7.02.2011

isang boteng tubig

tumigil sa isang maliit na bayan para bumili ng tubig at tinapay na makakain sa daan. kailangan na rin niyang magpahinga ng ilang oras at masakit na rin ang mga paa. makulimlim ang langit nang tumingala siya. “tubig” sinabi niya sa sarili. tubig muna at tuyung-tuyo na ang lalamunan. dalawang araw din siyang walang nainom na tubig, tanging laway na paulit-ulit na nilulunon maloko lang ang sariling isip na may tinatanggap ang katawan.

“tao po?” sabay katok upang makatawag pansin. “pabili ho ng tubig.” sunod niyang sinabi sa nawawalang tindera. ilang tindahan din ang pinuntahan bago nakabili ng tubig. tiyaka na lang niya nalaman na kaunti na lang din ang tubig sa bayang iyon. ang lahat ng laman ng kanyang pitaka dagdag pa ang kuwintas na bigay sa kanya ng kanyang ina kapalit ang dalawang boteng tubig. wala mang kasiguraduhan, pero kailangan niyang iwan ang kuwintas upang makarating sa kabilang bayan. babalikan niya ito pagkatapos ng mahabang paglalakbay. “matatapos na rin naman, hindi naman siguro ito mabebenta agad.” pero hindi na niya ito aabutan sa kanyang pagbalik. sa kanyang pagbalik, hindi na niya dadaanan ang mga nadaanan. hindi na siya hihinto sa dating nahintuan upang hindi na makasalamuha ang dating nakasalamuha.

pagkakuha’t pagkakuha niya ng dalawang bote ng tubig ay bumagsak ang ulan. mabilis na nagtakbuhan ang mga tao sa gitna ng kalsada, nagsisisigaw at nagtatatalon habang hawak ang kanya-kanyang balde’t tabo. mula sa pinakamalaking lalagyan na kayang sumalok ng tubig hanggang sa baso ay hinarang nila sa kalsada waring bendita na nakagagaling at nakatatanggap ng kahit anong sakit. uhaw na uhaw ang mga tao sa ulan, sa tubig.

imbes na makisabay sa nagkakagulong madla. tangan ang dalawang bote ng tubig, pumasok siya sa isang motel at nagtanong ng pinakamurang kuwarto. wala naman siyang pambayad kahit gaano kamura pa ito. ngunit kailangan niya ng tutuluyan. “ilang oras lang na tulog at aalis din ako, magkano ang pinakamura?” ayaw siyang tanggapin ng may-ari ng motel. sa asta ng pagtingin ng may-ari sa kanya, walang maipambabayad ang lalaking ito na gulagulanit ang damit, nanlilimahid, at napupuno ng putik ang sapatos. hindi siya sinagot ng may-ari. “wala akong pamayad pero may tubig ako.” sabay patong niya ng isang bote ng tubig sa la mesa. tahimik pa rin ang may-ari.

isinilid niya ang natirang bote sa bag at naglabas ng balisong. lumapit sa may-ari at iniabot ang hawak na balisong. “ito lang ang meron ako. hindi balisong kahoy ‘to. sandali lang naman, magpapahinga lang ako at magpapalipas ng ulan.”

kasabay ng pagkuskos niya ng mga dumi at putik ay ang pag-alala kung paano niya ‘to nakuha, at kung saan. nilabhan ang nangingitim na damit at humiga nang nakahubad. mabilis siyang nakatulog, ‘sing bilis ng labing dalawang oras na ibinigay sa kanya ng may-ari. mabilis siyang bumangon nang marinig ang katok sa pinto. tuyo na ang kanyang damit ngunit hindi ang sapatos. mamasamasa pa ang sapatos na isinuot nang mabilis mabuksan lang agad ang pinto. kailangan nang umalis.

palabas na siya ng motel nang patakbong lumapit sa kanya ang may-ari. nang lumingon siya, agad niyang nakita ang batang hawak ng lalaki. nasa kabilang kamay naman nito ang bawas na bote ng tubig at balisong niya. “isama mo na ang anak ko papunta sa kabilang bayan. ibabalik ko ang mga ipinambayad mo sa’kin. dadagdagan ko pa. sige na, nakikiusap ako. pawala na ‘tong bayan na ‘to.” pakiusap ng matandang may-ari ng motel. “nakikiusap ako.”

pilit niyang iniwasan ang nagluluhang mata na ngayon ay higit na ama na kaysa sa may-ari ng motel. gustuhin man niya, hindi niya kaya. paalis na siyang muli nang mahigpit siyang hinawakan ng lalaki. nangungusap ang mga mata ng batang tila nasa dalawang taong gulang pa lang. paluhod na ang ama nito. “kamamatay lang ng nanay niya.”

“hindi ko kaya.” matigas niyang sinagot ang pakiusap ng matandang nakaluhod sa bunganga ng lumang motel.

at habang papaalis na sa bayang iyon, paulit-ulit niyang pinaliliwanag sa sarili. “..dahil babagal ang paglalakbay ko kung isasama ko siya. mabilis mauubos ang tubig na baon dahil dalawang bibig ang kailangang painumin. at marahin, hindi rin kami aabot sa susunod na bayan kung ganoon ang mangyayari. “hindi ko kaya” dahil ito dapat ang sagot. gustuhin ko man, mas maigi siya riyan. umuulan na kahit paano, pero ako, itong bote lang na ‘to ang nag-iisang lalagyan ko na maaaring gamitin pangsalok ng ulan. at kailan pa ang susunod na ulan?”

“mahalaga ‘tong paglalakbay na ito. hindi man mahalaga sa karamihan, mahalaga pa ito sa aking sarili. pangarap ko ito. at kung ‘di man ako makarating, kahit papaano ay gusto kong maging sigurado na masasabi kong sinubukan ko. sinubukan ko nang buong lakas, pinag-isipan ko ang bawat pagkakataong kailangan, at ito na ang pinakamakakaya ko.”