagpilian. (puwede pang mangopya kung minsan at makapag-check-and-balance ng sagot). imbes na makapili ng titong galante, mauuwi tayo na para bang bumbay na nautangan at natakbuhan—bawat kibot ay nagbibilang kung ilang beses nang tinaguan—kung ilang batman na action figure na ang naipangako.

ipinanganak akong katoliko. kung bakit, nito lang ako nagka-ideya. nitong kolehiyo, sa klase sa theology, nalaman ko yata ang sagot. hindi maaaring ikasal sa simbahang katoliko kapag hindi kristiyano. kailangang makumpil. payagan man ng batas na ikasal ang dalawang relihiyon, hindi sila maaaring ikasal sa harap ng altar ng malaking simbahan ng katoliko. higit na matimbang pa naman para sa mga mamamayan ng bansang ito ang makasal sa simbahan kaysa sa batas.

at bilang katoliko raw ang bansang ito, o katoliko ang paniniwala ng bansang ito, o katoliko ang nagpapalakad ng bansang ito, o katoliko ang diktatorya ng demoktratikong bansang ito, katoliko ang anak ng mag-asawa.

nakalulungkot lang na hindi ko man lang naitanong sa aking mga magulang bago sila maghiwalay kung katoliko ba sila pareho bago ikasal, o sino sa kanila ang napilitang magsinungaling at nagpakumpil para lang mapayagang maikasal.

sabi, maaari naman daw papalitan ang nakasulat sa birth certificate nang may isang kamag-aral na nagtanong kung paano kung may ibang relihiyong ibig. nagtaas ako ng kamay, “kung ganoon po, bakit hindi na lang po iwan na blangko ang religion hanggang sa dumating sa hustong edad na makakapag-desisyon na mag-isa ang bata, o kung hindi ay tanggalin na lang sa birth certificate.” naghagikgikan ang paligid. bobo ba ang suggestion ko? mabilis na nakasagot ang propesor na tila ilang beses na naitanong sa masteral ng theological studies. pagkapanganak pa lang daw ay may kasalanan na ang bata. kailangan siyang malinis kaya kailangang paliguan sa isang magarbong paliguan sa isang silid ng simbahan. at, katolisismo ang maglilinis sa kanyang dumi at “impurities”. tiyaka niya sinundan ng tanong kung ano ang aking relihiyon. nakatayo ako sa gitna ng silid. nang mapansin kong lahat ng aking kaklase ay nakatitig sa akin, tila mga buwitreng naghihintay ng susunod kong gagawin. mahina kong ibinulong, “taoism siguro.”

nakabibinging tawanan ng singkuwentang katolikong buwitre. kahit pa hindi alam ang taoism, tuloy sila sa tawanan. tila ang propesor ay nakita kong nagpigil ng tawa. ganoon yata talaga sa katolikong eskuwelahan. kahit pa sabihing hindi kaso ang relihiyon, kailangan pa rin fill-up-an sa application form ang ‘religion’. (at para makapasa at makapagkolehiyo, dahil tila application form pa lang ay exam na, ilalagay mo ang ‘catholic’ kahit na hindi naman). iilan lang naman kasi ang kolehiyong walang kasamang relihiyong itinuturo.

nangangatog ako sa galit noon, hindi dahil pinagtawanan kundi dahil hindi ako pinakinggan. gusto kong magsusumigaw at magbalibag ng mga mesa’t silya, ipagpapako sila sa krus at pagbabatuhin ng tsok. “hindi kasi si dao ming su at si san chai ang nagsimula ng taoism! mga putangina niyo!”

pero hindi rin naman nila ko pakikinggan. kahit pa anong sigaw ko, may punto man o wala, sabihin ko mang taoism ang tawag dahil para ito sa mga ‘tao’ ay walang makaririnig. nabibingi rin sila sa kani-kanilang mga boses.

kalokohan ang ibang relihiyon. ang homily ang boses ng diyos at hindi ang bibliya. mensahero lamang ang mga santo, hindi idolo ang mga rebulto, pero halikan natin ang kanilang mga paa nang sila’y makiliti, tayo’y mapansin, at maisingit sa pila ng dasal sa diyos. punasan natin sila gamit ang mga panyo nang sila’y laging maging makintab at tayo’y kapitan ng sakit. kabisaduhin ang mga panalangin dahil hindi kabisado ng diyos ang ‘ama namin’ at  ‘holy mary’. magbistida at mag-balat na sapatos upang makita ng diyos na nirerespeto ang kanyang tahanan—bawal ang walang pambili ng sapatos at mala-maria clarang damit. makinig sa lahat ng sermon ng pari, ito ang tama, lahat ng kanyang sabihin ay utos ng diyos, nasa bibliya man o wala—ito ang batas ng pilipinas.

at dahil nakagawian, patuloy lang tayo sa nakagawian. dahil, nakagawian. pinanganak tayong mga magulang na natin ang ating mga magulang, kapatid na natin ang ating mga kapatid, hindi tayo makatatanggap ng regalo ay tito (tanggapin na natin), tanggapin na lang natin tutal ay sanay naman tayong kainin na lang ang nakahain. dahil may nakahain, hindi na natin sisilipin kung may ibang potaheng puwedeng maluto. ni hindi na tayo tatayo. kung hindi natin gusto ang hain, isusubo pa rin natin, dadamihan na lang ang tubig at kalilimutang marunong ngumuya.

“ah, ‘tay, kung mabasa mo man ito, sorry po. hindi po science ang course ko, at hindi po ako magiging doctor… o abogado… o engineer. nasa theology department po ako, pero lilipat na rin ng philosophy. mahirap pala kapag hindi ka maintindihan kahit pa ang propesor mo. sana 'tay, naiintindihan mo. 'nay.”

6.18.2012

mobile motel


malalim ang gabi at tahimik ang paligid. iilan na lamang ang may sindi ang mga bahay, at kakaunti na rin ang mga naglalakad sa village. wala nang mga bata sa kalye at tulog na rin ang mga asong palaboy.

nakaparada ang matte black na van sa tabi ng kalye. sa pagitan ng dalawang poste ng ilaw, sa gitna ng dilim na naaaninag lamang sa tuwing mahahagip ng ilaw ng mga nagdaraang sasakyan at maamong silip ng buwan, maya’t maya ang uga ng van.
mabilis na daraan ang kambal na ilaw at mawawala rin.

“teka.” ani ng babae habang itinutulak nang bahagya ang lalaking nakapatong sa kanyang katawan. tuloy pa rin sa pagbayo ang lalaki. “teka, teka.” huminto ang lalaki na may halong pagtataka. “bakit?” tanong niya. “wala bang nakakakita sa’tin talaga?”

natigil sa pagsayaw ang van. naaaninag ang hubog ng likod john na ngayo’y naka-angat. sumisilip ang tagiliran ni jean katabi ang nagkalat na pinaghubaran ng dalawa.

“walang nakakakita sa’tin. wala namang dumaraan, e. tiyaka, may tint naman. ‘di tayo kita.” dahilan ni john habang sinasalat ang dibdib ni jean. muling idinikit ni john ang kanyang ari sa tiyan ni jean, tila nagpapahiwatid na ituloy na lamang at tumahimik. mabilis na kinuha ni jean ang kamay na naglalakbay at tumagilid. “teka lang kasi, feeling ko talaga kita tayo sa labas.”

napaupo sa john. sinuklay ang buhok at nagpunas ng pawis gamit ang kamay habang nagbihis ang kasintahan. bago pa tuluyang masuot ni jean ang kanyang skirt, muling lumapit si john at hinalikan si jean. “john!”

muling napatigil ang dalawa. muling natahimik ang village. “ano naman kung kita tayo sa labas?” tanong ni john na bahagyang mataas na ang boses. kumunot ang noo ni jean na tila ibang lenggwahe ang ginamit ni john sa kanyang huling tanong. “ano? gago ka ba?” tinaasan din ni jean ang boses. “ano naman kung makita nila tayo? ano bang pakialam nila?” pangangatwiran ni john habang padabog na iniipon ang hinubad na mga damit.

lumabas ng sasakyan si john at nagsindi ng sigarilyo. bago pa maubos ang hinihithit, sumunod si jean at umupo sa may sliding door ng van. nagsindi ng sigarilyo, humithit. “bakit? kinahihiya mo ba tayo?” tanong ni john. muling napakunot ng noo si jean at mabilis na ibinuga ang kakahithit lang na usok. “ano’ng koneksyon no’n? hindi iyon, iyon!”

“ano’ng hindi iyon, iyon? iyon, ‘yon! kinahihiya mo kasi na tayo.” katwiran ni john.
“walang koneksyon. kung tayo lang, hindi. hinding hindi.”
“pero ‘pag nagse-sex tayo, kinahihiya mo.” na may halong sumbat ni john.
“hindi! lalong hindi!” sagot ni jean. “pero iba….”
“pero ano? ano’ng iba doon” muling sabat ni john na tila may halong pambabara’t pikon.
“pero iba kapag may nakakita sa’tin.”

tahimik ang dalawa. magkahalong usok na nagsasayaw sa gitna ng dilim, waring pinag-iisa ang dalawang buga.

“bakit? ‘yung mga ex mo ba, okay lang sa kanila na masilip ng iba habang nagse-sex kayo?” binasag ni jean ang nakabibinging katahimikan. huminga nang malalim si john. kasabay ng kanyang huling buga ay ang pagpatay sa kasisindi lang na sigarilyo.

“ano namang koneksyon? bakit pati past, nauungkat?” sagot ni john.
“bakit hindi mo sagutin? ganoon din naman iyon, hindi ba?”
naglakad-lakad paikot si john bago sumagot. “hindi. iba iyon. at wala akong naka-sex sa sasakyan.”
“pero kung may makakita ba sainyo, okay lang?” tuloy ni jean.
“pero wala nga!” mabilis na sabat ni john. “tama na. ayaw ko na pag-usapan.”

sumakay ng sasakyan ni john at binuksan ang makina. binuksan ang aircon at isinara ang pinto. isinara ni jean ang sliding door at naupo sa likod.

“ano’ng ginagawa mo diyan?” tanong ni john na nakatitig kay jean mula sa rear view mirror.
“ha?” pagtataka ni jean sa tanong. “ano?”
“ano ako, driver?”

umupo si jean sa harap katabi ni john at ibinagsak ang pinto. tumingin sa harap, “ayan, masaya ka na?”

“ano bang problema mo?” pasigaw na tanong ni john matapos marinig ang malakas na kalabog ng sasakyan.
“ano?” higit na nilakasan ni jean. “mas mahal mo na ‘tong sasakyan kaysa sa’kin?”
“saan nanaman nanggaling iyan?” iritang sagot ni john habang mahigpit na nakakapit sa manibela.
“ba’t iniiwasan mo iyong tanong? mas mahal mo kasi ‘tong van mo kaysa sa’kin!”
hindi umimik si john. tila pinalalampas na lang ang lahat ng sabihin ng nagwawalang kasintahan.
nabasag na muli ang katahimikan ni john nang marinig niya ang huling sinabi ni jean. “bakit? mas guwapo ka ba kapag maneho mo ‘to kesa ‘pag kasama mo ko?”

“anak ng!” sigaw ni john.

tahimik ang dalawa at nakadungaw sa magkabilang bahagi ng bintana. walang kibuan. ang nakabibinging tunog ng makina at mahinang ihip ng aircon. mabibigat na buntong-hininga na tila nagpapakawala ng maraming hinaing sa kanilang relasyon. sumandal si john. sumandal si jean at pumikit. nang maramdaman ni john, kanya itong tiningnan.

tahimik na nagpapakalma si jean. nakapikit. bahagyang naliliwanagan ang kanyang ilong. masisilayan ang labing madiin na nakapinid sa isa’t isa. tuloy pa rin ang malalalalim na hininga. dahan-dahang isinilip ni john ang kanang kamay sa loob ng palad ni jean kasabay ng kanyang pagtingin sa bintana. dumilat si jean, pinisil nang mahigpit ang kamay ng kasintahan.