4.09.2012

ang unang sex namin at huling sex ko


nakakairitang kailangan pang pumapasok uli ng isang sem para sa religion sa parehong prof sa parehong classroom sa parehong 7am class dahil naubusan nanaman ng slot. “religion, binabagsak ba ang religion?” sigaw ng nanay niya habang papaalis ng bahay nang hindi pa nag-aagahan. kahit pa nangangalam na ang tiyan, naglaan pa rin siya ng lakas para maibagsak ang gate at maiparating sa kanyang nag-iingay na nanay na hindi rin niya alam kung bakit siya bumagsak ng religion.

sa kakokopya sa mga exams, nakapapasa naman ako sa mga exams. ilan lang naman ang ‘di ko napasa na project. pasang awa naman ako sa finals. hindi nga lang ako nakasasagot sa mga recitations at sa tuwing tatanungin tungkol sa mga report at film viewing. kasalanan ko bang sixty percent ng grade ay orals at reports. lintek na matandang propesora at kahit ilang effort points para sa pag-arte ko ng “uhm” at “ahm” bago manghula ng isasagot ay ‘di ako binigyan.

kaya maaga ako nakarating ng class. pagkapasok pa lang ng pinto, freshmen na ang bumungad sa’kin. nakakairitang maliban sa kailangan pang umulit ng religion, panay mga first year pa ang mga kaklase—paniguradong mapupuno nanaman ng mga sipsip at pambobola ang teacher’s table. ma’am, sige na. ma’am, thank you po. ma’am, ang dami po naming natutunan. what the fuck! ma’am, ang boring niyo po!

tinitigan ko ang ilang mga maaagang nagsipasok. early birds,  tignan natin. sa dulo ng silid ako umupo, sa sulok katabi ng pinto. para ‘di madaling mapansin kapag magbabanyo, o “magbabanyo” at ‘di na babalik. doon ko unang nakita si jane.

paano namang ‘di mapapansin si jane. siya lang ang bukod-tanging maikli ang buhok sa kanila (maliban sa ilang mga lalaking parang mas mahaba pa ang buhok sa kanya). nakaitim na razor back na makikita pa ang tan lines ng bra. simpleng jeans at tsinelas. hula ko pa noon, paniguradong hindi first year si jane. walang first year na magva-violate ng school rules dahil lahat ng first year college ay nagbabasa ng student handbook. somehow. (nabasa ko naman ang ilang pages, lalo na noong nahuli akong may dalang beer sa class)

mabilis napuno ang klase. ilang minuto pa at pwede nang magdeclare ng free cut. pero bago ko pa maikuwento sa katabi na may ganoong rule, pumasok na ang matandang nagbagsak sa’kin. normal na naman yatang tingnan siya ng masama ng mga bumagsak, o kahit sinong propesor pa na nambagsak. hindi niya ko tiningnan pabalik. malamang naman ay hindi pa niya tinitingnan ang kanyang class list, bilang paniguradong mga first year naman ang papasok sa kanya. pero hindi! andito ako!

“good morning freshmen” tumigil siyang sandali at inikot ang paningin. tumigil siya sa aking kinauupuan at umulit ng pagbati. ngunit sa pagkakataong ito, para bang may diin na ang mga salita. o, pakiramdam ko lang. “good morning freshmen (diin sa freshmen), i am (isinilat sa white board ang buong pangalan) and i will be your professor for (isinulat ang course title) religion (sabay tingin uli kinauupuan ko. at sa pagkakataong ito ay alam ko nang kilala niya ko. tangina.) this semester.”

“arrange yourselves in alphabetical order. now.”

nagkagulo ang buong klase. parang naging meet-and-greet ang nangyari dahil doon pa lang sila nakikipagkilala. ano’ng pangalan mo? apelido mo? doon ka pa. so, di ako. ay hindi, siya pa rito tapos ako, tapos ikaw. may sisigaw “sino’ng s ang apelido?” may magtataas ng kamay, may sumisigaw ng, “ako! ako!”

nanatili akong nakaupo sa sulok. ilang sandali pa ay may sisigaw ng “what the hell is wrong with you people! wala na kayo sa high school. this is college. unbelievable!”

natawa na lang ako nang tumahimik silang lahat. unbelievable, it always works.

kaya nangyari ang dapat mangyari. inilabas niya ang class list at binanggit isa-isa ang apelido. bawat pangalang matatawag ay papaupuin sa harap, sunud-sunod. nang matapos ang pagtatawag ng pangalan, ubos na rin ang isang oras na klase. at, katabi ko na si jane.

simula noon, lagi na kaming magkausap tuwing nasa klase nila ako. mula sa paborito niyang suot na razor back hanggang sa pananaw sa mga bagay-bagay ng buhay, napag-uusapan namin. hindi kami nauubusan ng pagku-kuwentuhan. at sa tuwing mapag-uusapan ang kanyang personal na buhay, kahit pa alam na niya ang sa akin, mabilis niyang iibahin ang usapan o kung hindi ay tatahimik na lang na para bang walang narinig.

sa tuwing tatahimik siya, o aarteng nakikinig sa matanda, tititigan ko ang kanyang mga mata. ang kinang ng mala tsokolateng marmol na mata na para bang napakaraming itinatago. walang make-up. maging ang labi ay hindi na kailangan ng dagdag na kulay. ang mamula-mulang labi na sa tuwing kakagat ay minsan ay magagaya ko pa. kung minsan, sadya akong sasandal para makita ang kanyang tainga, kung nagbago ba ang suot na hikaw o silver na stud pa rin. susundan ko ang kanyang leeg na para bang binabagtas ng aking mga labi. ang mga dibdib na tahimik na nakasandal sa mesa.

mabilis kong babawiin. iibahin ko ang usapan, o kung hindi man ay magbibiro. bihira siyang matawa sa mga joke ko, pero sa tuwing matatawa siya, nakaiirita na lang mapapansin kami ng matanda. matatawag ako for recitation dahil hindi raw ako nakikinig. alam na alam ko na raw ang tinuturo niya dahil pangalawang beses ko na itong maririnig sa kanya. alam na alam ko na rin daw ang kuwento ni god kaya ipamahagi ko naman daw ang mga alam ko. madalas ay tatayo akong nakangisi. hahayaan ko lang siyang hiyain ako. at ‘pag napikon na siya at tanungin ako tungkol sa lecture, hindi ako nauubusan ng sagot. magpapanggap na may kukunin si jane sa bag habang bumubulong ng sagot. iyon ang isasagot ko. sa huli, matatapos ang isang oras na klase na nakangisi akong nakatayo—hindi dahil hindi ako napahiya, kundi dahil nakasagot ako dahil kay jane.

isang buwan din bago kami unang nag-away. nalaman kong hindi na siya pumapasok sa second subject niya.

“sana man lang sinubukan mo pumasok pa, o nag-drop ka nang maayos!”
“mahirap nga! ‘di ko kaya!”
“basic english? mahirap? wala ka naman ding choice. kukunin mo rin uli ‘yon!”
“ba’t ka ba nakikialam! it was a 3pm class! nasasayang yung 7 hours ko for nothing!”

natahimik ako. hindi dahil may punto siya na naghihintay siya ng 7 hours para sa basic english. kundi dahil hindi ko dapat siya pinakikialaman. seatmate na freshman lang naman siya, buhay niya ‘yan, pero parang nahihirapan ako na umarteng wala lang—na—na kaklase ko lang siya sa isang boring 7am religion class.

kinabukasan, binati niya ko agad pagkapasok niya ng class na para bang walang nangyari. umupo sa tabi ko habang naglalaro ng cellphone. hindi ko na lang pinansin. hindi na rin ako nagtanong kung bati na ba kami o kung ano pa man. nag-usap kami na para bang walang nangyaring sagutan kahapon. film viewing ang araw na iyon. tila tinamad nanaman ang matanda kaya dala nanaman niya ang isa sa mga koleksiyo niyang vhs. ibig sabihin noon, lalagpas ng isang oras ang klase. kalahati na ng palabas nang magising ako. patay ang mga ilaw, malakas na halos ‘di na maintindihan ang boses ng nasa palabas. nang lumingat-lingat ako, halos kalahati ng klase ay nakatulog na rin. nawawala ang propesora. isa nanaman ito sa mga veteran moves niya. panigurado, inutusan nanaman niya ang presidente ng klase na ipatapos ang palabas at dalhin na lang sa faculty ang vhs, o kung hindi man ay ibalik sa kanya sa susunod na meeting. bago ko pa kalabitin si jane, pinigilan na ko ng kanyang maaliwalas na mukha na bahagyang naiilawan ng ilaw na nanggagaling sa tv.

umarte na lang ako na tulog. nakahiga ang ulo sa mesa. tutal ay madilim naman, hindi na ko nagsara ng mga mata. pinagmasdas ko siya. pinagmasdan ko kung paano kumunot ang kanyang mata sa tuwing ilalatigo si hesus sa tv. ngumingiwi siya sa tuwing ngingiwi ang hesus. paminsan ay hihinga siya ng malalim. makikita ko sa kanyang bilugang dibdib ang paghinga. lalaruin niya ng sandali ang lapis, at hihinto sa tuwing ipapakita ang mga umiiyak habang pinapako si hesus sa krus.

kamuntik na siyang mapasigaw nang dumulas at nalaglag ang bag na nakapatong sa upuan. nagkalat ang mga xerox na notes at ilang mga markers. lumabas din sa bag ang isa pang lalagyan na pinulot ko. “ano ‘to?” tanong ko. wala siyang sinagot na maayos kundi, “gago!” sabay agaw ng maliit na bag na mapagkakamalang wallet sa liit, o coin purse na malaki. nag-agawan pa kami. nang makuha ko at maibuklat, napkin at condom pala ang laman. “condom?” gulat na tanong ko. dalawa ang ikinagulat ko. una, dahil parang contradicting na kasama ng napkin niya ang condom. pangalawa, nakapag-uusap naman kami tungkol sa sex, pero hindi ko alam na nagdadala pala siya noon. nakatutuwang, nakagigil, na nakapagtataka. tumawa siya nang bahagya, “hindi obvious?” natahimik kami nang sandali. “hindi kasi kayo ang magbubuntis. tiyaka, para iwas sakit na rin. magkasisihan pa.” sinundan niya ng tawa na tinango ko na lang. may punto naman kasi.

minsang nagkasabay kami pauwi, nagkatanungan pa kami kung taga saan kami. nakatatawang sa tinagal naming magkatabi sa klase at sa dami ng aming napag-usapan ay hindi man lang namin naitanong sa isa’t isa kung saan umuuwi. halos magkalapit lang pala kami ng inuuwian. sa kalookan ako at sa monumento naman siya. isang dyip at ilang minutong lakad lang daw ang layo namin sa tuwing magkakatext kami at nasa bahay.

sa tuwing magsasabay kami umuwi. pilit siyang uupo sa tabi ng bintana kahit pa nakaharang ang reserbang gulong ng bus, o malayo sa pintuan, o ang itsura’y binabahayan ng maliliit na ipis. hindi siya maselan sa kahit ano, pero alam niya ang gusto niya. sa tuwing magkatabi kami sa bus, sa lapit namin ay naaamoy ko siya—ang kanyang buhok, kanyang damit, pabango, at minsan niyuyuko ko pa para sa deodorant na ang kapalit ay malakas na siko sa aking tagiliran. tatawa ako nang malakas sa kanyang pagka-irita. susuyuin ko pero ‘di niya papansinin. papansinin na lang niya ko kapag may bago na kaming mapag-uusapan, o malapit na kaming bumaba.

siya ang laging nauunang bumaba. pati sa pagtawid at paglalakad sa mga masisikip, siya ang nauuna kung hindi man kami magkatabi. sinubukan ko minsang kunin ang kanyang dalang bag, pero sinabihan niya ko. hindi naman daw mabigat, at kung mabigat man ay lalong hindi niya ito ipabubuhat sa iba. hindi raw ako alipin. simula noon, hindi na ko sumubok na bitbitin ang kanyang gamit. kapag marami, inuunahan ko na lang siya sa pagdampot, pero hindi ko kinukuha sa kanya ang nadampot na niya. mabilis siyang maglakad. mabilis din ako, sadyang mabilis lang talaga siya. pagmamasdan ko kung paano siya maglakad. sa campus, sa cafeteria, sa labas habang tumatawid, pagmamasdan ko ang kanyang paa. ang kanyang mga binti sa tuwing masikip ang kanyang pantalon o nakasuot ng maikling shorts o skirt. ang kanyang puwet na katamtaman ang tambok ngunit maliit. ang kanyang balikat na winawasiwas nang bahagya kasabay ng maliliit na kendeng ng maikling buhok.

minsang nahawakan ko na ang mga balikat na iyon. puting razor back na halos kakulay na ng kanyang balat. nakakasisilaw pa sa tuwing tatamaan ng araw. nasa harap ko siya noon nang ipatong ko sa mga balikat ang mga kamay. tila nagulat pa siya. agad kong idinikit ang pisngi sa kanyang likod, “tara na! sumama ka na sa inuman namin. ihahatid naman kita pauwi, e.”

kasabay ng paglalakad, winasiwas niya ang ang balikat na mabilis na nagpaatras sa akin. parang langaw na binugaw ng katawan para lumipad at huwag nang dumapo muli. matapos noon, hindi na ko muling naglambing sa kanya. kahit pa gustung gusto kong hawakan ang mga balikat na iyon sa tuwing maglalakad siya sa aking harapan, maaalala ko ang hiyang naramdaman at mawawala na lang basta ang pagnanais na umakbay o kung ano pa.

nang gabing iyon, uminom ako kasama ang mga tunay na ka-batch. tulad ko, bagsak din sila sa ibang mga subjects, ang kaibahan lang ay major ang sa kanila at minor naman ang binagsak ko. sa gitna ng inuman, hindi ko matukoy kung sino ang mas bobo at naggago, kung ako ba na minor lang at religion pa na wala naman talagang bumabagsak o sila na major subject na kapag bumagsak ay halos sila-sila rin ang magkakaklase dahil teror ang professor at mahirap ang mga lectures at exams.

hindi nauubos ang kuwento sa mesa namin. para kaming mga high school na apat na taong hindi nagkita. panay kalokohan ang naaalala, mga ginawa kay ganito at kay ganyan, pasikatan ng mga kagaguhan na wala naman talagang nananalo sa huli. pero palagay ko ay ako pa rin ang may pinakagagong nagawa noong magkakasama pa kami—nang lagyan ko nang magic ink (iyong tinta na nawawala din ang kulay kapag natuyo, madalas na pang prank ng mga elementary) ang drawer teacher’s table. hindi naman sinasadya. nasa teacher’s table ako noon habang naghihintay ng prof. nilalaro ang tinta habang nakikipagtawanan sa kaklase. natapon ang magic ink kaya inilagay ko na lang sa drawer. nalimutan kong exam noon at iyon ang pinaglalagyan ng papers ni ma’am cindy—ang madamdaming fresh grad na prof namin. nang hugutin niya mula sa drawer ang exam papers, lagpas kalahati sa mga papel ang nabasa ng tinta. tumutulo sa kanyang kamay ang matingkad na asul na tinta. nang silipin ko, tumutulo rin mula sa drawer ang tinta. hindi makapagsalita si ma’am. halos maiyak-iyak na rin dahil pati ang kanyang blouse na peach ay natuluan na rin. hindi niya napigilang magmura, “shit.” ibinagsag niya sa mesa ang mga exam papers at nagpaalam, “i’ll be back class.”

tumayo ako at sinilip ang mga tanong sa exam. kumuha ng isa at ipinampunas sa nabuong lawa mula sa nagtutulong drawer. nang bumalik si ma’am cindy, tuyo na ang sahig. halos wala na ang tinta sa mga papel. basa nang bahagya ang bandang dibdib ng kanyang blouse. at, kinse minutos na lang ang nalalabi sa oras. nagbuntong hininga siyabago i-announce na next meeting na lang ang exam. panay dampi pa rin niya ng panyo sa kanyang dibdib na siyang hindi ko maiwasang hindi pansinin. sa bawat dampi, bumabakat ang itaas na bahagi ng kanyang suso at itim na bra. nang makauwi ako ng araw na iyon, naaalala ko pa si ma’am cindy at ang kanyang basang blouse. at naalalang may kopya ako ng exam next meeting. binuklat ko ang ginusot na papel.

tatlo ang mali ko sa exam na iyon. lima ang kay ralph at anim naman kay joseph. may mga naka-perfect, pero dahil nag-aral sila. hindi dahil may sagot na ang exam papers nila. gusto ko sanang umamin kay ma’am na ako ang may kasalanan noon, pero hindi ko na lang tinuloy nang plunging na white v-neck blouse ang suot niya nang pumasok siya next meeting.

matapos ng sem na iyon, hindi ko na kinuha ang subject ni ma’am cindy. hindi na rin ako nakasama sa mga ibang klase na dapat tatlo kaming magkakasama. kaya naman panay ang pagkuwento ko kela ralph at joseph noong uminom kami. pumayat daw lalo si ma’am.  palaging nakaspagetti strap na nakabolero. ang una kong tanong noon, hindi siya nagre-razor back? nagkatinginan ang dalawa. “ano yun?” sabay nilang tanong. ipinaliwanag ko sa kanila ang itsura. tiyaka nila nakuha at nagtawanan. hindi raw. imbes na si ma’am cindy, si jane ang naalala ko noong gabing iyon kahit napuno ng kuwento tungkol kay ma’am.

hindi ko maalala kung paano nakauwi noong gabing iyon. nawawala ang wallet at jacket. hindi ko na rin maalalang tinawagan ko si jane. naikuwento na lang niya. “kung sumama pala ko sainyo, ako pala ang maghahatid sa’yo pauwi, e.” masungit pero pabirong isinumbat sa’kin.

research paper ang naging finals namin sa religion. kanya-kanyang topic, basta may kaugnayan kay jesus at kay god. ang matanda ang nag-assign ng mag-partner. tatlong linggo at tapos na ang sem, pero hindi ko pa rin kilala ang partner ko noon. si karla, isang tahimik na freshman na nakasalamin at laging nakapusod. mukhang walang sustansiya sa katawan at walang kagana-gana. “good luck!” sarcastic na may kasamang nakaiinis na ngiti ni jane.

hindi pa namin nasisimulan ang paper, hindi na nagpapapasok si karla. hindi ko siya tinakot o ano. nagkasakit daw siya at hindi na makapasok. sabi ng mga kaklase niya, wala na raw siyang pinapasukan na subjects. naisip ko, mukhang uulitin ko nanaman ang religion dahil sa isang freshman na tokshit. hindi naman talaga siya tokshit dahil wala naman siyang pinangako. pero tangina lang at kailangan kong umpisahan at tapusin ang paper in two week, mag-isa.

napilitan akong pumasok ng library at magbasa ng mga religious books. nagbubuklat ng mga librong parang ilang dekada nang hindi nabuklat. sumunod si jane sa library. ayaw pa raw siyang papasukin sa library dahil hindi puwede ang skirt na mas mataas sa tuhod at tsinelas. tapos na raw nila ang paper nila.

“kailangan mo ng tulong?”
“hindi” walang ganang sagot ko.
“tapos na kami sa paper. puwede kita tulungan, ano bang topic mo?”
“wala pa nga, e. pero parang gusto ko yung isa sa ezekiel.”
“ezekiel? as in yung sa bible?”
“oo, religion pa rin naman iyon, hindi ba? puwede iyon.”
“ezekiel ano?” habang binubuklat ang bible.
“ezekiel 23 yata.”

nang gabing iyon,  uminom kaming dalawa. sa unang pagkakataon, nakita ko siyang uminom. halos umaga na nang natapos kami. pareho kaming hindi na makalakad nang tuwid. “kumuha na tayo ng taxi.” sabi ko. “mamaya na.” sagot niya. umupo kami sa isang sulok pagkababa ng hagdan mula sa inuman. madilim, pero doon lang may bangkong mauupuan. nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat. hinalikan ko ang kanyang ulo. kinuha ko ang kaliwang kamay at idiniin. “okay ka pa?”

“do you want to fuck me?” bulong niya habang nakapikit at nakapatong ang ulo sa aking balikat. nagulat ako sa tanong niya. hindi ako sumagot. “hoy! ayaw mo ba? you don’t want to fuck me?” ulit niya. “gusto”, sagot ko, “pero saan, tiyaka lasing tayo. alak lang ‘yan.” inihiga niya ang ulo sa aking hita. umurong ako nang bahagya. hinanap ng kanyang bibig ang aking ari. kinagat niya ito nang bahagya na noon ay binuhay ng kanyang tanong at aking imahinasyon. kinalas niya ang sarili at inilagay ang palad sa kanyang dibdib. ipinasok sa kanyang damit. inilabas niya at isinubo nang buo habang dahan-dahan sinasalat ang kanyang suso. buong lakas kong pinigilan ang mga labi. tahimik naming ginawan ng paraan ang nag-iinit at pawisang mga katawan.

lumipat kami sa mas madilim pa na lugar, sa ilalim ng isa pang hagdan sa likuran kung saan puro saradong mga restawran lamang ang naroon. matapos ko siyang ihatid sa kanila, hindi na siya nagpakita. tinapos ko ang paper mag-isa. umabot sa pasahan at wala pa rin siya. sabi ng partner niya, hindi na matawagan ang cellphone niya. sinubukan ko siyang puntahan sa kanila kung saan ko siya inihatid, pero umalis na raw siya isang linggo na ang nakaraan. hindi na rin daw kinuha sa kanya ang balanseng renta sabi ng nagpapaupa.

nilapitan ko ang matandang prof at nakiusap akong bigyan ng oras si jane para makumpleto ang requirements. nagdahilan ako. nagkasakit si jane at kinailangang magstay muna sa ospital. aligaga ang kanyang nanay, nasa ibang bansa ang kanyang tatay. pinahaba ko na lang ang kuwento kahit pa kahit kailan ay hindi niya nakuwento ang tungkol sa kanyang mga magulang, kung may kapatid man siya, o nasaan na ba siya.

pumasa ako ng religion. 94 ang naging grade ko sa paper na kahit daw hindi tungkol kay hesus ay may natutunan ako. pinatay ang kapatid ni oholibah na si oholah. hindi sinasadyang sumunod siya sa dinaanan ng kanyang kapatid. naligaw at pinarusahan.

natapos ang sem na iyon. at ang susunod na sem pagkatapos noon. hindi ko na siya nakitang muli. hindi na ko kumuha ng subject kay ma’am cindy kahit pa madalas ko siyang makasalubong sa campus. sa tuwing babatiin ko siya, maaalala kita. maaalala ko kung paano mo pinanindigan ang bawat prinsipyong pinaniniwalaan.

summer noon, nagtext ka gamit ang ibang number. nag-sorry ka, hindi mo sinasadya, sabi mo. tinanong ko kung bakit. sumagot siya uli, maggamot ka na. baka may gamot pa. sorry. nang mabasa ko, sinubukan ko siyang tawagan. nang hindi mo sinagot, sinubukan kong tumawag uli. busy na ang number. nang may libreng check-up sa school para sa mga estudyante at nagta-trabaho sa school, pumila ako. tulad ng sabi mo, pinakonsulta ko lahat. nilagyan ko ng tsek ang lahat kahit pa sa palagay ko’y negative. after three days, kinuha ko ang resulta. hiv positive ako. naubos ang lakas sa buong katawan ko habang nakatitig sa puting papel na may tsek sa hiv.

bumalik sa akin ang lahat—ang lahat ng alaala natin, ang pagsusungit mo, ang mga kuwentuhan natin tungkol sa sex, ang pagtatampo mo, ang mabilis na pagtahimik mo, ang pag-ayaw mo sa tuwing magtatanong ako tungkol sa iyong pamilya o kahit ano pang personal, ang iyong razor back at matatalim na pagwasiwas ng balikat. kaya pala ikaw ang nagdadala ng condom. kaya ba ayaw mong uminom kasama ako?

4.05.2012

pulitikong pinoy


sadyang ginawa yata ang buhay na mahirap, maraming dapat intindihin, at pagdaanan. maraming dapat pasiyahin. imbes na sarili lamang ang pagbibigyang-lugod, kailangan pang maging magalang sa magulang, kailangan intindihin at magpaintindi, sumagot ng “opo” at mag-mano, kailangan tumulong maging sa mga kapatid, at nariyan pa ang ibang mga kamag-anak. kaya naman nabibilib ako sa ibang mga tao na tila napakaayos ng buhay. naoorganisa nila ang buhay nila nang napaka-ayos at walang kahirap-hirap at napakaraming oras ang nailalaan nila para sa buhay ng ibang tao. o, ganoon na lang ba sila ka-frustrated sa kanilang mga buhay na sa iba na lang nila ibinabaling? sobrang concerned sila na kahit hindi ka humihingi ng tulong o opinyon, kahit nga hindi ka pa nagku-kuwento ay itinatanong na nila, nariyan ang opinyon at ipamamalas at iparirinig sa’yo, dahil may pakialam sila. nariyan sila sa tuwing madarapa ka, bago ka pa umiyak at humingi ng tulong. nariyan pa nga sila upang magpaiyak at maipilit sa iyong may luha ka pang mailalabas at makatutulong ito para gumaan ang iyong loob. malaki ang naitutulong nila sa iyong buhay, at napakasuwerte natin at marami silang nabubuhay. pakinggan mo, naririyan nanaman sila at nagtatanong kung para kanino ba ‘tong sinusulat ko.

kaya naman hindi matatawaran ang bilib ko sa mga pulitiko na panay ang lingkod. panay ang tulong, panay ang paglilingkod, panay ang bigay kahit pa panay silang binabatikos—tama man o mali ang intensiyon, basta mali ang kalabasan. kahit pa hindi napapansin ang mga mabubuti nilang ginagawa, tuloy pa rin sila sa paglilingkod—‘di kakikitaan ng pagkahina ng loob kahit pa bastusin at tanggalan ng dignidad.

minsang kuwento ng pulitiko. noong kabataan daw niya, nagmahal siya ng isang dalagang taga-maynila. naging maayos ang lahat. nagpakilala siya sa magulang, nakihalubilo sa kapatid at kamaganak. tiyaka na lang niya nalamang may buong maynila pang dapat hingan ng permiso. kinailangan niyang isa-isahin ang bawat residente upang makilala—ipaliwanag nang mabuti ang intensiyon kahit pa hindi kilala, o kakikilala pa lang, o sa ngalan lang kilala. kaya napilitan siyang tumakbo at maging pulitiko na lang. nanalo man, hindi siya tiningala ng mga tao. dumaan na lang basta ang oras. bawat mali ay inusisa. inungkat pati ang mga nakaraang katangahan. pinagmumura sa mga kalyeng siya ang nagpagawa. pinagsisigaw ang ngalan at inuutusang bumaba, kahit pa hindi nakikita. nagkalat sila. pero kinailangan niyang mahalin ang buong maynila, at kasama sa pagmamahal sa maynila ang pagmamahal sa mga residente nito. kahit gaano pa ka-barubal ang mga salita’t ugali, nanahimik siya. inaamin naman niyang nagkakamali siya, dahil tulad ng lahat, maging ang mga taga-usisa, tao rin siya. ngunit tulad ng lahat ng tao, marunong din siyang matuto. maaaring hindi makarating sa mga naninirahan sa maynila, ngunit hindi na ito mahalaga sa kanya. dahil tulad ng ilang beses niyang inulit, ang mahalaga naman ay ang kanyang asawa, hindi ang sasabihin ng iba. dahil hindi naman mahirap mahalin ang kanyang asawa, madali sa totoo lang, pero mahirap magmahal ng marami—lalo na’t lahat ay gustong marinig at masunod. mali man ang dahilan ng kanyang pagiging pulitiko, hindi man niya ginusto, ito ang tanging paraan para mapansin ng maybahay na niya ngayon.

4.02.2012

halik´an


mabibigat na hininga.
pagmamasdan
ang mga matang nababalot na ng talukap.
ang pisnging namamahinga sa unan
labing dati’y akin.
nahahati ang sarili, nais kang gisingin
o nais kang hagkan hanggang sa makatulog nang mahimbing.
hindi kita iuuwi,
huwag muna. masyadong
naging mabilis ang biyahe pauwi,
mamaya na. babagsak
ang buhok,
ngunit hahayaan lang.
matatakpan ang iyong mga pilikmata. sa antok,
hahayaan mo lang ito.
dahan-dahan kong aayusin
at dadamhin ang pingi.
hahawakan ang iyong kamay
habang binubulong sa isip kung gaano ko pinanabikan ang pagkakataong ito.
sa ‘di mawaring dahilan,
tulad ng dati,
aamuyin ang kamay.
ididikit ang labi at muling ilalapag.
pumapagitna ang unan sa dalawang mukhang malapit,
ngunit ‘di nagdidikit. maya’t maya’y tatawagin ang ngalan,
ngunit kapag tinanong kung bakit
wala ring maisasagot.
walang maisasagot,
sa isip naipatatako,
“mahal kita, ganito na lang tayo lagi.”
muling tititigan
mga labi
at sasalatin
ng hinalaki.
ibabaling sa iba ang atensiyon.
maghahanap ng bagong kantang patutugtugin.
bagong kanta,
o kantang magbabalik ng nakaraan.
sabay nating pakinggan,
o hanggang sa makatulog ka
nang sandali.
muling tititigan
mga labi.
sa pagkakataong ito,
mabagal na didilat ang mga mata.
mga alaalang masasaya
na sinong nagsabing matutumbasan na lang basta-basta.
kaunting palitan ng salita.
kaunting tawanan.
kaunting ngitian.
magtatama ang ating mga mata
tila humuhukay at may hinahanap,
sinisilip kung ano pa ang natira at kung ano ang ikasisiya.
muli matititigan ang mga labi
at mabilis na iiwas nang pansin.
sapagkat hindi maaaring mahuling
labi’y pinakanais at hinihiling.
ibabalik ang tingin
at mata’y nababalot na muli nang talukap.
sa bigat ng hiniga'y nararamdaman na yata ng iyong mukha.
muli kang tititig
tila nagtatanong.
hinawakan ko ang iyong pisngi
at sinundan ang hubog ng tainga.
mabigat na hininga kasabay ng paghina ng tugtog.
nagdikit ngunit nanginginig—
para bang unang beses pa lang nagawa,
o matagal na pahinga.
mabagal na palitan ng paghagkan
habang buong lakas na pinipigilan ang nagmamadaling puso.
tila hanggang sa pinakamaliit
na pakiramdam at nabubuhay ako,
nananabik at iniibig ang bawat palitan ng mga labi.
binabalot at nagpapabalot,
sinisisid at mamamahinga.
pumapalaot sa dagat ng limang karamdaman.
imumulat ang mga mata
at tititig sa malabong imahe ng babaeng aking kinasama ng ilang taon.
muling ipipikit at papalaot.
maghihiwalay ang dalawang mukha.
liliwanag ang imahe,
at sasabihin sa sariling,
“ipagpatuloy ang nasimulan kung hindi uumpisahang muli.”
mabibigat na hininga
upang makalma ang nagsusumigaw na dibdib.
parang bandang
palakas nang palakas ang tugtog
dahil sa sigaw ng manunood.
muling nagtama ang ating paningin—
tila hinuhukay ang bawat naramdaman.
magsasabay ng hininga,
at matatawa na lang.
tila sa kauna-unahang beses ginawa.
nakagawian, ngunit bagung-bago sa kaba.
ipagpatuloy na lang natin
at huwag nang mawala.
narito pa rin.
alam naman natin.

4.01.2012

ako naman

hindi ko alam kung paano uumpisahan dahil sa lahat ng pagkakataon ay ako naman ang tumatapos. pero sa mundong ginagalawan natin, walang nangyayari kung walang gagawa. kaya narito akong muli, kakapalan ang mukha. hindi ko magawang hayaang mawala ang kaisa-isang taong minahal ko nang ganito. ngayon, alam ko na kung ano ang nawawala sa akin nang dahan-dahan.

sa dinami-rami ng nagawang pagkakamali, hindi ko na alam kung paano uumpisahan. nais kong itama ang lahat. gusto kong gumawa ng paraan, at iyon ang gagawin ko. hinihiling ko na mapagbigyan mo kong muli. isa pang pagkakataon para mapatunayan na para tayo sa isa’t isa, na may hindi pa tayo nagagawa, at mayroon pa tayong kayang ibigay (higit pa ako). mahal kita, at handa akong mag-umpisang muli.

hayaan mo na lang na mahalin ka kung pagod ka na. masyado ka nang napagod at nasaktan, ako naman. hayaan mong saluhin kita at ipagpatuloy ang mga susunod. hayaan mong maiparamdam ko sa’yo muli ang matagal na nawala natin. sana sa dami ng nagaganap, sumagi sa isip mo, kahit papaano, sana, na sa lahat ng mga napagdaanan natin, naging masaya tayo nang totoo. sa isa o dalawang punto sa atin buhay, naniniwala akong naging masaya tayo. nagawa natin ang ilan sa mga pangarap natin, at naiparamdam natin sa isa’t isa na hindi basta nawawala ang ganoong uri ng pagsasama. naramdaman ko iyon, at alam ko na maibabalik natin iyon.

kilala kita at kilala mo ko. gagawa ako ng paraan maibalik lang ang lahat, at mahigitan pa kung ano ang nagkaroon sa’tin. sa inyo na kita susunduin at ihahatid imbes na magkita pa sa ibang lugar, isasakay kita at ihihiga sa mga pagkakataong tinalo ka ng alak, ipaglalaban kita at susuportahan kita mula sa pansariling problema hanggang sa trabaho hanggang sa pamilya, ipapakilala kita sa aking pamilya at pipilitin kitang papasukin ako sa inyo, kakain tayo sa isang mesa kasama sila, sosorpresahin kita dala ang ating mga kaibigan (atin dahil napagsama na natin ang kaibigan mo’t kaibigan ko), at sabay nating pla-planuhin kung paano natin bubuuin ang ating sariling balay.

marami akong nasabing mga bagay na hindi ko sinasadya—mga salitang sana hindi ko na lang nabitawan, mga salitang nasabi sa pag-aakalang hindi talaga tayo, mga salita at pangakong sana ginawa ko na matagal na.

mag-umpisa tayo mula sa umpisa. sa umpisang-umpisa. sana huwag mong harangin ang ideya. alam kong mahirap dahil alam kong gusto mong maging masaya. naiintindihan ko, ngunit hindi naman ibig nitong sabihin ay hindi na maaaring ako ang makapagpasaya sayo, hindi ba? mamahalin kita nang buong buo at walang pag-aalinlangan. patutunayan ko sa’yo at sa lahat ng nakapaligid sa’yo na kaya ko. subukan nating muli dahil mayroon akong paniniwala—nagawa natin noon, at mahihigitan natin ngayon. maghihintay ako kung kailan ka handang muli.

hawakan mo ko at magtiwalang muli. maaaring hindi ngayon, pero umaasa akong kaya. alam ko. naniniwala akong hindi pa huli ang lahat. nakikiusap ako, kumapit ka sa kakaunting pagmamahal na mayroon ka para sa akin. kahit papaano’y alam kong mayroon kahit kaunti. nakikiusap ako, kumapit ka sa masasayang alaalang nagawa natin, sa mga pangarap na nagawa natin at nais nating marating. kaunti lang, ako naman ngayon. ako naman.

sorry, i love you therese de guzman.