2.21.2012

kapag may hindi tama

sa mga kaganapan,

maliliit na pagkakataon,

sa paligid at sa loob,

na ‘di matukoy sa isang turuan.


magtutumalon sa ulan,

magsara pa ng talukap,

higit na ramdam,

tumatagos sa balahibo’t balat.


susubukan harangin ang mga tunog at hahayaang ihip ng hangin ang yumakap. tila malamig na bangkay na hinihipo ang dibdib, tila niyebeng dumaloy sa likod sa gitna ng tirik na initan.


pigilan ang hininga’t hanggang sumikip ang dibdib, tila hindi sayang ang buhay na nalalabi. kaunti na lang at bibigay ang baga. bibitaw sa huli’t hihingaling muli.


kapag nga naman may hindi tama.

kung minsa’y hindi pa rin maipaliwanag.

ilang beses kukumbinsihin,

sarili hanggang mahawa ang katabi,

kapag may hindi tama,

ramdam na may hindi tama.


nakalolokong paulit-ulit na mga salitang pilit pinalalawak lang. nakapipikon sa magbabasa’t kailangan pang intindihin kahit pa paulit-ulit. hindi man lang maipaliwanag nang mabuti o maikumpara nang maigi sa ibang bagay. iniiwang bulag at bingi ang mga mambabasa sa madilim sa kuwarto—ulit-ulit sa paulit-ulit na sitwasyong pinahihirapan ang sitwasyon.


susubuking suriin sa pamamagitan ng radyo,

sa mga tugtuging ‘di makasabay,

upang puso’t isip ay higit na makapakinig.

susubuking imulat ang mga mata,

mga pelikulang walang tema,

nagbabakasakaling mabanggit o maisigaw sa mga eksenang gigil,

ang nais isigaw ng aking puso’t bibig

na ‘di magawang mahanap ng isip sa mababaw na mga salitang tanda.


hindi naman tumitigil ang mundo kapag may hindi tama. patuloy siyang iikot tulad ng mga tao sa paligid. tulad ng mga sasakyang matutulin kapag ika’y nasiraan sa gitna. pangamba mo pa’y hindi ang kanilang paghinto para ika’y tulungan kundi ang kanilang mga matang titig sa’yo ng matagal sa mabilis na pagpapatakbo. o kung hindi man ay ang tulin na hahagip sa salamin ng sasakyan nakabalandra nang bahagya sa kalye.


mag-iingay siya. mag-iingay siya.

malalaman mong may hindi tama,

dahil bago pa man siya tumirik ay iiyak muna siya.

tila may mga piyesang hindi nakalapat,

o ilang mga gomang pudpod o bibigay na.


pakikinggan mo pang maigi kung sa iyong makina nga ba galing—

ang pag-iyak, ang pagsigaw ng kung anong

iniirita ang tainga at kaunting pasensiya.

matatakot itabi, matatakot hindi na sumindi.


pero itatabi mo pa rin.


bubuksan ang hood at sisilipin ang makina sa dilim ng gabi. telepono ang pang-aninag habang hinihintay ang maya’t mayang sulpot ng ilaw ng mga nagdaraang mga sasakyan. imbes na ubusin ang baterya sa pag-iilaw ng makinang ‘di makitaan ng kahit ano, itatawag na lang. ibayad na lang sa paghingi ng tulong ang natitirang lakas.