11.15.2011

panawagan sa mga naupo sa’king tabi.

bago siya mamatay, sabi niya sa asawa, “huwag ka sanang magagalit, o magselos man lang. gusto ko lang sana isulat lahat ng mga bagay na nasa puso ko bago pa ko....” napatigil siya nang mapansing tumatango na ang babaeng nakaupo sa kanyang kama malapit sa kanyang paanan. namumugtong mga mata, kulubot na kamay na mahigpit na nakakapit sa kumot na tila ba nakakapit at kapag bumitaw ay mahuhulog sa ‘di mawaring taas ng bangin. ngumiti ang matanda at mabagal na umupo rin upang kumuha ng lapis at papel.

panawagan sa mga naupo sa’king tabi.

malamang ay nakasakay na ko limousine sa mga panahong ito, o kung hindi man ay naka-alis na ko nang tuluyan. pero bago ang lahat, gusto ko lang sanang maipaalam sainyo ang ilang mga bagay.

sinilip niya ang matanda na ngayon ay nakahiga nang muli at taklob ng malaking puting kumot. muli niyang isinara ang pinto at muling ibinuklat ang sulat.

huwag na tayong maglokohan. hindi naman ako natutulog lang. bukas, makalawa, o kahit ilang taon pa, hindi na tayo magkikita-kita pa. hindi rin naman ako naniniwala sa langit kaya’t ito na malamang ang huling pagpaparamdam ko dahil bukas, makalawa’y kinakain na ko ng mga uod at kung ano mang salot ng lipunan. kaya naman bago ang lahat, kailangan niyong malaman:

mahal kita. kung nagkausap tayo ng higit sa tatlo o limang beses, nagkasama tayo sa ilang mga lakad na hindi naman kailangan, siguro’y marapat lamang na malaman mong mahalaga ka sa’kin. naging mahalaga man, o mahalaga, hindi na ito kailangan pang pag-usapan pa. basta, mahalaga ka at masaya akong nakilala kita. huwag damdamin kung minsan ay ‘di ka nabati sa iyong kaarawan, o kailanman ay ‘di ka nabati. hindi ako matandain sa petsa at ngalan, hindi dahil hindi ito mahalaga... o siguro nga’y hindi naman ito mahalaga bilang maaari naman kita pakitaan ng pagtanaw ng utang na loob kahit hindi mo araw ng kapanganakan. ang mahalaga, naaalala kita sa ilang mga sandali ng buhay ko.

mahal ko ang trabaho ko. sa mga taong iniwan ko para hilig ko, sa mga taong hindi ko nabigyan ng oras dahil kinailangan kong unahin ang paghahanap ng lente o pagpunta sa hidalgo, sa mga taong nakagalitan ko dahil hindi niyo nirespeto ang trabaho ko, sa mga taong hindi ko kinaibigan dahil wala kayong interes sa ginagawa ko, sa mga taong natulungan at naturuan—maliit man o malaking bagay, salamat nang marami at pasensiya na po. ang pagmamahal ko sa aking trabaho, ang pagkalibog ko sa aking napiling hilig ay hindi ko maaaring maipagpalit sa kahit ano. pasensiya na po. sana’y intindihin niyo ang pagiging matigas ng aking ulo, sa pagpilit sa aking paniniwala na may mararating ako sa napiling pagkalibugan, sa pinakamamahal kong trabaho na nagturo ng marami sa’kin dahil kung hindi ko ito pinaglaban ay malamang... hindi ko alam. malamang ay patay pa rin naman ako ngayon.

natawa siya nang mabasa ang huling pangungusap ng talata kasabay ng pagpapadulas ng luha na sinalo ng papel. kumalat nang bahagya ang tingga sa papel.

uunahin ko sana ito, ngunit hindi ko alam kung paano uumpisahan. mahal ko kayo, aking pamilya. sa ating magkakapatid, alam naman natin kung sino ang may pinakamatigas ang ulo, kung sino ang hindi sumusunod sa mga bilin, nagsisinungaling, mainitin ang ulo, at mahilig sundin ang sariling paniniwala’t diskarte. alam ko namang mahal niyo ko, pero siguro’y kailangan niyo ring malaman na mahal na mahal ko rin kayo. sa labis na pagmamahal ko sainyo, hindi ako nakikialam sainyo, huwag lang kayo sasaktan na labis. hindi ako magiging katulad ng mga kapatid ni papa, ano man ang mangyari. hindi ko guguluhin ang buhay niyo, hindi ko sisiraan ang asawa niyo sainyo, o ang asawa niyo sa anak niya. hindi man ako nakapagbibigay ng regalo sa mga anak ninyo, hindi ibig nitong sabihin ay mawawala ako sa paligid. ako ay manananatiling kapatid. isa lang siguro, kapag napaaway ang inyong mga anak at walang ginawa ang tatay nila, hindi ko maipapangakong wala akong gagawin.

ma, hindi ko man masabi sa’yo kung gaano ako nagpapasalamat sa dami ng aking natutunan, gusto kong malaman mo, mahal na mahal kita. kung hindi man ako sumusunod sa mga utos mo minsan, kung mas sinusunod ko pa madalas ang aking mga paniniwala, kung gabi ako umuuwi, kung napapaaway ako, kung nagsisinungaling ako at alam ko namang alam mo ngunit hindi mo sinasabi na alam mo, kung pinahiya man kita sa kahit anong paraan, gusto kong malaman mo na ganito ako dahil tinuruan mo kong maging matatag—maging matibay sa lahat ng pagkakataon at maging handa sa lahat ng maaaring mangyari. kung hindi man ako madalas lumalapit sa’yo, ito’y hindi dahil hindi kita kailangan. gusto ko lang na mapatunayan sa’yo na natututo ako. hindi naman kita pinahiya, hindi ba? sa pagpapalaki mo sa’kin, sa’min, wala kaming hihingin pang iba. sapat, sobra-sobra pa. minsan nga, hinihiling ko na minsan, isipin mo rin ang sarili mo. alam kong kami ang nagpapasaya sa’yo tulad ng lagi mong pinaparamdam sa amin, ngunit higit din kaming maliligayahan kapag nakita ka namin muling magpinta, magsulat, makapagturo, magawa ang mga hilig mo ring gawin maliban sa alagaan kami. salamat ma.

pa... sayang at mabilis lang ang naging pagsasama natin. mabilis kaming lumaki sa iyong paningin, pero gusto kong malaman mo na tinitingala kita. lagi kong kinukuwento sa aking mga kaibigan ang mga kuwento mo noon—kung paano mo binuo ang una mong sasakyan na owner-type jeep na de-aircon at kung paano mo ito binuo para maging pang-karera, kung paano mo sinikap na mag-ipon para umasenso at maging maayos ang buhay namin, kung paano ka nagpapalit-palit ng kotse dahil ayaw mong nagco-commute kami, kung paano ka magmaneho at kung saan kayo kumakarera ng pinsan mo, kung paano mo niligawan si mama at kung paano mo inalagaan ang ating mumunting ari-arian. nanghihinayang lang ako’t bitin na bitin ang aking puso sa iyong mga kuwento. alam kong mahal mo kami, at ganoon din ako. mahal kita. mahal kita kaya nagagalit ako sa tuwing gagaguhin ka ng iyong mga kapatid, sa tuwing sisiraan nila sa mama sa’yo, kami sa’yo, at kapag binabastos ka nila sa harap ng maraming tao. alam kong nasasaktan ka. alam kong mahal mo rin sila, pero dahil hindi sila matimbang sa aking paningin, nakikita ko ang nangyayari. huwag ka sanang tamarin at mawalan ng pag-asang makalakad muli at maging maayos ang paggalaw. na-stroke ka man, hindi ibig nitong sabihin ay katapusan na ng mundo. nag-uumpisa pa lang ang lahat. huwag ka sanang panghinaan ng loob, hindi ka namin pabababayaan. ano ka ba, papa ka kaya namin.

at para sa mga minahal ko na nawala—iniwan ko man o iniwan ako.

lumaki ang mata niya nang mabasa ang lapis na nakaguhit sa papel. inulit niyang binasa ang nakasulat. huminga ng malalim at nagpatuloy.

at para sa mga minahal ko na nawala—iniwan ko man o iniwan ako. mahal ko pa rin kayo. hindi naman nawawala iyon. (huwag ka sana magselos, mahal. ikaw naman ang narito. iyon ang mahalaga, hindi ba?) marahil makalimutan ko ang iyong apilido, kaarawan, o maging ang araw kung kailangan mo ko sinagot, ngunit hindi ang ating pinagsamahan. naaalala ko naman kung paano ka ngumiti kapag sinasabihan kitang maganda at bagay ang iyong suot, kung ano ang aking naramdaman nang una tayong naghawak kamay, kung paano ko binigay ang una kong regalo, at marami pang iba. naaalala ko pa rin naman kung paano ka kiligin, kung ano ang nagpapakilig sa’yo, kung anu-ano ang hilig mong kainin, at kung ano ang ulam na ni kita ay ayaw mong makita. hindi naman mawawala iyon. pero hindi ibig nitong sabihin ay maaari na muling maging tayo. ganito na lang muna sa ngayon, maayos naman, hindi ba?

mahal ko. oh, huwag na magselos, huwag na magtampo, o kung ano pa man yan. panawagan lang naman ito. ang mahalaga ay ikaw ang narito ngayon, ikaw ang katabi ko sa panahong ito habang hirap akong huminga. ikaw ang higit na nakakausap ko sa lahat. ikaw ang narito at ikaw ang nakasabay sa aking trabaho. ikaw ang kilala ng aking pamilya at ikaw ang aking kinukuwento sa aking mga kaibigan kapag ika’y ‘di kasama. ikaw ang dadalhan ko ng bulaklak sa mga araw na maramdaman kong nais kitang dalhan. ikaw ang paghahainan sa tuwing maunang maging sa umaga. ikaw ang ihahatid at susunduin, ikaw ang kasabay sa pagtulog. ikaw ang nanay ng aking mga anak, ang lola ng aking mga apo. ikaw ang nariyan, ikaw ang hinihiling na manatili.

“aba! sabi ko naman sa’yo itago mo sa kaha de yero ang sulat na ‘yan!” biglang sigaw ng matanda kasabay ng mabilis na pagbukas ng pinto. “ay nakooo! ang daya naman, e! kailangan nga ma...” napatigil siyang muli. “oo na, oo na. ilalagay na, ‘di ko na tatapusin. magpahinga ka na.”