7.13.2011

kaktus, makaraos, at pagbaliktad ng mundo

madalas sumagi sa isip ko ngayong tuyot na ang lahat, paano o sana nagbunga na lang ang ilang mga pagkakataon. matatapos ang araw na ‘di maamin sa sariling may nais. napupuno ng panghihinayang na nagpapabigat sa kamang hinihigan. sasara ang mga talukap upang makapasok ang mga pangyayari ng kabilang buhay na ‘di nasabuhay. bilanggo ang isip at ang supling nito. ilang sandaling umaabot ng buong siglo. ano mang hangin at init, kaya naman yatang tiisin.


ilang beses dumulas kapag nagsasabon. pinupulot na nga, parang ayaw namang magpahuli. doon pa nga yata nauubos ang sabon ko imbes na pabulain sa katawan. wala nga yata talaga kong galing sa mga ganitong bagay. ayaw ko lang paniwalain ang sarili, pero kahit anong higpit ng hawak ay mapakakawalan rin.


maggupit kaya ko ng buhok ngayon? maiba lang. ang maging iba na naaayon sa nais mo. isang karakter sa isang kuwento na may sariling katangiang kapag nakita ay siya iyon, kapag naamoy ay siya iyon, ito siya at ganito ang buong pagkatao, ito ang ginagawa niya at ito ang paniniwala niya. kapag nakita, kilala. makikilala. sadyang matagal ang mga dyip sa maynila. kapag natutulala, ‘di maiwasang bumaba ang isip at maglakad o tumakbo na lamang. kakawala ang isip. buti na lang at nakababalik. paano kaya kung ‘di makabalik? mawawala ang lahat at kailangang kumuha o gumawa ng bago. kapag naman bumalik, natutuloy ang pagpapagupit. hindi naman ako nagsisi sabi ng isip.


niluto nila ang sisig sa ilalim ng tanghaling tapat na araw. tumatalsik talsik pa ang mantika. sabi ng kusinero, mas mabilis pa raw maluto ang mga sisig nila kumpara sa sisig na luto sa kalan. mabilis akong tumakbo, hindi sa takot, kundi para ipamalita ang nakita. bumalik akong mag-isa. sabi ko, nagbago ang isip ko. imbes na ikimkim, isinigaw ko na lamang sa langit. narinig kaya ng mga ibon?


nanunuyot na ang lalamunan kalalakad. sumuko na sa kasisigaw at kahahanap ng kukuwentuhan. namamalat na labi at nanginginig na mga mata. makapal na palad at nangungulubot at sugatan na talampakan.


nangako ako kahapon na ‘di na uuwi. hindi ako uuwi. kahapon ba iyon o noong nakaraang linggo? o ilang buwan na ba? taon? makakalimot kapag walang kalendaryo. kapag walang magpapaalalang maliliit na bagay. huwag nang banggitin pang wala man sa disyerto, wala pa ring tao.


titilaok ang manok ngunit ‘di na sa umaga. pababa na ang araw. baliktad na ang mundo at matagal-tagal na ring walang ilan. may ambon, ngunit aanhin naman. pansamantalang babasain ang kalsada, papaasahin, pasisingawin lang pala ang init na mahimbing .


sa pagligo na lang kung isipin ang ulan. malakas at malamig na lambing ng tubig sa aking nanunuyong balat. lokohin mo pa ang isip. naninigas na balat ng kaktus na nakatapat sa araw na nakadungaw sa bintana habang nakaupo sa maliit na paso, ngunit kanyang paso. mamanhid at tuluyang makalimot. hindi na bihira ang mga pagkakataong ganitong uri. araw-araw ba naman. maiikling pikit at maya’t mayang pagbuhos ng ilang ito, sanayan lang, at makararaos din.