2.23.2012

45

hindi na bumalik ang pandinig matapos kalabitin ang gatilyo. itinutok nang maigi sa dibdib. paulit-ulit na dinasal na sana hindi magmintis. sana maging mabilis. sana hindi magmintis.

ilang beses kung inilapat ang bunganga sa sariling dibdib. mararamdaman ang lamig ng bakal na magpapataas ng balahibo. lalong bibilis ang tibok ng puso kasabay ng panginginig ng kamay. nangingilid na mga luha habang sinasambit ang ilang mga salitang kahit sarili’y hindi na magawang isang pangungusap.

hindi maaaring magmintis. hindi maaaring dumaplis lang, kailangan pumasok. hindi ko na dapat makita ang mga sisilip sa’kin, ang mga tititig sa aking katawan na nakababad sa dugo. hindi ko na dapat marinig ang mga sasabihin nila—ang masasamang nagawa, o mabuti man. hindi na dapat makaramdam pa. kaya hindi dapat magmintis. hindi.

dito matatapos lahat. sa pamamagitan nito, hindi ko na kailangan pang magpaliwanag. kaunting lakas na lang na ililipat sa isang daliri, matatapos itong lahat. at kailangan kong magmadali. ayaw ko nang may makakita pa’t pipigil. kapag may umakyat at sumigaw ng aking ngalan, itatalon ko na rin ‘to siguro.

hindi ako nagsinungaling sa kahit anong pagkakataon. sinubukan ko. bumalik ako at sinubukan kong punan ang mga naiwang trabaho. sabi ko, “boss, kaya ko. ‘pag umalis uli ako, huwag mo na kong pabalikin.” patunayan ko, sabi mo. sinubukan ko. nang sinabi mong mahalaga ko sa iyong kumpanya, naramdaman ko iyon. pinahalagahan ko. sabi mo pa, titigil ka lang na kunin ako pabalik kapag may trabaho nang iba.

sana maaaring humingi ng tawad para sa... pagiging ikaw. iyong tipong hihingi ako ng tawad para sa buo kong pagkatao dahil masyado nang marami kung iisa-isahin ko pa ang mga pagkakamali. dahil kung pagsasama-samahin lahat ng utang ko sa kumpanya, kulang pa ang magbigay ng buo. maayos naman ako noon. alam ko ang gusto ko, at gumawa ako kahit wala pang suweldo. hindi pa noon sigurado ang trabaho at suweldo, pero araw-araw akong pumasok. iyon ang masakit para sa akin—na kung kailan malaki na ang suweldo at na sa’kin ang lahat ng benepisyo ay hindi ko mapunan ang dapat.

walang kumukuha sa’king iba. walang naghihintay. at lalong wala akong pupuntahan iba. kung iyon man ang akala, o hindi man naniniwala, hindi na marahil mahalaga iyon. sa pagkakataong ito, hindi na ko babalik. hindi dahil hindi ko gusto, o dahil hindi ako naging masaya.

gusto kong pumasok sa iyong silid at ipaliwanag itong lahat. ngunit ayaw kong maiyak. ayaw kong lumambot ang puso at bumalik sa trabaho. ayaw ko nang ipagtanggol mo ko sa iyong boss, boss. masyado nang marami ang sakripisyong ibinigay mo. masyadong madami na hindi na nararapat para sa isang tulad ko.

tama sila. huwag na. tatanggapin ko ang kahit anong sasabihin ng lahat. pati ang mga sasabihin mo. lahat ng paratang at sumbat, tatanggapin ko maliban sa isa. hindi ako nagpapirata, mamatay man ako. mamatay ka man. magsara man ‘tong kumpanya.

lalapit sana ko sa mga ka-opisina, pero pinigilan ko ang sarili. kailangan mo ng malalapitan, ng masusumbungan, ng kasama, ng tutulong, ng bubuo, ng yayakap at magpapanatili ng kumpanya. andiyan sila. sorry.

sa bawat hingang pinakakawalan, parang nakukulong sa supot na iyon at iyon lamang ang hangin. ang bawat pagpasok at paglabas ng hangin na tila ‘di dumaraan sa baga. ang mga luhang kung magpumilit ay para bang nagwawala pa. ang butas na puso na kung bakit ayaw pang matapos sa pagtibok.

nangangalay. namamanhid. kaunti na lang, titigil din.

patawad.