4.05.2012

pulitikong pinoy


sadyang ginawa yata ang buhay na mahirap, maraming dapat intindihin, at pagdaanan. maraming dapat pasiyahin. imbes na sarili lamang ang pagbibigyang-lugod, kailangan pang maging magalang sa magulang, kailangan intindihin at magpaintindi, sumagot ng “opo” at mag-mano, kailangan tumulong maging sa mga kapatid, at nariyan pa ang ibang mga kamag-anak. kaya naman nabibilib ako sa ibang mga tao na tila napakaayos ng buhay. naoorganisa nila ang buhay nila nang napaka-ayos at walang kahirap-hirap at napakaraming oras ang nailalaan nila para sa buhay ng ibang tao. o, ganoon na lang ba sila ka-frustrated sa kanilang mga buhay na sa iba na lang nila ibinabaling? sobrang concerned sila na kahit hindi ka humihingi ng tulong o opinyon, kahit nga hindi ka pa nagku-kuwento ay itinatanong na nila, nariyan ang opinyon at ipamamalas at iparirinig sa’yo, dahil may pakialam sila. nariyan sila sa tuwing madarapa ka, bago ka pa umiyak at humingi ng tulong. nariyan pa nga sila upang magpaiyak at maipilit sa iyong may luha ka pang mailalabas at makatutulong ito para gumaan ang iyong loob. malaki ang naitutulong nila sa iyong buhay, at napakasuwerte natin at marami silang nabubuhay. pakinggan mo, naririyan nanaman sila at nagtatanong kung para kanino ba ‘tong sinusulat ko.

kaya naman hindi matatawaran ang bilib ko sa mga pulitiko na panay ang lingkod. panay ang tulong, panay ang paglilingkod, panay ang bigay kahit pa panay silang binabatikos—tama man o mali ang intensiyon, basta mali ang kalabasan. kahit pa hindi napapansin ang mga mabubuti nilang ginagawa, tuloy pa rin sila sa paglilingkod—‘di kakikitaan ng pagkahina ng loob kahit pa bastusin at tanggalan ng dignidad.

minsang kuwento ng pulitiko. noong kabataan daw niya, nagmahal siya ng isang dalagang taga-maynila. naging maayos ang lahat. nagpakilala siya sa magulang, nakihalubilo sa kapatid at kamaganak. tiyaka na lang niya nalamang may buong maynila pang dapat hingan ng permiso. kinailangan niyang isa-isahin ang bawat residente upang makilala—ipaliwanag nang mabuti ang intensiyon kahit pa hindi kilala, o kakikilala pa lang, o sa ngalan lang kilala. kaya napilitan siyang tumakbo at maging pulitiko na lang. nanalo man, hindi siya tiningala ng mga tao. dumaan na lang basta ang oras. bawat mali ay inusisa. inungkat pati ang mga nakaraang katangahan. pinagmumura sa mga kalyeng siya ang nagpagawa. pinagsisigaw ang ngalan at inuutusang bumaba, kahit pa hindi nakikita. nagkalat sila. pero kinailangan niyang mahalin ang buong maynila, at kasama sa pagmamahal sa maynila ang pagmamahal sa mga residente nito. kahit gaano pa ka-barubal ang mga salita’t ugali, nanahimik siya. inaamin naman niyang nagkakamali siya, dahil tulad ng lahat, maging ang mga taga-usisa, tao rin siya. ngunit tulad ng lahat ng tao, marunong din siyang matuto. maaaring hindi makarating sa mga naninirahan sa maynila, ngunit hindi na ito mahalaga sa kanya. dahil tulad ng ilang beses niyang inulit, ang mahalaga naman ay ang kanyang asawa, hindi ang sasabihin ng iba. dahil hindi naman mahirap mahalin ang kanyang asawa, madali sa totoo lang, pero mahirap magmahal ng marami—lalo na’t lahat ay gustong marinig at masunod. mali man ang dahilan ng kanyang pagiging pulitiko, hindi man niya ginusto, ito ang tanging paraan para mapansin ng maybahay na niya ngayon.