4.01.2012

ako naman

hindi ko alam kung paano uumpisahan dahil sa lahat ng pagkakataon ay ako naman ang tumatapos. pero sa mundong ginagalawan natin, walang nangyayari kung walang gagawa. kaya narito akong muli, kakapalan ang mukha. hindi ko magawang hayaang mawala ang kaisa-isang taong minahal ko nang ganito. ngayon, alam ko na kung ano ang nawawala sa akin nang dahan-dahan.

sa dinami-rami ng nagawang pagkakamali, hindi ko na alam kung paano uumpisahan. nais kong itama ang lahat. gusto kong gumawa ng paraan, at iyon ang gagawin ko. hinihiling ko na mapagbigyan mo kong muli. isa pang pagkakataon para mapatunayan na para tayo sa isa’t isa, na may hindi pa tayo nagagawa, at mayroon pa tayong kayang ibigay (higit pa ako). mahal kita, at handa akong mag-umpisang muli.

hayaan mo na lang na mahalin ka kung pagod ka na. masyado ka nang napagod at nasaktan, ako naman. hayaan mong saluhin kita at ipagpatuloy ang mga susunod. hayaan mong maiparamdam ko sa’yo muli ang matagal na nawala natin. sana sa dami ng nagaganap, sumagi sa isip mo, kahit papaano, sana, na sa lahat ng mga napagdaanan natin, naging masaya tayo nang totoo. sa isa o dalawang punto sa atin buhay, naniniwala akong naging masaya tayo. nagawa natin ang ilan sa mga pangarap natin, at naiparamdam natin sa isa’t isa na hindi basta nawawala ang ganoong uri ng pagsasama. naramdaman ko iyon, at alam ko na maibabalik natin iyon.

kilala kita at kilala mo ko. gagawa ako ng paraan maibalik lang ang lahat, at mahigitan pa kung ano ang nagkaroon sa’tin. sa inyo na kita susunduin at ihahatid imbes na magkita pa sa ibang lugar, isasakay kita at ihihiga sa mga pagkakataong tinalo ka ng alak, ipaglalaban kita at susuportahan kita mula sa pansariling problema hanggang sa trabaho hanggang sa pamilya, ipapakilala kita sa aking pamilya at pipilitin kitang papasukin ako sa inyo, kakain tayo sa isang mesa kasama sila, sosorpresahin kita dala ang ating mga kaibigan (atin dahil napagsama na natin ang kaibigan mo’t kaibigan ko), at sabay nating pla-planuhin kung paano natin bubuuin ang ating sariling balay.

marami akong nasabing mga bagay na hindi ko sinasadya—mga salitang sana hindi ko na lang nabitawan, mga salitang nasabi sa pag-aakalang hindi talaga tayo, mga salita at pangakong sana ginawa ko na matagal na.

mag-umpisa tayo mula sa umpisa. sa umpisang-umpisa. sana huwag mong harangin ang ideya. alam kong mahirap dahil alam kong gusto mong maging masaya. naiintindihan ko, ngunit hindi naman ibig nitong sabihin ay hindi na maaaring ako ang makapagpasaya sayo, hindi ba? mamahalin kita nang buong buo at walang pag-aalinlangan. patutunayan ko sa’yo at sa lahat ng nakapaligid sa’yo na kaya ko. subukan nating muli dahil mayroon akong paniniwala—nagawa natin noon, at mahihigitan natin ngayon. maghihintay ako kung kailan ka handang muli.

hawakan mo ko at magtiwalang muli. maaaring hindi ngayon, pero umaasa akong kaya. alam ko. naniniwala akong hindi pa huli ang lahat. nakikiusap ako, kumapit ka sa kakaunting pagmamahal na mayroon ka para sa akin. kahit papaano’y alam kong mayroon kahit kaunti. nakikiusap ako, kumapit ka sa masasayang alaalang nagawa natin, sa mga pangarap na nagawa natin at nais nating marating. kaunti lang, ako naman ngayon. ako naman.

sorry, i love you therese de guzman.