5.26.2012

takot ka ba sa dilim?




takot ka ba sa dilim? iyong mga tipong ni pigura ay ‘di na masilayan, kung saan-saan tumatama ang paa kasabay ng mga sigaw habang maingay na kinakapa kung saan puwedeng dumaan. ako, hindi.

sa mga pagkakataong hindi gaanong madilim at may siwang pang sinisilipan ng ilaw, piripiringan ko pa ang sariling mga mata habang nakapikit sa loob. napapatalon ako sa ngiti, sa galak na ‘di maipaliwanag, sa pananabik samga susunod na maaaring mangyari. may masasaging upuan ang hinliliit at mapapasigaw sa sakit, sasabit at magagalusan sa kung saan na maaaring ‘di na malalaman, mababayagan at sa sandali’y mapapaluhod sa paghina ng pagkalalaki, mauumpog at matatauhan, madudulas sa bahang tulo mula sa bubong, at makasasagi ng plorera at paghahandaan ang galit ni nanang. hindi mo ba nararamdaman ang pananabik? kung ganoon, baliktad pala ang ating nararamdaman.

nananabik akong makahanap ng kandila’t maliwanagang muli, makapulot ng flashlight at makita ang pinanggalingan at malaman kung saan nabangga at nagalusan, mahiga sa kama at tuluyang makatulog sa gitna ng init at lumalapot na pawis, makapa ang pridyider at makakuha ng yelong lumulutang na sa malamig na tubig upang maipahid sa lumalaking bukol na nanggaling sa pagkakauntog, masundan ang iyong tinig at makapa ka sa gitna ng dilim at sabay masilaw sa biglang pagbukas ng mga ilaw na napindot habang nangangapa.

at kung hindi man, makakatulog naman tayong magkatabi’t nanlilimahid at magigising na maliwanag na rin sa labas.

hindi ko sinasabing magbago ka at kakitaan mo ng rason ang ikinatutuwa ko. tulad mo, maraming takot sa dilim ngunit hindi ibig nitong sabihin ay hindi ito mawawala kapag nahanap kita sa gitna ng lahat. madilim man, hayaan mong ang pananabik ko ang maging lakas mo upang tayo’t makatawid sa magulong bahay na nababalot ng kadiliman. hindi man sumindi ang mga ilaw o sumikat ang araw sa tuwing tayo’y magkasama, maaari naman natin ‘tong itulog dahil panigurado ay bukas ay may araw na naman.

5.21.2012

manuel's gasoline station


“ang suwerte mo,” sabi ng isang matandang nagpagasolina, “ang lakas na nitong gasolinahan mo.” sinilip ni manuel ang sariling imahe mula sa makintab na pick-up ng lalaki bago nakasagot. “hindi naman po. matagal din bago nakabawi ng puhunan.” sagot ni manuel. nakangiti ang matanda kasabay ng maliliit na tango na para bang dinuduktangan ang mga hindi na itinuloy na sagot ng may-ari ng gasolinahan, matagal din bago nakabawi ng puhunan. hindi biro ang magtayo ng negosyong walang nakakikilala.

tulad ng iba, umalis din ang matanda pagka-abot ni manuel ng resibo. “salamat po. balik kayo.”

naging mabilis ang oras. nakabawi at naka-ipon din siya. tuluy-tuloy ang mga nagpapagasolina. nagtayo na siya ng maliit na tindahan para sa mga biyaherong naghahanap ng makakain, inumin, at iba pa. walang matumal na araw sa mga negosyong tulad ng kay manuel na naging isang pangangailangan na tulad ng pagkain, damit, at matitirhan. gasolina para sa sasakyan—pribado man o pampasahero, generator, motor. nagtaas man o bumaba, hindi sila natigil sa paghinto sa kanyang gasolinahang sa kanya rin nakapangalan. may magrereklamo na nagtaas nanaman ang gasolina, pero magpapakarga pa rin. may mga ilang magpapasalamat at mababa ang singil niya, bumaba, o hindi nagtaas, at magpapakarga rin.

nanonood si manuel ng balita nang mabalitaang may malaking bagyong paparating. mabilis siyang lumabas ng opisina at sinilip ang langit. pinakiramdaman ang hangin. at nilingon ang mga sasakyang nagdaraan. tirik ang araw. tahimik ang kalsada. boses ng nasa telebisyon lamang na nagbabalita at nagbibilin ng babala. huwag na raw lumabas ng bahay. mag-ingat, at kung hindi kailangan ay manatili na lang sa kani-kanilang bahay.

pumasok siyang muli at isinara ang tarangkahan ng opisina. nagsara ng bintana. hinintay niya ang ulan. hinintay niya ang malakas na hangin na sabi ng nagbabalita. buong araw siyang hindi nagkarga ng gasolina. buong araw tirik ang araw.

kinabukasan, nagising siya sa kalampag ng bintana. nabuksan ang bintana sa lakas ng hangin sa labas. isinara niya ito at sinilip ang labas. malakas ang ulan at hangin. kahit ang kanyang maliit na gasolinahan ay hindi na niya maaninag. tatlong araw na walang tigil na ulan at malakas na hangin.

putikan ang paligid na halos ‘di na maaning ang semento. nagkalat ang mga botelya. lahat ay napuno ng kulay kapeng kapeng putik, maging ang malaking pangalan na nakapaskil sa taas ng kanyang opisina.
habang naglilinis, dumang muli ang matandang may-ari ng makintab na pick-up na tila napaliguan din ng burak.

1: pasensiya na ho. sarado po muna ngayon. naglilinis lang. baka ho bukas, o makalawa, malinis na rito.

2: ganoon ba? wala ka bang katulong sa paglilinis para mapabilis ka riyan?

1: wala ho. wala naman po akong katulong dito. at, hindi ko rin naman po kailangan.

2: matatagalan ka riyan. nako, bawat sulok ay narumihan na. maging ang pangalan mo na nakapaskil, hindi na mabasa.

tumingala ang dalawa.

2: ‘yan ang isa sa pinakamahirap, ang maglinis ng pangalan. ang taas pa naman.

1: abot naman. may hagdan naman ako sa likod. mawawala rin ‘yan.

2: kung sa bagay. maganda lang sana kung may katulong ka, pero iba pa rin kapag ikaw mismo ang maglilinis sa kanya, ano?

pabiro ng matanda na sinundan din naman ng bahagyang tawa ng may-ari. nakatingala pa rin ang dalawa habang hawak ni manuel ang hose ng tubig at walis.

2: o, paano? mauuna na ko’t mukhang ayaw mo talagang magkarga.
pabiro niyang muli.

1: pasensiya na ho. sisilipin ko pa rin kasi at baka naputikan din ang tangke. baka pati ang maibigay ko ay may putik din, mahirap na.

2: sa bagay, sa bagay. o siya, mauuna na ko’t baka maubusan pa ko ng gasolina sa daan.

1: sige po, salamat!