5.26.2012

takot ka ba sa dilim?




takot ka ba sa dilim? iyong mga tipong ni pigura ay ‘di na masilayan, kung saan-saan tumatama ang paa kasabay ng mga sigaw habang maingay na kinakapa kung saan puwedeng dumaan. ako, hindi.

sa mga pagkakataong hindi gaanong madilim at may siwang pang sinisilipan ng ilaw, piripiringan ko pa ang sariling mga mata habang nakapikit sa loob. napapatalon ako sa ngiti, sa galak na ‘di maipaliwanag, sa pananabik samga susunod na maaaring mangyari. may masasaging upuan ang hinliliit at mapapasigaw sa sakit, sasabit at magagalusan sa kung saan na maaaring ‘di na malalaman, mababayagan at sa sandali’y mapapaluhod sa paghina ng pagkalalaki, mauumpog at matatauhan, madudulas sa bahang tulo mula sa bubong, at makasasagi ng plorera at paghahandaan ang galit ni nanang. hindi mo ba nararamdaman ang pananabik? kung ganoon, baliktad pala ang ating nararamdaman.

nananabik akong makahanap ng kandila’t maliwanagang muli, makapulot ng flashlight at makita ang pinanggalingan at malaman kung saan nabangga at nagalusan, mahiga sa kama at tuluyang makatulog sa gitna ng init at lumalapot na pawis, makapa ang pridyider at makakuha ng yelong lumulutang na sa malamig na tubig upang maipahid sa lumalaking bukol na nanggaling sa pagkakauntog, masundan ang iyong tinig at makapa ka sa gitna ng dilim at sabay masilaw sa biglang pagbukas ng mga ilaw na napindot habang nangangapa.

at kung hindi man, makakatulog naman tayong magkatabi’t nanlilimahid at magigising na maliwanag na rin sa labas.

hindi ko sinasabing magbago ka at kakitaan mo ng rason ang ikinatutuwa ko. tulad mo, maraming takot sa dilim ngunit hindi ibig nitong sabihin ay hindi ito mawawala kapag nahanap kita sa gitna ng lahat. madilim man, hayaan mong ang pananabik ko ang maging lakas mo upang tayo’t makatawid sa magulong bahay na nababalot ng kadiliman. hindi man sumindi ang mga ilaw o sumikat ang araw sa tuwing tayo’y magkasama, maaari naman natin ‘tong itulog dahil panigurado ay bukas ay may araw na naman.