7.03.2011

hamburger steak special set

mainit ang mga araw ng linggo, pero ‘di sing-init ng ibang mga araw. kakaiba ang linggo. noong bata pa ko, naisip ko, siguro ay dahil araw ito ng diyos. marami ang nagsisimba at nakaaalala sa diyos. noong tumanda-tanda ako nang kaunti, naisip kong kalokohan ito. kakaiba ang init ng linggo dahil walang pasok. kakaunti ang mga taong lumalabas ng bahay upang pumasok kung kaya’t kakaunti ang polusyon.

isa ito sa mga linggong iyon. walang pasok kung kaya’t nasa bahay lang at nagpapalipas lang ng oras. tinawag ako ni papa, “kain tayo sa labas.” katatanong ko lang sa katulong noon at kasasabi lang sa’kin na kakatapos lang ni papa kumain. “kakatapos mo lang daw kumain.” sagot ko. tumawa lang siya at pinatawag si rj, ang drayber namin.

mag-iisang taon na si rj sa’min. simula nang ma-stroke si papa at ‘di na makalakad, kinailangan naming kumuha ng magmamaneho para kay papa, magdala sa kanya sa kung saan-saan at tumulong sa kanya gawin ang mga bagay-bagay na ‘di na magawa.

pumasok ng kuwarto si rj at nilabas si papa ng kuwarto. naiwan ako sa kuwartong boses lang ng radyo ang maririnig. ang ilaw na nagmumula sa alas kuwatrong araw at mapanghing amoy na pumapaikot sa maliit na opisina ni papa. nagkalat na upos sa sahig at la mesa. napansin ko ang kupas na litrato namin, ang passport size kong litrao katabi ng 1x1 ng aking kapatid, isang maliit na family picture na halos labing limang taon na, katabi ang kalalagay lang na graduation picture ko. “madadagdagan pa kaya ‘to?” natanong ko sa sarili.

“hamburger streak o roast beef?” pinapili ko siya. mabilis siyang sumagot. “hindi. hamburger streak.” katatapos ko lang kumain kaya naghanap ako ng salad. “isang hamburger streak, tiyaka isang asian salad.” mabilis na dumating ang salad. kumain ako ng kaunti upang matikman, “ang asim naman nito!” ilang sandali ay dumating din ang hamburger steak ni papa. kumunot ang kanyang noo sabay tinuro ang steak, “nasaan yung tinapay!” mabilis akong sumagot, “walang tinapay. burger lang tiyaka spaghetti.”

mahina na ang kaliwang kamay ni papa dahil sa stroke. unang tinamaan sa kanya ang kanang kamay. pagkatapos ng unang stroke niya, nagpalit kami ng sasakyan upang makapagmaneho pa siya. automatic na ang sasakyan namin nang ma-stroke siyang muli. buti na lang at nasa bahay siya noon. dahil sinabi ng kapatid niya na mabuti ang saging, marami raw potassium, kumain siya ng marami. tumaas ang asukal at muling na-stroke. kaya naman nadagdag sa listahan ng kanyang sakit ang high blood. diabetic kasi siya, ngunit bagaman ganoon, patuloy pa rin sa siya pag-inom ng alak at pagkain ng mga mamantika’t matatamis. kumbaga, kung ano ang bawat ay siyang masarap, at kung ano ang masarap ay siyang nauuna. nitong huli, tuluyan nang tinanggal sa kanya ang karapatang makapaglakad. nanghina ang kanyang mga paa at kaliwang kamay. hirap na rin siyang makapagsalita nang maayos, parang nasasamid kapag lumalagpas sa isang pangungusap ang sasabihin.

sinubukan niyang hiwain ang burger steak gamit ang kanang kamay. gumagalaw ang steak at naitutulak ang spaghetti. “akin na.” kinuha ko ang hawak na kutsilyo at tinusok ang steak. matapos kong hiwain, hinalo ko ang spaghetti dahil alam kong mahihirapan siyang haluin ito. halos di na rin niya kasi ginagamit ang kaliwang kamay sa kahit anong bagay. tila kasabay ng pagkawala ng libog niya sa buhay ay ang pagkawala ng gamit ng kaliwang kamay. tatawa siya ng malakas at muling matatahimik sa tuwing tutulungan ko siyang gawin ang isang bagay.

sinunod niya ang spaghetti ngunit ‘di maiwasang matapon. nagkalat ang maliliit na pasta sa la mesa at wheelchair. “punasan mo muna.” inabutan ko siya ng tissue. mabilis naman niyang kinuha, ngunit imbes na sa upuan ng wheelchair ipunas at sa bibig niya ito ginamit. higit na naging maasim ang kinakaing salad. ang napuwing na mga mata na pilit kong inilayo ng tingin. tumayo ako at pinunasan ang spaghetti sa upuan at la mesa. nilinis ang natirang mga spaghetti sa plato gamit ang kutsara’t tinidor. “ah..” parang batang nag-aabang na dumaan ang tren, parang batang nagbabalik sa pagkabata na naghihintay ng susunod na mangyayari. apat na magkakasunod na subo at naubos ang spaghetti.

tinuloy ko ang pagkain ng salad. tiyaka ko napansin ang labis na pagkaasim ng salad. sinubukan kong alalahanin kung nasobrahan ba ang paglagay ko ng vinaigrette (dressing). halos maluha ako nang isubo ko ang pomelo na naliligo ng dressing. masakit sa dibdib, naninikip, tila nanunuot sa bawat nguyang gawin ko.

pilit kong tinapos nang mabilis ang salad. halos kasabay ko lang matapos kumain si papa. ilang pirasong steak na lang at siguradong maya maya’y maiihi na siya.

iniisip ko kung dapat ba kong magreklamo at kay papa nangyari ito. hindi ko rin akalain na magkakasakit siya nang ganito, mula sa isang hari ng inuman at ng mga sasakyan, astig siya. astig ang tatay ko. hindi man siya makikitaan ng kahit anong senyales ng pagiging ama, astig ang tatay ko noon.

isinubo ko ang huling pomelo. napapikit ako. mabilis kong tinanong si papa, “naiihi ka? tawagin ko si rj.” nang tumango siya, nakatayo na ko. isinalok ang mga namuong luha at tinawag si rj. “kuya, pakisamahan si papa. iihi lang siya.”

hindi nga yata talaga nagtatagal ang mga bagay na masasarap. naunang nawala ang sasakyang kinahuhumalingan. kasabay nito ang pagkawala ng mga babae’t kaibigan. at ngayon, ang mga maliliit na bagay na kaya niyang gawin noon.

“kuha ka ng asukal.” sabi niya sa’kin habang nakaturo sa isang tumpok ng asukal at creamer. “bakit?” tanong ko. “para sa kape ko sa bahay.” hindi na kasi kami madalas bumili ng kape simula nang ma-stroke siya nitong huli. nabawasan ang pinamimiling baboy at dumami ang mga gulay at isda. at marami pang iba na biglang nagbago mula noon. “bawal ka kaya...” mahinang sagot ko.

pero kinuha ko pa rin siya ng apat na sachet ng brown sugar.

“tara na? uwi na?” tanong ko. pumilosopong sagot siya, “siyempre!” sabay tawa. at muli, natahimik kami. nilabas siya ni rj at sumunod ako. pauwi sa bahay, napansin kong bukas-sara siyang bintana. paulit-ulit na pinipindot ang kontrol ng bintana.

nagtinginan kami ni rj. halos tatlong linggo na rin kasi siyang hindi nakasakay sa sasakyan niya.