12.31.2012

magbabago ako


pagbabago

magbabago ako

hindi lang para sa’kin, hindi lang para sa’yo, at hindi lang para sa mga kaibigan at pamilya ko. para ito sa lahat ng nakapaligid sa’kin, sa’kin, pero ikaw ang dahilan ng pagbabagong ito.

bubuuin kong muli ang sarili. nang maibigay nang buong buo.

naintindihan ko kung saan ka nagmumula. pagod na pagod ka na. sa ilang taong paulit-ulit na pagkakamali, pag-aalinlangan, maling mga desisyon, maling mga salita, naiintindihan ko. at kahit anong paumanhin ay di kayang humilom noon. pero, sorry. pasensiya ka na.

magbabago ako, dahil ako ang problema. hindi ko hinihiling na antayin mo ko. gawin mo ang nararapat.  be free. be happy. be you.

dadating ako sa panahong matututo akong magpahalaga ng mga bagay, to not give up on them, to be strong for them even if i’m weak, dadating ako sa panahong hindi na ako bibitiw. magbabago ako. pero hindi ko na hihinging antayin mo ko. sobrang sobra na. ipagpatuloy mo ang buhay mo. maging masaya ka. maging maligaya ka nang totoo. hindi ko ring hihinging bigyan mo ko ng pagkakataon pa dahil sobra na. i’ve wronged you so many times, i’ve fucked up so many times ayaw ko nang magbilang. nakahihiya. pasensiya ka na, sinayang ko ang oras mo.

mahal kita. magkasama man tayo, o hindi. mamahalin kita kahit bihira tayong magkita, o hindi man magkita. hindi man magkausap. mahal kita. at sana, balang araw, maging sulit ako sa’yo, sa panahon mo, sa pagmamahal mo.

aalagaan kita. at andito lang ako. hindi ko man hawak ang mga maaaring mangyari, magbabago ako, dahil... ikaw lang ang minahal ko nang ganito.

ang paghingi ng pagbabago


bagong taon nanaman. humihingi ng bagong damit si bunso, bagong cellphone naman kay ate, bagong sasakyan kay tatay, at bagong lipstick kay nanay. lahat may hinihinging bago, o kung hindi man, lahat ay may nais na bago.

pero kailangan ba ng bago sa bagong taon?

sabi ng isang mekaniko noon nang magpaayos ako ng sasakyan, “wala pong sira, boss.” nang magdesisyon akong papalitan ang pares na shock dahil luma na, agad niyang pinalitan. nang matapos ang paggawa, kasabay nang pag-abot niya sa’kin ng susi, “bakit aayusin kung wala namang problema?”

kaya humingi ako ng pagbabago, hindi sa ibang tao, kundi sa aking sarili. magbabago ako hindi dahil bagong taon, hindi lang para sa aking pamilya, hindi lang para sa mga taong mahal ko na nakapaligid sa’kin, kundi para na rin sa’kin.

minsang nanghingi ng pamasko si bunso. walang wala ako noon. dumating ang pasko, nag-aantay si bunso. inabot ko ang nakabalot sa dyaryong ballpen kasabay ng pagbati ng “maligayang pasko!” mabilis na ngiti ang nakita ko kasabay ng kislap sa kanyang mga mata. kalahati pa lang ang nabubuksan niya, kumunot na ang kanyang noo. ibinato ang ballpen, at nagkulong sa kuwarto.

mabilis ko siyang hinabol, humingi ng tawad, dahil nagbigay ako ng lumang ballpen. gamit. bawas. mauubos na. sabi ni itay, hindi ko na lang nasa ipinilit na makapagbigay ngayong pasko. hindi naman daw kailangan. magbigay kung kailan gusto, kung kailan bukal, at kung kailan buo. walang gustong kumain ng hilaw na kanin, manok na may dugo, o bakang matigas pa.

buuin ang sarili, nang maibigay nang buong buo.


12.14.2012

changing lanes


parang mga sasakyan sa freeway na tila nag-uunahan.
parang mga batang palipat-lipat ng linya mauna lang sa pupuntahan. ang buhay,
saan ba tayo papunta?

matapos ng mahabang freeway,
nagkakasabay-sabay din naman kapag nagpula na ang traffic light.
kapag sumenyas ng hinto ang enforcer,
halos magkakatabi rin naman.

para tayong mga sasakyan, at buhay na kinagisnan ang lanes sa freeway.
change lane. change lane kapag mabagal ang kaharap.
change lane kapag may lubak na papalapit. change lane kapag pakipot na ang kalsada.

takot tayo sa preno.
tamad tayong tumapak sa preno dahil mag-uumpisa muli sa umpisa.
malakas sa gasolina. masakit sa paa.
kaya naman imbes na tumapak sa preno’y lilipat na lang ng linya. change lane.

parang buhay natin na nasa parallel universe. maraming linya, maraming uri ng buhay.

10.30.2012

phase-to-phase series at ang boses ng mga lalaki


last day of classes at pangaral pa rin ang bukang-bibig ng propesor namin. tapos na raw ang panahon ng pagbubulakbol. mag-uumpisa na raw ang mahabang paghihintay makapasok lang sa isang trabaho, ang araw-araw na paggising sa umaga nang ‘di nale-late (dahil bawat oras na pagka-late ay perang ‘di nakakauwi sa’ming wallet), burahin na rin daw ang sembreak sa kalendaryo, o mas mabuti pa nga raw ay burahin na sa isip at palitan na lang ng konseptong “long weekend”, hindi rin daw dapat ipagdiwang ang kawalan ng recitation at grade dahil mapapalitan ito ng pulitika sa opisina at mga evaluation. “this is a new chapter of your life—ang tunay na mundo.” sabi nga ng propesor na naka-upong mayaman sa harap namin na para bang sinasabing tapos na siya roon at ngayo’y taga-pahirap na lang siya ng mga rookies ng tunay na mundo, “tinuruan kayo ng kolehiyo na mag-survive, gamitin niyo ‘to bukas.”

pero seriously, gumising kami ng maaga, nagsuot ng uniporme, nagpabango, nag-full bangs at full blast make-up pa ang aking ibang mga kaklase para makinig sa speech na ilang beses na namin narinig? kahit sa tv naririnig na namin ‘yan, wala bang bago?

hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit nag-iiyakan ‘tong mga kaklase ko. tears of joy kaya? dahil kung ako ang tatanungin, tamang tama itong pagkakataon para magdiwang. mag-inom, pumarty, magpakabasag, at isigaw sa unibersidad na, “fuck! natapos kita!” natapos ako rito sa unibersidad na ‘to! (kahit pa inulit mo ang ilang subjects, ilang summer kang walang summer vacation, hindi ka gra-graduate sa pinili mong kurso, napa-shift ka nang ‘di bukal sa iyong puso, o ‘di pa bayad ang last semester’s tuition mo kaya wala ka pang clearance)

katunayan, medyo naiintindihan ko naman ang mga sentimyento nitong mga ‘to. pero, ganoon talaga ka-oa? siguro dahil may ilang mga mangingibambasa na. may mga maiiwan at hindi makasasabay sa’min sa pagmartsa. pero hindi ba mas nakaka-iyak ito sa parte nila bilang sila ang maiiwan, mang-iiwan. sila ang mga nakakaalam kung saan sila pupuluti matapos nitong “magarbong” selebrasyong ito. sila kaya ang unang naka-alam na hindi sila makakasama sa graduation, na after graduation ay nakaayos na ang kanilang mga gamit at lilipad na. bago pamalaman ng buong klase, minsan bago pa malaman ng kanilang mga magulang, alam na nila sa sarili nila, pinaghahandaan na nila, nilunok na nila ang malaking bara sa kanilang lalamunan na “mawawala” sila pagkatapos nitong lahat.

o, siguro dahil fan ako ng change.

naniniwala kasi ako sa kasabihang, “the only constant in life is change.” naniniwala ako na kailangan handa ka sa mga maaaring mangyari sa bawat pagkakataon, na hindi laging ayon sa gusto natin ang mga mangyayari, na every now and then ay may pagbabagong mangyayari sa buhay na’tin na malamang ay hindi tayo handa. “be ready of the unknown” at hindi ka masisiraan ng loob. kaya kahit kabre-break lang namin ni joan, hindi ako nalulungkot.

or at least napagdesisyunan ko nang hindi malungkot. isa rin kasi sa paniniwala ko, “everything is in the mind.” prinsipyo lang. kapag napagdesiyunan, panindigan. kapag napanindigan, tanggapin.

life goes on. at tulad nga ng lagi nilang payo sa mga namamatayan, (hindi ko na maalala kung paano ang pagkakahalo ng mga salita) “life doesn’t wait for any body.” o, life nga ba ‘yun? “kaya move on.”

move on—big words.


graduation day.

“nabo-bore ka ba?” tanong ko sa katabi ko.

lumingon siya sa’kin nang dahan-dahan na para bang model sa mga shampoo commercial. makintab ang kanyang buhok at sa patag ng pagkakalapat ng kanyang make-up sa mukha ay ‘di na nakikita ang mga pores. buhay na buhay ang kanyang mga mata at kay pula ng kanyang labi.

sa dami ng block na inalphabetize, hindi ko na makabisa kung sino ang galing sa ganitong section. pero parang namumukhaan ko ‘tong katabi ko. at habang sabay namin kinikilala ang sarili, siya sa aking very unpopular-slash-unknown face at ako sa kanyang makapal na maskara, tiyaka ko natantong ‘di pala niya naintindihan ang aking tanong. kaya inulit ko ang tanong. sumagot naman siya nang mabilis, “hindi naman. okay lang.” na hindi ko rin nakitaan ng saysay bilang wala naman talaga siyang sinagot. hindi naman, so okay lang? so, paano ko masusukat ang kanyang hindi pagkabagot? kasi ako, bagot na bagot na bagot. papasok nang naka-ayos, may uniporme naman kami pero kailangan magpatong ng telang manipis para pare-pareho, bibitbitin ang magulang at papaupuin sa malayo, itatabi sa ‘di ka-close na ka-batch, papipilahin, paglalakarin, at paghihintain buong umaga o hapon para kumuha ng isang papel na hindi naman talaga tunay na sertipiko at magkaroon ng litratong kailangan namang bayaran pagkatapos.

at bilang kailangan ding isurrender ang cellphone, halos trenta minutos din bago kami nagkita-kita ng buong pamilya. tiyaka ko nakita si joan kasama ang kanyang magulang. nabilis yata kong namula dahil naramdaman ko ang mabilis na pag-init ng aking mukha. napayuko ako at kinailangan kong lumabas nang mabilis nang makalanghap ng sariwang hangin.

hindi ko nanaman matukoy kung dahil ito sa hiya, o takot. pero sa rami ng tumatakbo sa aking isip, gusto ko na lang hilahin palabas sina tatay at nanay nang makauwi na.

napasagot tuloy ako ng dinner. pero hindi naman ako nagrereklamo. gusto ko rin naman bilang ito ang unang beses na sasagot ako ng bill para sa aking pamilya. simpleng dinner, kape, pampabusog ng puso bilang minsan lang din kami makumpleto nang ganito. buti na lang din ako grumaduate ako.


bawat inom, napapalaki ang labas. bawat inom, nadadagdagan ng bote. iba na nga talaga kapag tapos na ng kolehiyo. ito na ang umpisa ng aking pag-asenso. kung dati, tatlong bote lang ng red horse ay bangenge na, madagdagan ng ilang bote at sumusuka na sa byahe, ngayon ay kailangan munang makalimang bote bago mag-umpisa ang gabi.

sa tuwing umiinom kami ng barkada, tila lagi kaming may ipinagdiriwang kahit pa wala naman kaming pinag-uusapang seryoso. panay “kapag ako nagkatrabaho… at kapag tayo umasenso…” na lang. hindi rin naman ito nauuwi sa wala, sa aking palagay bilang sa bawat inumang matatapos, busog akong gigising na para bang napakaraming naghihintay sa’kin. busog sa pangarap at matabang puso.

mabuti na lang at bago pa maubos ang ipon ay nakahanap din ng trabaho. nakatatawang isipin lang na kung gaano kalaki ang naiwaldas mo sa alak ay hindi naman kawalan. araw-araw, pagkaligo pa lang ay makikita mo na ang lahat ng iyong ipon. hindi na kailangan pang silipin ang wallet o mag-update ng passbook. dalawang buwan din bago ako tuluyang matanggap sa isa sa mga libo kong inapplyan, at sa dalawang buwan na iyon na binusog ko sa paghihintay at pag-iinom, hindi lang love handle ang aking naipundar. para itong salbabidang idinikit sa aking tagiliran, at isang bin bag sa aking tiyan.

sabi ng isa kong kabarkada, “ito ang katawan ng tunay na lalaki.” tawanan kaming lahat. tiyaka ko sinundan, “hindi, ito ang katawan ng trabahante.” parang hindi naman nakakatawa, kaya sinundan ko ng isang malakas na “cheers!” nagtawanan ang lahat.

isa ang pag-inom sa mga hindi ko lubusang maipaliwanag kung bakit, pero masarap gawin. marahin dahil “masarap ang bawal” tulad ng pagyoyosi at paghithit ng shisha, legal pero alam mong masama sa katawan. masarap sa katawan, pero masarap. kung paano naging masarap, “basta, subukan mo na lang.” pero marami pa ring magsasabing “huwag mo na subukan.” kahit na ang nagsasabi nito ay sila mismong nagyoyosi at manginginom.

siguro, may pinagdaraanan pa rin ako. siguro, may pinagdaraanan pa rin ang aking inner self na napagdesisyunan na ng outer self ko na tapos na. siguro, kahit pa hindi napag-uusapan, pinag-uusapan ng aking inner at outer self. pinagtatalunan nila kung ano nga ba ang tunay kong nararamdaman, kung ano ang dapat maramdaman, at paano na.

at siguro, sa monday, kapag nag-umpisa na ko magtrabaho, kapag marami nang ginagawa, mas magiging panatag na ang loob ko. siguro, matatahimik na sa inner self. siguro, may makatrabaho akong babae na magpapatahimik kay inner self at magpapangiti ay outer self. siguro. malay natin. malay natin, dito pa lang pala nag-uumpisa ang tunay na mundo at napahaba lang ang transition ng buhay ko.


not exactly the job i dreamt, pero sa hirap ng buhay, choosy pa ba? bago ako grumaduate, ang lagi kong pagmamalaki, “hindi ako kukuha ng trabahong hindi ko gusto. mas mahalaga pa rin na mahal mo ang trabaho mo. kapag ganon, parang hindi ka nagtra-trabaho.” pero, paano kung ayaw sa’yo ng gusto mong trabaho at ayaw rin sa’yo ng plan b mong trabaho at wala ka nang pera pamasahe at pang-inom?

maging praktikal. malungkot mang isipin, sa hirap ng buhay at sa dami ng graduates at sa konti ng maaaring pasukan, choosy pa ba?

hindi naman ako nakakalimot sa’king pangarap. balang araw, magiging writer din ako sa isang sikat na magazine. babayaran nila ko para pumunta sa isang lugar at matulog sa isang resort o hotel, kumain sa ilang mga restaurants, at magbibigay ng personal reviews. pero sa ngayon, taga-proofread ng mga gawa ng iba na uploaded online muna ang gagawin ko. cool job naman, pero i bet bulag na ko after ten years kung ‘di ako lilipat ng trabaho o mapro-promote. kaya ang plano, kukuha lang ako ng experience. in one to two years, lalayas din ako at maghahanap ng ibang trabaho.

dalawang linggo lang, gamay ko na ang galawan dito. ‘di man malaki ang suweldo, hindi naman dehado bilang madali ang trabaho. kaunting sipag at diskarte, andiyan naman si pareng google, madaling natatapos ang mga article.

nasa urinal ako umiihi one time. tumabi sa’kin si ralph, bago lang din na “editor” na mabilis kong naging kaibigan. kinamusta ko bilang panay hawak niya sa kanyang batok. “okay naman. nakaka-stress lang. parang paulit-ulit na lang yung binabasa ko, tapos puro mali pa rin daw ang gawa ko. ang dami ko raw nami-miss na wrong grammar.” natahimik ako. hindi naman dahil ayaw kong i-share sa kanya ang sikreto ko (google), kundi dahil gusto kong maupo sa kinalalagyan niya.

tiyaka ko na-realize at natanggap at nasabi sa sarili na may good news at bad news sa buhay ko ngayon na dito lang umiikot ang buhay ko. “good news, kakaunti lang ang stress na nararamdaman ko araw-araw. bad news, sa mga palabas at series ko lang ito nakukuha sa tuwing uuwi ako’t manonood ng tv.”

okay naman. hindi masama. sa isang banda nga lang, gusto kong ipagmalaki na bagaman ‘di kalakihan ang aking kinikita ay siguradong ‘di rin naman lalaki ang eyebags ko o mabilis na darami ang mga guhit sa aking mukha. not.


maliban sa stage na bangag at manhid, hinahanap-hanap ko ang alak dahil sa unang lagok. iyong tipong pagkabukas, isang punas lang sa bibig ng bote, lagok agad ng isang buo. iyong magkahalong lamig na may bigat. buo siyang dadaan mula lalamunan pababa sa tiyan. tiyaka iinit ang tiyan, iikot, na bibigyan ka madalas ng isang dighay.

hindi tulad ng softdrinks na may kilig pagkatapos. lasa mo ang pait. lasa mo ang bigat niya sa iyong tiyan. alam mong naroon siya.

iyong klase ng pait na mapait, pero gusto ko. hindi masarap dahil hindi matamis, pero hahanap-hanapin mo sa ‘di malamang dahilan. sanay ang katawan mo. uhaw ka sa kanya. uhaw na uhaw.

ang maganda roon. hindi natatapos ito sa isang lagod. mauubos ang isang bote. at bago pa magdikit ang mga baso para sa unang toast, nagbubukas na ng pangalawang bote. kung hindi man ang una, amoy ipis ang pangalawang bote ng red horse. tatanungin mo pa ang sarili, “amoy ipis nga ba o luma lang?” pero hindi ka na magbubukas ng bibig para ireklamo. dahil alak man o ipis, alak pa rin.

tiyaka nagkakaalamanan kapag nasa pangatlong bote na. malalakas na ang boses ng ilan, kumakanta na ang karamihan, sunud-sunod na ang cheers, ang mga kj nagsisiuwian. “gusto kong kumantot.” bulong ni roger. at parang nakainom ng sabaw at naubos ang tama ng lahat at narinig nila ang mahinang bulong ni roger (o mahina nga ba talaga?). “ako rin.” sunud-sunod na ani ng magkakatabi.

“ano, saan tayo?”


bibihira lang naman iyon. higit na madalas pa rin ang masasayang inuman, iyong tipong kuwentuhan tungkol sa mga nakaraang kabulastugan, mga sikreto na hindi na rin naman sikreto dahil sa bawat inuman ay iyon ang pinaguusapan, at kantiyawan. hindi rin naman mawawala ang mga dramahan, iyong mga kagagaling lang sa break-up, mga problemado sa pamilya, iyakan, at damayan, may yakapan, kasahan ng kamay, “supertado kita, pare.”

minsang tinanong ako, “ano ba nangyari sa inyo?” pang-apat na bote na noon. katatapos lang tumugtog ng banda at nangalahati na rin ang mga tao sa bar. halos tahimik na rin ang gabi. malamig ang ihip ng hangin. nakatingin silang lahat sa’kin. napabuntong hininga ko.

sa dami ng umpisa, hindi ko alam alin ang pipiliin. sa dami ng dulo, tila tapos na ang bawat kuwentong nais umpisahan. tuwing naaalala ko si joan, wala akong nais kundi makalimot muli. hindi dahil hindi siya mahalaga, o ayaw ko siyang isipin. nahahati ako sa takot at hiya.

walang lohikal na sagot kundi tumungo at maglakad nang mabilis tulad ng ginawa ko noong graduation namin. natatakot akong harapin ang realidad na wala na kami, na mag-isa na ko’t walang matinong pupuntahan. natatakot akong makita siyang muli dahil siguradong mapapabalik at mapapabalik ako kapag nagkita kami—kapag nakita kong tumingin siya sa’kin. natatakot ako, pero mas nahihiya ako. sa haba ng pinagsamahan namin, magkaiba pala ang “akala” at “totoo.” ang imahinasyon sa realidad. akala ko noon walang hanggan ang kakayanan ko. pero nang umabot ako sa dulo. wala akong malunok kundi kahihiyan—na hanggang dito lang pala ko—na ito ang hangganan ko. wala akong nasabi noon kundi, “sinubukan ko.” sana naintindihan niyo ito. at sana maintindihan niya kung bakit wala akong mukhang maihaharap sa kanya.

“mahabang kuwento. mas okay na siguro ‘to.” at tinapos ko ng ngiti ang pangungusap nang ‘di sadya. naging maluwag ito para sa’kin.

gustuhin ko mang ikuwento nang buong detalye, hindi ko ito nakikitaan ng rason kung bakit. una’y gusto kong maging akin na lang ito. hindi naman ako madamot sa kuwento. katunayan, mahilig akong magkuwento. pero hindi ito. hindi na ngayon. sa pagkakataong ito, akin na lang muna ang kuwento namin ni joan. kung ano man ang nangyari sa’min, sa’min na lang siguro iyon. sana.

ang hirap kasi sa’ting mga usisero’t usisera, gusto na nga nating malaman, gusto pa nating makialam. ngunit sa katunayan naman, hindi naman talaga natin nalalaman ang buong kuwento. alamin man natin ang dalawang panig, sila pa rin ang nakakaalam ng totoong kuwento. hindi nila maikukuwento ang buong detalye ng bawat pagkakataon, ang bawat sakripisyo, ang bawat saya, ang bawat pagtatalo, ang bawat pakiramdam, at wala rin tayo sa lahat ng panahon ng kanilang pagsasama kaya’t wala ring saysay na timbangin kung saan nagkamali, saan nagkulang, o kung sino ang mali.

sadyang may hindi lang talaga ukol.


 “first time mo rito, sir?”

tuloy siya sa paghagod ng aking likod. mabibilis ang bawat hagod. madidiin na tila may halong gigil. sumagot ako, “ah, oo.”

“paano niyo nalaman ‘to, sir?” sunod niyang tanong. hindi ako sumagot, umaasang titigil siya sa pagtatanong. kaya ako nagpapamasahe para matanggal ang pagod at makakuha ng mahimbing na tulog. “patanggal na lang ng underwear, sir.”

natigilan akong muli. wala bang short dito? wala bang twalya, o kahit anong pantakip ng puwet? baka kabagin ako. at paano mamaya kapag pinatihaya na ko?

hindi ko na lang pinansin. hinubad ko ang underwear na para bang sanay na sanay sa mga masahihan. pumunta siya sa aking ulunan at hinagod muli ang aking buong likod hanggang puwetan. napapikit na lang ako.

bawat pisil at hagod ng kanyang mga kamay at daliri, dinama ko. bawat hagod sa binti pahita, nararamdaman ko ang kanyang mga daliring tila sinusundan ang kasingit-singitan ng aking loob. ang kanyang mga hitang dumadampi sa aking talampakan. ang kanyang dibdib na minsa’y papaikot sa aking ulunan sa tuwing siya’y tutuwad para abutin ang aking puwet.

“gusto niyo service, sir?” bumulong siya.

tumingala ako sa kanya. mahaba ang kanyang buhok. mapungay ang mga mata. maamong ngiti na para bang nahihiya pa sa kanyang tanong habang nakahawak sa aking balikat. makakalimot ba ko rito, gusto kong tanungin. mabubura na ba siya sa isip ko pagkatapos nito? magiging masaya ba ko rito?

inikot ko ang aking paningin. iisa lang ang ilaw, kulob ang cubicle, naka-lock ang pinto. “sige,” mahinang sagot kasabay ng pagbalik ng ulo sa unan, “magkano ba?”


“tara na, minsan lang naman, e. subok lang, sagot kita.”

bagong suweldo. binibilang ko pa lang sa aking mga daliri, tila naplano na ni ben kung saan wawaldasin. si ben ang isa ko pang katrabaho rito. writer na siya. baliktad nga, kung sino pa ang nakatataas, siya pa ang writer. pero ang maganda sa pagiging writer dito sa opisina, hindi na bumabalik sa kanila ang mga edited na articles. hindi sila napapahiya. hindi rin nila nalalaman ang mga maling nagawa nila. samakatuwid, sulat lang sila nang sulat. at sa dami ng naedit ko, article niya ang madalas na napapadpad sa aking la mesa. wrong grammar, hindi naka-capitalize, maling use ng “its” at “it’s”, at marami pa. pero hindi niya alam. hindi ko na rin sinasabi ang kanyang mga mali. ayaw ko rin namang nage-edit ng maraming mali, pero bilang mayabang siya at lagi niyang pinagmamalaki na isang taon lang at na-promote na siya, konsuwelo de bobo na rin para sa akin na namumura ko siya sa tuwing babasahin ko ang article na gawa niya, kahit ‘di niya alam.

“seryoso? sayang pera lang, e. iinom na lang na’tin ‘to, mura mura pa.”

iinom din naman daw kami, pero iba raw ang saya rito nang hindi puro problema at hinanakit ang usapan. “makatikim man lang ng laman.” ika nga ni ben.
ang bilang sagot din naman niya, sumama ako sa lakad ng grupo ng writer-editor. puro kami lalaki maliban kay jean. wala rin namang reklamo si jean. one of the boys, pero hindi tibo. one of the boys, pero tagabantay namin sa tuwing may lasing at mambabastos ng babae. tama lang din, tamang kombinasyon para naman malagay sa tama ang bagay-bagay.

ang lalambot ng mga sofa. malalakas ang mga ilaw, pero madidilim ang mga table. napupunto ng salamin ang paligid. at tila mga sapilitang pinasayaw na mga babae ang nasa entablado. “sino sainyo, sir?” sigaw ng isang matandang babae na bata-bata lang ng kaunti sa lola ko. “ako nga pala si mama tintin. ano sainyo, sir? pili na kayo?” hindi puwedeng uminom muna, tumingin tingin muna?

“iinom muna kami.” sabi ni ben na tila alam na alam ang kalakaran sa mga ganitong lugar. sa wakas, palagay ko, tumama rin ng sagot si ben.

isang bote, piso na lang isang daan na. isang bucket na anim, 350 pesos. parang medyo malabo, dalawang bote ang lumapag sa’aming la mesa. nakahilata ako sa sofa. gigil na gigil naman ang iba naming kasama. hindi lang din ako natutuwa sa ideya. ‘di kagandahan ang mga pilit na nagsasayaw. at ayaw kong magmukhang virgin.

mabilis naubos ni ben ang kanyang unang bote. sa bawat pagpalit ng tugtog, iba’t ibang babae ang nagsasayaw. iba’t ibang saplot na tila kulay ng bikini at tela lang naman ang nag-iiba. nagbanyo si ben. tinapik si mama tintin.

ilang minuto lang, may kasama nang mga babae si ben. “enjoy! tawagin niyo na lang ako ‘pag may kailangan kayo.” ani ni mama tintin na abot tainga na ang ngiti. parang mga tindera sa divisoria na nakaunang benta sa hapon. kung may hawak siguro siyang pera noon, ipinagpag na niya ito sa mga babaeng ngayo’y nakaupo na sa aming mga tabi. 1-2-1-2 ang nangyari, alternate, isang lalaki, isang babae, isang lalaki, isang babae. babae-si ben-babae-ako-babae-si ralph-babae-at si jean.

nag-uumpisa sa pakikipagkamay ang lahat. ako pala si [insert name] na ‘di naman mahalaga bilang hindi rin naman nila tunay na pangalan ito. malambing si pinky, ‘di niya tunay na pangalan. “bakit kayo nagpupunta rito?” tanong niya. ngumuso lang ako at itinuro si ben. tumawa na lang ng malakas si ben, “bakit, parang ayaw mo pa a!” gusto ko siyang sawayin noon. ako ang nahihiya sa pinaggagawa ni ben. nalaman kong kapapasok lang ni pinky ngayon buwan. kailangan niya pa makaipon para makapasok sa susunod na sem nang maka-graduate na. medyo madrama ang kuwentuhan. kung hindi niya hinahaplos ang aking hita na paminsan minsa’y dumadampi sa aking pagkalalaki, baka nag-iiyak din kami ngayon.

para akong nagkaroon ng kaibigang concerned, nagmamalasakit at nagpapamalasakit. ang pagkakaiba lang, nakikita ko ang lagpas kalahati ng kanyang suso. at sa tuwing siya’y maglilikot, o tatayo, ay nasisilip ko ang kanyang panty.

magkahalong gigil at saya, lungkot, takot, hiya, at pagkabagot. ika nga ni ben, “ilang bote lang, gaganda rin iyan.” hindi ko lubos maisip na pati sarili ay kailangang lokohin ni ben.

bihira kaming magkausap, pero alam kong may sarili siyang bersiyon ng akin. ang alam ko lang, may asawa’t anak niya, hindi kasal, isang beses sa isang linggo nakikita ang anak, pero hindi ang asawa. mahal niya, pero ‘di niya inaamin. ‘di niya kayang buhayin, kaya buwan-buwang baon para sa mag-ina at tuition na lang ang sagot niya. “buhay-binata” kung tawagin ni ben, “buhay-sala” sa aking isip.

may nagsasayaw na, may nahahawakan pa. may yumayakap, may nayayakap. may humahalik, may alak, may kuwento. may problema, hindi naman kailangan problemahin. may iniisip, may libangan. may kahihiyan, may dilim na magtatago ng kahihiyan. may takot, may kasama.

limang bote rin bago nawalan ng kontrol sa dila. ‘di ko maalala ko paano nasabi, basta’t sumagot na lang siya. “’di solusyon ‘yan, tol. malilibang-libang ka, pero hindi mo siya makakalimutan sa ganito. maniwala ka sa’kin.” mga payong ‘di akalaing makukuha sa ganitong uri ng lugar, at kay pinky pa.

“gimik kayo, sir?” andiyan nanaman si mama tintin. wala na si ben sa aking tabi. umuwi na si jean nang ‘di ko namamalayan. nakikipaglampungan na si ralph. “gusto mong gumimik sa taas?” bulong ni pinky habang nakapatong ang isang binti sa aking mga hita.

alam ko yata kung ano ang ibig sabihin ng sinasabi nilang gimik. “hindi na siguro. okay na ko. sila?”

sabay kaming kumuha ng taxi ni ralph. iniwan na namin si ben bilang isang oras pa raw bago siya makakausap sabi ni mama tintin. “bigyan mo ko pera, gimik tayo.” text ni pinky. binura ko agad sa gulat at takot. dimuhong ben, sagot pala niya ko sa mga tanong na ayaw kong sagutin. pero nang dumating ang bill, ako pala ang may sagot sa kanya. kung sino pa ang higit na malaki ang kita. kung sabagay, may anak siya.

pero kung hindi siya nagpupunta sa mga ganitong lugar, mas malaki siguro ang naiaabot niya sa kanyang mag-ina.

bago pa sumakay ng taxi, kumakaway si pinky. may itsura naman pala siya. maikli ang buhok, malaki ang mga mata, bilugan, maliit ang labi, katamtaman ang suso, maliit ang bewang, nakagigil na mga binti na tila nahuli ng lambat sa laki ng mga butas ng stockings, maliit na puwet na kung maglakad ay para bang tumatambok.

pero hindi ito ang hanap ko, bye pinky.


“hubad ka na. magtu-toothbrush lang ako.” hawak ang kanyang basket na puno ng toiletries, nagsipilyo siya sa harap ng salamin. at bilang masununging graduate, pumasok ako ng banyo at naligo. walang ilaw, pundido, kaya’t bahagyang nakabukas ang pinto. sumilip si roxanne sa maliit na siwang ng kuweba. natatawa tawa pa habang puno ng bula ang bibig.

“lasing ka ba?” malambing na tanong ni roxanne habang naghuhubad na tila walang nakakakita. “hindi. nakainom lang.” sagot ko. magkaiba naman kasi talaga ang lasing at nakainom. “mahilig ka bang uminom? inom tayo minsan.” habang tinatanggal ang kanyang bra. “ang gwapo mo!” habang tila kinikilig na tumatawa. hindi man lang pinakinggan ang sagot ko. bakit kaya kailangan pa ng mga ganitong papuri, magbabayad naman ako kahit wala. hindi ko tuloy malaman kung gwapo nga ba talaga ko.

“ilang taon ka na?” panibagong tanong ni roxanne habang hawak ang kamay ko at nilalamas ang kanyang malaking suso. “twenty five.” kahit pa halatang bente dos anyos lang ako. “totoo? mukha kang bata. ikaw na nga yata ang pinakabatang naging customer ko. madalas kasi, puro mga may edad na, yung mga tipong galing sa away mag-asawa, o iniwan ng asawa, o walang asawa.”

“subo ko muna.” inilagay niya ang condom at isinubo ang buo kong pagkalalaki. habang minamasahe ang mga kaibigan, tuloy siya sa pagsubo. isusulat kita, sabi ko sa sarili ko. gagawan kita ng kuwento nang malaman nila kung paano ako nakalimot.

umungol, kumapit sa kama, naglaway sa unan. hindi ko alam kung totoo, pero pinaramdam niya sa’king totoo ang lahat. ginawa ko ang ‘di namin nagawa ni joan matapos kong gawin ang lahat ng nagawa namin ni joan. halos makatulog ako pagkatapos. naligo siya at nagsipilyong muli. “ang dami. medyo matamis. ang sarap.”

hindi ko na pinansin ang kanyang sinabi. “maliligo lang din ako uli.” hindi na ko uulit. sa dinami rami ng nagawa ko para makalimot, wala namang nabago. hindi na siguro ako makakalimot.

pagkalabas ko ng kuwarto, tiyaka ko natanggap na hindi na ako makakalimot. habang buhay na siyang mananatili sa akin. hindi ko rin naman siya gustong mawala sa aking isip. gusto ko lang maging ako, mabalik ang dating sigla ng pagiging ako.

“ayos!” sabay sindi ng sigarilyo ni ben. “panalo ‘to, pare.” humingi ako ng isa at nagsindi ng sarili. “ayaw ko na. huli na ‘to.” “sinasabi mo lang ‘yan, pare. pero hangga’t wala pang pumapalit diyan” tinuro ni ben ang dibdib ko, “trabaho man, o babae, o kahit ano pa man basta pagkakaabalahan mo, hindi ka matatahimik hangga’t hindi ka nakakahanap ng kahit anong mamahalin mo na papalit diyan sa joan mo. maniwala ka sa’kin. hindi ‘yan biro, hindi madali, pero kaya. oras lang, pare. kaya sa ngayon, habang wala pa, samahan mo muna ko.” na nasundan ng demonyong tawa ni ben.

“wala na. huli na ‘to. tangina ka, buti naman ngayon nagbayad ka na. hayop ka.”

“pare, chill. sige, sa susunod, ako naman ang manlilibre sa’yo.” anyaya ni ben. lumayo ako, “’di na. mag-iipon na lang ako. hindi ko kailangan ng babae, o kantot. ijajakol ko na lang ‘to, libre pa.” natawang muli si ben. pinatay ang yosi, “sinabi ko rin iyan noon. pero andito pa rin ako, gago, pero hinihintay pa rin ako asawa.”

“ikaw ‘yon. iba ka, iba ako. iba ang kaya mo sa kaya ko, at iba ang kaya ko sa kaya mo.”


“jean, patulong naman dito. paano nga yung format na dapat gawin kapag isesend sa client?” habang nakasilip sa itaas ng cubicle. lumapit si jean sa cubicle ko, “lasing ka nanaman, no?” mabilis kong itinanggi. dalawang linggo na rin akong hindi umiinom matapos noong huling lumabas kami nila ben. yumuko si jean at nag-type sa computer ko. bumagsak ang kanyang buhok sa balikat na dumampi sa kanyang kanang pisngi. “ito lang, basta nasa left side lahat ng margin tapos….” habang inaamoy ko ang mala rosas na pabango niya, “anong pabango mo? bango?”

napatingin siya sa’kin. takang-taka sa tanong ko, “cologne lang,” sagot niya, “bakit?” inamoy niya ang sarili at inamoy ang buhok. sumilip nang bahagya ang kanyang tainga at leeg. tila tinatawag ako. nababangag nanaman ako. “pareho lang naman. pabango ko na kaya ‘to simula dati, parang gago ‘to.”

tumawa na lang ako nang malakas na tila nang-aalasya nang hindi mahalata. sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makabalik siya sa kanyang cubicle. bago pa siya umupo, napatingin siya sa akin. ngumiti ako pabalik. “thank you!” isinigaw ko nang walang tunog. nakangiti pa rin siya. nang lumingon ako, sumisenyas din pala si selya, ang best friend niya dito sa opisina.

nang ibalik ko ang tingin kay jean, “tangina mo! lasinggero!” 

9.14.2012

pagpalaot sa realidad


kung hindi alak ay marijuana ang katabi gabi-gabi.
inuubos ang oras sa pagrolyo, o sa pag-lilinis ng bong sa banyo.
--papalaot sa maalong pagduyan ng mundo;
--sisisid sa pinakamalalim na maaabot
--masalat man lang mumunting kaligayahang nabaon sa limot.
mistulang nagkakakulay ang bawat gabi.
napapatakbo ang oras na kay bagay sa tunay na buhay.
ang buwan kung bilangan, minuto na lang kung antayin.
tingnan mo’t hayan na ang liwanag ng araw.
--tiyaka katutulugan ang kanyang pagsikat
--tiyaka itutuloy ang munting ngiti at pagbigat ng mga talukap
‘di mawari kung alin ba ang realidad,
--kung iyon bang naiwan bago pa magsindi,
--o siyang mga panahong naglalayag na,
--o ito bang aking paghimbing sa kawalan.
palipat-lipat ng dinarapuan.
sa bibig ng orkidyas, sa ligas ng gumamela,
o minsa’y sa mga tinik pa ng rosas.
--pinaghalong mga amoy na iyong ikababaliw
--kung iyo’y tutukuyin kung alin ang kanino.
sa pagkakataong tila walang mali
lahat ay hindi tama, kundi tama lang.
husga ng iba’y hindi mahalaga
‘pagkat may purong sariling kapanipaniwala.
--mga panahong kapanipaniwala ang sarili
--tiyaka matatantong problema’y ‘di naman talaga problema.
--simple ang sagot dahil simple lang naman kung ‘di matatakot.
sa bawat hithit at pag-ubo
ay siyang patunay ng paglaya.
ibinubuga ang hapdi at kalungkutan nitong pag-iisa.
--sa bawat ngiti na madalas ay ‘di kapupulutan ng kahulugan.
--ito ang tunay na kaligayahan.
--totoo at puro.
kakikitaan ng halaga ang bawat bagay.
tugtog, tulad, palabas, o dula.
--dahil sa pagpapabobo sa sarili
--sa basurang naipasok sa kukote,
--ipamamalas ang totoo sa matagal nang inanistisyahang pagkatao.
huwag nang magising
o kung hindi ma’y manatiling tulala
--pagkat sa paggising ay siyang pagbalik
--sa mundong araw-araw ay nais mong iwan.

7.24.2012

kapeng barako


maigi niyang itinupi ang dyaryo at inilapag sa tabi ng libro na nasa mesa. kasabay ng kanyang buntong hininga ang pagtanggal ng salamin. nagkalat na mapuputing buhok sa malinis na gupit ng lalaki. inangat ang tasa ng kape, sinilip at nilanghap na para bang ito ang kanyang magiging huling tasa. bahagya siyang napangiti. tiyaka niya napansin ang malaking larawan ng dagat matapos niyang humigot ng mainit na kape. ang puting parola sa dulo ng pampang.

ang malalakas na alon na ginagapang ang malawak na baybayin. ilang mga ibon na tila saranggola kung magpaanod sa hangin. nagtatampisaw siya sa mababaw na bahagi ng dagat. humahakbang at sinisipa ang tubig habang bitbit ang mga napulot na iba’t ibang uri basag na korales. nakahayap sa kanyang binti ang pinong mga buhangin. maya’t maya’y mapapalingon siya sa lalaking nakaupo sa baybay, mapapangiti at matatakpan ng kanyang buhok. manaka-nakang kukunan siya ng litrato ng lalaki. sa mga pagkakataong hindi niya napapansing nakatingin sa kanya ang lalaki, pipitik ng isa, dalawa, ang lalaki. tatayo siya at lalapit nang bahagya upang makakuha ng ibang anggulo. nakapagtataka lamang na sa bawat pindot niya sa kamera ay tila hindi mahanapan ng mali. ang kanyang ngiti. kanyang buhok na kung minsan ay tinatakpan ang bahagi ng kanyang mukha. kanyang mga mata na masisilip ang kislap mula sa nagkakahel na tubig dahil sa pagtatakip silim.

maghahabulan ang dalawa. matatalsikan ng tubig alat sa mata at mabilis na tatakbo palapit ang lalaki. iaabot ang kanyang kamiseta pamunas sa mata. at matatawa na lang ang dalawa dahil basa rin ito sa tubig dagat.

mabilis na nagdilim ang paligid. makulimlim na kalangitan kasabay ng malalalim na kulog mula sa malayo. “tara na.” yayayain niya ang kasamang babae at patakbong pupunta sa pickup truck na nakaparada. bubuhos nang malakas ang ulan. at bago pa sila makapasok ng sasakyan, basang-basa na ang dalawa. at dahil biglaan lang ang lahat, wala silang baong damit kundi ang jacket ng lalaki na gamit lang niya tuwing malamig.

lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. hinagkan ni maris ang jacket. pinaandar ni dan ang sasakyan, “hanap tayo ng masisilungan. magpatuyo tayo.” natatawa pa ang dalawa. at sa bawat paglipat ni dan ng kambiyo ay ibabalik niya ang kamay sa palad ni maris. hihigpit ang magkahawak na kamay.

ang walang katumbas na saya sa tuwing maglalaro ang dalawang kamay. sa gitna ng ulan, dilim, at daanang ‘di na malaman kung saan patungo.

“at some point sa buhay natin, kailangan nating mapag-isa—para maging independent, makita ang mas malawak na galaw ng mundo, matutong tumayo sa sariling paa at habulin ang hinahanap ng puso at iba pang mga bagay. para alam mo lang kung ano’ng meron sa labas. pero hindi naman ibig sabihin lagi noon ay hindi mo gusto yung iniwan mo. it’s just that we learn most when we experience stuff.” natigilan siya. nakatitig sa kanya ang mahigit kuwarentang estudyante. “tiyaka mo matutukoy talaga sa sarili mo kung ano ang gusto mo, kung ano ang mas mahalaga, at kung ano ang hinahanap-hanap mo. tiyaka mo habulin.”

nagtaas ng kamay ang isang bata sa likod. bago pa muling mag-ingay ang klase, napalingon sila sa batang nakataas ang kamay. “sir, bakit pa po kailangan pumasok sa school kung mas matututo naman through experience?” bago pa natapos ang tanong, nagsigawan ang mga estudyante na para bang nanonood ng basketball sa liga. napangiti si dan. “basic muna bago ang lahat. hindi naman ibig sabihin lahat through experience mo matututunan. kung ganoon lang din, sayang ang oras. makinig din tayo sa karanasan ng iba, magtanong, tiyaka natin subukan kung sa tingin natin ay may mas makikita pa tayo.”

hindi naman talaga nagtuturo ng religion si sir dan. madalas niyang sabihin, ang relihiyon, gabay lang iyan. andiyan iyan upang hindi tayo maligaw. subukan man natin kumabilang bakod, alam natin sa sarili nating matagal na itong ipinagbawal. madalas siyang magkuwento ng kanyang mga karanasan. mga napuntahan. at ano ang mahalaga sa buhay.


at kahit pa sa pag-iyak ni maris, tumalikod siya. pilit hindi lumingon. buong lakas na pinigilan ang pagtulo ng luha. dahil hindi maaaring maging malambot sa mga pagkakataong kailangang maging matigas sa desisyon. hawakan at hilahin man siya, pilit siyang pipiglas. hindi dahil ayaw niya. hindi maaari. at alam niya sa sarili niya, sa kaunting hawak, o yakap, ay bibigay siya.

pinagsasapak niya ang pinto ng sasakyan.

pasakay si dan ng sasakyan pauwi nang madaanan siya ng kanyang mga estudyante. “sir dan, bakit po hindi pa kayo magpalit ng sasakyan?” tanong ng isang lalaking estudyante. muling napangiti si dan, “iba kasi ang pickup sa lahat ng sasakayan.”

estudyante: “paanong iba?”
dan: “kapag ang pickup ay brand new, maganda tingnan. astig, hindi ba?”
estudyante: “opo. lalo na kapag 4x4!”
dan: “pero kapag ang pickup, naluma, mas gumagwapo kasi may character. hindi katulad ng mga kotse.”

umuulan ng malakas. tila pati langit ay nakikiramay sa kanyang pag-iisa. at sa gitna ng dilim at malakas sa hagupit ng bagyo, titirik ang pickup.

sinubukan niyang makisilong. kumatok siya sa bahay-bahay, ngunit tila sa lakas ng ulan at kulog ay hindi na marinig pati ang kanyang katok. sinuwerte lang siya nang may isang nagpapasok sa kanya at nagpahiram ng pamalit na damit.

sa mga umagang kahit walang almusal ay hindi problema, basta’t may kape. inabot ng may-ari ng bahay kay dan ang tasa, “kapeng barako kaibigan.” kinuha ni dan.

walang gatas. walang asukal. hinigop niya ang kapeng barako, puro at matapang. nagpapatapang sa mga nasanay sa gatas at asukal.

sa mga ganitong umagang mabagal ang oras. ngingitian siya ni maris kasabay ng almusal na kung hindi sunog na itlog ay basag. ngunit tila ang kanyang mga labi sa akin ay ang tunay na almusal, panulak ang kapeng kung tawagin niya’y “latte kung latte” sa rami ng gatas na halo.

o kung hindi man ay ang kanyang mukha na bubungad sa akin pagdilat matapos niya kong dagnan. uupo siya sa aking dibdib at pilit gigisingin. itong mga alaalang sana’y andirito nang higit na ganahan bumangon at maghakot ng pananim.

dito rin ako natutong magbalisong. sa ilalim ng bahay, malapit kung saan palaboy ang mga manok, tinuruan ako ni dante, kapatid ng may-ari ng bahay, kung paano gumamit ng balisong. ito raw ang pinakamabilis na kutsilyo dahil hindi na kailangang hugutin pa. basta hawak mo ay para na raw itong nakabukas. madali kung mabagal, ngunit aanhin ko ang mabagal na paggamit ng balisong. “bilisan mo!” sigaw ni dante. at, naipit ang aking daliri. tumagas ang dugo mula sa aking tatlong daliri na nahiwa.

at tatakbo si maris pa rito kung saan kami naroon. kunot na noo at puno ng pag-aalala. gagamitin ang kanyang panyo upang punasan ang nagkalat na dugo. “diinan mo [para tumigil ang dugo]” at hindi na siya makapagsasalita. tititigan niya ko nang masama, ngunit walang sasabihin kundi, “kasi.”

ngunit tuloy pa rin ang paglabas ng dugo mula sa sugat. hinila ako ni dante sa poso at doon ko hinugasan ang sugat. nagsusumigaw ang lahat. ngunit tila hindi ko pa nararamdaman ang sakit. tiyaka ko na lang naramdaman ang kirot at hapdi nang balutin ko ng kamiseta.

patuloy ang palitan namin ng sulat. hindi na kami nagkakamustahan. puno lang ng kuwento ng mga nangyayari sa amin—sa kanyang trabaho, sa bahay, sa kanyang kapatid, at kung anu-ano pa. masaya ako sa tuwing nagsusulat para sa kanya. para bang naipapakita ko kung anu-ano ang mga nakikita ko sa mga napupuntahan ko, mga natututunan ko, at nalalaman. bawat bayan na paglagian ko, magpapadala agad ako ng sulat upang malaman niya kung nasaan ako. paligoy na sinasabing ‘okay ako, huwag kang mag-alala.’ pilit kong ikukuwento nang buong detalye ang mga ganap sa aking buhay, ngunit tila laging kulang—para bang hindi ko lubos na masabi sa kanya sa mga nangyayari.

malakas nanamang muli ang ulan. ang lupa ay lumambot at ngayo’y putik na’y halos ‘di na madaanan ng dyip na magdadala ng mga kalabasa sa maynila. pansamantalang pinutol ang kuryente upang makaiwas sa sunog.

yakap ang sarili, nangangatog. sinusubukang magtimpla ng kape gamit ang maligamgam na tubig. kape na ‘di humahalo sa tubig kahit anong paghalo pa ang gamitin. naiisip kong umuwi na lang sa mga panahong iyon. kung may uuwian man, gusto ko nang umuwi noon.

noong nasa batangas ako. pinadalhan ko si maris ng kapeng barako. sabi ko pa sa maliit na note, “huwag niyang araw-arawin at bago sumakit ang puso niya.” noong nagawi ako sa laguna, pinadalhan ko siya ng wood carving at saya. sabi ko uli sa maliit na note, “wala munang buko pie at baka masira. itago ang saya at magsayaw kami sa pagbalik ko.” hindi ko nailagay kung kailan ang aking balik. hindi na siya sumagot matapos noon. kahit pa sa mga susunod na padala ko sa kaniya, palagi namang may note na kasama, hindi na siya sumagot. at kahit pa ano ang aking ipadala, hindi rin nito napunan ang pangungulila ng aking sarili.

hindi naging madali ang pauwi. tulad ng mga biyaheng pauwi, higit na mahaba at matagal, malubak at nakababagot na para bang hindi nauubos ang daan. kung gaano kataas ang sigla ko noong ako’y lumuwas pa-maynila, ganoon kabilis nagloko ang sasakyan. tila ang karakter nito ay nang-iiwan din.

madaling araw noon, mahamog. kinailangan kong maghanap ng mekaniko. sa isang bayang hindi ako pamilyar, kinailangan ko nanamang makiusap at magtanung-tanong. nararamdaman ko na ang sakit na paparating. mabibigat na ubo at walang tigil na sipon. nilalamig sa mahamog na dilim.

“nakatutuwa lang makinig sa mga kuwento, pero kahit paano mo tingnan, kuwento lang sila at mananatiling kuwento.” tumayo si dan at sumandal sa blangkong pisara. tila nawawalang mga bata na makikita sa kanilang mga mukha. “oo, tama namang makinig tayo sa mga kuwento, magtanong, magmasid. sabi ko nga, basic.” pero no matter how many stories i tell you, these are just stories.

hindi ko na alam kung paano ko ikukuwento kay maris ang mga napagdaanan ko. ang sabi ko na lang, “sana nakita mo.”

“sana andoon ka.” kasi habang lalo akong nagkukuwento, mas lalo kaming nalalayo sa isa’t isa. ibang iba ang mga kuwento niya sa akin na wala na kaming mapag-usapang pareho.

at sa tabi ng malaking bintana, napangiti si dan matapos muling humigop ng kape. muli siyang dumampot ng dyaryo at nagbasa. sa bawat nakatakong na masisilip ni dan, siya niyang titingnan. sisilip sa orasan na nakasabit sa pader ng coffee shop na katapas lamang ng opisina kung saan pumapasok si maris. at muli siyang magbabasa ng dyaryo.

kung minsan, malalaman na lang niyang nakalabas na si maris. sa mga pagkakataong ito, magmamaneho siya kung saan nakatira si maris. sisilipin niya ang bintana kung nakabukas ba ang mga ilaw nito. sisilipin ang garahe kung nakabukas din ba ang ilaw. at tiyaka siya makauuwi nang panatag.

maglalakad-lakad siya sa paligid. makikipag-usap sa guwardiya ng opisina kung saan pumapasok si maris. makikipagkuwentuhan sa may-ari ng coffee shop na nasa tapat ng opisina. magtuturo sa klase, makikipagbiruan sa mga estudyante. kakalap ng mga kuwento, magtatago ng kuwento nang may mapag-usapan kapag nagkitang muli.

“sa mga pagkakataong maabutan ko ang kanyang paglabas, mabilis ko siyang lalapitan.”

tatanungin ko kung maaari ko siyang ihatid pauwi. “on the way naman ako” idadahilan ko. o kung hindi man ay, “andoon lang ako kanina, nakita lang kita.” kahit pa alam naman niyang hinihintay ko siya. hindi rin naman siya papayag. huwag na at madali lang naman daw umuwi. kaya naman daw niya.

kinaya nga niya nang wala ako. ngayon pa kaya. sa mga pagkakataong maabutan ko siya at tumanggi siyang magpahatid sa akin, susundan ko ang bus na sasakyan niya. at bago pa siya makapasok ng bahay, bago pa siya makapagpalit ng damit at makapaglapag ng gamit, muli ko siyang lalapitan.

dan: gusto mo magkape?
maris: ba’t andito ka?
dan: o, dinner na lang. kumain ka na ba?
maris: sinundan mo ko?

at, isang usapang walang katapusang tanungan.

“two lattes, sir?”

“yes. thanks lizette.” sagot ni dan habang kinukuha ang dalawang tasang latte.

“if i could just paste her on the places i’ve been to and close my eyes and see her there... with me.”

“aww....” sigaw ng mga babaeng estudyante ni dan habang nagtatawanan ang mga lalaki.

bumukas ang pinto at tumunog ang maliliit na batingaw na nakasabit sa hawakan. pumasok ang isang babaeng may ilang puting buhok, nakangiti kay dan. kanyang kutis na halos sing puti ng perlas na nakasabit sa kanyang tainga. lumapit siya sa mesa kung saan nakaupo si dan.

naririnig ni dan ang tunog ng takong ni maris.

“’ris, latte mo.” inaabot ni dan ang kape habang pauwi si maris sa kanyang harapan.

“i was just telling them how much i missed you.”