1.01.2012

beef steak at pangarap

ang malungkot na katotohanan kasi ay isa sa sampung taong makakausap mo ay hindi narating ang pinangarap nila. masuwerte ka pa nga kung makakuha ka ng isa dahil ang isasagot nila sa’yo ay kung hindi man “hindi” ay “okay naman”. nakalulungkot lang isipin na nakasanayan na ng tao na mamuhay sa nariyan, panatilihing pangarap ang pangarap, at huwag na (munang) gumalaw tutal ay maayos (meaning okay lang) naman ang nangyayari sa kasalukuyan.

tinanong ako minsan ng isang propesyunal na editor ng mga palabas at komersyal, “sa tingin mo, ilang taon ka pa bago maging direktor?” natigilan ako. napatigil ako sa paghihimay ng hipon na tila nakikinig din sa isasagot ko. nakatigil din siya at nakatitig ang matalim na mga mata sa akin habang hawak ang kutsarang punung-puno ng yang chow fried rice at beef steak. inisip ko nang mabuti. limang taon talaga ang nasa isip ko. ito naman talaga ang plano, ang nilaan kong oras para matuto, at kasama na siguro ang makuha ang tiwala ng tao. “mga 5 years siguro.” mabilis siyang sumigaw ng “ang tagal!” sabay subo ng kanyang beef steak. tila hindi siya sanay sa mga matatagal na preparasyon. ang pagkahilig niya sa beef steak ang nagpapatunay nito. kung ikukumpara mo kasi ang beef steak sa slow-cooked beef, kakikitaan mo kaagad ng pagkakaiba. kahit paano pa sabihing pareho silang baka, sadyang may mga taong mahihilig sa mas may naingunguya na baka kaysa sa bakang kapag ipinasok mo sa bibig ay kusang matutunaw na lang na parang tsokolate.

“kung pinasok mo na sa isip mo na 5 years, 5 years ka talaga aabutin. in 2 years, kaya mo na.”

naiintindihan ko naman ang punto. ang hindi ko lang maidepensa ay ang puntong pinag-isipan ko na ito, mas madaling lunukin ng mga tao ang beef na kahit makapal ay malambot. mas madaling matatanggap ng tao ang isang direktor na nagdaan sa pinagdaraanan nila dahil hindi naituturo ang karanasan. gustuhin ko mang marating ang pangarap nang mabilis, ayaw ko. marami mang mahilig sa half-cook, medium rare, o lamang makunat-kunat, higit na marami pa ring mas pipiliin ang luto, malambot, at hindi ika-iimpatso.

wala naman sa bilis o sa bagal ‘yan. mahalaga ang oras, at tulad nga ng sabi ng mga matatandang yumao na, hindi mabibili ang oras, karanasan ay hindi rin nabibili.

hindi na ko sumagot, imbes ay sinipsip na lang nang isang malakas ang ulo ng hipon.